webnovel

ONE

Tinawagan ako ng isa sa mga kaibigan ko na kailangan ko raw pumunta sa 24/7. Convenience Store 'yon na malapit lang sa plaza. Kailangan niya raw kasi ng sub kaya ako ang tinawagan niya dahil alam niya na naghahanap ako ngayon ng mapagkakakitaan. Kaya naman nag umpisa na ako magbihis.

Nasa kalagitnaan ako ng pagbubutones ng damit nang biglang tumunog ang aking cellphone.

"Hmm?"

"Anak! Kamusta ka na?" halos mapangiwi ako nang marinig ko ang boses ni Mommy. Parang kahapon lang, iyon rin ang tanong niya sa akin ngunit inabot pa kami ng dalawang oras dahil sa pagkekwento niya. Halos hindi ko na nga maintindihan. Kaya para hindi na ito mapahaba pa tulad kahapon ay sumagot na ako.

"Ayos lang po. May kailangan akong puntahan kaya mag aayos na po ako."

"Gan'on ba? Sige. Mag-iingat ka lagi anak, ha. Love na love ka ni Mommy."

"Opo. I love you rin po. Ibaba ko na itong tawag. Ingat!"

Napailing na lang ako habang nakangiti. Hindi sang-ayon ang mga magulang ko sa pagbubukod sa kanila pero kako, kayang kaya ko naman. At isa pa, bente anyos na ako. Lalaki pa. Kailangan ko na matutong maging independent para sa kinabukasan ko. Naiintindihan ko naman sila ni Daddy na gusto lang nilang maging protective sa'kin pero kailangan kong matuto sa realidad. Alam ko naman na hindi sa lahat ng oras ay makakasama ko sila kaya dapat lang na may alam na ako kung paano bang mabuhay sa mundong ito at isa pa, paano na lang ang babaeng mapapangasawa ko kung irresponsable akong tao.

Mas mabuti nang mag-aral ng mas maaga tungkol dito para kapag handa na ako ay maghihintay na lang ako ng babaeng mamahalin ko.

"Aray!" Napangiwi ako sa sakit dahil bigla akong napaso nang umpisahan ko na sanang magluto.

Isa rin ito sa mga problema ko kaya wala akong ibang choice kung hindi ang kumain na lang sa labas.

Siguro kapag nagkaasawa ako, 'yong magaling sana magluto para hindi hassle. Pero sa ngayon, kailangan ko muna kumain ng almusal para busog ako sa pagtatrabaho mamaya.

Gaya nga ng sabi ko kanina, magpapakaindependent ako kaya hahanap ako ng karinderya na 'self-service.'

Lumabas na ako ng bahay na tinutuluyan ko. Hindi 'yon sobrang laki at hindi rin sobrang liit. Hirap ako minsan sa pagbabayad ng bills dito kahit na ako lang mag isa kaya ayoko na humiling ng mas malaki pa. Ayos na ito sa akin. Ayokong gastusin 'yong perang ipon ko para lang sa wala.

Matapos kong makahanap ng makakainan ay naghintay ako ng ilan minuto sa bus stop. Nang may tumigil ng bus, sumakay na ako rito. Mas mabuti na ito dahil mas mabilis ito kesa jeep. Gusto kong magkaroon ng magandang impresyon sa akin ang may-ari ng 24/7 kaya kailangan kong agahan.

Umupo ako sa tabi ng bintana. Ang alam ko, 15 minutes lang naman ang biyahe kapag nagjeep pero dahil bus ang sinakyan ko, mas maaga pa d'on. Ang totoo niyan, malapit lang talaga 'yong 24/7. Ayoko lang talaya malate kaya sasakay na lang ako dito.

"Alam niyo naman pong may dala akong bata!"

Napalingon ako sa nagsasagutan na dalawang babae na nasa unahan atsaka lumingon sa likuran saka binalik ang tingin sa dalawa. Mukhang nag aaway sila sa upuan kaya sila nagsisigawan. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang mag away gayong may upuan pa sa likod.

'Yong isa na may dalang sanggol ay sa tingin ko ay nasa edad treinta pataas na habang 'yong isa ay mas matanda pa. Siguro'y senior citizen gan'on.

"Ako ang kailangan umupo dahil ako ang mas matanda. Wala kang respeto sa'kin!"

Napahawak ako sa batok ko at napakamot. Lumingon ako sa mga nasa loob ng bus. Ang ilan sa kanila ay parang walang pakialam at ang iba naman ay natataranta kung ano gagawin sa dalawang nag aaway. Lumingon rin ako sa bintana kung malapit na ba ako bago lumapit sa ginang na namumula na sa galit.

"Excuse me po, 'la," tawag pansin ko sa kaniya. Masungit na lumingon ito sa akin.

"Ano?!"

"Doon ka na po umupo sa inuupuan ko. Malapit na rin naman po ako bumaba. Sorry po kung hindi kita agad napansin kanina na nakatayo."

Mataray naman itong lumingon sa kaaway niya bago umupo doon sa inupuan ko kanina. Narinig ko pa itong nagreklamo pero 'di ko na lang ito pinansin dahil humihingi ako ng pasensiya doon sa nakasagutan niya kanina na may dalang bata.

"Sorry po sa nangyari."

"Ayos lang, iho. Wala ka namang kasalanan, ei." Ngumiti ito sa akin kaya ngumiti rin ako sa kaniya. "Kagwapo mong binata. Mukha kang artista pero kabait mo."

Nahihiya namang napahawak ako sa batok at yumuko ng kaunti. "Maraming salamat po. Baba na po ako."

Saktong pag paalam ko ay tumigil na rin ang bus kaya muli akong ngumiti sa kanila. May narinig din akong impit na sigaw sa ilang babaeng nakaupo sa unahan na nakatingin sa'min pero nilingon ko lang sila at ngumiti bago tuluyang bumaba.

Agad akong sinalubong ni Drake nang matanaw niya akong papalapit. Nakasuot ito ng long sleeve na blue at pormadong pormado. Mukha ngang may pupuntahan siya ngayon dahil sa ayos niya.

"Musta, bro?" bati ko sa kaniya. Ngunit bigla niya akong binatukan kaya napamura ako. "Ang ganda ng salubong mo, ha."

"Paanong...mas pormado ka pa sa'kin, ei!" Natatawang wika niya pero agad din sumalubong ang mga kilay, at akmang babatukan na naman ako pero umatras ako't tinakpan ang ulo ko.

"Bakit, anong problema sa suot ko?" Tinignan ko ang suot ko bago nagtatanong ang mukhang tumingin sa kaniya.

Anong problema sa tuxedo?

"Gago! Magiging cashier ka ngayong araw ta's ganiyan ang suot mo?" frustrated na aniya kaya napahawak ako sa batok ko.

"Ano ba dapat?"

Inis na napabuntong hininga naman ito at umiling. "'Wag mo na tanungin. Tara sa loob. Ipapakilala kita kay Boss bilang isang bobo."

Hindi ko na pinansin 'yong sinabi niyang bobo dahil alam ko naman na mas bobo siya. Hindi bagay ang blue na long sleeve at black pants sa red na rubber shoes na suot niya. 'Di ko lang sinabi sa kaniya dahil binatukan niya ako agad.

Mas nangibabaw pa sa'kin 'yong sinabi niyang 'ipakilala' na daw niya ako sa boss niya kaya pakiramdam ko ay napangiti ako ng malawak dahil doon. Mukhang magkakatrabaho na ulit ako. Yes naman!

Pumasok nga kami sa loob. Pansin kong may mga ilan ng customer na nakaupo sa labas na bench at ang ilan ay nasa loob. Kahit maaga pa ay nandito na sila. Siguro'y dahil malapit lang ito sa plaza at parke.

"Sigurado ka bang marunong 'yan magbantay dito?" nagtatakang tanong ng 'boss' daw nila dito. Lalaki ang boss nila na sa tingin ko ay mga nasa edad kuwarenta na ngunit hanggang leeg ko lang ito. "Ei, mukhang boss pa 'yan kesa sa akin ei."

Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa.

"Naka tuxedo pa." Kahit pabulong lamang iyon ay narinig ko pa din ang sinabi niya.

"May mali po ba sa suot ko?" Napakunot noo naman ito sa sinabi ko kaya napalingon siya kay Drake.

"Naku, Sir. Galing po kasi 'yan sa interview kaya ganiyan ang suot," pagdadahilan ni Drake sabay pasimpleng binatukan ako. "Pero oo naman po! Magaling kaya itong kaibigan ko. Payagan mo na po kami, please. May kailangan lang akong asikasuhin," pagmamakaawa ni Drake kaya halos matawa ako sa isip ko.

Akala mo naman maghihinayang kapag tinanggal sa trabaho. Kaya lang naman andito siya dahil sa anak ng boss niya. Ang alam ko, tinuring niyang girl best friend 'yon kahit na mahal niya ito. Ewan ko ba sa kaniya kung ba't gan'on.

Aniya may batas daw kasi siya, gawing best friend muna bago girlfriend at sunod, asawa naman.

"Sige na. Sige na," napipilitang wika ni Boss. "Pero siguraduhin niyo lang na maaayos niyo ang mga ito."

Napahawak naman ako sa batok ko nang mapansin kong mas dumami ang customer. Halos mga babae pa ang ilan at pasimple silang tumitingin sa direks'yon namin. Nahagip rin ng mata ko 'yong dalawang babaeng nakita ko sa bus kanina.

Ganito rin problema ko kapag naghahanap ako ng trabaho sa mga coffee shop, karinderya at mga tindahan. Napakadaming customer. Ang ilan pa sa kanila ay nagpapapicture. Hindi ko naman sila pwedeng tanggihan kaya pumapayag naman ako hanggang sa lahat sila ay makapapicture sa'kin.

Halos magkakapareho pa ang sinasabi nila na mukha daw ako artista. Nginingitian ko na lang sila bilang sagot kahit nakakahiya. Mas maitsura naman si Drake pero ewan ko ba.

Kaya napipilitan na lang minsan ang may-ari ng tindahan na pinapasukan ko noon na isarado na lang muna ang tindahan para hindi na madagdagan pa ang mga costumer. Hindi na kasi kinakaya ng service at pagkatapos n'on, bigla bigla na lang akong tatanggalin.

Wala naman akong kasalanan doon pero hinahayaan ko na lang. Iniisip ko na lang na baka naniwala silang artista ako't maraming pera kahit hindi naman.