webnovel

1

Nakatitig sa kawalan. Pinagmamasdan ang mga ibong nagliliparan sa himpapawid. Pinakikinggan ang huni ng mga insektong nakasabit sa mga sanga ng puno. Kalmado ang mundo ko habang magisa akong nakaupo sa isang mahabang bangko sa parke na malapit sa tahanan ko. Madalang lang dumaan ang mga tao dito, kung may dadaan man ay madalas mga bata na nasa high school pa. Ang parke kasi na ito ay nasa pagitan ng malapit na school at sa kabilang dulo naman ay isang mall.

Nagsisimula nang mag kahel ang langit kaya't malapit narin magsidaan ang mga estudyante. Hindi ako isang baliw o istalker, pero pinipili kong palipasin ang hapon na pinapanood ang mga batang dumadaan naaalala ko kasi sa kanila ang kabataan ko. Mga mga harutan sa daan, halakhakang maririnig mo kahit sa malayo at sama-sama paglalakad sa isang lugar. Pinapaalala nito kung gaano kasaya ang buhay ng isang mag aaral.

Paano ko nasabi? Noon rin ay naranasan kong mag aral, naranasan kong sumama sa aking barkada pagala-gala sa mga lugar na nais naming puntahan. Naglalaro ng mga kompyuter sa tagong kompyuter shop na malapit sa paaralan, nag babasketball pagkatapos ng klase, lumalaban ng pustahan sa lugar na madadayuhan kahit na naka uniform lamang.

Ngunit sa pag lipas ng panahon ay unti-unti kaming naghiwahiwalay ng landas dahil sa sariling mga kadahilanan. Lumipas ang trenta minutos at may mga bata na akong nakikita mula sa kalayuan, naka suot ng kanilang mga uniporme at haharutan sa daan. Nagtutulakan, hatakan, ang isa ay binatukan ang kasama niya bago kumaripas ng takbo sa harapan ko. Ang mga babaeng laging nasa gitna ng mga lalaki, at ang mga lalaking nauuna sa paglakad at mukhang nagbibiro dahil nagtatawanan sila.

Mga bungisngis nilang ngiti ang siyang nagpapangiti din saakin, madalas ay kinakawayan nila ko dahil palagi akong nakaupo sa bangko na ito. Ngunit sa araw na ito ay mukhang kaunti lang mga dumaan sa parke kaya't mabilis din silang nawala. Dumidilim narin kaya't nagsimula na kong mag lakad pauwi, ang daan ay gawa sa simento at marming puno sa paligid kaya medyo mahangin. Pinapanood ko ang anino ko sa aking harapan na dahan-dahang lumalaki.

Makalipas ang limang minuto ay nakarating ako sa aking tahanan, agad na bumati sa akin ang aking apo na na apat na taong gulang. Agad akong hinalikan neto sa pisngi bago ako hinatak papasok sa loob ng bahay. Sa pagpasok ko sa pintuan ay agad na bumungad saking ang isang puting urn na babasagin, sa tabi neto ay isang picture na nakalagay sa bagong biling frame. Nakalagay dito ay isang imahe ng babaeng may katandaan na sa mukha. Huminto ako sa harap nito at ngumiti, ang apo ko naman ay tumingin din at yinuko ang ulo, bago ako hanatak ulit papunta sa aming sala.

Pinaupo niya ako agad sa malabot naming sofa bago pumunta sa drawer sa ilalim ng telebisyon namin, kumuha siya doon ng isang papel na lukot na. Medyo naninilaw narin ito sa kalumaan ngunit nababasa pa naman ang mga nakasaad dito. Ang paborito ng apo ko ay ang pagbasa ko sa kanya ng mga tulang isinulat ng kanyang yumaong lola. At katulad ng iba kitang kita agad sa bungad nito ang pangalan niya. Ngunit luha ang tumulo sa aking mga mata ng mahawakan ko ang lumang papel. Isa ito sa mga unang sulat ng niya, isang spoken poetry na unang kong narinig sa isang contest noong high school kami.

Agad niyang inalog ang kamay ko at umunan sa aking hita, walang atubili kong binuksan ko ang lukot na papel. At sinimulan kong basahin ang nakasaad;

KAIBIGAN

Kaibigan, tropa, barkada, sila yung masarap kasama na hindi mo namamalayan mahabang oras na ang lumipas sa kwentuhan wagas na tila isang palabas na walang katumbas.

Sila ang laging nagbibigay ng kulay at ligayang walang humpay, mga taong laging nandyan sa hirap at ginhawa na siyang dahilan ng lungkot at tuwa na kahit kailan ay hindi magsasawang pumawi ng luha sa ating mga mata at nagbibigay ng saya kapag tayo'y walang-wala.

Laging nariyan sa tuwing kailangan natin ang isa't-isa sa mga araw na tayo'y lunod sa problema na tila ba ubos na ang hininga at parang gusto nalang natin mawala dito sa mundong puro sakit lang ang dala.

Ngunit sa pagtakbo ng oras ay unti-unti tayong mawawala, may mga nasa ibang bansa na, may ibang huminto na dahil hindi na kinaya, meron ding ipinagpatuloy pa rin ang buhay kahit sobrang dami ng problema, may ibang may pamilya na habang ang iba ay nanatili na lang masaya kahit nag iisa.

Ang pinakaayaw ko sa pagkakaibigang ito ay ang pagpapaalam natin sa bawat isa. Sana magbalik natin ang mga panahon tayo'y lagi pang magkakasama. Mga panahong pinag iisipan pa natin ang mga pangarap natin ng sama-sama.

Ang Sarap balik-balikan ngunit hanggang dito nalang.

Pero maraming salamat parin sa mga panahong tayo'y magkakasama, sa mga alaalang ating nabuo na lagi kong maaalala saan man ako mapunta, sa mga pag gala natin na puro saya ang dala.

Maraming salamat sa inyong lahat.

Kaibigan, tropa, barkada o ano pa man ang itawag nila hiwahiwalay man sa akin alaala ay mananatili parin tayong sama-sama sa puso ng bawat isa.

Mga kaibigan gumagabay sa hirap ng buhay, mga tropang sasama sa lahat ng kalokohan mo sa buhay, mga barkadang kahit kailan ay hindi mo magugustuhan mawalay sa iyong buhay.

Sa pagbibigay ng sayang walang katumbas, sa lahat ng kalokohang dala, at sa pagkain ng sabay, sa mga pantitrip na hindi makakalimutan, sa mga yakap na kayang pumawi ng lungkot at sa mga asarang masaya. Sa pagsama sa tuwing tayo'y namomroblema.

Alaalang tayo'y naging tunay na magkakaibigan mula noon hanggang ngayon kahit magkalayo na tayo'y magkasama pa rin sa problema ng bawat isa.

Mga taong walang tigil ang suporta hanggang dulo ng ating mga hininga, alam kong nahihirapan ka pero wag mo na lang kakalimutan na nandito kami para tulungan ka.

Dahil hindi ka nag iisa tayo'y magkalayo man at minsan na na lang magkita pero kahit ganun ay nasa puso Tayo ng isa't isa.

Lumabas ang mga memoryang naranasan ko noong high school pa ako, mga panahong nagkakilala pa lamang kami ng aking naging asawa. Halo-halong saya at lungkot ang naramdaman ko habang hinahawi ang mahabang buhok ng apo ko. Sinandal ko ang ulo ko sa sandalan at tumingin sa taas, inaangat ko ang aking kamay tinatapat ang papel sa liwanag ng ilaw namin.

"Papa, kakain na tayo. Tama na pagmumuni-muni mo" Sumbat ng anak ko habang tumatawa.

Tumango ako at ginising ang apo ko, binuhat ko siya at inupo sa mataas niyang upuan katabi ng mama niya. Umupo naman ako sa kabilang dulo ng lamesa at tinignan silang pamilya na magkakasama, biglang umusbong ang huling ala-ala ko kasama ang aking mga kaibigan noon. Mga nagtatawanan sa harap ng hapagkainan, nag aasaran at kakagulo. Ang mga panahong hinding hindi ko makakalimutan.

~~~Fin~~~