1 00 | Prolouge

* Dana*

Tahimik kong tinahak ang corridor papunta sa dorm ng mga babae.

Hindi ko alam kung bakit dito ako dinadala ng aking mga paa. Para akong naliligaw na kaluluwa sa ilalim ng maliwanag na buwan.

Hindi ko napansin na nakabukas pala ang bintana dito sa corridor kaya naman napakislot na lamang ako nang dumapo ang malamig na hanging amihan sa aking balat. Tila ba nagbigay ito ng kakaibang pakiramdam sa akin. Napailing na lamang ako at nagpatuloy na sa paglalakad.

Ngunit nang maka-isang hakbang na ako ay may narinig akong kaluskos sa paligid. Alerto kong pinagmasdan ang paligid kung may iba pa ba akong kasama dito. Nang naramdaman kong may nakaambang panganib sa akin ay natuwa ako.

'Hindi ba't ito na yung gusto kong mangyari sa umpisa pa lang?'

Pero hindi ko na lang namalayan kung ano ang nangyari. Nagulat na lamang ako nang sa di kalayuan ay may makita akong katawan ng isang lalaki na nakahandusay.

Puno ng dugo ang kanyang katawan at humihinga pa ito. Napatakip naman ako ng aking bibig upang pigilan ang mga habol kong hininga. Hindi ko namalayan na may mga luha na palang lumalandas sa aking mga mata.

'Ang daming dugo'

Kaagad akong tumakbo papuntang guard house nang biglang may humablot sa akin at tinakpan ang aking mga mata. Nagpumiglas ako ngunit ano ba naman ang laban ng tulad kong isang babae sa taong ito. Ramdam ko naman ang mabilis niyang paghinga at ang malakas na kabog ng kanyang dibdib.

"Huwag kang gagalaw. Makikita nila tayo" bulong nito sa akin at nagsitayuan lahat ng balahibo sa aking katawan. Kilala ko ang boses na ito, kilalang-kilala ko 'pagkat ang boses na ito ang tinig na huli kong narinig apat na taon na ang nakalilipas.

Kung kaya't ngayon ay wala na lamang akong nagawa kundi ang umiyak sa bisig niya.

avataravatar