1 Bola 1

KINBEN

Ni Taong Sorbetes

Genre: Sports Fiction, Romance

*****

CHAPTER 1

SA TUWING papasok siya sa school, madalas na niyang makitang kahit umaga pa lang ay may mga naglalaro na kaagad ng basketball sa court na malapit lang sa kanilang bahay. Tumatagos tuloy sa pandinig niya ang tunog ng bawat pagtalbog ng bola mula roon. Ganoon nga rin ang bawat paglagapak ng tsinelas at sapatos ng mga naglalaro sa sementadong sahig nito. Sinasamahan din ito ng malalakas na hiyawan at kantyawan ng mga naroong nakikinood dito. Makikitang walang pakialam ang mga naglalaro rito kung sila ay pagpawisan o masaktan. Habang nasa loob ng court ang mga ito, isang bagay ang malinaw niyang nakikita-- ang saya sa paglalaro nila ng sports na ito.

Ang totoo'y, wala talaga siyang pakialam sa larong ito.

Ni minsan ay hindi niya naisip na makakapaglaro siya sapagkat noon pa man, hindi na niya talaga hilig ang mapasali sa kahit anong nakakapagod na sports. Halimbawa na nga lang ay ang basketball! Ngunit nagbago ito magmula nang sinimulan na niyang gumawa ng paraan upang makilala siya ni Mika Mendoza.

Sino ba naman ang hindi makakakilala sa dalagang ito? Siya ay ang estudyanteng halos crush ng lahat. Mapa-lalaki man o ng ibang mga babae. Kasalukuyan itong nag-aaral sa bagong tertiary school sa Calapan City, ang Calapan Institute of Science and Arts. Kursong HRM ang kinukuha nito at siya ang leader ng cheering team ng varsity team dito. Katulad niya, nasa ikalawang taon na rin ito sa pag-aaral sa eskwelahang ito.

"Ricky!"

Napapitlag na lang siya habang nakatanaw sa labas. Kasalukuyan ngang dumaraan si Mika sa labas ng kanilang classroom nang mga sandaling iyon habang nasa loob naman siya habang nakaupo sa tabi ng bintana rito.

"Ano? Hanggang tanaw ka na lang ba? Nasaan na ang galing ng pinakamataas lagi sa exam na Educ student?" Pang-aalaska ng isa sa mga kaklase't kaibigan ni Ricky.

Napaismid na lamang si Ricky at mabilis na ipinasok sa loob ng bag ang notebook na nasa kanyang desk.

"Asa pang mapansin ako ni Mika," sabi na lamang niya at pagkatapos ay tumayo na ito. Isinukbit niya sa balikat ang itim na bag at tinapik pa sa balikat ang kaklaseng nagsalita.

"Study first tayo p're. Tsaka na ang mga gan'yan," dagdag pa ni Ricky na agad namang tinawanan ng tatlong kasama niyang malapit sa kanya.

"Gan'yan ka naman palagi. Never kang nag-try. Alam naman namin na since high school ay may gusto ka na sa kanya-- Pero ano?"

"Nganga p're! Dapat nga ay sa Calapan University ka mag-aaral pero mas pinili mo itong school na ito," dagdag ng isa pa niyang kasama.

"Para makita si Mika," mahinang sabi ng isa sa tatlo niyang kasama.

Napangiti na lamang si Ricky nang matapos ang sinasabi ng mga ito. Kilalang-kilala talaga siya nina Andrei, Mike at Roland. Lahat ng sinabi ng mga ito ay totoo. Magmula highschool ay may lihim na siyang pagtingin kay Mika. Kahit na wala silang malalim na ugnayan at pagkakakilala sa isa't isa ay alam niya na may gusto siya sa dalaga. Nakatanggap pa nga siya ng Full Scholarship mula sa City Government. Dapat din ay Engineering ang course niya sa pinakamalaking college school sa lungsod, pero dahil sa CISA nag-enroll si Mika ay dito na rin siya pumasok at wala rito ang course na kukunin niya sana-- kaya napunta siya sa Education course.

Sa kabila rin noon, ni minsan ay hindi niya  talaga sinubukang makipagkilala ng personal sa dalaga.

Lumabas na nga ng classroom ang apat habang si Ricky, tinanaw na lang ang dumaang si Mika. Napangiti na lang siya nang bahagya. Parang naaamoy pa niya ang halimuyak ng pabango ng dalaga. Nagpaalam na nga siya sa tatlo, dahil pupunta siya ng library para magbasa. Muli nga niyang tiningnan ang malayo nang si Mika at lumakad na palayo mula rito.

"Imposibleng mapansin niya ang tulad ko." Kinuha ni Ricky ang cellphone sa kanyang bulsa at pinagmasdan ang mukha sa screen nito.

"Imposible." Kasunod ng buntong-hininga ay naglakad na siya papunta ng library upang doon ubusin ang oras ng kanyang breaktime.

Mapapadaan si Ricky sa covered court ng school bago niya marating ang library. Eksakto ngang may mga naglalaro ng basketball doon. Mayroon ding mga estudyante na nanonood sa gilid niyon. Hindi niya maintindihan pero naisipan niya bigla na sumilip sa mga naglalaro rito.

"Malapit na ang College Basketball League! Kaya kailangan nating mag-practice!" Malakas na sabi ng isang matangkad na lalaking nakasuot ng pulang jersey ng school. Nakita ni Ricky na may sampung naglalaro sa loob at alam niyang mga members iyon ng school varsity.

Tumatagos na naman sa pandinig niya ang tunog ng tumatalbog ng bola. Kasabay din noon ang tunog ng mga sapatos na lumalagapak sa sementadong court. Maya-maya pa'y tumira ng isang jumpshot ang isang player.

Tila isang musika sa pandinig niya ang paghalit ng bola sa net nang ito'y pumasok. Kasabay niyon ay ang pagtili ng ilang babaeng estudyante sa tabi niya.

"Ang pogi ni Romero!"

"Hi! Crushhh!"

Napailing na lang sa isip si Ricky nang marinig iyon.

"Sana ay makakuha sila ng panalo kahit isa man lang sa CBL. Magaling si Romero pero simula nang sumali ang school sa CBL ay ni minsan ay hindi pa sila nananalo."

"Oo nga, sayang ang talent ni Romero. Kung ako sa kanya, sa ibang school na lang ako pumasok."

Narinig ni Ricky ang mga iyon. Hindi iyon lumampas sa kabila niyang tainga. Napatingin nga siya sa player na si Romero na number 23 ang jersey sa likod. Doon ay napaisip siya, bakit nga ba sa CISA? Ang mga magagaling kasing players ay halos nasa mga sikat na school sa Calapan. Masasayang nga lang ang talento nito rito sa CISA.

Ilang saglit pa ay napagdesisyunan na rin ni Ricky na umalis ngunit bago iyon ay may isang matigas na bagay ang tumama sa kanyang mukha. Nagdilim nang bahagya ang kanyang paningin at hindi naiwasang mapaupo sa semento dahil sa impact noon.

Narinig na lamang niyang may tumalbog na bola sa kanyang harapan. Nakatingin na nga kaagad sa kanya ang lahat dahil tinamaan siya sa mukha ng bola.

Ilang pikit-mata muna ang kanyang ginawa at pagkatapos ay inaninag niya ang paligid. Patayo na sana siya nang may dalawang lalaki na umalalay sa kanya.

"P're, okay ka lang ba? Dadalhin ka namin sa clinic?" Wika ng isang naka-jersey.

Ngumiti si Ricky at sinabing ayos lang siya.

"Mahina lang naman ang tama," pagsisinungaling ni Ricky. Kahit ang totoo'y gusto na niyang umalis dahil nahihiya siya sa mga nakatingin sa kanya. Napayuko na nga lamang siya habang naglalakad palayo. Inisip na lamang niya na walang nakakita.

"Ang malas." sabi niya sa sarili hanggang sa bago nga siya makalayo mula sa covered court ay isang boses ang hindi niya inaasahang marinig.

"Gustong-gusto ko talagang manood ng basketball... dati pa."

"Okay nga kung isang varsity player ang magiging boyfriend ko kasi, pareho kami ng gustong sports."

Kilala niya ang boses na iyon. Hindi siya maaaring magkamali. Tila bumagal ang oras nang sandaling iyon at nilingon niya nga ang pinanggagalingan ng mga salitang iyon. Hindi nga siya nagkamali.

"Mika..."

Iyon nga ang naging dahilan upang mabilisan siyang mag-desisyon para sa kanyang sarili. Sasali siya sa basketball team ng school kahit hindi siya naglalaro nito.

avataravatar
Next chapter