1068 Makamandag na Babae (1)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Sinapo ng lalaki ang kaniyang dibdib habang nakahiga sa sahig. Tiniis nitong huwag dumaing kahit na sobrang sakit na ang kaniyang nararamdaman. Lumuhod ito at nagmakaawa.

"Great Aunt, kasalanan ko. Huwag niyo po akong patayin parang awa niyo na."

Madilim ang mukha ni Qu Xin Rui habang nakatingin dito. Ang balabal nito ay dumausdos sa braso nito hanggang sa nalaglag sa sahig. Biglang nagbago ang balat nito sa may bandang braso. Noong una ay nasa palapulsuhan lang ang kulubot na iyon. Ngunit ngayon ay umakyat ito hanggang braso. Ang sinumang makakakita ng brasong iyon ay iisipin na pagmamay-ari iyon ng isang matandang babae.

"Mga guwardiya! Alisin niyo iyan sa harap ko." Malamig na utos ni Qu Xin RUi.

Nagpatuloy sa pagmamakaawa ang lalaki ngunit kinaladkad na ito ng mga guwardiya palabas ng Heavenly Cloud Chambers.

Ibinaba ni Qu Xin Rui ang kaniyang kamay. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.

Napatingin din si Shen Chi sa kulubot na braso ni Qu Xin Rui.

"Mukhang bumibilis ang pagtanda mo."

Kinabahan naman si Qu Xin Rui at tumingin sa brasong nakalantad kay Shen Chi. Nanigas ang kaniyang anyo. Agad niyang ibinaba ang manggas ng kaniyang damit upang matakpan ang brasong iyon.

"Lintek. Anong nangyayari? Ilang araw ko nang ginagamit iyon pero ganito pa rin, bakit?" Kumunot ang noo ni Qu Xin Rui. Iritable ang ekspresyon sa mukha. Madalas kapag ginagamit niya iyon ay nanunumbalik ang kaniyang batang itsura. Ngunit ngayon ay mukhang hindi iyon tumatalab.

"Nagsimula ito noong selebrasyon ng kaarawan ko. Pumasok ba si Qu Ling Yue sa Heavenly Cloud Chambers nung araw na iyon?" Tanong ni Qu Xin Rui.

Umiling si Shen Chi. "Hindi namin hinayaan na may makapasok na babae. Ginawa niya lang ang taon-taon niyang ginagawa. Babati siya sa labas ng pinto pagkatapos ay aalis na."

"Sa susunod huwag niyo na rin sa kaniyang ipagawa iyon. Huwag niyo siyang paluhurin sa labas ng Heavenly Cloud Chambers." Saglit na tumigil si Qu Xin Rui bago nagpatuloy: "Kung gusto niyang bumati, gawin niya iyon sa dulo ng kalsada."

"At ang taong iyon, hayaan niyo lang siyang maging alay. Siguro ay bumaba ang kapangyarihan ng bagay na iyon dahil sa kaunti lang ang spirits na nakukuha niya." Ngayon ay nasa braso niya lang ang kulubot. Kung magpatuloy pa ito ay hindi niya na alam kung hanggang saan iyon aabot. Hindi niya makakaya kapag kumalat iyon sa buong katawan.

"Ang dami kong pinaghirapan para makamit ko muli ang kabataan ko. Hindi ko hahayaang mangyari 'yon."

"Kung gusto mong magbigay ng alay, tingin ko ay hindi sapat ang isang tao lang." Nakuha agad ni Shen Chi ang ibig sabihin ni Qu Xin Rui.

"Mamili ka ng ilan pa sa mga lalaking iyon. Ikaw na magdesisyon." Dagdag pa ni Qu Xin Rui.

Ang tinutukoy ni Qu Xin Rui ay ang mga lalaking naririto sa Heavenly Cloud Chambers. Kada buwan, namimili si Qu Xin Rui ng ilang gwapo at batang mga lalaki sa Thousand Beast City at pinapapunta niya sa Heavenly Cloud Chambers para siya ay pagsilbihan. Wala ni isa sa mga lalaking iyon ang nagtangkang umalis ng Heavenly Cloud Chambers.

Walang sinuman ang pwedeng makapasok sa Heavenly Cloud Chambers hanggat walang pahintulot ni Qu Xin Rui. Kahit kausapin man lang ang mga alalay nitong kalalakihan ay hindi pwede. Kaya naman walang nakakaalam kung anong tunay na nangyayari sa mga lalaking kinuha nito sa Thousand Beast City.

"Sige, ako na ang bahala doon." Sagot ni Shen Chi. Nanlisik ang mga mata nito pagkasabi noon.

"Nga pala, anong balak mo kay Jun Xie? Tingin ko ay mukhang hindi niya gusto ang iyong suhestiyon." Nakangiting saad ni Shen Chi habang nakatingin kay Qu Xin Rui.

avataravatar
Next chapter