Webnovel

1 Gabriel

NAHULOG sa putikan ang huling tipak ng tinapay na hiningi ng katorse anyos na si Gabriel mula sa panadero. Kani-kanina lang ay natiyempuhan niya si Mang Arman sa likod ng bakery na nagpapakain ng mga tirang paninda sa alaga nitong aso. Dala ng matinding gutom ay nilulon niya ang kahihiyan upang makaungot ng kahit isang piraso man lang ng tinapay.

Wala siyang perang pambili ng pagkain dahil ang lahat ng kinita niya mula sa sari-saring trabahong pinasukan ay kinumpiska ng ama-amahan niya. Paniguradong sa mga oras na iyon ay nilulustay na ng kanyang itay ang pera sa alak.

Nanlulumong napatitig siya sa tinapay pero hindi rin nagtagal ay nagpaubaya siya sa pangangalam ng kanyang sikmura. Lumuhod siya sa putikan at pinulot ang tirang tinapay, inisang-lulon iyon matapos hugasan sa tubig-ulan. Saka niya pinilit ang sariling muling tumayo.

Nanginginig ang buong katawan niya nang dahil sa matinding lagnat at kasalukuyang pagkabasa sa ulan. Wala siyang payong o kapote kaya't itinaklob na lamang niya sa ulo ang hood ng suot niyang jacket. May mga butas na iyon at halatang pinaglumaan na ng kanyang itay. Wala naman siyang pagpipilian. Matagal na iyong huling beses na nabilhan siya ng bagong damit. Iyon ay noong nabubuhay pa ang kanyang ina-inahan.

Sumilong siya sa ilalim ng puno ng mangga at inihilig sa katawan nito ang ulo. Niyakap niya ang sarili. Kanina pa siya nilalamig. Lalong lumakas ang ulan kaya't hindi niya magawang takbuhin ang daan pabalik sa kubo nila. Namigat na ang talukap ng kanyang mga mata, at kung hindi dahil sa malakas na businang narinig sa di kalayuan ay hindi pa siya mapapamulat.

Isang magarang sasakyan ang tumigil sa tapat ng candy store. Bumaba ang drayber niyon na may bitbit na payong. Bumukas ang salaming pinto ng tindahan at lumitaw ang isang pamilyar na batang babae na nakasuot ng asul na bestida at puting sapatos. Mahaba at maalon ang buhok nitong pinapatungan ng pulang hairband.

Beatrice ang natatandaan niyang pangalan nito nang minsan niya iyong marinig sa plaza. Isa ito sa mga apo ni Senyor Ronito Palomo, ang matandang lalaki na nagmamay-ari ng isang malaking kompanya ng minahan, at siyang kilalang pinakamayamang tao sa buong bayan ng San Andres.

Hindi kalakihan ang bayan ng San Andres kaya't madalas niyang makita si Beatrice. Hindi niya maintindihan kung bakit sa dinami-dami ng mga batang babaeng kanyang nasisilayan araw-araw ay dito nagtatagal ang kanyang atensyon. Para sa kanya ay wala itong ipinagkaiba sa ibang anak-mayaman na walang ibang inatupag kung hindi ang ipagyabang ang mga bagong gamit at laruang ipinabili ng mga ito sa mga magulang.

Napadako ang tingin niya sa mga supot ng kendi at tsokolate na tangan-tangan ni Beatrice. Mas lalong umigting ang kanyang gutom. Nang mapabaling si Beatrice sa kanyang direksyon ay pinagtalunan niya kung yuyuko ba siya o tatalikod. Hindi siya nakakilos nang hagurin siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Marahil ay pinandidirihan siya nito, o kaya naman ay kinakaawaan.

Pero hindi iyon nangyari. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kakatwang lukso sa kanyang puso nang makita itong ngumiti sa kanya. Walang pandidiri sa mga mata nito. Walang panghuhusga.

Dumakot ng ilang pirasong kendi at tsokolate si Beatrice mula sa mga supot at inilapag nito ang mga iyon sa pasimano ng bintana ng tindahan. Muli siya nitong tinanaw at nginitian, hanggang sa inakay na ito ng drayber pasakay sa kotse.

Hinintay niyang makalayo ang sasakyan bago tinungo ang tindahan. Saka niya dinampot ang mga kending iniwan ni Beatrice para sa kanya.

Next chapter