1 Kasal

Nakatayo ako ngayon sa pintuan ng simbahan. Pinagmamasdan ko ang mga pamilyar at di pamilyar na mukha ng mga tao na nagtitipon para sa isang masayang okasyon. Nakaukit ang ngiti sa kanilang mga labi habang naghihintay sa mga susunod na mangyayari. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti.

Finally, dumating na rin ang araw na pinakahihintay ko. Ito 'yong araw na ako ang pinakamaganda dahil suot ko ang pinakamagarang trahe de boda. Dahan-dahan akong maglalakad sa aisle habang naghihintay sa altar ang pinakagwapong lalaki sa buhay ko.

Ilang beses akong kumurap dahil baka nananaginip lang ako subalit hindi naglaho ang imahe ng lalaking pinakamamahal ko habang nakatayo siya at naghihintay sa harap ng altar. Abot teynga ang kanyang ngiti. Kumikislap ang kanyang mga mata. Ramdam na ramdam ko ang init ng kanyang pagmamahal sa simpleng reaksyon na iyon. Bigla ko tuloy naalala kung paano kami nagsimula…

"Anong ginagawa mo dito?" iritadong tanong ng lalaki. "Alam mo naman sigurong bawal tumambay sa library kapag may program sa school, di ba?"

"Hindi ba obvious?" sagot ko subalit hindi ako nag-angat ng tingin. Nakatuon pa rin ang pansin ko sa binabasang libro. Hindi na ako nag-abalang alamin kung sino ang walang pakundangang gumulo sa tahimik kong mundo. For sure, isa lang 'yon sa mga school officers. Foundation week kasi namin at sa pagkakaalam ko nag-uumpisa na ang ceremony pero nakatambay lang ako sa libraray. Kakilala ko kasi ang isang bantay sa library kaya pinapasok ako doon. "Ano namang mapapala ko sa program na 'yon?"

"What the-" Napilitan akong tingnan ang walang modong lalaki na nagpinid ng libro. Subalit hindi ko natapos ang sasabihin ko nang magtama ang aming paningin. Malapad na ngiti ang sumilay sa kanyang labi na nakapagpabilis sa tibok ng aking puso at nakapagpanginig sa aking mga tuhod. 

"You are under arrest."

"What?" Natauhan lang ako nang maramdaman ko ang malamig na bakal na dumantay sa aking balat. Naalarma ako nang mapagtanto kong nakaposas na pala ang kanan kong kamay. "Anong nangyayari? Bakit nakaposas ang kamay ko? Masama bang magbasa ng libro habang nagpapakasaya kayo sa labas?" Gigil kong tanong sa lalaki.

Ang lalaking tinutukoy ko ay walang iba kundi si Brylle, ang super-hot na criminology student. Halos lahat yata ng mga babae ay nagkandarapa na mapansin ng lalaki pero hindi ako kasali sa mga 'yon. Allergic kasi ako sa pogi at mayaman.

"Hindi lang naman ikaw ang nakaposas." Nakangiti niyang sagot kahit tinatarayan ko siya. "Nakaposas din ako sayo."

True enough, ngayon ko lang napansin na parehong nakaposas ang kamay namin. Magka-share kasi kami sa isang posas. "An-anong i-ibig sabihin ni-nito?" Nakandautal-utal kong tanong. Although may idea na ako kung para saan 'yon. May marriage booth kasi at tiyak na dun niya ako dadalhin. Ang hindi ko lang ma-gets ay kung bakit pati siya ay nakaposas.

"Huwag ka nang magtanong. Malalaman mo din mamaya."

Sinunod ko ang sinabi niya hanggang sa makarating kami sa marriage booth. Hindi nga ako nagkamali ng hinala. "Sinong tanga ang magbabayad para makasal sa akin?" Hindi ko mapigilang tanong. Ang alam ko kasi may bayad 'yon. At isa pa, wala naman akong aking ganda para may magkagusto sa akin at iharap ako sa pekeng altar.

"Ako." Proud na sagot ni Brylle. Hindi pa rin naaalis ang ngiti sa labi nito.

"Ano?"

"Gusto kitang pakasalan. Kahit saang simbahan mo pa gustong ikasal basta ako ang groom mo."

"Pinaglololoko mo ba ako?"

"Bakit naman kita lolokohin?" Seryosong tanong ni Brylle. "Aaminin kong hindi ito 'yong pinakamagandang diskarte para sabahin ko sayo na gusto kita pero wala na akong ibang alam na paraan. Masyado ka kasing mailap. Ilang beses na akong nagtangkang magpapansin sayo pero lagi akong bigo. Ikaw na yata ang pinakamanhid na babae na nakilala ko. Ikaw lang ang hindi tinatablan ng charm ko."

"Gutom lang 'yan."

"Kita mo na? Hindi pa ako nanliligaw sayo pero binabara mo na ako." Lumungkot ang anyo ng mukha ni Brylle subalit puno ng determinasyon ang mga mata nito. Lumuhod pa ito sa harapan niya.

"Hoy! Tumayo ka diyan. Nakakahiya 'yong ginagawa mo."

"Hindi ako tatayo dito hangga't di ka pumapayag na ligawan kita."

Napakamot ako sa ulo. "Diyos ko! Ano bang pinagsasabi mo? Hindi naman tayo magkakilala kaya bakit mo ako liligawan? Hindi naman ako maganda. Hindi ako mayaman. Anong nagustuhan mo sa akin? Saka ang daming babae na nagkakagusto sayo kaya hindi ako naniniwala sa sinasabi mo."

"Leina, ikaw ang pinakamagandang babae na nakilala ko. Wala akong pakialam kung mayaman ka o hindi. Hindi ko alam kung anong nagustuhan ko sayo pero isang araw nagising na lang ako na mahal na pala kita. Wala akong pakialam sa ibang babae na nagkakagusto sa akin dahil ikaw lang ang para sa akin. At naiinis ako dahil hindi mo matandaan na naging classmate kita sa Humanities at dalawang beses tayong naging magka-grupo sa activities."

Alam ko 'yon. Pilit ko lang talaga siyang iniiwasan dahil sa kaibuturan ng puso ko, alam ko na may munti siyang puwang doon. Natatakot lang akong lumawak ang munting puwang na 'yon dahil malaki ang posibilidad na masaktan lang ako kapag nagpatuloy ang nararamdamaan ko.

"Tumayo ka na diyan."

"Sinabi ko na sayo, hindi ako tatayo hangga't-"

"Oo na." Napipilitang sabi ko pero ang totoo ay para akong nabunutan ng tinik dahil sa wakas ay hindi ko na kailangang itago ang nararamdaman ko para kay Brylle. Susugal na ako. "Huwag ka nang gumawa ng eksena at baka pagpiyestahan pa tayo ng mga tao."

"Payag ka na ligawan kita?"

Marahan akong tumango. 

"Yes!" tuwang-tuwang sigaw nito.

"Papakasalan pa nga kita." Biro ko.

Abot teynga ang ngiti ng loko. "Wala nang bawian, ha?"

"Wala na." Nakangiti kong tugon.

Naghiyawan ang mga tao na saksi sa pagliligawan namin ni Brylle. Mga classmate ko at classmate niya ang naroon. Hindi ko alam at kung kailan sila nakapasok doon basta bigla ko na lang napagtanto na marami na doong tao.

Nangilid ang luha sa sulok ng mga mata ko habang binabalikan ko ang kahapon. Hindi ko lubos akalain na darating ang araw na 'to at sa paborito kong simbahan magaganap ang kasal. Ang paborito naming love song ang pumapailanglang sa ere. Ang paborito kong bulalak ang decoration sa simbahan. Ang paborito kong kulay ang motif.

Ang saya! Ang saya-saya!

At bago tuluyang pumatak ang luha ko ay nagtama ang paningin namin ni Brylle. Rumihistro ang pagkagulat sa kanyang mga mata. Isang mapait na ngiti naman ang ibinigay ko sa kanya kasabay noon ang unti-unting pagbalong ng aking luha.

Pagkatapos naming grumaduate sa college ay nagkaroon ako ng magandang trabaho at pinadala sa ibang bansa. Ayoko mang iwan si Brylle pero ginawa ko pa rin para sa aming dalawa. Hindi kasi tanggap ng mga magulang niya ang relasyon namin dahil mahirap lang ang pamilya ko at disgrasyada ang ina ko. Wala akong kinalakihang ama dahil iniwan niya ang mama ko noong nasa sinapupunan pa lamang ako. Ayokong magkahiwalay kami ni Brylle kaya kahit masakit sa loob ko ay tinanggap ko ang trabaho sa abroad para may mapatunayan ako.

Subalit huli na ang lahat…

Hindi na ako hinintay ni Brylle…

May iba na siyang mahal…

Sa huling pagkakataon ay muli akong kumurap subalit nanatili ang imahe ni Brylle. Sana ako ang pinakamagandang babae na nakasuot ng trahe de boda sa araw na 'yon ngunit alam kong sa panaginap na lang 'yon magkakatotoo.

Hindi ko na hinintay na makarating ang bride sa altar. Tahimik kong nilisan ang simbahan. Sapat nang makita ko ang mahal ko na masaya kasama ang babaeng pinili niyang makasama habang buhay.

Featured in Stories in a Pocket

Pen Name Used: Carmie Lopez

FB Name: Carmie Lopez

W*ttp*d username: Carmie_Lopez

G00DN0VEL name: J.R. McKay

avataravatar