2 The Stranger’s Bastard

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

CHAPTER 2: The Stranger's Bastard

"Sasabihin ko na sa'yo ang totoo! Nung gabing 'yon, may nilagay ako sa ininom mong alak. Palibhasa init na init ka at naghahanap, kaya may dalawang lalaki akong nahanap para sa'yo. Sino namang mag-aakalang 'di ka pa pala nasiyahan sa ginawa kong pabor. Bigla ka pa ngang pumasok sa kwarto ng 'di mo kilalang lalaki at sinamantala 'yung pagkakataon…" sabi ni Ning Xuelo na may pagkasuklam. "Masyado pang mabait at magalang si Su Yan para sa sarili niyang kabutihan kasi nung nagising ka, natakot siya na 'di mo matanggap ang katotohanan, kaya sinabi na lang niya sa'yo na siya yung lalaki nung gabing 'yun!

"Ikaw…" nanginginig si Ning Xi sa kanyang narinig. Hindi na siya makapagtimpi pa at sinunggaban ang braso ni Ning Xuelo. "Bakit mo ba ako tinatrato nang ganito? Bakit? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap mo sa'kin?"

Nagsalubong ang kilay ni Ning Xueluo at balak na niyang itulak si Ning Xi palayo nang mapansin niyang paparating si Su Yan. Biglang huminahon ang boses at naging kaawa-awa ang mukha nito, "Ate, alam kong mali ako. Kung gusto mong manakit o manigaw, sa'kin mo gawin, parang awa mo na 'wag mong sisihin si Su Yan."

Napahinto si Ning Xi at bigla namang nahulog sa sahig si Ning Xueluo na parang itinulak siya ni Ning Xi.

"Ning Xi! Anong –" Sabi ng isang boses na tila may pag-paparatang.

Lumingon si Ning Xi at nakita ang mukhang galit na si Su Yan.

Nilagpasan lang siya nito at tinulungang makatayo si Ning Xueluo. "Xueluo, ayos ka lang ba?"

Halos ipagdiinan ni Ning Xueluo ang buong katawan kay Su Yan. "Su Yan, 'di ko sinasadya, alam kong mali ako… nangyari lang 'to dahil may kasalanan ako kay ate…"

"Tama na 'yan! 'Wag mong sisihin ang sarili mo. Kahit anong mangyari, nandito ako para sa'yo!" tinapik nito ang balikat ng dalaga at tinulungang makasakay sa kotse. "Ipapaliwanag ko kay Ning Xi ang lahat."

Nablangko ang utak ni Ning Xi habang pinapanood ang paglapit sa kanya ni Su Yan na binuksan ang bibig upang magsalita.

Matagal na nagsalita si Su Yan.

Nagkwento siya tungkol sa kanilang nakaraan at sa kanilang masayang pagkabata. Nagsalita din siya ukol sa mga pinagdaanan niya nang mahulog ang loob kay Ning Xueluo. Ikinuwento niya rin noong nagalit siya kay Ning Xueluo nang nalaman niya ang naging pakana nito kay Ning Xi. Maging yung takot at pagsisisi nung nalaman niya 'yung pagbubuntis ni Ning Xi, nabanggit niya. At sinabi niya rin ang tungkol sa kung pa'no niya tinanggap ang paghingi ng tawad ni Ning Xueluo…

Sa huli, ang sabi ni Su Yan, "Ning Xi, sorry pero 'di kita mapapakasalan – hindi dahil sa nangyari nung gabing 'yun o dahil sa ayaw ko 'yang dinadala mong bata – pero dahil 'di ko kayang saktan si Xueluo at 'di ko kayang lokohin ang sarili ko."

Magkasama sila ni Ning Xueluo na naglilibot sa ibang bansa nitong nakaraang ilang buwan at magkasama rin sila umaga hanggang gabi, lalong mahirap na paghiwalayin silang dalawa ngayon. Noong una, gusto lang niyang bawasan ang sakit na nararamdaman ni Ning Xi kaya siya nagpanggap bilang ang lalaking nakasama niya nung gabing 'yon. Pero alam niya, sa puso niya, na pinipili niya si Ning Xueluo.

Kaya nang malaman niya na buntis si Ning Xi, 'di niya napigilan ang sarili na puntahan ang Ning family para ipaliwanag ang lahat sa Second Master. Sa kabila nito, 'di niya sinabi ang katotohanan kay Ning Xi.

"Ibig mong sabihin… Su Yan… simula pa lang alam mo nang may inilagay si Ning Xueluo sa inumin ko at sinira niya ang buhay ko? At dahil gusto mo siyang protektahan, sinabi mong ikaw 'yung lalaki nung gabing 'yun?" sa wakas ay nakapagsalita rin si Ning Xi pero manhid na rin siya at nakatitig na lang kay Su Yan.

"Ning Xi, hindi sinsadya ni Xueluo. Bata pa siya kaya sobrang impulsive…"

"Eh pa'no ako?" tiningnan ni Ning Xi si Su Yan at nawawalan ng pag-asa. "Ni minsan 'di mo man lang ba naisip kung anong magiging kalagayan ko?"

Hindi nagsalita si Su Yan at may mahabang katahimikan bago niya inabot ang kamay ni Ning Xi. "Ang taas ng araw, tara umuwi na tayo…"

"'Wag mo 'kong hawakan –" sabi ni Ning Xi at hinawi ang kamay ni Su Yan palayo tapos biglang tumawa nang malakas.

Pakiramdam ni Ning Xi, isang malaking kalokohan ang buong buhay niya.

Para kay Su Yan, nagsikap si Ning Xi para makapasok sa B University at makarating sa tinitirahang lungsod ni Su Yan.

Para kay Su Yan, inabandona niya 'yung ambisyon niya na maging isang aktres.

Para maging pantay ang estado ng mga pamilya nila, binalewala niya ang adoptive parents niya at bumalik sa Ning family, at higit sa lahat, nagpakatanga siya para lang magustuhan siya ng mga mayayamang pamilya.

Sa huli, ang natanggap lang niya ay: "'Di ko kayang saktan si Xueluo."

Hindi lang ang identity at birth parents ni Ning Xi ang inagaw sa kanya ni Ning Xueluo, ngayon inagaw rin nito ang pinakamamahal niyang tao. Oo bata pa si Ning Xueluo, pero pa'no siya mapapatawad? O kung mapatawad nga niya, sino na lang ang masisisi ni Ning Xi sa mga kamalasang dinanas niya? Ni hindi niya nga kilala 'yong lalaki 'nung gabing 'yon!

Napatakip na lang ng mukha si Ning Xi at nanginig dahil sagad na ang desperasyon niya.

Pinanood lang ni Su Yan si Ning Xi nang dalus-dalos itong nagsimulang tumawid sa kalsada. Hahabulin na niya si Ning Xi pero biglang hinila ni Ning Xueluo ang kanyang manggas. "Su Yan, saan ka pupunta?"

Habang nag-aalangan ni Su Yan, nagkaroon ng malakas na kalabog. Tumilapon sa kalsada si Ning Xi at bumagsak nang malakas.

"Saklolo! Tulong! May buntis na nabundol!"

Sa matinding liwanag, anino at mukha ng dalawang tao ang naaninag ni Ning Xi at halos gusto niyang sumuka. Nakaramdam siya ng pananakit sa sikmura at unti-unting nawalan ng malay dala ng matinding sakit. Isa pang kurap at ang dugong tumutulo mula sa kanyang noo ay umabot na sa kanyang mata at nagdilim ang kanyang mundo.

avataravatar
Next chapter