1066 Nagbibiro Ka Lang (1)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Gutom na gutom si Jun Wu Xie. Ang spirit level breakthrough ay inubos ang kaniyang lakas kaya naman agad siyang natakam sa mga pagkaing nakahanda sa mesa. Nakangiti namang kinuha ni Jun Wu Yao ang chopsticks at nagsimula na ring kumain. Ngunit agad niya ring iniluwa ang pagkain nang kaniya iyong malasahan.

"..." Kasalukuyang humihigop si Jun Wu Xie ng lugaw nang iluwa ni Jun Wu Yao ang pagkain. Nang makita niyang iniluwa ni Jun Wu Yao ang hipon ay natigilan siya sa pagkain.

"Ye Sha." Tawag ni Jun Wu Yao matapos punasan ng napkin ang kaniyang labi.

Agad namang sumulpot si Ye Sha at lumuhod sa harap ni Jun Wu Yao.

"Ano pong maipaglilingkod ko?" 

"Kunin mo lahat ng pagkaing ito at maghanda kayo ni Ye Mei ng panibago." Utos ni Jun Wu Yao.

"Opo!" Yumuko si Ye Sha at kinuha ang pagkaing nasa mesa. Maging ang kinakain ni Jun Wu Xie ay kinuha nito. Tanging natira lang ay ang isang kutsara ng lugaw na hawak ni Jun Wu Xie.

Nakakadalawang subo pa lang siya at pinag-utos na agad ni Jun Wu Yao na kunin ang pagkain?

Bumakas ang pagprotesta sa mga mata ni Jun Wu Xie.

Hinaplos ni Jun Wu Yao ang buhok ni Jun Wu Xie: "Hindi kita hahayaang kumain ng hindi masarap na pagkain."

Si Xiong Ba ang inutusan niyang magpahanda ng pagkain at ganoon ang kinalabasan?

Saglit na natigilan si Jun Wu Xie bago niya naintindihan ang sinabi ni Jun Wu Yao.

Nagtakip naman ng mga mata ang itim na pusa. Kahit na hindi tutumbas ang mga pagkaing iyon sa mga mamahaling restaurant, hindi naman masasabing ganoon kasama ang lasa ng mga iyon. Ngunit hindi iyon katanggap-tanggap kay Jun Wu Yao. Halos hindi nito malunok ang pagkaing iyon…

Pakiramdam niya ay dudumihan lang noon ang dila ni Jun Wu Xie!

Hindi na kayang panoorin ng itim na pusa ang kabaliwan ng Demon Lord! 

Siguro ay nasanay ang dila ng Demon Lord sa masasarap na pagkain na hinahanda nina Ye Sha at Ye Mei!

Ang husay sa pagluluto ng dalawang iyon ay walang katumbas! 

Hindi pa rin nakakabawi si Jun Wu Xie sa pagkagulat. Kinuha ni Jun Wu Yao ang kutsara sa kamay ni Jun Wu Xie at itinapon iyon sa bintana…

"Maghintay ka na lang ng ilang sandali, bago magpatuloy sa pagkain." Nakangiting saad ni Jun Wu Yao.

Hindi makapagsalita si Jun Wu Xie nang makita niya ang kaniyang huling kutsara ng lugaw na itinapon sa bintana. Tumunog ang kaniyang sikmura. Para bang nagpoprotesta ito sa ginawang iyon ni Jun Wu Yao.

"Hindi naman masama ang lasa ah?" Saad ni Jun Wu Xie. Hindi mahalaga sa kaniya ang lasa ng pagkain. Basta mayroon lang ay sapat na sa kaniya. 

"Bakit mo naman pa pahirapan ang sarili mo doon?" Nakangiti pa ring sabi ni Jun Wu Yao.

"..." Hindi naman niya pinapahirapan ang sarili niya!

Tinapon ni Ye Sha at Ye Mei ang pagkaing hinatid nila kanina sa silid ni Jun Wu Xie. Nang makita silang dalawa ng mga nagtatrabaho sa kusina ng Fiery Blaze Clan Hall ay bumakas ang takot sa kanilang mga mukha. Bago pa sila makapagsalita ay pinalabas na sila nina Ye Sha at Ye Mei.

Agad nagsumbong ang mga kusinero kay Xiong Ba.

Iniinda pa rin ni Xiong Ba ang kaniyang kamay nang kaniyang marinig ang tungkol sa dalawang taong nasa kusin ng Fiery Blaze Clan Hall.

"Clan Chief! Wala ka bangg gagawin tungkol doon?" Tanong ni Qing Yu. Nakatitig ito sa nandidilim na mukha ni Xiong Ba.

Iwinagayway ni Xiong Ba ang kamay niyang mayroon pa ring cast sa harap ni Qing Yu.

"Hindi ako papayag! Kailangang may gawin ako!"

avataravatar
Next chapter