webnovel

CHAPTER 51 "ARA'S DIARY 3"

Present Day...

Mabilis na pinahid ni Bella ang mga luhang labis na bumasa sa kaniyang mukha. Hindi niya kilala si Daniel, pero sapat na ang lahat ng nabasa niya upang bigyan ng justification ang lahat ng nangyari. Muli niyang binuklat ang kasunod na pahina. At sa pagkakataong iyon hindi na ang karaniwang Dear Diary ang nabasa niyang nakasulat sa kaliwa at itaas na bahagi ng papel, kundi ang mga salitang Dearest Daniel.

Oo, dito pala sinimulan nang sulatan ng kapatid niya ang yumao nitong asawa at iyon ang dumurog ng husto sa puso niya.

Dearest Daniel,

Nandito ako sa kwarto natin, at habang isinusulat ko ito ay yakap ko ang naka-frame na litrato mo. Napakagwapo mo talaga, alam mo ba? At para sa akin ikaw ang pinakagwapong lalaki sa buong mundo. Totoo iyon.

Miss na miss na kita.

Kinabukasan nang gabi pagkatapos nating mag-usap, kagaya ng gusto mong mangyari pinilit kong maging matapang. At pangako ko sa iyo na ipagpapatuloy ko ang maging ganoon, para sa iyo.

Gusto ko sana nandito ka parin, wala parin talaga akong lakas ng loob na mag-stay ng matagal dito sa kwarto natin kasi puno ito ng maraming alaala nating dalawa.

At pati narin itong bahay na sana kung hindi ka nawala, mapupuno ng maraming mas masasaya pang alaala kasama ka at ang magiging mga anak natin.

Sana nagkaroon tayo ng mas mahabang time. Sana kung alam ko lang na mamahalin kita ng ganito, na aabot tayo sa ganito, sana hindi na kita tinarayan noon pa mang umpisa. Sana naging mas mabait ako sa'yo.

Ang daming sana, pero alam ko naman wala na akong magagawa.

Mahal na mahal kita, asawa ko. Kahit kailan hindi kita makakalimutan at hinding-hindi ka mawawala dito sa puso ko. Ikaw ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko at alam ko at sigurado ako na kahit sino pang ang makilala ko hindi ka makakayang pantayan.

Hindi ko lang talaga maiwasan ang umiyak. I'm sorry, nauubusan na kasi ako ng salita na pwedeng sabihin para maipaliwanag ko sa iyo kung gaano kita kamahal at kung gaano kalalim ang sugat na naiwan dito sa puso ko dahil sa pagkawala mo.

Hindi madali ang mabuhay nang wala ka. Pakiramdam ko kalahati ko patay na, na siya naman talagang totoo dahil katulad narin ng sinabi ko sa iyo nung huli tayong nagkausap, mas gugustuhin ko pa na dalhin mo nalang ang kalahati ng puso ko, kasi para sa iyo lang iyon.

Alam ko magkikita pa tayo, pero kapag ganito na ngangulila ako sa iyo hindi ko talaga maiwasan ang malungkot at ang magtanong sa Diyos. Pero alam ko nasa mabuting lugar ka na ngayon at alam ko na katulad ng sinabi mo hihintayin mo ako.

Isang linggo narin mula nang mailibing ka, naisabit ko na ang oil painting na ipinagawa ni Mama, sayang hindi mo iyon nakita.

Daniel, mahal ko, dalawin mo naman ako sa panaginip ko. Ang lungkot dito, kasi wala ka na. Gusto kitang makita, gusto kitang makasama ulit. Kahit magpakita ka pa sa akin okay lang, hindi ako matatakot sa'yo, ang mahalaga sa akin masilayan ko ulit ang mga ngiti mo.

Sa school palagi akong malungkot. Ang library punong-puno ng alaala mo. At para bang nakikita kitang nagma-mop doon habang ako naman ang nagwawalis. Sa roof deck, sa lugar kung saan tayo madalas tumambay, parang nakikita kita, hawak mo ang gitara mo, kinakantahan mo ako.

Napakasakit pero wala akong magawa kundi tanggapin nalang ang lahat ng iyon. At alam kong ang sakit na ito ay tanging ikaw lamang ang makagagamot, sa takdang panahon.

Salamat nga pala doon sa isang kahon ng puro love letters na ibinigay mo sa akin bago ka nawala. Binabasa ko ang mga iyon ng paulit-ulit. At kahit na kailan, hindi ako mapapagod na ulitin ng ulitin na basahin ang mga iyon.

Hindi rin ako mapapagod na sulatan ka. Dahil ito nalang ang paraan ko para masabi sa iyo ang lahat ng nararamdaman ko.

Walang magbabago. Ako parin ang asawa mo, ang babaeng pinakasalan mo at katulad ng sinabi ko, hindi na ako magpapakasal kahit kanino, sa iyo lang. Kahit alam ko na ang kapalit noon ay ang pagtanda ko ng mag-isa, hindi na mahalaga. Dahil sa puso ko, ako at ikaw lang magpakailanman.

Your Wife,

Ara

*****

Dearest Daniel,

Aalis na ako, pupunta ako ng Malaysia at susubukan kong makipagsapalaran doon. ikaw kasi, iniwan mo ako. Alam mo ba kapag malungkot ako may mga pagkakataon na gusto ko nang isuko ang lahat? Pero naiisip ko kapag ginawa ko iyon hindi rin tayo magkikita, kasi sigurado ako na nasa heaven ka.

Kaya kahit gaano pa kalungkot ang lahat, tinitiis ko, kasi gusto kitang makita at makasama ulit, hindi ko nga lang alam kung gaano pa katagal.

Your Wife,

Ara

*****

Dearest Daniel,

May nakilala akong lalaki dito sa Malaysia. Huwag kang magseselos, siya si Timothy, at alam mo ba parang nakikita ko ang personalidad mo sa kanya. Katulad mo rin siya, Engineer, inalok niya ako ng kasal, pero tinanggihan ko. Hindi ko naman pwedeng i-commit ang sarili at puso ko sa iba, kasi kahit wala ka na, kahit alam kong iyon ang gusto mo, hindi ko parin talaga kaya. Kasi ikaw lang ang tinitingnan at kilala ng puso ko. At alam ko sa puso ko na ang lahat ng bagay na ibinigay ko sa iyo ay hinding-hindi ko na maibibigay sa iba, kahit kay Tim pa.

Mahal kita eh. Ikaw ang pinakamamahal ko, at iyon ang dahilan kung bakit kahit sinubukan kong buksan ang puso ko para sa iba hindi rin ako nagiging masaya. Kasi ikaw parin ang hinahanap ko. Kahit matagal na panahon na iyon, ikaw parin ang namimiss ko.

I love you mahal ko.

Your Wife,

Ara

*****

Present Day...

MULING pinahid ni Bella ang kaniyang mga luha matapos niyang basahin ang pinakahuling pahina ng diary ni Ara.

Hindi sila lumaki ng magkasama ni Ara pero malapit sila sa isa't-isa. Hindi nga lang niya alam na may ganito palang klase ng lihim na itinatago ang kakambal niya na talagang hihipo ng husto sa puso niya.

Hindi niya alam kung sa huli ay nalaman ba ng mga magulang nila ang tungkol sa lihim na ito ng kapatid niya pero naisip niyang kung nagawa itong ilihim ni Ara sa ganito katagal na panahon, siguro mas mabuting manatiling lihim na lamang iyon.

Ilang sandali pa at minabuti ni Bella na ayusin na ang kahon na iyon. Siguro mas mabuti kung ang mga alaalang iyon ng pagmamahalan nina Daniel at Ara ay maihahatid narin nila sa huling hantungan kasama ang kapatid niya.

Sigurado naman kasi siyang iyon rin ang gusto ng kakambal niya, at nang kung tutuusin ay bayaw niya, si Daniel. Sayang nga lang at hindi niya ito nakilala.

Pabalik na siya ng San Ricardo nang maisipan niyang dumaan muna sa isang malaki at pamilyar na bahay na maging siya man ay humahanga na doon noon pa. Nasa gate pa lamang siya ay mabilis na siyang nakaramdam ng matinding kilabot. Hindi siya natatakot, kundi sa halip ay masyado lang pinupuno ng magkakahalong emosyon ang kaniyang puso dahil sa mga rebelasyong nabasa niya sa diary ng kapatid niya.

Sa gate ay diniinan niya ang doorbell, hindi naman nagtagal at nakarinig na siya ng magkakasunod at papalapit na yabag. Pagbukas niyon ay tumambad sa kaniya ang isang babaeng may edad na. Nakita niyang mabilis na rumehistro sa mukha nito ang pagkabigla at bago pa man ito makapagbuka ng bibig ay inunahan na niya ang matanda.

"Ako po si Ysabella, Bella nalang po. Kapatid at kakambal po ako ni Ara," pagpapakilala niya. "Kayo po ba si Aling Salyn?" dugtong niyang tanong.

"Paano mo nalaman hija?" ang takang tanong nito.

Ngumiti siya. "Mahabang kwento po. Pwede po ba akong pumasok? May gusto lang po sana akong itanong sa inyo," tanong ulit niya.

"Oo naman, halika," anitong nagpatiuna na sa pagpasok sa loob ng kabahayan.

Nang mga sandaling iyon parang lalong nagtumindi at hindi niya maipaliwanag kung no ba ang totoong nararamdaman niya. Kinakabahan siya na hindi niya maunawaan. Siguro dahil sa alam niyang sa loob ng mansyon na ito ay naging masaya ng lubusan ang kapatid niya? At ang katotohanan na bahay ito ni Ara at ni Daniel? Ang pakiramdam ng panghihinayang para sa isang masaya sanang pamilya kung hindi lamang nakialam ang kamatayan?

Napakaraming emosyon at damdamin sa puso niya ngayon ang labis na nagpapalito ng nararamdaman niya pero ang lahat ng iyon ay tila ba nahugasan at napalitan ng labis na kaligayahan nang makapasok siya sa loob ng napakagandang mansyon na iyon.

Ang grand staircase, para bang nakikita niyang bumababa doon ang kapatid niya suot ang isang maganda at kulay puting bestida habang sinasalubong ito ni Daniel na kababakasan sa mukha ng labis na kasiyahan dahil iyon ang araw kung kailan nakatakda ang kanilang pag-iisang dibdib?

Agad na nangilid ang mga luha ni Bella dahil doon. Subalit, ang lahat ng pagpipigil niya ay tuluyan na ngang humulagpos nang malingunan niya sa mismong pinakagitna ng sala ang isang malaki at napakagandang oil painting.

"Oh, Ara," aniyang natuptop ang sariling bibig saka tuluyang napaiyak.

Larawan ng isang tunay at wagas na pagmamahal.

Great love ika nga nila.

Hindi man nila nagawang ipagsigawan sa buong mundo na silang dalawa ay iisa na ay hindi na mahalaga.

Sapat na ang nakikita niya ngayon sa kaniyang harapan upang patunayan kung gaano kalalim ang pagmamahalan na mayroon sina Daniel at Ara para sa isa't-isa. Sayang nga lang at hindi niya nakita sa kapatid niya ang ganito kagagandang ngiti noong nabubuhay pa ito. Pero nauunawaan niya ang lahat, at iginagalang niya ang desisyon nito.

"Alam mo ba, sa maraming pagkakataon ay palagi akong nakakaramdam ng panghihinayang para sa kanilang dalawa? Nagmamahalan sila, labis na nagmamahalan, pero nakialam lang ang kamatayan," ang malungkot na winika ni Aling Salyn na naging dahilan kaya siya napalingon dito.

Bakit nga hindi, alam niyang ilang beses ring nabanggit ni Ara ang matanda sa diary nito at alam rin niya na isa si Aling Salyn sa mga naging saksi nang ikasal ito at si Daniel ng lihim.

"Maswerte po kayo at nagkaroon kayo ng pagkakataong masaksihan ang isang napakagandang kwento," totoo iyon sa loob niya.

"Alam ko na nagkita na sila ngayon, magkasama na sila at hindi na kahit kailan mawawalay pa sa isa't-isa," si Aling Salyn na tinitigan ng buong paghanga ang magandang oil painting.

*****

SA araw ng libing ng kapatid niya ay dumating at nagpakilala sa kaniya ang isang babaeng nagngangalang Danica, kasama nito ang ina nitong si Marielle.

Minabuti niyang kausapin ng pribado ang mag-ina at noon nga niya nasabi sa mga ito ang tungkol sa diary ni Ara at iba pa. Sa mga ito rin niya nalaman na nanatiling lihim sa mga magulang nila ang lahat.

Si Jason ang tanging kaibigan ni Ara ang nagpunta sa libing. Gusto sana niyang itanong rito ang tungkol kay Jenny pero minabuti niyang huwag nalang. May mga bagay naman kasi na kung tutuusin ay ibang kwento na at mas makabubuti kung sila na ang hahayaan na magkwento niyon.

Katulad ng inasahan, napuno ng emosyon ang huling pamamaalam nila kay Ara. Pero kahit papaano alam ni Bella sa puso niya na hindi siya dapat na malungkot ng sobra. Dahil siguradong masayang-masaya na ngayon ang kakambal niya dahil sa wakas kasama na nito sa kabilang buhay ang lalaking totoo nitong minamahal, ang great love nito, walang iba kung hindi si Daniel.

Isinama niya sa paghahatid kay Ara sa huli nitong hantungan ang kahon na naglalaman ng mga alaalang inipon nito patungkol sa iisang tao. Dahil para sa kaniya iyon ang mas tama, at naniniwala siya na iyon rin ang gusto ng kapatid niya.

*****

"MASAYA ka ba?" ang nakangiting tanong ni Daniel kay Ara habang mahigpit nitong hawak ang kamay niya.

Magkakasunod na tumango si Ara saka nakangiting tiningala ang lalaking pinakamamahal niya. "Ngayon alam ko na kung bakit hindi tayo nagkaroon ng anak noon," aniyang tumawa ng mahina saka nahihiyang nagyuko ng ulo.

"Yeah?" ang amused na tanong ni Daniel sa kaniya.

Noon muling tiningala ni Ara ang kaniyang asawa saka tinitigan ang maiitim nitong mga mata. "Kasi kung nagkaroon tayo ng baby malulungkot lang siya kasi mawawala rin ako," sagot niya.

Maaliwalas ang bukas ng mukhang hinaplos ni Daniel ang kaniyang pisngi. "Sinabi ko naman sa iyo hindi ba, magkakasama rin tayo, at dito kahit na kailan hindi na tayo magkakahiwalay," ang asawa niya.

Tumango si Ara. "I love you," aniya niyakap ng mahigpit ang kaniyang kabiyak.

Matagal na panahon siyang nanabik sa yakap nito kaya naman gusto niyang sulitin ngayon ang lahat.

"I love you more," sagot ni Daniel na gumanti rin ng mas mahigpit na yakap sa kaniya.

Sa puso ni Ara, alam niyang ito na ang simula ng lahat, ang tinatawag nilang eternity.

At sa pagkakataong ito, wala nang kailangang pakawalan at wala nang kailangang masaktan dahil sa lugar na ito ang mayroon lang ay purong pagmamahal at kaligayahan, katulad nang kung anong mayroon sila ni Daniel para sa isa't-isa.

"Pero Daniel," untag niya sa kaniyang asawa.

"Yes?" anitong niyuko siya saka naglalambing na idinikit ang noo nito sa kaniya.

"Sana pwede pang madugtungan ang kwento natin, iyong wala nang kailangang masaktan at maiwan, ano sa tingin mo?"

Nagkibit ito ng balikat saka siya inakbayan. "Tingnan natin," ang maikli pero makahulugang sagot sa kaniya ng lalaking pinakamamahal niya.

Next chapter