webnovel

Kabanata 1

"Aling Ading, pa-load nga po."

Kagisising lang ni Andy at napuyat siya dahil sa pag-iinuman nilang mga kaibigan kagabi sa Black Saphire. Nakabihis siya ng sando na Sto Domingo na pang-basketbol at Ginebra na pulang shorts. Manipis na din ang kanyang Havaianas na tsinelas at magulo ang kanyang buhok. Pumupungas pa ang kanyang mata sa hapon na iyon, nakakasilaw ang araw sa ala-kwatro. May mga naghahanda na sa kalapit tindahan na mga iihawin na isaw at dugo at naglabas na din ng suka na may sili at sibuyas na nilagay sa malaking Nescafe na garapon. Nagpapa-usok na nang uling at todo-paypay para bumaga ang mga ito. Nasa tindahan siya ngayon at kausap ang ang isang singkwenta-anyos na babae. 

"Magkano ang ilo-load mo?"

"90 pesos po, unlimited Internet." sagot ni Andy.

May pinindot lang si Aling Ading Sa kanyang Infinix na cellphone "Natanggap mo na?"

Tumunog ang cellphone ni Andy "Oho, eto po'ng bayad."

"Teka, yung bayad din sa sardinas at tuyo na inutang mo, sabi mo ngayong araw mo babayaran?" nakapamewang si Aling Ading.

Napakamot si Andy sa ulo, "Oo nga ho pala, pero sa sweldo na lang po ha. Mejo short po ako ngayon."

"Hmmm, yan ka na naman e. Pagkatapos na ng sweldo, kakalimutan mo na ako."

 "Naku hindi po, hayaan nyo, ite-text ko na lang kayo kapag nakuha ko na ang pera."

"Basta kung ka nagbayad, kakalabugin kita dyan sa kwarto mo." Dinuro nang pabiro ng matanda ang binata. "Kilala ko ang may-ari ng bahay ng nagpapa-bedspacer."

 Napatawa ang lang si Andy at tiningnan nya agad ang cellphone kung may Internet at binuksan ang YouTube. Buti gumagana na--

Lumalakad ng di nakatingin sa dinaraanan si Andy nang biglang nabangga niya ang isang babaeng paparating din sa tindahan. Nalaglag sa daan ang Samsung ng binata.

 "Ay, ano ba yan, kasi di ka tumitingin bago ka umikot." sabi ng babaeng parang kasing-edad niya.

"Di ko naman alam na may tao, pasensya na miss." pinulot ni Andy ang cellphone niya.

 "Muntik pa naman mahulog itong iPhone 15 ko. Kabibili ko lang nito 'no?"

Arte naman nito, naisip ni Andy, palibhasa mahal ang cellphone samantalang sa akin, average lang naman pero Samsung S23 din ito a. Nakita ni Andy ang babae na may mahabang buhok, maputi at tantya niya ay 5'6" ang taas. Naka-pajama siya at magulo din ang buhok na katulad niya. Maluwag ang kanyang pantulog na Hello Kitty. Mahaba ang kanyang mga kuko na naka-French Tip, ganun din ang kanyang kuko sa paa. May brace din siya sa ngipin at kulay green ang band. May bangs siya na pantay sa kilay. Singkint ang kanyang mga mata at manipis ang labi. Nakita niyang parang kagigising lang din nito at nagpunta din sa tindahan. Parang influencer, naisip ni Andy, pero parang mataray tingnan dahil magkasalubong ang inahit na kilay.

"Ok miss, di na ako makikipagtalo at sa susunod, mag-iingat ka din na wag mahulog yang iPhone mo kasi wala akong pambayad kapag nagkataong masira yan." pinagpag ni Andy ang Samsung niya.

"Buti na lang at alam mo, excuse me, magpapa-load ako." tabi ng dalaga at pumunta sa tindahan at nag-doorbell sa screen.

  Pa-iPhone-iPhone, prepaid lang naman, natatawang isip ni Andy.

 "Anong tinatawa-tawa mo diyan? Nakakatawa ba ako?"

"Di naman, may naalala lang ako." nakangiti si Andy at nagba-browse sa kanyang cellphone

"Kahit na ba, di naman tayo magkakakilala, feeling close ka na sa akin, ganun?" Tumaas ang kilay ng dalaga. "Excuse me mister!"

"Naku, makaalis na at good afternoon lang sa iyo miss." sumaludo na pakutya si Andy.

 Hindi lumingon ang dalaga at nagpatuloy na mag-doorbell sa tindahan. "Wala yatang tao?"

Medyo malayo na si Andy sa tindahan. "E kabibili ko lang ng load, meron dyan, andyan si Aling Ading."

"Ano ba yan, male-late na ako sa pupuntahan ko, wala pa akong Internet," inis na sabi ng dalaga.

"Baka nanonood lang yun ng Koreanovela, hintayin mo lang." ngumiti si Andy.

"Walang bang ibang tao?"

"Malay ko." kibit-balikat si Andy. "Goodbye miss." 

Umalis si Andy at di na lumingon muli. Baka may makabanggan na man siya at maubos lang ang oras niya.

 "Sandali, di mo ba kukunin ang sukli mo?"

Lumingon muli si Andy at nakita si Aling Ading na nakalabas ang ulo sa pinto ng kanyang bahay.

"Pasensya na po, nakalimutan ko." bumalik na naman siya sa tindahan.

 "Andyan pala kayo Aling Ading," sabi ng dalaga. "Kanina pa po ako dito, magpapa-load ako."

"Ganun ba Debbie, kasi nagbibilang ako ng isusukli, e yung mga barya ko nasa kwarto ko, kaya natagalan ako sa loob." paliwanag ng matanda.

 Debbie pala ang pangalan niya, naisip ni Andy. "Salamat po sa sukli."

"Walang anuman. Magkakilala ba kayo ni Debbie? Diyan lang siya nakatira sa kabilang kanto."

"Naku hindi po, ngayon lang kami nagkita." napakamot si Andy sa ulo. "Nice meeting you Debbie."

Tiningnan ni Debbie si Aling Ading na parang nagsasabi na Bakit ninyo binangggit ang pangalan ko? Nalaman niya tuloy!

 "Parang napanood ko na ang eksenang ito a." natatawa si Aling Ading.

Tumingin si Andy kay Debbie ngunit binaling ng dalaga ang kanyang tingin sa loob ng tindahan. Makaalis na nga, baka ma-late din ako sa pupuntahan ko, ani Andy.

 ---

Have some idea about my story? Comment it and let me know.

DaoistWcs6f7creators' thoughts
Next chapter