1 PART 1 | CHAPTER 1

PART 1: Himig Patungo sa Nakatagong Katotohanan

"Mukhang siya'y gising na."

"Mabuti naman."

Malabo.. Bakit mala--- agad akong napabalikwas ng bangon. Ginusot-gusot ko ang mga mata ko atsaka tiningnan ang paligid ko.

"Nasa'n ako?" para bang kusang nagsalita ang bibig ko at ito agad ang binigkas.

"Naririto ka sa aming tahanan. Tamang-tama lamang ang paggising mo sapagkat tapos ng ihain ang hapunan." sagot ng isang lalaki na sa tingin ko'y nasa 45-50 ang tanda.

"Halika hijo. Sabayan mo kaming mag-hapunan." pag-aaya ng isang babae na nasa kasing tanda ng lalaki.

Nagtataka akong tumayo atsaka nagtungo sa hapag-kainan kasama sila.

"Sino kayo?" tanong ko. Ngumiti naman ang lalaki.

"Ako si Delfinn at siya naman si Helen, ang asawa ko." sagot ng lalaki. Tumango na lamang ako bilang tugon.

"Ikaw hijo, ano ang iyong ngalan?"

"Ako si..." biglang nanlaki ang mga mata ko. At pakiramdam ko'y para akong dinala sa ibang dimensyon at tanging itim lang ang kulay na nakikita ko.

"A-Alvir.." hindi, wala akong maalala. Bakit wala? Kahit isang pangyayari sa buhay ko ay wala. Ano ito? Nasaan ako? Paano ako napunta dito? Sino ako?

"Natutuwa akong makilala ka, Alvir." rinig kong sambit ng lalaki. Gulantang at dahan-dahan akong tumingin sa kanya.

"Alvir?"

"Hindi ba't 'yon ang iyong ngalan? Sapagkat iyon ang sinambit mo ng ika'y aking tanungin."

Alvir? Wala akong naaalala na Alvir ang pangalan ko. Hindi ko matandaan. Wala akong natatandaan.

"Paano ako, nakarating dito?" tanong ko.

"Habang naglalakad ako paalis ng gubat dala-dala ang mga kahoy na pinutol ko, nakita kita sa isang sulok na nakahiga. Noong una'y akala ko ay tulog ka ngunit kalaunan ay napagtanto ko na wala kang malay." sagot ng lalaki.

"At alam mo ba hijo, halos mag-iisang buwan kang nakahimlay sa kama. Wala kang malay." a-ano?!

"Saan ka ba nakatira? Baka ikaw ay hinahanap na ng iyong mga magulang." tanong ng lalaki.

"Hindi ko.. Alam." sagot ko. Nakita ko ang naging reaksyon nila. "Wala akong matandaan.. Wala akong maalala."

"Marahil ay may nangyari sa iyo bago ka mawalan ng malay kaya't wala kang matandaan." sambit ng babae. Mukhang tama siya.

"Mabuti pa'y dito ka na lamang muna manirahan." nakangiting sambit ng lalaki. Hindi ko maitatanggi na nagulat ako sa sinabi niya. Ngumiti naman ako atsaka tumango.

"S-salamat po." naiilang kong sambit dahil hindi ako sanay na sabihin ang mga katagang 'yon.

"Walang anuman, hijo. Ang totoo niyan ay masaya kami sapagkat may bagong miyembro ang pamilya namin." sambit ng lalaki.

"Matagal na kasing hindi bumabalik ang anak namin magmula ng magkaroon siya ng trabaho." sambit ng babae.

"Gano'n po ba." sambit ko.

"Sa tingin ko'y kasing tanda mo siya."

Marami pa kaming napag-usapan tulad ng mas pinili ng kanilang anak na magtrabaho kaysa mag-aral at tungkol sa lugar kung saan kami nakatira.

"Sa mundong ito ay may iba't-ibang nasyon. At sa lahat ng nasyon, ang nasyon kung saan tayo ay nakatira ay ang pinaka-mapayapa at may kalayaan." sambit ng Aling Helen.

"Masasabi ko na maayos na napapamahalaan ng mamahala ang nasyon natin." dagdag pa ni Manong Delfinn.

Nakaramdam ako ng pagkamangha dahil sa narinig ko. Ibang klase.

"Ano naman po ang mayroon sa ibang nasyon?" tanong ko pa.

"Wala akong masyadong alam pagdating doon. Ngunit ang sabi, na kung nandito ka sa nasyong ito, manatili ka lamang dito dahil lubhang mapanganib kung mananatili ka sa ibang nasyon."

"Kaya hijo, maswerte ka sapagkat naririto ka."

---

Kakaiba. Kakaiba ang makikita sa kalangitan ngayong gabi. Makikita ang hindi mabilang na bituin at ang bilog na buwan. Naghahalong violet at dark blue ang makikitang kulay ng himpapawid.

"Bakit.. Bakit parang may kakaiba rito." wala talaga akong ideya sa mundong 'to. Wala akong maalala. Pero bakit pakiramdam ko ay ngayon pa lang ako nakatapak sa mundong 'to.

"It feels like a paradise." sambit ko atsaka pumikit habang pinakikiramdaman ang malamig na simoy ng hangin.

"Ano ang iyong sinambit, hijo?" agad kong iminulat ang mga mata ko ng marinig kong may magsalita sa tabi ko. Nakita ko si Aling Helen na may dalang basket na gawa sa kawayan at dahon ng niyog.

"Po?" muli kong tanong.

"May sinabi ka kanina na hindi ko maintindihan." kunot-noo ko naman siyang tiningnan.

"Hay naku, huwag mo na lamang isipin." sambit pa niya atsaka tumawa ng mahina.

Nagtungo ako sa labas ng bahay atsaka pinagmasdan ang kapaligiran. Sobrang tahimik at dilim. Napapaligiran ng matatayog na puno ang bahay na kasalukuyan kong tinutuluyan. Maririnig ang ingay ng mga dahon at sanga nito dahil sa simoy ng hangin.

"Ano pa ba ang mayroon sa nasyong ito?" tanong ko ng makapasok ako sa loob ng kwarto kung saan ako ay matutulog. Nakasabit sa dingding ang isang lampara na tanging nagbibigay liwanag sa kwarto.

"Marami." sagot ni Manong Delfinn. "Paano ko ba ito ipapaliwanag.."

"Sa nasyong ito, hindi lang basta-bastang ordinaryong mortal ang makikita mo." nakangiting sambit nito na ikina-kunot naman ng noo ko.

"Ano ibig mong sabihin?"

"May makikita ka na mga mortal kung saan meron silang kakaibang kakayahan."

Ano? Teka parang hindi ko masyadong gets ang sinasabi niya. Parang hindi mag-sink in sa utak ko ang mga sinabi niya.

"Naguguluhan ka ba?" natatawang tanong niya. Agad naman akong tumango. Tumayo siya atsaka nagtungo sa isang cabinet. Kinuha niya ang isang libro na kasing laki ng kwaderno ngunit napaka-kapal nito.

"Buklatin mo ito at iyong suriin." kunot-noo ko naman itong inabot atsaka binuklat.

Pagkabuklat ko sa aklat na ito ay lalo lamang akong naguluhan. Wala akong maintindihan. Tanging mga larawan lang ang kaya kong intindihin ng kaunti.

"Hindi mo maintindihan, hindi ba?" tumango naman ako. "Ang librong 'yan ay pagmamay-ari ng aking anak. At 'yan lamang ang tangi niyang inaral."

"Kayo ba, naiintindihan niyo po ba?" tanong ko.

"Hindi. Pero ang asawa ko ay naiintindihan ang bawat salitang nakapaloob sa librong 'yan."

"Bakit? Paano?" kunot-noong tanong ko atsaka muling sinuri ang librong hawak ko.

"Isang mangkukulam ang anak ko." kusang napataas ang ulo ko at napadako ang paningin ko sa kanya.

"Huwag kang magulat sapagkat normal lang na siya'y maging isang mangkukulam. Isa ring mangkukulam ang aking asawa noon ngunit ipinagkaloob na niya ang kanyang kakayahan sa aming anak kaya isa na lamang siyang normal na mortal ngayon."

"Gano'n po ba."

"Hmm. At tanging mangkukulam lamang ang makakabasa ng librong 'yan." kaya pala.

"Ikaw po ba, anong kakayahan ang mayroon ka?" tanong ko. Ngumiti lamang siya.

"Isa lamang akong normal na mortal." sagot nito. Napatango na lamang ako bilang tugon.

"Ikaw, ano kayang kakayahan ang mayroon ka?"

Kakayahan? Ano nga ba? Meron naman kaya?

---

Simoy ng hangin ang gumising sa akin. Mula sa kinahihigaan ko ay naririnig ko ang huni ng mga ibon sa di-kalayuan.

Kaagad akong bumangon atsaka nagtungo sa labas ng aking kwarto.

"Naku hijo, tamang-tama ang iyong bangon sapagkat tapos ko ng lutuin ang tinapay!" isang napakabangong amoy ang tumambad sa akin ng makarating ako roon.

At dahil sa amoy na 'to, narinig kong tumunog ang tiyan ko.

"Kumain ka na hijo, tatawagin ko lang si Delfinn sa may balon." tumango naman ako atsaka agad na nilantakan ang tinapay.

Woah! Sobrang sarap!

Matapos ang ilang minuto ay natapos na akong kumain. Nakailang dighay pa nga ako.

"Masarap ba, hijo?" rinig kong tanong ni Aling Helen.

"Oo naman po!" grabe, sobrang sarap!

Tuluyan ng sumikat ang araw. At habang ito'y pataas ng pataas ng sikat, lalo akong nakakaramdam ng inip. Wala akong magawa at inip na inip na ako.

"Naku malapit na tayong mag-tanghalian." rinig kong sambit ni Aling Helen. "Hijo, maaari mo ba akong samahan sa palengke para mamili?"

"Oo naman po!" mabilis kong tugon. Nag-ayos ako ng aking sarili atsaka lumabas ng bahay kasama si Aling Helen.

Matapos ng ilang minutong paglalakad, nakarating na kami sa palengke.

Panay ang ikot ng ulo ko sa kung saan-saang parte ng palengke sapagkat kakaiba ito sa lugar kung saan kami nakatira. Maingay dito at napakasigla. Maayos din ang palengke. Medyo sibilisado na ang parteng ito dahil nakakakita ako ng mga sasakyan na kalesa.

Napansin ko na ang mga kabayo na nagpapatakbo ng kalesa ay hindi ordinaryo. May mga pakpak ito at kayang lumipad sa himpapawid.

Amazing!

Sa di-kalayuan ay nakita ko ang isang lalaki na hindi na bata ngunit hindi pa binata, nakita kong lumulutang siya at ang mga batang nakapaligid sa kanya ay gulat na gulat at tuwang-tuwa.

"Kakaiba, hindi ba?" rinig kong tanong ni Aling Helen. Nakangiti naman akong tumango.

Kakaiba. At pakiramdam ko'y, ngayon pa lamang ako nakakakita ng mga ganito.

"Saglit lamang. Dito ka muna sapagkat bibili lamang ako ng karne." tumango naman ako atsaka siya pinanood na maglakad paalis. Nang mawala na siya sa paningin ko ay muli kong tiningnan ang kapaligiran ko.

"Ikaw."

"Haa!" napasigaw ako ng wala sa oras dahil may biglang nagsalita malapit sa tenga ko. Nakita ko ang isang babae na nakaitim at may suot-suot na itim na belo.

"Saang nasyon ka nagmula?" nakangising tanong niya.

"Dito." sagot ko naman.

"Kung gano'n, ano ang pangalan ng nasyon na ito at sino ang namamahala rito?" kunot-noo naman akong tumingin sa kanya. Ilang segundo matapos niya akong tanungin ay mas lalong lumaki ang ngisi niya.

"Hindi ka taga-rito." sambit nito. Kumunot naman ang noo ko.

"Paano mo naman nasabi?"

"Iba ang iyong amoy. Iba ang awra mo." ha? Ano naman ang koneksyon no'n kung taga-rito ako o hindi?

"Hindi kita paniniwalaan." sambit ko. Narinig kong tumawa siya ng mahina. Para bang tawa ng isang manipulative antagonist.

"Isa akong manghuhula. At nakikita ko na may mga bagay na hindi tumutugma sayo." muli akong tumingin sa kanya.

"Kung isa kang manghuhula, nakikita mo ba ang mga pangyayaring naganap sa nakaraan ko?"

"Inuulit ko, isa akong manghuhula. Hindi ko kayang makita ang iyong nakaraan." napasimangot naman ako sa sinabi niya.

"Kung gano'n, anong mangyayari sa'kin sa hinaharap?" muli itong ngumisi atsaka inilahad ang palad niya sa aking harapan. Kunot-noo ko naman itong tiningnan.

"Bayad muna." ano?

"Makakaalis ka na." sambit ko.

---

"Isang manghuhula?" natatawang tanong ni Manong Delfinn habang kami ay kumakain. Katatapos ko lang kasing ikwento sa kanya ang nangyari kanina sa palengke.

"Gano'n talaga sila, hijo. Walang libre sa kanila sapagkat 'yon ang kanilang hanap-buhay." pagpapaliwanag naman ni Aling Helen.

"Ngunit hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko pa rin ang sinabi niya. May posibilidad ba na tama siya?" tanong ko.

"Maaari at maaaring hindi." sagot naman ni Aling Helen. Napatango na lamang ako bilang tugon.

Matapos ang tanghalian ay muli na naman akong nakaramdam ng inip. Ayoko pa naman ng naiinip dahil para akong tino-torture. Ang boring.

"Hijo, wala ka bang gagawin?" rinig kong tanong ni Manong Delfinn.

"Opo eh."

"Kung gano'n ay samahan mo muna ako sa gubat. Samahan mo akong maghanap ng mga kahoy bilang panggatong." agad naman akong sumang-ayon.

"Delfinn." napatingin ako kay Aling Helen. Deretso itong nakatingin kay Manong Delfinn. "Sigurado ka ba sa iyong desisyon na pasamahin sa iyo si Alvir? Alam mo naman ang kalagayan sa gubat."

"Ayos lang 'yan, Helen. Hindi naman kami magtutungo sa kailaliman ng gubat. Doon lamang kami sa may bungad." bakas sa hitsura ni Aling Helen ang pag-aalala.

"Ah Aling Helen, ayos lang po. Gusto ko rin po kasing malakbay ang nasyong ito." nag-aalala man ngunit nagawa niya pa ring ngumiti.

"Sige. Basta't mag-iingat kayo at bumalik agad kayo bago magtakip-silim."

Nagsimula na kaming maglakad patungo sa gubat. At habang kami ay naglalakad, iniisip ko kung bakit gano'n na lamang ang pag-aalala ni Aling Helen. Anong meron sa gubat?

"Siguro'y iniisip mo kung anong meron sa gubat." rinig kong tanong ni Manong Delfinn kaya agad akong tumango.

"Maraming mababagsik na nilalang ang nakatira sa gubat. At maraming nagsasabi ni hindi sila kayang mapatay ng mga normal na mortal." pagpapaliwanag niya.

"Nakakita ka na ba ng nilalang na tinutukoy mo?"

"Isang beses, ngunit tanging pigura lamang nito ang aking nasilayan."

Hindi ko alam sa aking sarili ngunit nakakaramdam ako ng kuryosidad. Gusto kong makita ang mga nilalang na tinutukoy ni Manong Delfinn.

"Narito na tayo." kaunting sinag lamang ng araw ang nakikita ko sa bungad ng gubat.

"Gaano ba kalaki ang gubat na 'to?" tanong ko kay Manong Delfinn habang nagpuputol ng kahoy.

"Sobrang laki at lawak nito. At sa sobrang laki at lawak nito, hindi mo na alam kung saan ang daan palabas kung ikaw ay malayo na sa bungad nito." so this is like a maze. Wow.

Siguro ay napakadilim na sa kalagitnaan ng gubat na 'to.

Naglakad-lakad ako atsaka naghanap ng maayos na puno para putulin. Habang nagpuputol ako, isang pigura ang nakita ko sa peripheral vision ko kaya agad ko itong tiningnan. Ngunit wala naman akong nakita.

"Manong Delfinn, ano 'yung---" napatigil ako sa pagsasalita ng makita ko na wala na sa likod ko si Manong Delfinn. Bagkus ay isang puno na lamang.

"Manong Delfinn?" hinawakan ko ang itak na ipinahiram sa'kin ni Manong Delfinn atsaka naglakad-lakad. Muli kong isinigaw ang kanyang pangalan ngunit hindi ko pa rin siya makita.

"Aqkwjhsbsjsn..." napatingin ako sa aking likuran ng may marinig akong bumulong. Ngunit wala akong nakita.

"Aksjsnbsjsn..." muli akong lumingon sa ibang direksyon ngunit wala akong nakita.

"Sino ka?!" sigaw ko. Lalong lumakas ang bulong. Naramdaman ko ang patayo ng aking mga balahibo. Nakaramdam ako ng takot pero hindi magpapatinag.

"Sino ka?! Magpakita ka!" sigaw ko pa.

Isang tawa ang umalingawngaw sa aking tenga. Tawang napakasakit sa tenga kaya agad ko itong tinakpan.

Maya-maya pa'y tumahimik na. Pinakiramdaman ko ang paligid ko atsaka lumingon kung saan-saan.

"Wala ka ng magagawa."

"Haa!" sa oras na ito, sigaw na may halong takot ang nagawa ko.

Nakita ko ang isang babae na nakangiti sa harapan ko. Nakasuot ito ng damit na sumasayad hanggang sa lupa na katulad na katulad ng vines ng mga puno. Makikita ang hindi gano'n kahaba ngunit hindi gano'n kaikling mga sanga ng puno na nakakonekta sa ulo niya. Ito ang nagsisilbing sungay niya.

Ang mga ngiti niya'y mapanlinlang.

"Sino ka?!" lalong lumapad ang mapanlinlang niyang ngiti.

"Magiging puno ka na rin tulad nila!" atsaka ito tumawa ng pagkalakas-lakas. Muli akong napatakip ng aking tenga.

"Sa wakas, isang mortal na walang kahit anong mahika ang pumuprotekta rito ang napadpad sa gubat na ito! Magiging malusog na naman ang kagubatan! Ha ha ha!"

Itinutok ko sa kanya ang hawak kong itak bilang depensa. Umakto siyang nagulat pero kalaunan ay lalo siyang ngumisi.

"Walang kahit anong armas na gawa ng mortal ang makakapatay sa akin! Kaya hindi mo ako malalabanan!" muli itong tumawa. "Sumuko ka na."

Naramdaman ko na may pumulupot na kung ano bagay sa binti ko. Agad ko itong tiningnan at nagulat ako ng makita na isa itong ugat ng puno.

Agad ko itong sinaksak gamit ang itak upang maputol. Pero bakit hindi ito napuputol?!

"Aah!" sigaw ko ng hilain ako nito. Muli kong narinig ang tawa ng babae.

Pinilit kong hindi magpahila sa ugat ngunit hindi ko kaya. Wala akong sapat na lakas!

Ang hina-hina ko! Ayoko pang mamatay! Marami pa akong gustong malaman!

"Ha ha ha!"

Tu.. Long...

"Ahh!" napalitan ng hiyaw ang tawa ng babae. At sa isang iglap ay nawala ang ugat na nakapulupot sa binti ko.

Tiningnan ko ang babae at nagulat ako ng makitang nahihirapan siya. Hawak-hawak niya ang leeg niya at para siyang sinasakal.

Kalaunan ay napabitaw siya at napaupo sa lupa. Naririnig ko ang hingal niya.

"Ang lakas ng loob mong gawin ito sa akin. Sino ka, magpakita ka!" sigaw ng babae.

"Pasensya na, Seduire." napatingin ako sa isang babae na bigla na lang lumitaw sa gilid ko. Nakaharap ito sa babae na Seduire ang ngalan.

Tumayo si Seduire at bakas ang inis sa mukha niya.

"Isang mangkukulam! Ano ang dahilan mo para magtungo sa teritoryo ko?!" sigaw nito.

"Pasensya na sapagkat hindi alam ng lalaking ito ang kanyang ginagawa. Hindi niya alam na bawal magputol ng puno sa teritoryo mo." napatingin ako sa babae. May hawak siyang libro na sobrang kapal. Nagulat naman ako ng tumingin ito sa akin.

"Humingi ka ng paumanhin sa kanya." ano? Ako na nga ang malapit ng mamatay tapos ako pa ang hihingi ng paumanhin?!

"Dalian mo."

"Patawad kung may nagawa man akong kasalanan." sambit ko. Narinig kong inis siyang suminghal. Napatingin ako rito at sa isang iglap ay bigla siyang naglaho.

Nasaan na siya?

"Ayos ka lang ba?" napatingin ako sa babaeng katabi ko. Naramdaman kong hinawakan niya ang balikat ko at masusi akong tiningnan.

"A-ayos lang ako." sambit ko. Tiningnan ko naman siya. "Bakit?" kitang-kita kong gulat na gulat siya.

"Wala kang.. Sinulid."

"Ano?" tumingin ito sa akin atsaka hinawakan ang pulsuhan ko.

"Sumama ka sa'kin."

"Teka---" hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko ng bigla niya akong hilain paalis.

Anong ibig niyang sabihin?

avataravatar
Next chapter