2 Kabanata Uno: Seraphiel Yriel Morte

MAHIMBING ang tulog ng batang si Seraphiel sa kaniyang malambot na kama. Nakanganga pa ito kahit mag-aalas otso na ng umaga. Samantala, pumasok naman si sister Eva sa kaniyang kuwarto para gisingin siya.

"Yriel, gising na," sabi ng madre habang tinatapik siya sa braso. Unti-unti namang idinilat ng bata ang kaniyang mga mata ngunit agad niya rin itong isinara nang tamaan ng sinag ng araw na nanggagaling sa bintana.

"G-Good morning sister Eva," bati ni Seraphiel sa madre habang kinukusot pa ang kaniyang kanang mata. Pagkatapos ay nag-inat na rin siya.

"Good morning din Yriel, halika na at kakain na tayo," mahinhing sagot ni Sister Eva.

Pagkatapos maghilamos at magmumog ni Yriel ay sabay na silang lumabas ni sister. Lahat ng mga bata ay nasa hapag-kainan na rin at siya nalang ang hinihintay. Pag-upo niya ay nagdasal na sila agad. Pagkatapos ay napansin niyang nakatingin sa kaniya ang kaniyang kaibigan.

"B-bakit?" Nahihiya niyang tanong.

"Tinanghali ka na namang gumising Yriel," natatawang sabi ni Angelette na katabi niya at saka umiling. Siya ang pinakaclose na kaibigan ni Yriel, madalas silang magkasama at halos hindi na mapaghiwalay.

"Ang ginaw kasi Angel ang lakas ng ulan kagabi, hindi mo ba namalayan?" Tanong niya niya ngunit gaya kanina ay umiling lang ito.

Nagsimula na silang kumain. Pinaglalagay sila ng mga madre ng pagkain. Ang iba ay sinusubuan pa dahil masyado pa silang bata. Maliit palang ay independent na si Yriel, ni hindi niya naranasang magpasubo kapag kakain na o bihisan man lang pagkatapos maligo. Lahat ng bagay na nararanasan ng mga bata ngayon ay hindi niya naranasan dahil natuto lang siya sa sarili niya. Bukod doon ay lumaki siyang walang mga magulang. Sa edad na siyam na taong gulang ay naiintindihan na niya ang mga bagay-bagay, tulad ng bakit wala siyang magulang, bakit siya nasa bahay-ampunan, bakit hindi siya nakakapag-aral sa isang maayos na eskwelahan, at kung bakit hindi niya kailan man maramdaman ang pag-aalaga at pagmamahal ng isang magulang.

Alam din niya kung bakit siya napunta sa Children's Peace Orphanage. Isang buwang gulang si Yriel noon nang iwan siya ng kaniyang ina sa harap ng Pristine Chapel kung saan naroroon si sister Evangeline. Nakalagay siya sa isang malaking palanggana at balot na balot. Mayroon din siyang bracelet at nakasulat ang pangalan niya roon. Nalulungkot man ang madre sa nadatnan, naging masaya naman siya dahil madadagdagan na uli ang mga batang tinuturing niyang anak. Hindi rin niya maitatangging si Yriel ang pinakapaborito niya sa lahat dahil sa pagiging mabuting bata nito.

"Kumain pa kayo para may lakas kayo mamaya kapag naglaro kayo," masayang sabi ni sister Jonie habang sinusubuan ang tatlong taong gulang na si Camille.

Inabot naman ni Yriel ang plato ng kanin ngunit tinulungan naman siya ni sister Eva. "Ilang sandok ang gusto mo hijo?" Tanong ng madre ngunit umiling lang si Yriel bilang pagsagot ng hindi.

"Ipaglalagay ko po sana si Angelette dahil nahihiya--"

Agad namang naputol ang sasabihin niya nang takpan ng kaibigan ang kaniyang bibig. "Nako hindi po! Nagjo-joke lang po siya sister hehe," nahihiyang sabi ni Angelette pero natawa lang si sister Eva.

"Huwag ka ng mahiya Angelette, alam kong gusto mo pa," sabi ng madre at pinaglagyan siya ng kanin. Narinig naman ni Angelette ang paghagikhik ni Yriel sa tabi niya kaya mahina niya itong siniko.

"Kaya ka nananaba eh," biro ni Yriel pero sinamaan lang siya ng tingin ni Angelette.

"Atleast hindi kasing payat mo wahahaha!" Sa oras na 'to ay siya naman ang humalakhak.

"Don't speak when your mouth is full," paalala ni sister Gracy kaya napatahimik naman silang dalawa.

Pagkatapos kumain ay nagpahinga muna sila sa labas at naupo sa swing. "Tignan mo 'yong langit oh," sabi ni Yriel sa kaibigan kaya't napatingala naman ito.

"Anong meron?"

"Ang slow talaga." Napakamot nalang si Yriel sa ulo niya nang hindi magets ni Angelette kung anong meron sa langit. Pero sa 'di inaasahan ay sinapok siya nito. "Ano nga?"

"May infinity sa langit oh, ang galing ng form ng mga ulap," sabi ni Yriel at unti-unting inakbayan ang kaibigan.

"Hmm anong ibig sabihin no'n?" Kunot-noong tanong ni Angelette sa kaniya kaya naman ngumiti siya at binalik ang tingin sa langit.

"Ibig sabihin ng infinity ay walang katapusan, na kahit anong mangyayari hindi magwawakas ang isang bagay," sagot niya habang nakatingala pa rin. Tumango-tango naman si Angelette.

"We're best friends, to infinity and beyond. Promise?" Sabi niya uli at itinaas ang pinky finger.

Gumuhit naman ang malawak na ngiti sa mukha ni Angelette at nakipagpinky swear sa kaibigan. "We're best friends, to infinity and beyond."

Saglit silang nagkatitigan hanggang sa tumayo si Yriel upang makipaglaro ng habulan sa kaniya. "Habulin mo 'ko Angel!" Sigaw niya kaya naman napabusangot na naman si Angelette.

"Humanda ka kapag nahabol kita!"

Habang naglalaro ng habulan ang magkaibigan ay nakakita ng isang rosas si Yriel kaya huminto siya sa pagtakbo kahit alam niyang nakasunod pa rin si Angelette sa kaniya.

"Huli ka! Ginagawa mo?" Sabi ni Angelette nang malapitan niya na ito at mahila sa damit.

Humarap sa kaniya si Yriel at nagulat nalang siya nang ilagay nito ang rosas sa tainga niya. "Bagay sa'yo kahit baboy ka," biro ni Yriel at natawa at muling tumakbo.

Matutuwa na sana si Angelette dahil binigyan siya nito ng rosas pero tinawag siya nitong baboy kaya sinundan niya itong muli. Naghahabulan lang sila sa buong ground habang ang ibang mga bata ay nagsuswing lang o kaya ay nasa padulasan. Nang mapagod ay naupo muna silang muli sa swing.

"Bwisit ka," hinihingal na sabi ni Angelette at halos mawalan na ito ng hininga. Nilabas naman agad ni Yriel ang paper bag sa bulsa niya at iniabot ito sa kaibigan. "Ayan oh, 'wag ka prepared ako," natatawang niyang sabi habang hinahagod ang likod ng batang babae.

Habang nagpapahinga ang dalawa ay lumabas naman si sister Eva para puntahan si Angelette. May kasama itong isang babae at lalaki.

"Sino sila?" Tanong ni Yriel ngunit umiling lang si Angelette.

"Siya po si Angelette," nakangiting sabi ni sister Eva sa mag-asawa. Mukha itong mayaman at mababait kaya nginitian din sila ni Angelette.

"Hello po," tumayo siya at binati ang mga ito. Samantala, si Yriel ay nakaupo pa rin sa swing at tila naguguluhan.

"Hi Angelette, ako si Porschia Dy at siya naman si Philip Dy. Ang ganda mong bata, parang pangalan mo lang, para kang anghel." Pagpuri ng ginang sa kaniya. "Salamat po."

"Gusto ka naming ampunin at ituring na parang tunay na anak, ayos lang ba 'yon sa'yo?" Sabi ng ginoo sabay ngiti.

Saglit na napaisip si Angelette at napatingin sa likod niya kung saan naroroon si Yriel. Nakita niya itong malungkot ang mukha. Ngunit sa kabila noon ay agad naintindihan ni Yriel ang tingin sa kaniya ng kaibigan kaya naman walang anu-ano'y tinanguan niya ito at binigyan ng pilit na ngiti.

"B-bakit po ako pa?" Nauutal niyang tanong.

Naisip niya, kung papayag siya ay iiwan niya na ang kaniyang matalik na kaibigan. Masakit para sa kaniya ang magkahiwalay sila ni Yriel dahil halos limang taon na silang magkaibigan. Hindi niya kayang mawalay dito dahil siya lang ang tanging napagsasabihan niya ng mga bagay-bagay. Minsan na siyang nawalan ng kaibigan nang ampunin dito ito dalawang taon na ang nakararaan.

Lumuhod si Mrs. Dy sa harap niya. "Alam mo hija, matagal na naming gustong magkaroon ng anak na babae kaso hindi talaga kami binibiyayaan eh. Pangako, kapag kami ang naging mga magulang mo magiging maayos ang buhay mo. Bibigyan ka namin ng maraming laruan, bibihisan ng magagandang damit, at pakakainin ng masasarap. Gusto mo ba 'yon?"

"G-gusto po pero ayokong iwan ang kaibigan ko," sabi ni Angelette at hindi na napigilang pa ang mga luhang kanina pa nagbabadyang bumagsak.

Malungkot na napatingin si Mr. Dy kay Yriel ngunit tumingin lang ito sa lupa. "Gusto rin namin siyang kunin kaso isang bata lang ang pwede naming ampunin, pasensya na hija," sabi ni Porschia at saka pinunasan ang basang pisngi ni Angelette.

"Magkikita pa naman kayo ni Yriel, anak," giit naman ni sister Eva na nakatayo sa likod ni Mrs. Dy, gaya nila ay nalulungkot din ito para sa magkaibigan.

"Tama si sister Eva, pwede naman natin siyang bisitahin dito eh, kahit araw-araw pa kung gusto mo," sabi ni Philip at saka ito kinarga para aluin.

Mas lalong lumakas ang iyak ni Angelette nang kargahin siya nito. "Ayokong iwan si Yriel!" Sigaw niya at napahagulgol na.

Napatayo naman si Yriel sa pagkakaupo. Samantalang ibinaba na ni Mr. Dy si Angelette. Tumakbo siya papunta kay Yriel at niyakap ito ng mahigpit. Napaiyak nalang sila Mrs. Dy at si sister Eva sa nakita. Mahigpit ang yakap nila sa isa't isa at animo'y ayaw ng pakawalan ang isa't isa.

"A-ayokong mawalay sa'yo Yriel," umiiyak na sabi ng batang babae habang humahagulgol pa rin.

"Ayos lang 'yon Angel. Dapat maging masaya ka dahil magkakaroon ka na ng pamilya. Shh tahan na, huwag ka ng umiyak. Magiging okay ako rito kahit wala ka, huwag mo akong alalahanin at ayos lang ako. Isipin mo ang mga bago mong magulang, malulungkot sila kapag hindi ka sumama," sabi ng batang lalaki at pilit na pinipigilang bumagsak ang mga luha habang mahigpit pa ring nakayakap sa kaibigan.

"Pero maiiwan ka, alam kong malulungkot ka rin gaya ko. Gusto ko palagi kang kasama. 'Di ba best friends tayo kahit anong mangyari?" Garalgal man ang boses ay pinipilit pa ring makapagsalita ni Angelette.

Nilayo siya ni Yriel sa kaniya habang pigil na pigil pa rin ang tuluyang pag-agos ng kaniyang mga luha. Hinawakan niya ang pisngi nito at pinunasan. "Tama ka, kahit anong mangyari magkaibigan pa rin tayo. Hindi magbabago 'yon kahit sumama ka na sa kanila. Magkikita pa naman tayo eh, huwag ka ng umiyak kasi mas lalo akong nalulungkot para sa'yo," malungkot na sabi ni Yriel.

"Alam ko, pero mas malulungkot ako kapag nagkalayo tayo!" Sigaw ni Angelette at muling yumakap sa kaibigan. Ang mga bata sa playground at mga madre ay pinagtitinginan na sila.

Tumingin si Yriel sa mag-asawa at dahan-dahan itong tinanguan, dahilan para senyasan ni sister Eva ang mag-asawa na ilayo na ito kay Yriel at kunin na.

Lumapit si Mr. Dy at pilit na inihihiwalay si Angelette sa kaibigan. Bumitaw na rin sa yakap si Yriel kahit sobrang sakit nito para sa kaniya. Alam niyang wala na siyang magagawa kahit pigilan niya pa ang kaibigan, naisip niya ring mas magiging mabuti kung nasa poder na ito nila Mr. at Mrs. Dy. Mas nanaig sa kaniya ang kabutihan ng kaibigan kaysa sa nararamdaman niya. Mas inintindi niya ang mag-asawa kahit labis na rin siyang nasasaktan.

Samantala, ayaw pa ring bumitaw ni Angelette at mas lalo lang hinigpitan ang yakap kay Yriel. "Hindi! Hindi ako sasama sa inyo!" Sigaw niya at pilit kumakawal sa mga yakap ni Mr. Dy. Tumulong na rin sila sister Eva at Yriel sa paglayo sa kaniya. Nang maitulak niya palayo si Angelette sa kaniya ay agad binuhat ni Mr. Dy ang batang babae.

Naglakad na sila palayo kahit napakasakit ng nakikita nila. Parang dinudurog ang mga puso ng mga madreng nanonood sa kanila. Samantalang umiiyak pa rin si Mrs. Dy habang naglalakad sila palayo.

"Seraphiel Yriel mahal na mahal kita bestfriend!" Sigaw ni Angelette habang humahagulgol pa rin sa mga bisig ni Mr. Dy. Iyon na rin ang huling mga katagang narinig niya mula sa kaibigan.

Agad namang nagtatakbo si Yriel sa likod ng puno at doon niya na nailabas ang nararamdaman. Umiyak siya nang umiyak at pinagsisipa ang mga bato. Iniisip niyang wala siyang nagawa, na hinayaan niyang masaktan ang kaniyang kaibigan. Napakasakit din para sa kaniya ng nangyari dahil parang kanina lang ay ang saya-saya nila ngunit ang kapalit pala'y sakit at pighati. Parang hinahati ang puso niya sa nangyari.

"Sinaktan ko siya..." bulong niya sa sarili at tuluyan ng napaupo sa lupa habang humahagulgol pa rin.

Sa kabila ng pag-iyak, may isang lalaking tumabi sa kaniya. Nang tignan niya ito'y parang kasing edad lang din ni Mr. Dy. Nakasuot ito ng itim na polo at itim na pantalon. Hindi niya ito pinansin at unti-unting tumahan.

"Bakit ayaw nila akong ampunin? Ano bang mali sa'kin?" Mahina niyang sabi at muling humagulgol.

Sa hindi inaasahan ay tinapik-tapik ng lalaki ang kaniyang likod dahil para mapatingin siya rito. "Sa'kin ka nalang sumama," sabi nito at ngumiti.

Nagtataka man pero nginitian nalang niya ito pabalik habang umiiyak pa rin. Sa isip ni Yriel, bakit biglang sumulpot ang lalaki ng walang kasamang madre?

avataravatar
Next chapter