webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Urban
Not enough ratings
54 Chs

Eduardo Ledesma

Tunog ng mga kutsara at tinidor ang unang namagitan sa hapag. Kung hindi pa sisimulan ni Armando ang pagsasalita, marahil ay nakabibinging katahimikan na lamang ang mananaig sa espasyong iyon.

"Cliff, kumusta naman sa Baguio?"

"Ayos naman po, Tito. Kinakaya ho." Alangan ang pagsagot ni Cliff sa tiyuhin sapagkat hindi rin siya sigurado kung maayos nga ba niyang nagagawa ang tungkulin. Pinipilit niyang maging responsable sa tungkuling inilaan sa kanya ngunit hindi lamang talaga siya nag-e-enjoy sa ginagawa. Mas nanaisin niya na lamang na kumanta at tumugtogmaghapon dahil sa tingin niya ay doon siya nag-e-excel.

"Mabuti naman."

"Ikaw pa ba, Cliff? You are my son, kaya alam kong magagawa mong i-manage nang mabuti ang hotel sa Baguio," singit naman ni Eduardo na pilit na inaangat ang bangko ng anak.

"Salamat, Dad," sabi ni Cliff na halata sa boses ng ama na hindi ito sincere sa papuri at sinasabi lamang nito iyon upang magpa-impress sa lahat. Ngiting-aso siya nang tumingin sa lahat.

Sumubo ng kanin si Eduardo at tumingin sa kapatid na si Armando. "Malago na rin ang Cebu. Baka magulat ka na lang, Armando, nangunguna na ang branch sa Cebu kaysa sa Baguio," pagmamalaki ni Armando sa kapatid na namamahala sa branch nila sa Baguio noong hindi pa ito dinadala sa hospital.

"Then, that's a good news to hear. But, masaya talaga ako ngayon sa naging achievement ng hotel sa Manila and that's a big thanks sa aking anak na si Theo."

Malapad na ngumiti si Theo nang narinig ang sinabi ng kanyang ama. Tama lang siguro ang naging desisyon niya na lumabas ng mansion at tumulong sa pagma-manage sa hotel. Noong una, may nais lang talaga siyang patunayan sa lahat subalit nagbunga naman iyon dahil unti-unti niya nang naririnig ang mga papuri ng pamilya.

"Masaya rin ako sa 'yo, Theo. Bumubuti na talaga ang kondisyon mo," makahulugang turan muli ni Eduardo na hindi na lang pinansin ng lahat.

"Masaya rin ako sa 'yo, Anak," sabi rin ni Caridad.

"Congrats, Theo," ani naman ni Dr. Cliff na sinundan din ng pagbati ni Rina.

"Congrats, Theo. Ang galing mo talaga."

"Thank you, Mom, Dad, Ti...Tito Eduardo, Cliff, Dr. Steve and Rina. Salamat sa inyong lahat."

Palihim naman na umismid si Eduardo at tahimik na lamang ding sumubo ng pagkain mula sa kanyang plato. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang din kalaki ang galit niya sa pamangkin na si Theo marahil bunga iyon ng taong kinaiinisan at kinaiinggitan niya noon pa man, si Armando na palaging pinapaburan ng kanilang mga magulang. Maging ang babaeng minahal niya noon ay napunta pa sa nakababatang kapatid dahil lamang sa ginusto iyon ng kanilang mga magulang.

Matagal na silang magkasintahan noon ni Luisiana at kapwa sila nagmamahalan ng babae. Tatlong taon na rin sila mahigit na magkarelasyon noon nang isang masamang balita ang nagpagulat sa kanila. Nagmula si Luisiana sa pamilya na matalik din na kaibigan ng Ledesma. At dahil nga magkasundo rin ang kani-kanilang mga magulang, nauwi iyon sa arranged marriage nina Armando at ng kanyang kasintahan na si Luisiana.

Wala silang nagawa ni Luisiana sapagkat kapwa sila sunod-sunuran sa nais ng mga magulang. Sinubukan naman niyang tutulan ang mga magulang niya noon subalit isang malakas na sampal lamang ang nakuha niya kahit pa inamin na niya sa mga ito na mayroon silang relasyon ni Luisiana. Ang sabi lamang sa kanya ng kanyang mga magulang ay hindi na nila mababawi pa ang napagkasunduan sa pamilya ni Luisiana sapagkat kahiya-hiya iyon sa parte nila. Iyon ang mas lalo niyang kinasama ng loob. Ang pagkamuhi niya sa mga magulang ay naipasa niya rin sa nakababatang kapatid na si Armando.

Sinubukan niyang ipaglaban ang pagmamahal niya kay Luisiana subalit sadyang mas ma-awtoridad sa pamilya nila ang kanilang mga magulang. Katulad ng kanilang mga katulong noon, isa lamang siya sa mga aso na sunod-sunuran sa mga ito.

Bigo na nga siya sa atensyon at pagmamahal ng mga magulang noon, pati sa pag-ibig ay bigo rin siya. Sa likod ng kasiyahan na nakikita sa miyembro ng pamilya nila at ng pamilya ni Luisiana noong araw ng kasal nina Armando at ng kasintahan, lihim naman siyang dinudurog sa labis na kalungkutan na ang pinangarap niyang mapangasawa balang-araw ay napunta lamang sa kanyang kapatid.

Subalit kahit nangyari iyon, pinilit niya pa ring tumayo at lumaban. Sinubukan niyang kalimutan ang babae na labis niyang minahal. Naghanap siya ng ibang babae at doon ay nakilala niya ang ina ni Cliff pero isang malaking pagkakamali rin pala ang ginawa niya sapagkat pinilit niyang ipasok ang sarili sa isang relasyon na wala naman talagang pagmamahal. Wala siyang pagtangi sa ina ni Cliff noon. Pinakisamahan niya lamang ang babae upang may masabi na masaya siya o upang ipakita sa lahat na hindi siya miserable.

Pinilit niyang magpanggap na masaya sa piling ng ina ni Cliff subalit sa huli ay nabigo rin siya at hindi na kinayang pakisamahan pa ito. Araw-araw lamang silang nagtatalo nito. At kahit pa nga naging anak na nila si Cliff noon ay ramdam pa rin ng babae ang pagseselos sapagkat hindi lingid dito na hindi niya ito minahal at ginamit lamang niya ito. Malinaw naman ang paalala niya sa babae sadya lang talaga na umasa ito sa pagmamahal na hindi niya maibibigay pabalik dito sapagkat na kay Luisiana pa rin ang puso niya.

Sa huli, naghiwalay sila ng ina ni Cliff.

Isang taon ang lumipas matapos ang kasal ng kanyang kapatid at ng babaeng kanyang minamahal, namatay rin ang kanilang mga magulang at panghuli ay ang paghihiwalay nina Armando at Luisiana. Buong akala niya ay may pagkakataon pa siya noong balikan ang babae subalit bago ito umalis ng mansion, iyon na rin pala ang huling kita niya rito. Hindi na ito nagparamdam noong una kaya gumawa siya ng paraan upang mahanap ito at ganoon na lamang din ang kanyang pagkagulat nang malamang patay na ito. Nalaman niya na mula raw na nagbalik ito sa bahay nila noon, palagi na lamang daw ito nagkukulong sa kwarto at nang binisita nila ito sa silid, natagpuan na lamang ng mga katulong na wala ng buhay ang babae.

Ang balitang iyon ang mas lalong nagpatindi ng galit ni Eduardo kay Armando. Kung hindi dahil sa ginawa nitong kataksilan sa asawa, marahil ay buhay pa rin ang babaeng minahal niya. Habang nagluluksa siya sa pagkamatay ng babae, nagpapakasaya naman ito sa piling ng kalaguyong si Caridad.

"Malalaman din nila iyon lahat..."

"Ano, Dad?"

Napalingon si Eduardo sa katabing si Cliff. Hindi niya namalayan na naibukambibig na pala niya ang nasa isip.

"Malalaman din ng lahat ang angkin mong talento, Theo," pagpapalusot ni Eduardo at ngumiti sa pamangkin. Kung tutuusin, dapat hindi niya dinadamay sa galit si Theo sapagkat anak din ito ng babae na labis niyang minahal. Ngunit hindi niya lamang talaga maiwasan dahil nakikita niya rin dito ang binatang bersyon ng kapatid na si Eduardo.

"Salamat, Tito."

Ngumiti si Theo kay Eduardo na ikinagulat naman niya. Ang kaninang apoy na nagngangalit sa kanyang dibdib ay bigla na lamang naglaho at ang malakas na buhos ng alon na kanina niya pa pinipigilan ay para bang nawala na lamang bigla nang nakita ang inosenteng ngiti ni Theo sa oras na iyon na walang kaalam-alam sa nangyari noon sa kanilang pamilya.

"Welcome, pamangkin," puno ng senseridad niyang sabi at ngumiti pabalik dito.