7 Pamilya

Habang nakasakay ng bus pabalik sa kanila sa Surigao, napuno ng balik-tanaw ang isip ni Jean. Na siyang dahilan upang napaiyak na naman siya. Ngunit nakakahiya, kaya pinigil niya ang pag luha. Pinunasan ni Jean ang pisngi at nagkukunwaring natutulog sa buong biyahe habang binabaybay nila ang madilim na kalsada kung saan ang magkabilang bahagi ay ang malawak na palayan ng bigas dito sa North-Eastern Mindanao.

Pagdating niya sa kanilang bahay, nagulat ang mga kaanak dahil maghating-gabi na at wala siyang pasabi na uuwi upang masundo ni Antonio sakay sa scooter nito. Nag dahilan si Jean na walang pasok kaya umuwi na lang din siya.

"Eh, kumain ka na ba?" Tanong ng tiya Dendy niya. "Saglit lang at ipaghanda kita ng hapunan. Naku bata ka,  buti na lang at maraming natira, hindi ka nagsasabing uuwi para maipag-handa ka namin."

"Ayos lang po Tiya Den, huwag na po kayo masyado mag-abala. I-akyat ko po muna mga gamit ko," sabi niya sa tiyahin.

"O, sya... Tatawagin ka na lang namin kapag handa na pagkain mo."

"Maraming salamat po," pagkatapos niyang magpasalamat, agad tumalikod si Jean.

Nagbabadya na naman ang mga luha niya sa mata. Nagpapasalamat siya at dim light lang meron sa bakuran nila. Hindi mahahalata ng mga ito na galing siya sa pag-iyak kaya namamaga mga mata niya.

Bukas, kailangan niyang mag concealer para hindi masyadong mahalata ang pamamaga ng mga mata. Dahil ayaw niyang malaman ng mga kaanak ang tungkol sa bagay na natuklasan niya. Sa ngayon, hindi pa malinaw ang lahat kung talaga bang niloko siya ni Rex.

Pumasok si Jean sa kawayang tarangkahan at umakyat sa kanilang kubo. Bitbit niya ay malaking bag kaya medyo nahirapan siyang 

ipasok ito. Naabutan naman niyang nag-aaral si Lena at nagulat ito ng makita siya.

"Ate, ba't nandito ka?" tanong ni Lena sa kanya.

"Talaga? Bahay natin 'to hindi ba? Kaya normal lang na dito ako uuwi hindi ba?" ang naiisip niyang sagot sa kapatid. Syempre, wala siya sa mood mag biro kaya maayos ang pagkakasagot niya sa kapatid na ipinagtataka naman nito.

"Wala akong pasok kaya umuwi na ako kaagad," ani niya sa kapatid.

Pumasok siya sa kanilang silid at inilapag ang dalang bag sa kahoy na sahig. Umupo si Jean sa papag na kawayan at huminga ng malalim. Mabuti na lamang at napigilan niyang mapaluha. Ang hirap pa naman mag-explain ngayong broken hearted siya.

Maya't-maya pa ay narinig niya na ang tinig ng tiyahin na si Dendy. Kinausap nito si Lena sa may bintana upang ipaalam na tapos na itong maihanda ang kaniyang pagkain.

Kasama si Lena, bumaba sina Jean sa kanilang kubol at tinungo ang kusina kung saan nakaupo ang mga tiyahin at tiyuhin, kasama ang iba niyang mga pinsan na nakatira malapit lang din sa kanila, nakaupo palibot sa mahabang mesa at masaya ng mga itong nagkwe-kwentuhan habang umiinom ng tsokolate.

Ito ay galing lamang sa kanilang bakuran. Maraming puno ng cacao sa likod bahay ng tiyahin na siyang ginagawa nitong tsokolate.

"Oy, Jean. Wala ka bang raket bukas? Hindi ba Sabado? Araw kung saan may iskedyul ng kasal?" Tanong ng pinsan niyang si Jepoy.

"Yung kanina lang kinuha ko insan, malayo kasi ang biyahe, eh," sagot niya na may kasamang pagdadahilan.

"Ah, siya nga ba. Kung ganoon, pangtuma naman dyan!" Hirit nito sa kanya, na ang ibig sabihin ay, pambili ng alak.

"Ano ka ba?" Sinapak ni Joy ang kabiyak. "Si Jean pa talaga ang hiningan mo? Mahiya ka nga sa katawan mo?" saway nito.

"Eh, nagbibiro lang ako," pakamot na dahilan ni Jepoy.

"Tse! Ang sabihin mo, nauuhaw ka lang talaga." 

"Paminsan-minsan nga lang, eh."

Patuloy sa pagtatalo ang kaniyang pinsan at asawa nitong si Joy. Magkababata silang tatlo kaya kabisado na niya ang dalawa. Magtalo man ang mga ito, pero hanggang doon lamang, para lang itong mga batang nag-aasaran.

"O, siya. Walang problema. Ito, oh, isa lang hah?" sabi niya sabay abot ng limang daan peso.

"Ayos! Sabi ko sa iyo, eh!" Masayang inasar ni Jepoy ang asawa na sinagot lamang ng tampal sa balikat.

"Bilisan mo, at baka magsara na si Aling Toyang. Bibili ako Piatos," apora ni Joy sa asawa.

"Ayon, sabi ko na nga ba eh. Kunwari ka lang."

"Asus, tigilan mo ako. Makapal lang talaga mukha mo!" Pabirong sagot nito sa asawa at lumingon si Joy kay Jean.

"Bibilhan ko 'to ng chicharon Jean, hah? Balot, gusto mo?"

"Oo, ba. Sige." tugon niya. "Damihan mo para na rin sa lahat, gayon din yung tsitsirya."

"Okey!" Si Jepoy ang sumagot.

Natuwa rin ang iba niyang mga kamag-anak na hindi pa dinalaw ng antok at masayang nagkwe-kwentuhan sa may mahabang mesa. Ito iyong dahilan kung bakit mas pinili niyang umuwi siya sa bayan kesa magmukmok sa kaniyang boarding house sa syudad.

At least dito, makakalimutan niya pansamantala ang sakit na dinaramdam dahil nandito ang kanyang pamilya.

avataravatar
Next chapter