webnovel

Chapter 2

HINDI magkandatuto si Ratchelle sa pagsasakay ng mga bagahe niya sa cart. Sa wakas ay tumapak na siya sa airport ng Calbayog, Samar. Nang huling manggaling siya doon sampung taon na ang nakakaraan ay mangilan-ngilan pa lang ang flight doon. Ngayon ay maganda na ang airport at ang mga facilities nito.

Katulad niya ang siyudad na iyon na sumasabay sa panahon. Marami na ring nagbago sa kanya. Hindi na siya ang dalagang umalis ng Maynila na ang tanging bitbit ay pangarap niya. Buo na siya ngayon at natupad na halos niya ang pangarap niya. She was home. Almost home. Ang kailangan lang niya ay sumakay ng bangka at sa loob ng apat na oras ay nasa munting isla muli siya ng La Carmella. Handa siyang patunayan sa lahat ng taong di naniwala sa kanya na naabot niya ang inakala ng marami na imposible.

Siguro naman ay maipagmamalaki na siya ng mga magulang niya. Isa na siya ngayong accounting head ng isang kilalang outsourcing company at nakapagbiyahe na rin sa abroad. Sa wakas ay maniniwala na ang mga ito sa kakayahan niya. Hindi na rin masasabi ng mga ito na malaking pagkakamali na umalis siya ng La Carmella para sa pangarap niya.

Tinawagan niya sa cellphone ang Tito Francey niya nang makuha na ang mga bagahe niya. "Tito, nasa Calbayog na po ako."

Ang Tito Francey niya ang nakatatandang kapatid niya at nag-alaga sa kanya sa Manila. Parang ito lang din ang naniwala sa mga pangarap niya noon.

"Handa ka na ba?" tanong nito.

"Handa na po ako," aniya sa mas determinadong boses. Dati ay parang ayaw pa niyang bumalik ng La Carmella kahit na nakikiusap ang magulang niya. Pakiramdam niya ay wala pa siyang napapatunayan. Ayaw niyang masisi o mapagtawanan. Di naman madali ang buhay niya bago niya narating ang kinalalagyan. Dumanas din siya ng kabiguan. Pero dahil sa bagong buhay na ibinigay sa kanya, kahit pa siguro wala pa siyang napatunayan ay uuwi siya. Walang ibang mas mahalaga sa kanya ngayon kundi makasama ang pamilya niya.

"Ipakita mo sa kanila ang narating mo. Be proud. Huwag kang magpapatalo sa bruhang Joanne Jean na 'yan. Ikaw ang tunay na anak. Sampid lang ang isang 'yan."

"Hindi po ba kayo dadalaw dito?"

"Alam mo namang allergic sa akin ang tatay mo. Masyadong maliit ang La Carmella para sa aming dalawa. Okay sa akin kung kayo man lang ang magkasundo. Masaya na ako doon."

Bata pa lang ay may sibbling rivalry na ang tatay niya at Tito Francey niya. Simple lang ang pangarap sa buhay ng tatay niya habang ang Tito Francey naman naman niya ay mataas ang ambisyon. Ang tanging nais ng tatay niya ay mamuhay sa Isla La Carmella habang ang Tito Francey naman niya ay mas gustong sa Maynila mag-aral at makarating ng ibang bansa.

Para sa ama niya ay kahihiyan ang dala ng tiyuhin niya dahil umuwi ito ng La Carmella na isa nang ganap na bading at ayaw nang pakasalan ang babaeng itinakda para dito. Inatake sa puso ang lolo niya at dahil doon ay nawala ang maraming lupain sa pamilya nila.

Nabawi lang ang lahat ng iyon nang umuwi ng Isla La Carmella si Francisco mula sa pagtatrabaho bilang accountant sa Europe at muling binili ang mga ari-ariang nawala sa kanila. Isang bayani ang tingin niya dito at ng lolo niya na ikinasama ng loob ng tatay niya.

Sa palagay niya ay ang Tito Francey lang niya ang nakakaintindi sa kanya. Dahil dito ay nabuo ang pangarap niyang mag-aral sa Maynila at bumuo ng mas magandang buhay doon. Nangako ang tiyuhin niya na susuportahan ang pag-aaral niya sa Maynila subalit ayaw ng ama niya. Di daw magandang impluwensiya ang maidudulot ng tiyo niya sa kanya at ilan nang kababayan nila ang umuwing bigo sa pakikipagsapalaran sa Maynila. Bakit daw hindi na lang siya masiyahan na maging bihasa sa pagluluto at tumulong maliit na restaurant ng nanay niya katulad ng gusto ni Joanne Jean. Wala siyang balak makihati ng pangarap kay Joanne Jean.

Kaya naman sumampa siya ng bangka kasama ang Tito Francey niya at ang baon niya ay ang sumpa ng ama niya na uuwi din siyang bigo at talunan. At patutunayan daw nitong mali siya.

Tiniyak niyang di siya babalik ng Isla La Carmella na isang talunan. Nagsumikap siya, nag-aral na mabuti at gusto niya na pagbalik niya ay di na siya pwede pang ikumpara kay Joanne Jean. Hindi na siya magiging anino nito. At ipagmamalaki na siya ng mga magulang niya.

Ito ang araw na iyon. Gumawa siya ng tamang desisyon sa buhay niya. Hindi siya napahamak. Naging maayos ang buhay niya. Di lahat ay minamalas. At higit sa lahat, gusto niyang ipakita na di isang salot ang Tito Francey niya sa pamilya nila.

"Ibibigay ko na lang po ang pasalubong ninyo kay Mama at sa ibang kamag-anak natin."

"Pasekreto na lang, ha? Alam mo naman baka mag-ala-Rambo na naman ang tatay mo kapag nabanggit ako. At balitaan mo ako tungkol kay Vic-Vic of your life."

"Opo, Tito," aniya at di mapigilang ngumiti.

"Huwag mong kalimutan ang mga strategy na itinuro ko sa'yo kung paano mo siya aakitin. Di ka na bumabata. Oras na para isuko ang Bataan."

Natawa na lang siya nang maisip si Vic-Vic at ang strategy ng Tito Francey niya. Inayos niya ang Bulgari shades niya at hinaplos ang buhok niya. She was ready to get him. Nakahanda na ang ngiti niya. Nakahanda na rin ang sasabihin niya. Sa sopistikada niyang damit at metikulosang make up natitiyak niyang maganda siya.

"Ratchelle?" said the husky voice of a man at her back.

Nagtayuan agad ang balahibo sa batok niya nang marinig ang boses na iyon. So manly, so earthy and knee-buckling. Boses pa lang ay parang hinahaplos na nito ang balat niya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Natitiyak niyang kay Vic-Vic ang boses na iyon. Ito lang ang may kakayahan na magparamdam ng ganito sa kanya.

Abot hanggang tainga ang ngiti niya nang humarap dito. "Hi..." Nawala ang ngiti niya nang makita ang guwapo at matangkad na lalaki sa harap niya. He looked rugged and very manly. Ang babaeng pinagkakaguluhan ng mga kababaihan. Ang lalaking kayang magpatunaw ng buto sa isang ngiti lang. "...Orion."

Si Orion ang huling taong inaasahan niyang makikita doon. Ito ang lalaking kinaiinisan niya noong high school siya. Di naman ito kaguwapuhan at laging mukhang gusgusin. Magulo ang buhok at minsan ay may punit o pintura pa ang damit. Hindi niya alam kung bakit hinahabol ito ng mga babae samantalang mukhang di ito naliligo. She detested his type. Mukhang walang patutunguhan sa buhay.

At mukhang tama siya. Hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang itsura nito. May kahabaan ang buhok nito na parang dinaanan ng bagyo. Parang di nagsa-shampoo at nagsusuklay. Nakasuot ito ng checkered black and red polo na mukhang maayos pero pagdating sa pantalon nito ay may punit at may mantsa ng pintura. Pati ang rubber shoes nito ay may pintura din.

"Orion, anong ginagawa mo dito?" tanong niya.

"Ano bang tanong 'yan?" Ibinuka nito ang mga bisig at niyakap siya. "Sweetheart naman! Hindi mo ba ako nami-miss?"

Next chapter