4 Espada

Naging maayos ang tulog ko ng gabing iyon kahit na pinainit ng lalaking si Noah ang ulo ko kagabi. Ngayong umaga ay mabilis akong napabangon sa aking kama nang may kumatok sa pintuan ng aking silid.

Magulo pa ang aking buhok habang kinukusot-kusot ko pa ang aking mga mata. Nang buksan ko ang pinto bumungad sa akin si Noah, tinignan ko ito mula ulo hanggang paa at tila namangha ako sa pagiging malinis nito.

Tumikhim ang lalaki at yumuko at tumingin ulit sa akin. "Pinagigising ka ng mahal na reyna, pinapasabi niya na agad kang dumiretso sa silid aklatan,"

Tumango ako, "Susunod na ako." isinara ko na ang pinto at humigang muli sa aking kama. Ano naman kaya ang gustong pag-usapan ng reyna?

Tinatamad pa ako ng bumangon akong muli sa kama, dumiretso ako sa banyo upang maglinis ng katawan at pagkatapos ay nagsuot ng simpleng damit, wala namang espesyal na pagdiriwang ngayon at isa pa mangangabayo ako mamaya kasama ang aking kaibigan na si Catherine.

Tulad ng sinabi ni Noah ay agad akong dumiretso sa silid aklatan. Nadatnan ko ang reyna na nagbabasa ng makapal na libro, hindi ko makita ang pamagat non.

"Magandang umaga," bati ko sa kaniya sabay tungo.

Hindi ako nito nilingon nang magsalita siya. "Bakit ang tagal mong makarating?"

"Natutulog pa ako ng kumatok si Noah sa aking silid," sa pagkakataong iyon ay napatingin siya sa akin.

"Nabanggit sa akin ng iyong kapatid na si Elizabeth na inutusan mo raw siyang kunin ang loob ni Artes, bakit?"

"Natutukoy kong iyon din naman ang gusto niya,"

Tumayo ito sa kaniyang kinauupuan at pinaikutan ako. "May pinaplano ka bang gawin laban sa akin, anak?"

Nangilabot ang balahibo ko ng tawagin niya akong anak. "At ano naman sa tingin mo ang balak ko?"

"Batid kong hanggang ngayon ay nangungulila ka parin sa iyong ina pero kailangan mong tanggapin na ako na ang bagong reyna at pamumunuan ko ang Iscola sa ayaw at sa gusto mo,"

inirapan ko siya, "batid ko din na alam mong maraming tao ang tutol sa pagkakaupo mo bilang reyna, kung gayon bakit mo parin itinuloy at ipinagsiksikan ang iyong sarili sa palasyo at sa mga tao? May binabalak ka rin ba sa Iscola, Ina?" kita ko sa mukha niya ang pagkagulat ng binanggit ko ang salitang 'ina'. Matagal ko ng nalaman na may balak itong gawin sa palasyo at tila ngayon lang siya nagduda sa akin.

"Hangal ka talaga!" nanginginig na ito sa kaniyang kinatatayuan. Natawa ako sa kaniyang inaasal.

"Kahit pa hawak mo ang buong Iscola kung ang loob ng nakararaming tao ay ayaw sa'yo balewala rin ang pamumuno mo bilang reyna dahil wala sa kanila na sundin ang mga gusto mong mangyari." Huminga ako ng malalim, alam kong may gusto pa siyang sabihin pero dahil sa inis ay naglakad siya ng mabilis palabas ng silid aklatan.

Tinignan ko ang malaking orasan sa loob non malapit ng mag alas otso kaya agad na din akong lumabas at dumiretso sa aking silid upang magpalit ng damit. Isinuot ko ang kalimitan kong sinusuot sa tuwing mangangabayo, tinernohan ko rin ito ng bota.

Pagbukas ko ng pinto ay nandoon si Noah. Kailangan bang bantayan niya ako sa lahat ng oras?

"Ngayon ang nakatakdang oras upang turuan kita kung paano gumamit ng esapada," tinaasan ko siya kilay.

"May pupuntahan ako, mamaya na lang. Marami pa namang oras kaya sa tingin ko naman ay makapaghihintay ka." hindi ko na siya hinintay pang magsalita bagkus ay agad akong umalis sa harap niya.

Pumunta ako sa likod ng palasyo kung saan nandoon ang aking mga kabayo na binabantayan ng mga kawal.

"Nasan ang heneral?" tanong ko sa isang kawal.

"Maaga po siyang umalis mahal na reyna. Inutusan po siyang maglagi sa bundok ng erita ng iyong Ama," ano naman kaya ang gagawin ng heneral sa bundo na iyon.

Hinanda ko ang aking itim na kabayo na si Alpo at sinakyan iyon. Mabilis ko itong pinatakbo palabas ng palasyo, nakita ko pa si Noah na sinusundan ako ng tingin.

Pinadalhan ako ng sulat kagabi ni Catherine, sinabi niya roon na nais niya ulit makipagkita sa akin. Gusto niyang sa bahay na bato kami magkikita, kung saan pinagawa pa namin sa mga kalalakihan na nakatira na malayo sa lugar na iyon.

Habang tumatakbo ng mabilis ang aking kabayo ay agad na lang itong napatigil at napataas ang dalawang paa sa unahan na agad ko namang pinigilan.

Anong nangyari? Pinakiramdaman ko ang aking paligid at nagulat akong may lumilipad na pana at tumama iyon sa puno.

Tinignan ko ang paligid habang mahigpit ang aking hawak sa hawakan ng kabayo. Hinanda ko rin ang aking pana. Bumaba ako sa aking kabayo at narinig ko na lang sa likod ko na may sumigaw at nang harapin ko iyon ay agad akong inundayan ng suntok ng babae sa mukha. Agad akong nahilo sa mabilis na pag-atake na iyon. Muli akong tumayo at hinanda ang aking pana ngunit hindi ito natamaan.

"May kalaban!" sigaw niya. Ano? hindi niya ba kilala kung sino ang tinatawag niyang kalaban? Tanga!

Hindi ako marunong sa pakikipag-espadahan kaya natitiyak kong wala akong laban. Bigla siyang sumugod sa akin at sasaksakin niya na sana ako ng bigla itong napaatras at nakita ko na lang na nagdudugo ang kanang kamay nito.

May tumigil na kulay itim na kabayo sa aking harapan at sakay non si Noah, bumaba siya sa kabayo at nilapitan ang babae at saka tinapatan ng espada sa leeg.

"Bakit gusto mong patayin ang prinsesa?!" may gigil sa pananalita nito.

"Isa siyang kalaban!" sabi nito.

Nakarinig ako ng mga paa na nagtatakbuhan, dalawang lalaki at isang babae. "Victoria!" may gulat sa mukha ni Catherine ng makita ako.

Ano bang nangyayari dito?

"Bitiwan mo si Alita!" sabi ni Catherine kay Noah. Nakatutok din ang mga espada ng dalawang lalaki na kasama nito.

"Sino kayo? Anong pakay niyo sa prinsesa?" hawak pa din ni Noah ang babae na nakakulong ang leeg sa espada.

"Sandali nga bitawan mo muna ang babaeng iyan,"

"Kaibigan ko siya Noah," tinignan ako ni Noah at dahan-dahan naman niyang pinakawalan ang babae.

"Sakit non ah!" tinignan niya si Noah ng masama.

"Pasensya na, ngayon ko lang kasi nakita ang prinsesa kaya ang akala ko ay kalaban." sabi ni Alita.

"Anong ginawa mo sa kaniya, Alita?"

"Pinana ko siya at sinugod gamit ang aking espada," napatampal sa noo si Catherine at tinignan niya ito ng masama.

"Hindi mo ba alam na mas higit pa ang gagawin sa'yo ng hari kapag napaslang mo ito?"

Humingi sa akin ng tawad si Alita na agad ko namang tinanggap. "Tara na, Catherine. Dumiretso na lang tayo sa bahay bato," pagkasabi ko non ay agad na akong sumakay sa aking kabayo. Lahat naman sila ay kumilos. Hindi ko maintindihan ang mga tingin sa akin ni Noah pero batid kong nagaalala parin siya sa akin gayong siya ang naatasan mag-bantay sa akin at pinasasalamatan ko siya sa kaniyang ginawa.

Nang makarating sa bahay bato ay tinali ko sa likod ng bahay ang aking kabayo. Inabutan ako ng mainit tsokolate ni Catherine "Pasensya ka na sa ginawa ni Alita, simula kasi ng matuto sa espada yun lahat na lang ng makita niya sa gubat ay kalaban," sabi niya sabay ngisi. Umupo ito sa kaharap kong sopa, nagkibit balikat lang ako.

"Sino nga pala ang lalaking kasama mo?" tumingin ako sa labas ng bintana at nagkakasiyahan sila doon kasama ang dalawang lalaki at si Alita.

"Naatasan siya ni Impo at ni Ama na mag-bantay sa akin," nakangisi ito ng tignan ko siya.

"Sa bayan ng Orta siya naglalagi, kilala siya roon na magaling sa paggamit ng espada." naningkit ang aking mga mata.

"Paano mo siya nakilala?"

"Kung saan-saan ako naglalakbay kaya nakasisiguro akong siya ang lalaking iyon," muli akong tumingin sa labas ng bintana at sa pagkakataong iyon ay nagkasalubong ang mga mata namin ni Noah.

Inabutan kami ng takip silim sa bahay bato na iyon. Hindi na natuloy ang pangangabayo namin ni Catherine, nang tinanong ko siya kung anong ginagawa nila sa kagubatan ng mga oras na iyon ay napag-utusan pala silang mangaso kasama ang mga kaibigan niya na nakikitira sa kanila.

"Mag-iingat ka, Victoria." paalam sa akin ni Catherine.

Kaniya-kaniya na namin tinahak ang aming mga daan kung saan kami papunta. Tahimik lang kami ni Noah habang tinatahak ang masukal na kagubatan. Walang gustong magsalita sa aming dalawa. Hindi ko alam pero bigla akong nahiya sa kaniya. Ramdam ko kasi ang kaniyang galit kanina kay Alita tungkol sa nangyari kanina.

Hindi ko maipagkakaila ang kakisigan at kagandahang lalaki ni Noah. Naging interesado tuloy ako sa kaniya dahil sa mga kwento kanina ni Catherine.

"Bilisan natin, tuturuan pa kitang mag-espada," sabi nito sa malalim na boses, pagkasabi niya non ay pinatakbo niya ng mabilis ang kaniyang kabayo.

Nang makarating kami sa palasyo ay agad akong sinalubong ng heneral.

"Mahal na prinsesa, may balita po ako sa inyo," agad akong naging interesado sa kaniyang sinabi.

"Ano yon, heneral?" tumingin- tingin muna ito sa paligid na para bang sinisigurado na walang tao sa paligid upang walang makarinig.

"Mamaya na lang, magkita tayo mamaya sa saligan ng palasyo." tumango ako sa kaniya. Hindi ko batid pero sa reaksyon ng kaniyang mukha ay tila nga importante ang dala niyang balita.

Agad akong nagbihis ng bagong damit para sa pagsasanay, nang makarating ako sa silid kung saan ako tuturuan ni Noah ay nandoon din si Elizabeth, may hawak itong bulaklak.

"Handa ka na ba?" tumango ako.

"Bilang prinsesa sinanay ako na maging handa--" nagulat ako sa biglaang pag-atake ng hawak na espada ni Noah.

"Hoy, lalaki!" mabuti na lang at nakaiwas ako. Muli itong umatake kaya naman sinuwag ko ito gamit ang hawak kong espada.

"Akala ko ba lagi kang handa?" inirapan ko siya. Sinugod ko siya pero tila yata wala lang sa kaniya ang mga atake ko. Hanggang sa ako na ang sumusuwag ng kaniyang espada.

Bagamat baguhan at mabigat ang espada ay nahihirapan akong makipaglaban sa kaniya.

Umabot kami ng ilang oras at tila ba parang walang nangyayari sa ginagawa ko. Pawisan na ako at si Noah ay parang hindi nahihirapan sa kaniyang ginagawa.

"Tigasan mo ang mga binti mo!" sigaw nito.

"Hanggang ito lang ba ang kaya mo, prinsesa?"

"Matatalo ka sa laban niyan"

hanggang sa natumba na nga ako sa sahig at nakatutok sa leeg ko ang matulis na espada. Hinihingal ako sa sobrang pagod, totoo nga ang sinabi ni Catherine, magaling nga siya.

Tinignan ko ito, walang emosyon ang kaniyang mukha.

"Tumayo ka, 'wag kang tumitig lang,"

Inalis niya ang pagkakatutok ng espada sa akin at tumalikod. Tumayo ako tulad ng sinabi niya at handa na akong muli sa aking pag-atake na agad naman niyang naiwasan at natamaan ng kaniyang espada ang aking braso na nagdugo ng husto.

"Ahh!" daing ko.

Hindi ako makapaniwala na seseryosohin niya ito.

"Paumanhin, ngunit hindi ko sinasadiya."

"May problema ka ba talaga sa akin!?" sigaw ko sa kaniya.

"Wala, mahal na prinsesa." magsasalita pa sana ako ngunit nakarinig ako ng palakpak at galing iyon sa aking Ama.

May pag-tataka ko siyang tinignan.

"Magaling, anak. Ganiyan dapat, matapang. Pero kailangan, bago ka sumugod ay mag-isip ka muna ng plano para hindi ka nasusugatan, tulad niyan." sabay turo niya sa sugat ko na nagdurugo.

"Sinabi ko na sa inyo, hindi ko na kailangan pang mag-aral mag-espada dahil magaling na ako sa pagpana." tinignan ko ng masama si Noah at halata sa mukha niya na hindi siya nagsisisi sa ginawa niya sa akin.

Umalis ako sa silid na iyon at dumiretso ako sa doktor na nagtatrabaho sa palasyo.

"Mahal na prinsesa ano pong nangyari?"

"Ang lalaking iyon!" sigaw ko. Naiinis ako sa kaniya. Tinignan ko ang doktor sa mata.

"Marunong ka bang gumamit ng espada?" lalo pa akong nainis nung tumango ito bilang pagsagot.

Agad na ginamot ng doktor ang nagdurugo kong sugat. Bumukas ang pinto at iniluwa non si Elizabeth na bitbit pa rin ang bulaklak.

Umupo ito sa kaharap kong higaan. May ngiti ito sa kaniyang labi.

"Mukhang sineryoso ng ginoo na iyon ang inyong pagsasanay," napairap ako.

"Noon pa lang ay ayoko na sa lalaking iyon," napansin ko naman ang hawak niyang bulaklak.

"Sino nagbigay sa iyo niyan?" tila ba walang mapagsidlan ang kilig na nararamdaman ni Elizabeth. Inamoy niya pa ang bulaklak.

Hinintay ko siyang magsalita.

"Ano na nga palang nangyari sa pinapagawa ko sa iyo?"

"Ito na ang resulta, prinsesa. Batid kong napapansin mo na hindi ka na ginugulo ni Artes." hinaplos niya ang bulaklak at tinignan ako. Bakas sa kaniyang mukha na gusto niya talaga si Artes.

"Ano na bang mga nangyari sa inyo?"

"Sa isang buwan na lagi kaming magkasama, kanina lang siya nagtapat ng pag-ibig niya sa akin. Inaya niya ako sa isang magarbong hapunan na hinanda niya para sa akin."

"Magaling, magkita tayo bukas, pero dapat kasama mo siya"

Nang matapos ang doktor sa paggamot sa akin ay dumiretso ako sa saligan ng palasyo, nakita ko naman agad siya roon.

"Heneral Almonde anong balita?"

Bakas sa mukha nito ang pag-aalala at matagal ito bago makapagsalita.

"Prinsesa, inutusan ako ng iyong Ama na maglagi sa bundok ng Erita." agad akong nagtaka sa kaniyang sinabi.

"Para saan?"

"May nakapag sabi sa iyong ama na maraming tao ang nagugutom roon. Hindi na araw-araw ang pagdating ng kanilang mga pagkain at sinabi na ipinatigil raw ito nang kung sino."

"Samahan mo ako sa susunod sa araw at 'wag itong ipaalam sa kahit na sino pati na rin kay ama." tumango naman siya bilang pagsagot. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay bumalik na ako sa aking silid, ang daming nangyayari ngayon at ang lahat ng iyon ay hindi tama.

Sapagka't hindi pa buo ang aking mga plano nasisiguro kong maraming tao ang gustong patalsikin ang reyna. Ang iba ay tahimik lang at ang iba naman ay sinisigaw na nasa panig nila ako

avataravatar