190 Soul Jade (2)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Nahulog si Bai Yun Xian sa kaniyang kinauupuan dahil sa sobrang takot.

"Naiintindihan ko, makikinig ako sa lahat ng sasabihin mo! Huwag mo lang akong itulad kay Mo Xuan Fei."

Tinalikuran siya ni Jun Wu Xie at sinabing: "Manahimik ka."

Tumayo si Bai Yun Xian at agad na tumakbo palabas ng silid na iyon. Nabunggo niya si Mo Qian Yuan na pabalik na galing sa paghatid sa mga bisita. Nang makita nito ang itsura ni Bai Yun Xian, nahulaan niyang may nanakot nanaman dito.

Nang makabalik siya sa palasyo, naabutan ni Mo Qian Yuan ang isang eunuch na nag-uutos na ibalik sa piitan si Mo Xuan Fei. Nagmadali naman ang mga katulong na gawin iyon.

Nakatayo si Jun Wu Xie sa gitna ng silid na iyon at matamang nakatingin sa kaniya.

Kinakabahang nagsalita si Mo Qian Yuan, "Narinig mo ang lahat ng sinabi ni Qin Yu Yan?"

Tumango si Jun Wu Xie.

"Ano sa tingin mo ang dapat nating gawin?" Hindi nangahas si Mo Qian Yuan na iboluntaryo kay Jun Wu Xie na hukayin nila ang puntod ng ama nito.

"Ibigay mo sa kanila ang kanilang gusto." Agad na sagot ni Jun Wu Xie na hindi man lang nag-isip muna. Dalawang pirasong jade lang naman iyon, hindi pa ito ang tamang oras para kalabanin ang mga ito.

"Ano?" Hindi makapaniwalang tiningnan siya ni Mo Qian Yuan.

"Ikaw...ikaw ay pumapayag na ibigay ang Soul Jade?"

"Bakit hindi?" Pagbabalik-tanong dito ni Jun Wu Xie. Wala pa siyang narinig tungkol sa Soul Jade na sinabi ni Jun Xian at Jun Qing. Kung importante iyon, sana ay sinabi na ng mga ito. Dahil hindi, malamang ay pangkaraniwang bagay lang iyon.

Ang kalabanin ang Qing Yun Clan para lang sa isang bato? Sayang lang ang kanilang lakas.

Tinantsa naman siya ni Mo Qian Yuan bago nagsalita. "Napapansin kong mas lalo kitang hindi naiintindihan sa bawat paglipas ng araw. Prinotektahan mo ang Jun Family, hindi ko inaasahang...pumapayag kang hukayin ang puntod ni General Jun Gu. Siguro ay tama ka, kung naririto lang siya, hindi ka hahayaan ng general na kalabanin ang Qing Yun Clan... "

Bago pa matapos si Mo Qian Yuan ay matalim siyang nilingon ni Jun Wu Xie.

"Anong sinabi mo?"

"Erm... W... Wala akong sinabi..." Agad na itinikom ni Mo Qian Yuan ang kaniyang bibig.

"Kaninong puntod ang sinabi mong huhukayin?" Nagbabaga ang mga mata ni Jun Wu Xie.

Napalunok naman si Mo Qian Yuan: "Jun Gu, Generalissimo Jun... Ang kalahati ng Soul Jade na ibinigay sa Jun Family ay kasama sa paglibing sa kaniya nang siya ay mamatay, hindi ba?"

Mas lalo namang nagsalubong ang kilay ni Jun Wu Xie.

"Hindi mo alam?" Tanong ni Mo Qian Yuan.

"Hindi." Tipid na sagot ni Jun Wu Xie. Mas lalo namang lumalalim ang pagkunot nito ng noo. Batang-bata pa si Jun Wu Xie nang mamatay ang kaniyang ama. Wala siyang gaanong alaala ng kaniyang ama.

Alam na ngayon ni Mo Qian Yuan kung bakit ang dali lang kay Jun Wu Xie ang pumayag kanina.

"Gusto mo pa rin bang ibigay ito sa kanila?" tanong ni Mo Qian Yuan.

Nasa malalim na pag-iisip si Jun Wu Xie. Hindi niya pa nakikita si Jun Gu. Ang kaniyang pagmamahal ay limitado lang kila Jun Xian at Jun Qing. Hindi niya masyadong inaalala ang paghuhukay. Ngunit puntod pa rin ito ng anak ni Jun Xian at kapatid pa rin ito ni Jun Qing. Hindi ito isang bagay na siya lang ang magdesisyon.

Ito ang huling tao na maaari niyang saktan. Ang mag-amang Jun.

"Ipapaalam ko sa'yo bukas." mag-iisip muna si Jun Wu Xie. Kailangan niya muna itong ipagpaalam sa kaniyang lolo at tiyuhin. Kailangan niyang siguruhin kung talaga ngang kasamang inilibing ang Soul Jade sa kaniyang ama.

"Sige. Ako muna ang bahala sa Qing Yun Clan. Huwag kang mag-alala." sagot ni Mo Qian Yuan na may kasabay na mahinang tawa. Napagdesisyunan niyang meron o wala man ang kalahati ng Soul Jade na nasa Jun Family, ipapakita niya muna ang Soul Jade kay Qin Yu Yan bukas para aliwin sila at mabigyan si Jun Wu Xie ng sapat n panahon.

Tumango naman si Jun Wu Xie. Ang gusto niya lang gawin ngayon ay bumalik sa Lin Palace at kausapin tungkol dito si Jun Xian.

avataravatar
Next chapter