188 ANG INILILIHIM SA KALABAN (2)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Wala namang nahalata si Qin Yu Yan kay Bai Yun Xian. Desperada na si Bai Yun Xian na iligtas ng mga ito si Mo Xuan Fei!

Kung magagamot ng mga ito si Mo Xuan Fei, magiging malaya na siya sa kamay ni Jun Wu Xie.

Matamang nanonood lang si Jun Wu Xie ngunit wala siyang pangamba.

Sila mismo ang naghayag sa kanilang sarili na ang Qing Yun Clan ang pinakamahusay pagdating sa medisina. Gusto itong makita ni Jun Wu Xie, kung may magagawa ba sila para kontrahin ang lasong kaniyang ginawa.

Pinipilit ni Jiang Chen Qing na huwag masuka. Pinulsuhan nito si Mo Xuan Fei. Bakas ang pandidiri sa itsura nito. Nang mapulsuhan niya ito, natigilan si Jiang Chen Qing---nagulat.

"Paano nangyari 'yon?"

Dahil sa sinabi ni Jiang Chen Qing ay nabaling sa kaniya ang buong atensyon nina Qin Yu Yan at Bai Yun Xian.

"Bakit, Uncle Jiang?" Tanong ni Qin Yu Yan.

Hindi makapaniwala ang matanda. Nakalimutan na nito ang pandidiri nito sa kamay ni Mo Xuan Fei na kaniya pa ring hawak. Muli, maingat niya itong pinulsuhan at ang ekspresyon ay ganon pa rin. Hindi pa rin ito makapaniwala.

"Eldest Miss, ito... Mas mainam kung ikaw mismo ang makakasaksi." Parang wala sa sariling sabi ni Jiang Chen Qing.

Mas lalong nalungkot si Bai Yun Xian sa reaksyon ni Jiang Chen Qing. Nakatayo lang siya hawak ang sariling kamay. Hindi siya makapagsalita. Wala itong nagawa kundi ang manuod lang.

Saglit na nag-alinlangan muna si Qin Yu Yan bago ito lumapit at pinulsuhan si Mo Xuan Fei.

Magaan nitong inilapat ang kaniyang daliri sa pulso ni Mo Xuan Fei. Makalipas lang ang ilang segundo, ang reaksyon nito ay hindi nalalayo sa reaksyon ni Jiang Chen Qing.

Ang lalaking ito ay naaagnas sa kanilang paningin at nasa bingit na ng kamatayan ngunit taglay nito ang pulso ng isang malusog na tao. Kung hindi sa kondisyon nitong kanilang nakikita, masasabi ni Qin Yu Yan na normal lang ito!

Ano ang nangyayari dito?

"Eldest Miss, maliligtas ba siya?" Hindi na mapigilan ni Bai Yun Xian ang kaniyang sarili kaya naman ito ay nagtanong na.

Napakagat ng labi si Qin Yu Yan at umatras.

"Normal ang pulso niya, ang kaniyang kondisyon ay maaaring hindi dahil sa lason."

Gumuho naman ang mundo ni Bai Yun Xian nang marinig niya ito. Naglaho ang natitirang pag-asa niya.

Totoo yun. Dahil maging ang kaniyang sariling pulso ay normal nang mainom niya ang lason na gawa ni Jun Wu Xie.

Sigurado na siya. Hindi kaya ni Qin Yu Yan at Jiang Chen Qing na gumawa ng gamot para sa lason.

"Kamahalan, hindi namin kayang gamutin ang duke. Ang tanging magagawa lang namin ay ang pahabain ang buhay nito at bawasan ang nararamdaman nitong sakit." Lumapit si Qin Yu Yan kay Mo Qian Yuan. Walang bakas ng awa o ano ang makikita sa mukha nito.

Lumungkot ang mukha ni Mo Qian Yuan:"Siguro nga ay dapat ko na lang tanggapin ang kaniyang kapalaran. Pasensya na kung kayo ay aming naabala."

Hindi maganda ang pakiramdam ni Qin Yu Yan. Wala siyang pakialam na hindi nila magagamot si Mo Xuan Fei. Marahil iyon ang pangunahing intensyon nito---ang iligtas ang duke at magkaroon ng malaking utang na loob sa kanila si Mo Qian Yuan, nang sa gayon ay mapapadali ang pagkamit sa pakay nila dito. Ngunit dahil hindi niya ito nagamot, wala siyang magagawa kundi ang diretsahang sabihin iyon kay Mo Qian Yuan.

Inilabas niya ang isang bote ng medicinal elixir at inabot kay Mo Qian Yuan.

"Heto ang Silent Dragon Elixirs. Ang recipe sa paggawa nito ay mahigpit na binabantayan sa Qing Yun Clan. Kaya nitong pahabain ang buhay ng isang tao at magbigay ng sustansya sa kanilang spiritual power." Paliwanag ni Qin Yu Yan.

Nagulat naman si Mo Qian Yuan dahil doon. Naisip niyang hindi madaling hulaan ang pakay ni Qin Yu Yan. Ngunit heto eto ngayon, una ay handang tumulong na iligtas si Mo Xuan Fei, sunod ay nagbibigay ito ng elixir. Mahirap paniwalaan na wala itong kailangan at sadyang nagpapakita lang ito ng kabutihan. Hindi siya maniniwala doon.

"Paano ko matatanggap ang isang napakahalahang bagay na ito?" Magalang naman itong tinanggihan ni Mo Qian Yuan. Simula nang makilala niya si Jun Wu Xie, walang halaga sa kaniya ang mga gamot ng Qing Yun Clan.

avataravatar
Next chapter