webnovel

HOT PINK 1/2

     "Napakainet, puñeta." Sabay punas ng namumuong butil ng pawis sa kaniyang namumulang mga pisngi gamit ang kulay rosas niyang panyo.

     Panibagong araw na naman ng pagko-commute sakay ng jeep na tila isang pugon na nilagyan ng apat na gulong.

     Alas otso y medya pa lamang ng umaga ay mainit na agad ang tirik ng araw kaya 'di maiiwasan ang pagpapawis na dulot ng maalinsangang panahon dahil papasok na naman ang buwan ng Abril.

     Maugong at malubak ang highway na binabagtas ng sinasakyan niyang jeep na patungo sa bayan ng San Guillermo. Marahil ay nagsisimula na naman ang pagpapagawa ng mga kalsada kahit maayos pa ang mga ito upang may maipakita lamang ang namamahala na may naipagagawa sila. Kahihiyan.

     Kaliwa't kanan ang pagbubusina ng mga tsuper na nag-iinit ang ulo dahil nagsisimula nang magbuhol-buhol ang trapiko sa mga daanan. Iba't-ibang anyo ng panagkas ang umaalingawngaw na tila nasa isang debateng wala namang patutunguhan.

     Makapal at maitim din ang usok na binubuga ng sangkaterbang tambutso ng mga sasakyan na sumasakal sa lalamunan ng bawat taong nagpupunta sa kasulasukan ng siyudad.

     Tiyagang-tiyaga ang mga pasaherong nagsiksikan sa loob ng sasakyan na parang lata ng sardinas kung punuin ng mga barker sa may terminal. Iba't-ibang mapapait na reaksyon man ang ibinabato ng mga komyuter ay hindi rin natin sila masisisi. Wala silang maisisiksik sa kanilang mga sikmura kung hindi ang mga tao ang isisiksik nila sa pampublikong sasakyan na ito.

     Napaka-hassle man ngunit kailangan nilang magtiis. Napupunasan naman ang pawis.

     Iba't-ibang mga mukha ng tao ang makikita mo sa mga maliliit na komunidad sa loob ng isang malaking mundo. Nagkakaiba rin sa katayuan sa buhay, lahi o kulay, at paraan ng pamumuhay. Lahat ay may samot-saring karanasan. At bawat isa ay may natatanging kwento.

     "It was around 5 years ago before I decided to take this path. This lonesome path on my own. Umay na umay na 'ko kakukwento sa mga taong nakikilala ko pero ikukwento ko na rin sa'yo, Sawyer. Willing ka namang malaman ang buhay kong interesante sa pagkat wala ni isa'ng nanatiling permanente." Inayos niya ng kaunti ang suot na earpiece sa kaliwang tainga at nagpunas muli ng pawis sa may bandang leeg. Umusog din ng bahagya sa pagkakaupo dahil nakangangalay ang kasikipan sa loob ng jeep na sinasakyan.

     "My 'loving' parents got separated when I was in my first year of junior high school. My father is an alcoholic moron who inflicted pain and suffering on me and my mom so when we had the chance, we decided to leave him. And we got lucky when my mom found someone na tinanggap siya at pinagtanggol mula sa mapagsamantala kong papa. So, tumira kami sa malaking bahay ng aking stepfather na owner ng isang may kalakihang kumpanya." Napatigil muna siya saglit at uminom ng buko juice na nakalulan sa isang bote. Tamang-tama ito bilang pamatay ng uhaw sa kalagitnaan ng mainit na panahon.

     "T'was all sunshines and rainbows noong una ngunit nang ipinanganak ni mama si Bleu, nagsimula na ang aking problema. Hindi naman ako totally nakalimutan pero naisasantabi na ako dahil may bago nang priority. Si tito, matino naman siya pero hindi ko ramdam 'yung pagturing niya sa'kin bilang sarili niyang anak. Pero alam kong mahal niya si mama– si mama nga lang. Most of the time na-iignore na lang ako. Until there's this one day that I found myself out of place. Sabit lang ako sa isang bago at masayang pamilya. 'Wag kang maiiyak, Sawyer, ha?" Napahagikgik siya ng kaunti upang maitago ang kalungkutan na matagal na niyang binabaon sa limot.

     Nagsimulang magtinginan ang mga pasahero ng jeep na halatang nakikinig sa usapan ng may usapan. Bukas na naman ang mga naglalakihang tainga at lumilinaw na naman ang mga matatalas na mata. Mga tsismoso't tsismosa.

     Nagpipigil na lamang siya ng tawa dahil sa bawat pagkakataong sumasakay siya ng jeep ay mukhang may labanan ng pagka-fierce at pagpo-poker face ang mga pasaherong nasa loob. Na kahit may mauntog sa kisame nito ay tutuklap lamang paloob ang mga labi upang mapigilan at 'di kumawala ang malakas na pagtawa. Bakit nga kaya ganoon, ano? Araw-araw ata ang Biyernes Santo.

     "Nang tumungtong ako ng grade 9, pinilit ko talaga kay tito na ikuha na niya 'ko ng sarili kong matitirhan. Pinili ko na lamang mapag-isa, Sawyer. Nakahanap kami ng dormitoryo na kung saan doon ako tumira pero suportado pa rin ng pera ni mama. Ang isa kong tita ang umaantabay sa'kin dahil hindi na ito magagawa ni mama. Madalas akong pinadadalhan ng pera at ako na ang bahala kung saan ko iyon gagastusin. Pambili ng pagkain, baon sa eskuwela, mga iba pang gastusin, at sinisigurado kong mayroon akong naitatabi para may maipon ako." Pagpapatuloy niya sa kwento.

     Natitigilan siya dahil napapansin niyang may kumikiliting mga hibla buhok sa kaniyang mukha at leeg ngunit hindi na niya ito inalintana. Sapat na ang init lamang ang pinoproblema niya. Pinipilit niyang hindi tuluyang mairita at umaasa na matauhan ang buhok ng katabi niya.

     "Akala ko magiging maayos na ang buhay ko mula noong nag-solo ako, Sawyer. Pero ilang buwan ang lumipas nalaman pala ni papa ang kalagayan ko. And then he started bugging me. Noong nahanap niya kung saan ako nakatira, halos gabi-gabi niya 'kong ginagambala. Nagbabasag ng mga bote ng alak sa labas ng dormitoryong tinutuluyan ko. Parang isang baliw na nagmamakaawa na sana mabuo daw ulit ang pamilya niya. Tangina." Napaigting ng kaunti ang kaniyang panga. "Kaya naging madalas ang paglilipat-lipat ko ng matutuluyan. Madalas na tumatakbo. Pilit na nagtatago."

     "May isang bagay pala akong nakalimutaan. Ako ay may isang kakaibang karamdaman." Hininaan niya ng kaunti ang kaniyang boses. "Minsan ay pabigla-bigla na lamang akong nagsasalita. Kung ano ang tumatakbo sa isip ko ay siyang lumalabas sa bibig ko, at hindi ko ito namamalayan. Hindi ko rin alam ang dahilan. At si Sawyer, siya ay isang kathang-isip lamang. Cover up ko lamang itong suot kong earpiece para kunwari ay may kausap ako sa tuwing lumalabas ang amats ko. Tangina, isang kabaliwan. Pero 'wag kang maingay para 'di nila malaman." Palihim siyang kumindat at ngumiti ang kaniyang mapulang labi.

Next chapter