1 Kabanata I

Attention, they say, can change anyone. Gano'n naman ang lahat, nagbabago matapos hindi mabigyan ng atensiyon na kailangan.

Napatingin ako ngayon sa babaeng nasa gitna ng school grounds, habang sumisigaw sa lalaking kaharap lamang nito. Papansin. Well, people are like that, even me. Pero siyempre, may iba't ibang level.

"G-gusto kita, Kyle!"

Hindi na kataka-taka ang pagsinghap ng mga tao dahil sa gulat. Sino ba namang babae ang gustong mag-confess publicly? Nakakahiya 'yon, lalo na kung hindi ka naman gusto ng taong nagugustuhan mo.

Hindi naman sa lahat ng oras ay papanig sa iyo ang s'werte. Ang mga bagay na kailangang kimkimin ay dapat inilulugar.

Pero, hindi na kataka-taka na may umamin kay Kyle ngayon. Balitang-balita kasi na may nililigawan siya. Iyan tuloy, sumusugod na ang mga dalagang nagbabasakaling p'wede pa.

Agad siyang tinalikuran ng binata at dumiretso sa aking puwesto. Naibaba ko ang libro na aking binabasa kanina bago tumitig sa kanya.

"Tara na." Agad akong tumango. Lumingon ako sa dalagang kaharap lamang niya kanina, masama siyang nakatingin sa akin, at tahimik na umiiyak. Napakibit-balikat na lamang ako't nagpatuloy sa paglalakad.

"Hindi mo 'yon type?" tanong ko. Naghintay pa ako ng ilang minuto bago siya sumagot. Inuna pa kasi niyang ubusin ang softdrinks na kanina niya pa hawak.

"She's not even my type," simpleng sagot niya. "Ikaw Leigh, ano ba type mo?" Halos maninindig ang balahibo ko sa tanong niya.

"Sa babae o lalaki?" balik kong tanong. I heard him scoff at mukhang nakalimutan ang bagay na iyon.

"Bi," asar niya na ikinasama ko ng tingin. Agad kong hinampas nang malakas ang tiyan niya. Paulit-ulit siyang naubo at tumawa pagkatapos.

"Basta yung kaya akong haranahin," sagot ko. Napansin ko ang kaniyang pagkatulala, parang may iniisip. Agad akong napatawa.

"Huwag mong balakin." Napaikot naman ang mga mata niya dahil doon.

"Hindi kita type," sagot niya sabay inilabas ang dila na animo'y bata. Napatawa ako bigla.

"Ipinapatanong kasi ni Jeff," mahina niyang saad. Agad akong napatingala sa kan'ya pero napapikit na lamang ako dahil sa sikat ng araw. Malapit na nga palang matapos ang school year. Agad akong napaisip kung saan ako mananatili sa bakasyon nang maramdaman ko ang init ng panahon.

"Huwag mo na lang sabihin." Nanliit ang aking mga mata, pilit siyang tinitingnan.

Masyadong maliwanag at nakakasilaw. Napatitig ako sa kanya at mabagal na isinaulo ang bawat detalye ng kaniyang mukha. Ang natural na itim niyang buhok na sumasabay sa ihip ng hangin, makapal na kilay na nagsasalubong tuwing galit siya, mapipilantik na pilik-mata na mas lalong nahahalata t'wing pumipikit, ang kulay abo niyang mga mata, matangos na ilong, at may kaputlaang mga labi.

"Baka mahulog ka," asar niya. Napaikot ang mga mata ko gaya ng ginawa niya kanina.

"Hindi kita type," paggaya ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin nang malawak. Agad din akong napangiti–

at nagising.

Napatulala ako sa kisame ng kuwarto ko. Panaginip na naman. Napahilamos ako ng mukha dahil doon.

Pang-ilang beses na ito?!

Agad akong napaupo mula sa pagkakahiga nang marinig ko ang katok ni Mama sa pintuan ng kwarto ko. "Hindi ka pa ba babangon?" malambing niyang tanong pero sigurado akong dala-dala na naman niya 'yong siyansi niya.

"Ito na po."

Wala akong nagawa kun'di titigan ang umagahang inihanda ni Mama para sa akin. "Natutulala ka na naman." Napanguso naman ako dahil agad niya itong napansin.

"Panaginip na naman ba?" tanong niya sa akin na aking ikinatango. It's been a year since those dreams started. Hindi ko alam kung bakit nananaginip ako ng gano'n. Magkakasunod, minsan ay hindi, pero konektado. Alam ko sa sarili kong hindi ko iyon pantasya, natatandaan ko ang mga mukha nila at pangalan. But, I don't remember having those kind of memories in my past 19 years of life. Kaya nababagabag ako.

"Huwag mo na lamang isipin iyon, Alex." Napangiti ako sa sinabi ni Mama.

MAINIT ANG PANAHON at tumatagaktak ang pawis ko habang patuloy na nagbubuhat ng mga kahong may lamang mga gamit. Malimit lamang ang may lumipat sa lugar namin, kaya tumutulong kami sa pag-aayos nito. Though, alam kong hindi gaanong kagandahan ang nayon namin. Tahimik naman dito at walang gulo. Hindi kapani-paniwala pero, wala sa lugar namin ang nagla-lock ng pinto, gano'n kapayapa!

Napalingon ako kay Dennis noong ibinaba niya sa tabi ko ang kahong dala niya. Tumitig lang siya sa akin ng isang minuto at saka umalis. Napakibit-balikat na lamang ako sa batang iyon. Agad kong kinuha ang maliit na tuwalya sa aking balikat at ipinunas sa leeg at mukha ko. "Hoo! Ang init!"

"Salamat sa pagtulong." Ngumiti ako sa lalaking bagong lipat at saka nagpatuloy sa pag-aayos.

"Dito ba 'to?" tanong ko, agad siyang tumango. Inilapag ko ang libro na inihanay ko kanina at inilagay sa shelve sa tabi ng pader.

"Ashton nga pala." Napalingon ako sa puwesto niya kanina, pero nahagip siya ng mga mata ko sa tabi ng bintana. Nakatitig siya sa dagat na tanaw na tanaw roon.

Maliwanag ito. Hindi ko masyadong makita ang kalahati ng mukha niya dahil sa sinag ng araw.

"Alexander," sagot ko. Nagulat na lamang ako nang tumakbo siya papunta sa pwesto ko at hinawakan ang aking balikat. Hinahangos siyang nakatitig sa akin, gulat na gulat. Tiningnan niya ako mula sa kaliwa, maging sa kanan, at inikutan.

"Babae ka 'di ba?!" Malakas niyang sigaw. Nanliit ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.

Ilang taon na ako rito sa nayon. Isinama ako ni Mama no'ng napagdesisyunan niyang bumalik sa probinsya matapos nilang maghiwalay ni Papa. Sa tagal kong nandito sa nayon, ngayon pa lamang may nag-akalang babae ako. Hindi ba halatang lalaki ako?

Lumuwag ang pagkakahawak niya sa balikat ko at napabuntong-hininga na lamang. "Sorry, nagulat lang." Tumango na lamang ako. Umiwas siya ng tingin sa akin at nagsalansan na rin ng gamit niya.

"So, Homo ka?" tanong niya sa akin pero hindi pa rin ako sumagot. Ayokong magkaroon ng issue. Inayos ko ang pagkakatali ng buhok ko dahil sa init.

"Lalaki ako, tapos ang usapan," sagot ko. "Gusto mong magpahinga? Mahangin sa bakuran." Pag-iiba ko ng usapan. Tumango siya sa akin at ibinaba ang maliit na kahon sa tabi ng shelve.

Malakas ang hangin sa likod ng bahay, malamang ay dahil sa dalawang puno ng mangga na namumutakti ng mga bunga ngayon. Huminga ako nang malalim bago naupo sa mahabang upuan na kahoy na nasa lilim ng mga puno. Napapikit ako dahil sa hangin. Para akong niyayakap, hindi ko alam pero pamilyar para sa akin ang pakiramdam.

/"Leigh, ayos ba?"/

Agad kong naimulat ang aking mga mata. "Ayos ka lang?" napansin ko sa tabi ko si Ashton, tumango ako at ngumiti. Ano iyon? Isinuporta ko ang dal'wa kong kamay sa upuan at yumuko. Ilang taon na ba ako sa probinsiya? Apat? Tatlo? Hindi ko na maaalala.

"Bakit ka lumipat dito? Malayo ito sa kabihasnan," tanong ko. Umihip nang malakas ang hangin at pinaalon nito ang nakapusod kong buhok. Kita ang dagat sa kaliwa at mga burol naman sa kanan. Papalubog na ang araw at ngayon ko lang napagtanto kung gaano kaganda ang pwesto ng bahay na ito.

"You don't need to know." Napangiti ako sa isinagot niya. Hindi na ako nagtaka. He's like someone… who wants to escape.

Sabi nang mga taga-nayon, kilala ang ama ni Ashton sa lugar dahil madalas itong magawi noon. Pero, hindi talaga sila taga-rito. His father just visits this town dahil sa isang kaibigan. Madali namang malaman ang mga detalye dahil lumilipad ang balita, lalo na rito sa baryo namin. Pero, it doesn't mean we can interfere his personal life.

Kahit may alam kami, kailangang kimkimin dahil may pagkakalugaran ito. Napatingin ako agad sa kanya nang may maaalala.

"Marunong ka bang magluto?"

"BUTI NA LAMANG at nagtanong ang anak ko sayo, hijo." Napaikot na lamang ang mga mata ko habang nakatalikod sa kanila, mahirap mahuli. Narinig ko ang pagtawa ni Ashton, napatigil ako sa pagsubo ng titsirya na kinakain ko habang nagbabasa ng libro.

"Nakakahiya po."

Napahiga ako sa sahig habang ngumangata. Halatang mahiyaing tao si Ashton, pakikitungo pa lang niya. Itinakip ko sa mga mata ko ang libro na aking binabasa kanina. Pero napatayo rin ako sa sahig ng may tumamang kung ano sa aking tiyan.

"Ma!" sigaw ko sa sakit.

"Tumayo ka riyan at sumabay ka sa amin. Mabubusog ka na naman sa titsirya!" napanguso na lamang ako bago pinulot ang siyansi na ibinato sa akin ni Mama. Muntik na akong mapaluha. Ito ang deadly weapon na gusto ko mang itago para hindi lumipad papunta sa akin kaso wala ng ibang siyansi sa kusina.

Napatakip ako ng bibig matapod mapahikab bago umupo sa tabi ni Mama. Nagsimula na akong kumain.

"Sige po, maraming salamat sa hapunan." Mula sa liwanag ng poste, ilang metro ang layo sa bahay, nakita ko ang pamumula ng mukha ni Ashton dahil sa hiya. Nasa hamba ako ng pintuan at katabi si Mama.

"Wala iyon, kung gusto mo ay hahatiran ka pa namin ng pagkain," suhestiyon ng katabi ko. Napaangat ang aking tingin sa kanya sa pagtataka, agad rin akong napayuko.

"Ma," pagtawag ko. Tumaas ang kilay niya matapos lumingon. "Ihahatid ko na siya. Baka maligaw." Napatawa si Mama dahil doon. Maging si Ashton na aminadong hindi pa saulo ang lugar. May pagkaliblib ang baryo namin at pwede siyang maligaw kung hindi niya pa ito saulo.

"Bahala ka," napangiti ako dahil doon. Lumingon ako kay Ashton na wari'y nagtataka kung bakit ihahatid ko siya.

"Alexander?" Napalingon ako sa kanya. Tumango ako. Nakita ko ang pag-aalangan sa kanya dahil sa pangalang nabanggit.

"Alex na lang," suhestiyon ko. Ilang minuto na rin kaming naglalakad pero namumutawi ang kuliglig ng mga insekto sa paligid. Napakamot ako sa aking ilong dahil doon. Inilagay ko ko ang aking kamay sa bulsa ng pambaba ko. Isang liko na lamang sa kaliwa ay nando'n na kami. Ang tahimik. Walang sumubok magsalita sa aming dal'wa para pawiin ang katahimikan.

Napatingin ako sa langit at napangiti. Tumigil ako sa paglalakad, maging siya. Ngumiti ako sa kanya at, "May gusto akong puntahan. Siguradong magugustuhan mo," saad ko.

MAHIGPIT KONG HAWAK ang kamay niya habang umaakyat kami sa burol. Naaalala ko pa no'ng huli akong pumunta rito. Huminga ako nang malalim habang patuloy na naglakad.

"Where are we going?" tanong niya. Napatawa ako sa tanong niya.

"Tama na ang english. Mamaya na kapag nakarating na tayo," lumingon ako sa kanya at nakita ko ang pag-aalangan sa mga mata niya.

"Magan… da ro'n." Napapikit ako matapos maramdaman ang pagpintig ng aking ulo.

"Pwedeng sa susunod na lang?" suhestiyon niya. Pinilit kong imulat ang mga mata para hindi niya mapansin ang ginagawa ko

"Heh! Nandito na tayo," sagot ko habang iniinda ang sakit. Tumigil ako sa paglalakad at saka tumingala. Matagal na no'ng huling punta ko rito, muli kong naaalala matapos makita ang langit kani-kanina lamang. Mabuti na lamang at walang ulap ngayong gabi.

Lumingon ako kay Ashton na ngayon ay nakatingala na. Napatitig ako sa mga mata niya, kung saan nakikita ko ang repleks'yon ng mga bituin.

"Ang ganda."

Napatakip ako ng aking bibig dahil doon. Muli akong napalingon sa kanya at nakatingin na siya sa akin. "Ang ganda nga rito." Bulong niya.

avataravatar