3 Ang Bisita

Maaga pa lamang ay abala na ang mga soltera sa paghahanda para sa panibagong araw na ito. Mula sa terasa na kinatatayuan ko mula sa aking silid pinagmamasdan ko ang mga tao na may kanya-kaniyang buhay. Ang lahat ay abala sa kanilang mga trabaho, napagutusan silang makiisa sa paghahanda ng buong palasyo, ang iba ay naatasan sa pagdisenyo ng palasyo at ang ilan naman ay ang pagdisenyo ng entrada ng palasyo. Ngayong araw bibisita ang isang mahalagang tao para sa akin, ang aking Lola.

Napabuntong hininga ako, matagal-tagal na rin simula ng huling kita ko kay Lola Artemisia, simula ng pumanaw si Ina ay lumayo na siya sa Iscola. Kaya nagagalak ako sa muling pagbisita niya rito, dahil mabilis kumalat ang balita nasisiguro kong ang bagong reyna ang ipinunta niya rito.

Napangiti ako ng may isang magandang bata ang kumaway sa akin mula sa kinatatayuan ko pero agad rin napawi iyon nang may kumatok sa pintuan ng aking silid. Hindi ko ito nilingon at hinintay na magbukas ang pintuan at marinig kung sino ang magsasalita.

"Mahal na prinsesa, narito na po ang papel na naglalaman ng lagda ng mga taong ibinilin ninyo sa akin," agad kong nilingon ang heneral.

Kinuha ko sa kaniya ang papel. "Natitiyak mo ba na walang nakakita at nakaalam nito maliban sa atin?"

"Natitiyak ko po, mahal na prinsesa." tumango ako.

"Maaari ka ng umalis,"

Binuksan ko ang nakarolyong papel at naroon nga ang mga lagda nila. Natitiyak kong magiging matagumpay ang pagsasagawa ng plano.

Dahil malamang sa mga oras na ito may binabalak ang reyna. Hindi ako pwedeng magpadalos-dalos sa aking mga plano, hindi naman uusbong ang galit na ito kung hindi niya lang pinaslang si Ina at walang alam doon si Ama. Ang tanging alam lang niya ay namatay si Ina dahil nagkaroon ito ng malubhang sakit nang maglagi ito sa Borneo, isang kasinungalingan.

Itinago ko ang pergamino sa aking aparador at saka ako lumabas ng aking silid. Tulad ng araw-araw na nangyayari ang lahat ay binabati ako kahit sino man ang aking malakaran.

Naglalakad ako sa pasilyo ng may tumawag sa aking pangalan. "Prinsesa, Victoria." may ngiti sa labi ng aking kapatid na si Elizabeth.

"Bakit? May problema ba? Kamusta naman ang pinapagawa ko sayo?" ngumiti itong muli.

"Hindi ko pa rin nakukuha ang loob niya, pero nasisiguro kong magiging matagumpay ang pinapagawa mo sa akin aking kapatid," tumango ako sa kaniya.

"Mabuti naman dahil nabuburyo na talaga ako sa presensya niya," ngumisi naman ito sa akin.

"Saan pala ang lakad mo?" napansin ko kasing magarbo ang suot niya ngayon.

"Inutusan ako ni Ina na maglagi sa kagubatan, naroon raw kasi ang taong magaling sa espada, nais niyang mapag-aralan ko kung paano humawak non."

"Ganon ba? Kung gayon ay mag-ingat ka, maraming mga kalalakihan ang hayok na makatikim ng bagong putahe sa kagubatan." natawa naman ito sa aking sinabi. Nagpaalam na ito sa akin. Sinabi naman niya na magpapasama siya kay Artes at isa pa parte rin naman daw iyon ng kaniyang plano.

Magaling. Sa tingin ko naman unti-unti ko ng nahahawak ang leeg ng aking kapatid. Nagpatuloy ako sa aking pag-lalakad, sinabihan ako ni Ama na pumunta sa kaniyang silid. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang pag-usapan.

Kumatok muna ako at sabay pumasok sa loob. Sobrang laki ng silid ng mahal na hari at reyna. Limang beses itong malaki kumpara sa aking silid.

Humihigop ito ng tsaa ng abutan ko. Umupo ako sa kaharap nitong sopa at wala naman itong reaksyon ng makita ako.

Napansin kong naroon parin ang malaking litrato ni Ina. "Bakit hindi mo pa tinatanggal ang litrato ni Ina? Hindi ba nagagalit ang bagong reyna?"

Natawa ito sa aking sinabi. "Bakit naman siya magagalit gayong ang iyong Ina ang naging dahilan kung bakit siya na ang nakaupong reyna sa trono." ngumisi ako.

Bagama't walang alam si Ama sa tunay na dahilan ng pagkawala ni Ina ay hindi rin magtatagal malalaman rin niya iyon. Ilalabas ko ang tunay na baho ng kinikilala nilang reyna.

"Bakit naghanap ka pa ng bagong reyna? Samantalang narito naman ako at kaya kong patakbuhin ng maayos ang buong Iscola."

"Gagawin ko lang iyon kapag bumitaw na ako sa pagiging hari."

"Ama--"

"Alam kong nagdududa ka sa bagong reyna pero sana naman anak, pagkatiwalaan mo ang naging desisyon ko. Nasisiguro kong magiging maayos ang Iscola sa mga kamay ni Veronica,"

"Kahit pa anong sabihin ninyo, hindi magbabago ang tingin ko sa reyna. Hindi mo alam kung saan siya galing, Ama."

"Galing siya sa mayaman at maayos na pamilya--"

"Pero hindi siya dugong maharlika at wala iyon sa tradisyon natin. Hindi mo pwedeng tanghalin ang isang taong walang dugong maharlika."

"Mahal ko si Veronica,"

"Isang taon pa lang ang nakalilipas pero agad mong nakalimutan si Ina. Hindi mo inisip ang mararamdaman ko sa desisyon mo na magpaupo ng bagong reyna at alam ko na alam mo na tutol ako sa mga nangyayari ngayon."

Nagbukas ang malaking pinto ng silid at iniluwa non si Veronica. Nakaayos na ito at tila handa na sa pagkikita nila ni Lola. Bigla kaming tumahimik ni Ama, nginitian naman ako ni Veronica pero hindi nagkaroon ng reaksyon ang aking mukha.

"Bakit ganiyang ang mga mukha ninyo?" Tinignan ko si Ama.

"Mauuna na ako, magpapalit na ako ng damit." tumayo na ako sa aking kinauupuan at lumabas na sa silid.

Agad akong dumiretso sa aking silid at nandoon na ang mga soltera na inaayos ang aking damit para sa gagamitin mamaya.

"Magandang umaga po mahal na prinsesa,"

nginitian ko ang bumati sa akin.

"Paumanhin, iwan niyo muna akong mag-isa at tatawagin ko na lang kayo," sabay-sabay silang tumungo at lumabas ng silid.

Huminga ako ng malalim. Hindi ko kailanman matatanggap ang katotohanang si Veronica ang lumapastangan sa aking Ina.

Isang butil ng luha ang tumulo sa aking pisngi, sumisiklab ang galit sa aking puso. Bumukas ang pintuan ng aking silid at laking gulat ko ng may pumasok na isang matipunong lalaki, mahaba ang buhok nito at may dala itong espada.

Sino naman ang ginoong ito?

Yumuko ito upang magbigay galang sa akin.

"Paumanhin, naririto ako upang bantayan ka," naningkit ang aking mga mata, sino naman ang nag-utos sa ginoong ito na bantayan ako?

"Sino ang nag-utos sayo?" bago niya iyon masagot ay biglang tumunog ang trumpeta hudyat na nandirito na ang aking Lola Artemisia.

Tumingin ako sa labas ng aking terasa at naghihiyawan na ang mga tao sa labas. Muli akong bumalik sa loob at kinuha ang aking pangseremonya. Nandoon parin ang ginoo at tila ba binabantayan ang aking kinikilos, hindi ako natutuwa sa totoo lang. Matalim ang tingin nito sa akin ng tignan ko siya, tila ba umiigting ang bagang na parang naiinip na hintayin ako.

"Maaari mo na akong iwan, pakisabi na lang sa kung sino man ang nag-utos sayo na susunod na lang ako," dumiretso ako sa aking kasilyas at doon nagbihis.

Nagmamadali akong lumabas at nagulat na hindi parin pala lumalabas ang lalaki. Pinasadahan nito ng tingin ang aking kasuotan.

Tumikhim ito, hindi ko iyon pinansin bagkus ay dumiretcho ako sa pintuan at lumabas. Binilisan ko ang aking paglalakad pababa sa hagdan, ramdam ko naman na sumusunod ang lalaki sa akin. Malamang, binabantayan ako.

Pumwesto ako sa tabi ng reyna, mula sa aking kinatatayuan natatanaw ko ang karwahe na sinasakyan ng aking Lola.

Nagpapalakpakan ang mga tao at sinasabayan nila iyon ng paghahagis ng mga bulaklak. Tumigil ang karwahe sa napaka-habang hagdan sa tapat ng pinto ng palasyo.

Lumapit ang mga kawal at binuksan nila ang pinto ng karwahe. Unti-unting pumihit palabas ang aking Lola na may dalang tungkod, agad na kumilos si Ama at inalalayan ang aking Lola.

Tumungo ako upang magbigay galang, ako ang una niyang nilapitan. Mapuputi na ang buhok nito at talaga namang kumikintab ang kulay bughaw nitong mga mata.

"Natutuwa akong makita ka ulit, apo." sabi nito at sabay niyakap ako ng mahigpit.

Kumalas ako sa aming pagkakayakap, nakita kong tinignan lamang niya ang bagong reyna at dumiretcho na papunta sa loob ng palasyo. Nakita ko naman ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Agad akong sumunod sa loob, nakahanda na ang maraming pagkain na inihanda para sa aking lola, nasisuguro kong mahaba-habang usapan ito. Ugali ng aking lola na kilatisin ang mga bagong mukha sa kaniyang paningin at isa na nga doon ang bagong reyna.

Pumunta kami sa kaniya-kaniyang pwesto ng upuan, napapagitnaan ako ni Elizabeth at ni Veronica, kaharap naman namin si Ama at si Lola. Naging tahimik ang aming hapagkainan ng mga sandaling iyon ng tumikhim si Ama.

"Kamusta naman ang inyong pagpasyal rito, Ina?" ngumiti si Lola at tinignan ako.

"Maayos, dahil nagagalak akong makitang muli ang aking apo." napangiti ako sa kaniyang sinabi.

"Ikinagagalak ko rin pong makita kayo," ani Veronica. Hindi ko mabasa kung ano ang nasa isip nito ngayon pero nawawari kong nagbabalat kayo lamang ito sa harap namin.

"Hindi hamak na mas malakas ang presensya ng dating reyna kaysa sayo," lahat kami ay tumahimik.

"Batid kong alam mo na ikaw ang sinadya ko rito. Hindi ko nga maipagkakaila na galing ka sa mayamang pamilya ngunit hindi naman sumisigaw sa katawan mo na isa kang dugong maharlika," nakita kong hinawakan ni Ama ang kamay ni Lola Artemisia upang patigilin ito sa pag-sasalita.

"Hindi ko naman po dapat higitan ang dating reyna lalo na't alam ko na mas marami ang ayaw sa akin." uminom ito ng tubig. "isa pa, wala akong balak na pabagsakin ang Iscola dahil alam kong higit na mas naghirap ang dating reyna upang maibalik ito sa dati."

Natatawa ako sa aking isipan. Paano niya nakukuhang magmukhang inosente sa pamamagitan lang ng pagsasalita?

"Sana lang totoo ang mga sinasabi mo, at sana rin hindi totoo ang mga balitang narinig ko sa'yo,"

tumikhim ako, "Lola, dito po kayo magpapalipas ng gabi?"

Umiling ito, "Hindi apo, tanging ang mga malulungkot na alaala lang ng iyong ina ang naiisip ko sa tuwing nasa palasyo ako," hindi ko na siya tinanong pa ng ibang bagay.

Pagkatapos ng hapunan ang lahat ay nagtipon sa malaking hardin ng palasyo. Maraming musikero at manananayaw ang naimbitahan upang magbigay aliw sa dating reyna na si Lola Artemisia. Ang mga tao na nasasakupan ng Iscola ay nagbigay naman ng mga mamahaling regalo para sa kaniya.

May nagbigay din sa akin ng bulaklak at hindi ko alam kung saan galing.

"Kilala ko kung sino ang nagbigay," bulong sa akin ni Elizabeth.

"Sino?" itinuro niya ang matipunong lalaki. Matangkad at maputi ito, maayos ang postura at pananamit. Pero hindi ito ang tipo kong lalaki.

Napairap ako sa hangin at natawa naman sa akin si Elizabeth. May tinuro pa siyang ibang lalaki at natanaw ko naman ang lalaking inutusang mag-bantay para sa akin. Nalaman kong si Lola Artemisia pala ang nag-utos sa kaniya.

"Mas guwapo ang lalaking iyon," nang tignan ko siya ay sobrang seryoso ng kaniyang mukha at tila ba nagmamasid sa paligid.

"Wala akong panahon para sa mga lalaking katulad niya," tinawanan niya ako.

Natapos ang gabi at lahat ay masaya. Iginugol namin ni Elizabeth ang paghahanap ng lalaki na natitipuhan namin pero ni isa ay wala akong nagustuhan.

Sinundo ng karwahe si Lola Artemisia at babalik na ito sa kaniyang mahal na dampa sa kagubatan kung saan siya naglalagi. Siguradong matagal na naman na panahon bago siya ulit dumalaw rito.

Naglalakad ako sa pasilyo papunta sa aking silid ng may matanaw akong pigura ng isang lalaki na nakatayo harap ng pinto ng aking silid.

Habang papalapit ay nakikilala ko kung sino ito. Tumigil ako sa paglalakad at tinignan siya. "Ano pang ginagawa mo dito?" yumuko ito upang magbigay galang.

"Napagutusan akong magbantay ng iyong silid,"

"At bakit?"

"Ayoko namang gawin ito pero dahil ang mahal na hari ang nag-utos ay wala akong magagawa," nagpantig ang tainga ko sa tinuran ng lalaking ito.

"Anong sabi mo? Edi lumayas ka dito," lalo akong nainis ng makita kong natatawa pa ang lalaki.

"Bakit ka natatawa? May nakakatawa ba sa mga sinabi ko?" biglang may nagsalita sa aming likod kaya hindi ko na naituloy ang susunod ko pang sasabihin.

"Anong nangyayari rito? Bakit tumataas ang boses mo, Victoria?" tanong ni Ama ng makalapit ito sa amin.

"Pasensya na po mahal na hari, hindi ko naman po intensyon na magalit ang mahal na prinsesa," tinapik ni Ama ang balikat ng lalaki.

"Ayos lang, ganiyan talaga ang mga babae mainitin ang ulo kahit walang dahilan," biro nito sa lalaki.

"Ama, sino ba ang lalaking iyan at pinayagan niyo pang maging bantay ko?" tinignan ko ang lalaki at naiinis talaga ako sa mukha niya.

"Anak, ito si Noah. Isa siyang magaling na mangangaso at mataas din ang kaniyang pinag-aralan sa pakikidigma," iniabot nito ang kaniyang kamay sa akin. Tinignan ko lang ito at hindi tinanggap.

"Hindi lang siya ang magiging bantay mo, isa rin siya sa magsasanay sayo kung paano makipag-laban." ano? bakit naman ang lalaking ito pa?

"Sana magkasundo tayo ngayon pa lang," inirapan ko siya at walang sabing pumasok ako sa aking silid. Mukhang araw-araw ng magiging masama ang gising ko dahil sa lalaking iyon.

avataravatar
Next chapter