1 Chapter 1

Sofia Says: This story is related to Football Hotties 1: Sweet Angel

Umuwi ka na sa wedding anniversary nina Tito Fredo at Tita Maureen. We miss you already. I have something important to tell you. Please come home. I am waiting.

Bumuntong-hininga si Ratchelle nang mabasa ang text na iyon ng kababatang si Vic-Vic o Vicencio. Ito na ang nakikiusap na umuwi siya ng San Carlos kung saan naroon ang magulang na hindi niya nakikita sa loob ng walong taon.

Nasa isa siya sa munting isla ng Guimaras para sa island-hopping tour niya kasama ang mga kaibigan. Abala ang mga ito sa pagpapa-picture habang nagkasya na lang siya sa pag-upo sa buhanginan habang nakatitig sa text message sa kanya. Nag-message sa kanya si Vic-Vic matapos ang mahabang panahon. Mukhang mahalaga ang sasabihin nito sa kanya.

"Uy! Nagse-senti ka naman mag-isa dito," sabi ni Jaideelyn at umupo sa tabi niya. "Kanina mo pa tinititigan 'yang cellphone mo. May problema ba?"

"Wala," aniya at tipid na ngumiti.

Inagaw ni Che-Che ang cellphone sa kanya. "Uy! Text galing kay Vic-Vic." Binasa nito ang mensahe. "We miss you already. I have something important to tell you. Please come home. I am waiting."

"Sino si Vic-Vic?" tanong ni Armhine na siyang pinakamatanda sa kanila at mas maraming alam pagdating sa pag-ibig. Isa itong romance novelist kaya naman madalas ay dito sila nagtatanong pagdating sa love kahit na di rin maganda ang record nito sa pag-ibig.

Vic-Vic used to be her bestfriend. Ito rin ang first love niya. Pero nasira ang lahat ng pinagsamahan nila matapos siyang ibuko ng bruhang pinsan niyang si Joanne Jean na in love siya dito. Sinabi nito na mas gusto nitong magkaibigan lang sila.

Hindi lang si Vic-Vic ang nawala sa kanya mula nang dumating si Joanne Jean sa buhay niya. Mas naunang nawala sa kanya ang mga magulang niya. Siya ang nag-iisang anak nina Fredo at Maureen Ramirez. Sabi ng tatay niya ay may pagka-maton siyang kumilos dahilan para ma-frustrate ang nanay niya tuwing gusto nitong kumilos siya na parang babae.

Nang mamatay ang Tita Joan niya na kapatid ng nanay niya ay sa kanila naiwan ang anak nitong si Joanne Jean. Mas matanda si Joanne sa kanya ng ilang buwan. She was her exact opposite. While she was brainy and brawny, she was like a young lady. Kahit na di matataas ang grades nito sa school ay mas natutuwa dito ang mga magulang niya dahil magaling itong kumanta at sumayaw. Guwardiyado din ito ng tatay niya dahil ito ang maraming manliligaw. At sa huli ay lumalabas na parang siya ang etsa-puwera sa pamilya. May babalikan pa ba siyang pamilya kung wala na siyang halaga sa mga ito?

"Halika na! Baka maiwan pa tayo ng flight natin. Next destination na tayo," yaya sa kanila ni Yrene.

Pinilit niyang maging masaya sa mga sumunod na lugar na pinuntahan niya subalit bumabalik pa rin ang isip niya sa naiwang mahal sa buhay sa Isla La Carmella. Anong klaseng pagtanggap ang matatanggap niya sa pag-uwi niya? Ibibigay na ba ng mga ito ang pagmamahal na nararapat sa kanya bilang anak? Hindi pa rin niya alam. Hindi pa rin nawawala ang sakit sa puso niya sa pag-reject ng mga ito sa kanya. Kailangan pa niya ng panahon.

"Babangga na tayo!"

Umangat ang mata niya sa sigaw na iyon ni Jaidyleen at sa mismong mga mata niya ay nakita niya kung paanong bumangga ang katig ng bangka sa malaking limestone na nakausli sa dagat. Nahigit niya ang hininga nang unti-unting lumubog ang bangka nila. Kinilabutan siya dahil ilang beses na siyang nakasakay ng bangka at lumaki sa tabing-dagat pero hindi pa niya naranasan na malubugan ng bangka. Ngayon lang.

"Walang bibitaw sa bangka!" narinig niyang sigaw ng bangkero. "Walang bibitaw!"

Tumili siya dahil pinasok ng tubig ang bangka at tumilapon siya sa labas. "M-Mamamatay na tayo!" narinig niyang sigaw ni Che-Che na hindi marunong lumangoy.

"It's okay. It's okay. May lifevest tayo," sabi ni Armine na bagamat kalmado ay umiiyak na. "A-Ayoko pang mamatay. May anak ako. Hindi ko pa tuluyang naihahanda ang kinabukasan niya. Ni hindi niya alam kung sino ang tunay niyang ama," narinig niyang sabi ni Armhine na mahigpit ang hawak sa kawayang tinatalian ng bubong ng bangka nila.

Pumikit siya at tahimik na umiyak. Lumaki siya sa tabing-dagat pero matagal na panahon na siyang di lumalangoy sa dagat. Di rin niya naranasang lumangoy kasama ang naglalakihang mga alon o malubugan ng bangka. Pakiramdam niya ay katapusan na niya.

Ayaw pa niyang mamatay. Hindi pa siya bumabalik sa pamilya niya sa Isla La Carmella. Kung mabubuhay lang siya doon ay ibababa niya ang pride niya. Babalik siya sa pamilya niya. Ipapakita niyang siya ang anak na ipagmamalaki ng mga ito. Sasabihin niya kay Vic-Vic na mahal niya ito. Tutuparin na niya ang pangarap niya.

Sana lang ay mabigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya iiwan ang mga mahal niya sa buhay.

***

Sino na nakaranas ng near-death experience? May nabago ba sa buhay mo pagkatapos?

avataravatar
Next chapter