5 Ikaapat na Parte.

Kathang Isip — Ikaapat na Parte.

Solomon.

"Sol!" sigaw ni Luna.

Humarap naman ako sa kaniya, "Bakit Luna?"

"Excited na ako mamaya, hihiling talaga ako nang maraming beses!" halata sa boses niya ang pagka-excite.

Nasa kuwarto ko kami ngayon at naghahanap ako ng pwede naming paghigaan mamaya. Ayon kasi kay Nurse Rosa, may meteor shower mamaya.

Agad ko naman itong sinabi kay Luna at katulad ko, natuwa din siya.

"Tara na?" tanong ko kay Luna habang hawak-hawak ang isang comforter.

Nginitian niya ako, "Lets go!"

Habang naglalakad kami ni Luna ay nakasalubong namin si Nurse Rosa.

"Sol," pagbati niya sa akin. "Saan ka naman pupunta? Gabi na ah."

"Manonood po kami ng meteor shower."

"Kami?" kumunot ang noo niya. "May kasama ka?"

"Opo," tipid kong sagot.

Mula sa nakakunot na mukha ay nginitian niya ako, "Oh sige, mag-enjoy kayo."

"Luna," pagtawag ko kay Luna na agad namang napatingin sa akin.

Kasalukuyan kaming nasa rooftop ni Luna. Gabi na at naghihintay kami para sa meteor shower. Alas-dyis hanggang ala-singko daw ng umaga ang nasabing meteor shower.

May kinuha ako sa bulsa ko na isang papel — isang papel na naglalaman ng tula na ginawa ko para kay Luna.

"May tula akong ginawa para sa'yo," napayuko ako at napakamot sa batok ko. "Alam kong old-fashioned pero sana magustuhan mo pa din."

"Mahilig ako sa mga prosa't tula, Solomon." aniya at iniharap ang mukha niya sa mukha ko. "Kaya 'wag ka nang mahiya. Bigkasin mo na 'yang tula mo na may tamang sukat at tugma."

Huminga muna ako nang malalim bago magsalita.

"Una pa lamang kita nakita,

Bakit puso'y labis na natuwa?

Kutis mong tulad ng porselana,

Tila atraksyon sa aking mata.

'Pag ika'y nagsimula ngumiti,

Puso ko'y parang kinikiliti.

Mga matang asul sadyang kay ganda,

Na kay sarap na titigan talaga.

Ang pag-ibig kong dalisay,

Sa iyo ko lamang ibibigay.

Ika'y araw-araw mamahalin,

Sapagkat ang puso mo'y akin."

Pagkatapos kong bigkasin ang tula ay yumuko ako. Pakiramdam ko'y hindi niya nagustuhan ito.

Naramdaman ko na lamang ang pagyakap sa akin. "Maraming salamat, Sol!"

"Walang anuman, aking Binibini." sagot ko. "Ikaw lamang ang magsisilbing paksa sa aking mga tula."

Maya-maya pa ay namayani ang katahimikan. Tila hangin lamang ang maririnig at kabog ng aking dibdib.

"Sol, may tanong ako." pagbasag ni Luna sa katahimikan.

Napatingin ako kay Luna, "Ano 'yon?"

"Paano—"

Naputol ang sasabihin niya nang magsalita ako, "May meteorite oh!" sambit ko at itinuro ito kay Luna, dahilan para mapatingin siya kalangitan.

"Mag-wish tayo!"

Ipinikit ko ang mga mata ko at tsaka humiling.

Tumingin sa akin si Luna, "Anong wish mo?"

Hinawakan ko ang mga kamay niya bago ko sagutin ang tanong niya.

"Sana matagal pa kitang makasama." saad ko at binigyan siya ng isang ngiti.

Hindi naman siya sumagot, bagkus ay natahimik siya.

"Natahimik ka ata?"

Nag-aalinlangan siyang sumagot sa akin. "P-paano kung—"

"Paano kung ano?" tanong ko habang pinaglalaruan ang kamay niya.

"P-paano kung n-nasa isipan m-mo lang ako?"

Kumunot ang noo ko, "Ano bang pinagsasabi mo Luna? Haha."

May tumulong butil ng luha mula sa mga mata niya na agad niyang pinunasan.

"Huwag mo nang intindihin 'yon haha."

Nagkibit-balikat na lamang ako at hinawakan nang mahigpit ang mga kamay niya.

"Lunameire," napatingin siya sa akin. "Ipangako mo sa akin na walang iwanan."

Nginitian niya ako pero kita ko sa mga mata niya ang lungkot. "Walang iwanan, pero lahat may hangganan."

Hindi ko na narinig pa ang huling mga kataga niyang sinabi dahil sa kaantukan.

Ipinikit ko na lamang ang mga mata ko.

avataravatar
Next chapter