7 Chapter 5

Pantay ang score 1-1. It was a do-or-die match. Kailangang manalo ito para makapasok sa susunod na level ng cup.

Si Angel ang pinasahan ng bola mula sa kapitan ng mga ito na Yu na gitna ng pitch. Nasa left wing ito at mahigpit ang pagbabantay dito. Para sa isang lalaking matangkad at may kalakihan ang katawan ay mabilis kumilos si Angel. Parang may pakpak ang paa nito sa bilis tumakbo.

Apat na defenders ang dinaanan nito. Lahat ay sinubukan itong harangin at agawan ng bola subalit nabigo lahat. Nagawa nitong lampasan nang di man lang nawawala ang bola sa possession nito.

Halos hindi siya humihinga nang tumapat ito sa goalkeeper. Akala niya ay direkta nitong sisipain ang bola sa goalkeeper. Sa halip ay sinipa nito paitaas ang bola. Tumalon ito at humiga sa ere saka sinipa ang bola nang patalikod. Mabilis ang mga pangyayari at hindi napaghandaan ng goalkeeper. Lumabas ito sa goal para salubungin ang bola subalit umiba iyon ng direksiyon at tuluy-tuloy na pumasok sa goal. Gumalaw ang net at kasunod nito ay malakas na tilian ng mga tao. "Goal!" tili niya at nagtatalon sa sobrang tuwa. Parang mababaliw siya sa sobrang saya. Nag-train dance ang mga players sa tapat nila kasama si Angel. "Te amo, Angel!" tili niya dahil hindi niya napigilan ang sobrang saya. "Te amoooo!"

Parang narinig ni Angel ang sinabi niya. Ngumiti ito sa direksiyon niya at nag-flying kiss. "Eeee!" nag-flying kiss siya sa akin.

"Saluhin mo," udyok naman ni Lime sa kanya.

Sasaluhin? How childish. Kahit yata mga teenagers ay mako-cornyhan na sa ganoon. mas gugustuhin na lang niyang ibitin ng patiwarik kaysa gawin ang kabaduyan na iyon. Noong teenager siya ay di yata siya dumaan sa stage kung saan sasalo siya ng flying kiss mula sa lalaking gusto niya.

Pero wala siyang pakialam. Sasalo siya ng flying kiss mula kay Angel. Iyon ang sagot nito sa marubdob niyang "Te amo".

Akmang sasaluhin niya iyon nang isang kamay ang biglang humarang sa mukha niya. "Gotcha!" Nang sundan niya ang kamay ay tumuloy iyon sa labi ng isang matangkad na...lalaki. Sinapo nito ang pisngi na parang kinikilig. "Ang sarap talagang makatikim ng flying kiss mula sa mi amor ko."

"Mi amor?" nakatigagal niyang tanong.

Inilahad nito ang kamay sa direksiyon ni Angel. "Of course. Si Angel mi amor."

"Hoy, Evan! Mahiya sa girlfriend mo. Sama ng tingin sa iyo ni Claude," sabi ni Carmi at inginuso ang babae sa likuran nila.

Ngumisi lang si Claude habang nakahalukipkip na nakatingin kay Evan. "Hayaan mo 'yan. Si Angel talaga ang mahal niyan. Front lang ako. Masakit pero tanggap ko."

Ang weird. Di niya maintindihan kung paano nangyari iyon. May girlfriend si Evan pero walang habas itong makapag-"mi amor" kay Angel.

"Bakla ka?" direktang tanong niya kay Evan.

"Hindi. Lalaki ako," anito at sinadya pang lakihan ang boses. "Mahal ko lang talaga si Angel pero hindi ako bading. Ang macho-macho kasi niya."

"Fanboy ang tawag doon," paliwanag ni Emcel sa kanya. "May mga lalaki na sobrang fan ng mga players at fanboy ang tawag sa kanila."

"Pero hindi ako bading," giit ni Evan.

Natawa na lang siya. Mukhang sa lugar na iyon, lahat ay masaya lang. Walang panghuhusga. Nakaka-good vibes.

Di nagtagal ay pumito na ang referee bilang hudyat na tapos na ang laro. Nagdiwang silang lahat at masayang-masaya ang mukha ng mga players lalo na si Angel. Sobrang ganda ng ngiti nito at iyon ang pinakamagandang tanawing nakita niya sa araw na iyon.

Di rin nagtagal iyon dahil nagkanya-kanya nang baba ang mga audience para puntahan ang mga manlalaro sa track. "Okay lang ba na lapitan si Angel?" tanong niya kay Foxx.

"Oo naman," anito at hinawakan ang braso niya para bumaba ng stadium.

Pero mukhang hindi magiging madali na makalapit kay Angel. Maraming mga kababaihan na nakapaligid dito. May bata, teenagers, hanggang sa mga lola ay naroon. May isang matandang babae pa na pinunas-punasan ang mukha ni Angel ng tuwalyita. Ginagawa pang santo ang lalaki.

"Ang daming tao. Sisiksik pa tayo diyan," nanlulumo niyang sabi. "Baka abutin pa tayo ng bukas."

"Dapat kapalan ng mukha kung gusto mong makalapit sa kanya." Itinulak siya ni Foxx sa nagsisiksikang mga tao. "Dalian mo. Baka saraduhan tayo ng ilaw nitong stadium."

Nilakasan na lang niya ang loob at nakasingit sa mga nagkakagulong teenager. Nakaupo si Angel at nagpapahinga habang nagpapa-picture.

Umupo agad siya sa tabi nito. "Ola!" bati nito at binigyan siya ng ubod gandang ngiti.

"Ola! Como estas?" bati rin niya dito.

"Mabuti." May accent ito pero natutuwa siya dahil nag-aaral itong mag-Filipino. Di tulad ng ibang may lahi na matagal na sa Pilipinas pero ayaw mag-aral ng Filipino. Na parang mababang klaseng lengguwahe ang Filipino. "Anong pangalan mo?"

"Jaidyleen," sagot niya at ngumiti sa camera na hawak ni Foxx.

"Jaidyleen?" Nag-pose ito para sa camera at matapos ang pag-flash ng camera ay muli itong lumingon sa kanya. "Maganda ka."

avataravatar
Next chapter