5 Chapter 5

Tanghali na ako nagising dahil masakit ang ulo ko kakaiyak kagabi, maaga nagpunta si Angie sa bahay dahil binilin ako nila lola. Namamaga pa din ang mata ko at walang gana kumain, dinaig ko pa ang broken hearted sa nangyayari sa akin.

"Bakit ba namamaga mata mo?" Pang-intriga ni Angie, andito kami ngayon sa may labas nakatambay.

"Hindi lang maganda panaginip ko," napasandal nalang ako sa kinauupuan namin, sa gilid ito ng bahay at gawa sa kahoy na upuan na mahaba.

"Ano ba panaginip mo?" Tanong nitong muli,

"Basta" tamad kong sagot dito,

"Kasi sabi nila may kinalaman daw sa dati mong buhay yung mga nakikita mo sa panaginip mo," biglang may hangin ang dumampi sa mukha ko ng sandaling marinig ko iyon.

"Totoo ba yun?" Napaayos ako nang upo at humarap sa kanya,

"Yung mga napapanaginipan daw natin na para tayong naapektuhan kapag gising ay part daw ng nakaraan nating buhay" naintriga ako sa mga pinagsasabi niya kaya titig na titig ako sa kanya,

"May kakilala si Gino na albularyo si Mang Karding, doon lang sila sa kabila doon sa tito ni Marlo. Kung gusto mo pwede ka namin samahan kasi kaya niya ipaalala sayo yung past life mo," namamangha nitong sabi, meron bang ganun? May tao na kaya ipaliwanag yung mga panaginip?

"Hindi ako naniniwala sa ganyan" napataas nalang ako ng kilay at tamad na Sumandal. Wala naman kasi taong Kaya ipaliwanag yung panaginip, basta hindi ako pupunta dun.

"Sige po antayin niyo lang si tatay, may pinuntahan po sila sa bayan kasama ang kuya Marlo" saad ng batang babae na mga nasa 10 years old.

Inilibot ko ang paningin sa loob ng bahay nila, ganoon sa mga napapanood ko kapag nasa loob ka ng bahay ng isang albularyo ang daming nakasabit sa paligid at ang daming mga nakabote, may mga parang pang-orasyon na sulat sa pader.. nakakatakot.

"Tama ba ginagawa natin?" Natatakot kong bulong kay Angie, tatlo kami andito ngayon kasama nanaman namin jowa niya,

"Oo, basta wag ka nalang matakot sa itsyura ni Mang Karding kasi sunog yung kalahati ng mukha niya" sagot naman ni Gino na mas lalo akong kinabahan, ibig sabihin nakakatakot mukha niya kasi sunog?

"Andyan na po sila" pagmamadali ng batang babae at maya maya pa ay pumasok na si Marlo, napatigil siya nang makita niya ako kaya agad akong napaliko ng tingin. Bakit kasi ganyan siya tumingin sa akin, parang ang laki ng atraso ko sa kanya samantalang hindi ko naman siya kilala.

Pumasok na si Mang Karding kaya napakapit ako ng mahigpit sa braso ni Angie, nakakatakot nga ang mukha niya. Sunog yung kanang bahagi, pinilit ko nalang maging kalmado para hindi niya mahalata na natatakot ako sa kanya baka kasi biglang magalit at makulam pa ako.

"Anong kailangan niyo dito?" Tumango si Gino at nagsalita "ito po kasing si Caralina may gusto malaman sa panaginip niya" napangiti nalang ako at umiwas ng tingin, natatakot kasi talaga ako sa kanya. Natawan ko naman si Marlo sa gilid habang may sinasalin sila nung batang babae sa mga bote,

"Maari ko bang makita ang palad mo?" Napatingin pa ako kila Gino at Angie na tumango, maypag-aalinlangan ko inabot ang kanan kong kamay pero nagulat ako ng mapatigil ito at tiningnan ang suot kong bracelet na galing kay lolo. Nanlaki ang mata nito at salitan akong tiningnan at yung nasa kamay ko. Sa mga sandaling iyon para akong naninigas at nanlalamig sa kaba,

"Umalis na kayo" sambit nito kasabay ng paghawi niya ng kamay ko.

"Pero--" hindi na ako nakapag patuloy pa ng tunalikod na ito at nagsalita "hindi ko kaya sa mga oras na ito, pagod lang siguro ako" napatingin ako kila Angie at Gino na tumayo kaya nakigaya na din ako, alam ko may mas mabigat pang dahilan kaya ayaw niyang sabihin sa akin. Bago kami umalis napasulyap pa ako kay Marlo na seryoso ang mukha na nakatingin sa akin.

"Masama siguro ang pakiramdam ni mang Karding kaya tumanggi siya" saad ni Gino habang naglalakad kami sa bukiran, wala naman na akong magagawa kung away niya sabihin kung bakit.

"Gala nalang tayo" napatigil ako ng sabihin iyon ni Angie,

"Tapos iiwan niyo nanaman ako?" Pagsusungit ko dito dahilan para matawa sila pareho. Pero wala nanaman akong naging choice at kagaya ng inaasahan ko hindi ko nanaman alam saang lupalop nagpunta yung magjowa. Mag-isa nanaman akong naglalakad dito sa palengke hanggang sa mapadaan ako sa isang bangketa na may mga ginagawang bracelet, necklace at iba pa na gawa sa kahoy. Ang angas lang kasi live niya ginagawa, hindi ko napansin na kanina pa pala ako nakatitig sa ginagawa niya.

"Kamusta ka na po ate? Mukhang may masugid kang tagahanga dito," nagulat ako at napalingon sa likuran ng makita yung lalaking nagsalita. Matipuno at mukhang laking Manila siya dahil sa pormahan nito,

"Hi, I'm Gabbi" saad nito habang inaabot sa akin ang kamay niya para makipag shake hands.

"Caralina" sabay abot ko sa kamay nito,

"Ang ganda ng pangalan mo, hindi nakakapagtaka" ngumiti ito na halatang maypang bobola, natawa ako at tumalikod sa kanya at naglakad na papalayo.

"Teka lang" habol nitong lakad para sabayan ako,

"Bago lang ako dito, hindi ko ba ako igagala?" Napahinto ako at natawa sa sinabi niya,

"Kung ako nga naliligaw dito igagala pa kita?" Hindi ko alam pero sabay kaming tumawa, parang tanga lang pero ang gaan ng loob ko sa kanya parang ang tagal na namin magkakilala.

"Coffee?" Aya nito na tinanguan ko lang ng may bigla ako marealized "wala naman coffee shop dito" saglit kaming napatahimik at natawa ulit,

"Alam ko na, yung halo-halo nalang" hinila ko na siya papunta sa food court doon sa kinainan namin nila Angie,

"Sabi ko sayo masarap dito eh" pagmamayabang ko pa sa kanya,

"Ano naman ginagawa mo dito?" Tanong ko sa kanya,

"Kagustuhan ng lola ko" napatango nalang ako sa sinabi niya,

"Kunin ko phone number mo" sabay abot nito ng cellphone niya, hindi na ako nagpabebe. Hindi naman sa crush ko siya, siguro dahil sa parehas kaming bago dito.

Puro kami tawanan at kwentuhan tungkol sa Manila at nalaman ko na madami na palang lugar ang napuntahan niya dahil travel vlogger siya. Sa gitna ng kasiyahan at pagtawa ko napansin ko ang isang familiar na mukha sa gilid namin. Nakaupo siya doon habang nagbabasa ng libro, napatigil ako sa pagtawa at tiningnan siya. Ang gwapo pala talaga ng lalaki kapag may hawak na libro, bagay sa kanya yung pagiging walang reaction niya. Napalumbaba ako habang nakatitig sa kanya, wala akong pakialam sa kasama ko ngayon at sa mga dumadaan sa harapan niya basta ang alam ko ang gwapo ni Marlo,

"Kilala mo ba siya?" Bumalik lang ako sa katinuan ng kumaway kaway si Gabbi sa harapan ko,

"Ah.. wala" ngumiti ako dito at sandaling sinulyapan si Marlo na ngayon ay nakatingin sa akin kaya agad kong hinarang sa mukha ko yung isa kong kamay.

"Haaayyy ano bang ginagawa mo Caralina" bulong ko sa sarili ko habang nakapikit,

"Ayos lang ba?" Pag-aalala ni Gabbi,

"Masakit lang ulo ko, baka napasobra sa lamig," hinawi ko ang buhok ko saka tumayo,

"Sige na pupunta lang ako kay lola, uwi ka na din at salamat sa libre" tumayo na din siya at ngumiti sa akin. Nag-alok siya na ihatid ako pero tumanggi ako sa kanya. Bago umalis tiningnan ko ulit si Marlo na ngayon ay nakatingin sa libro na binabasa niya, hindi ako mahilig magbasa ng libro pero ang lakas pala ng dating lalaking nagbabasa ng libro, sa Manila kasi wala pa akong nakita na lalaking nagbabasa ng libro kaya siguro ganoon nalang ako mamangha sa kanya. Pero hindi ko siya gusto, promise.

Kumakanta ako habang naglalakad nang mapansin ko ang isang ale na nag-aalok ng hula, lumingon muna ako sa paligid at lumapit dito. Hindi ako naniniwala sa hula at first time ko ito kaya medyo kinakabahan ako.

"Papahula po ako" sabay abot ko sa kanya ng kanan kong kamay, nang tingnan niya ang guhit ng palad ko biglang nanlaki ang mga mata nito at gulat na tiningnan ako. Ang weird talaga ng mga tao dito, bakit palagi silang nagugulat tapos hindi maman sasabihin kung bakit,

"Napakasaklap ng kapalaran mo" sabay iling nito dahilan para hilahin ko yung kamay ko,

"Wag na nga lang" sambit ko dito bago ako tumalikod pero nakakaisang hakbang palang ako nang bigla itong nagsalita,

"Sa pagbilog ng buwan, sa puno ng akasya ay doon muli kayong pagtatagpuin, pero sa sandaling iyon ay kailangan mong pigilan ang magiging damdamin mo para sa taong ito" biglang bumilis ang tibok ng puso ko, hindi pa din ako lumilingon sa kanya dahil para ako na istatwa sa kinatatayuan ko ngayon at walang pakialam sa mga taong bumabangga sa akin,

"Dahil sa sandaling mahalin mo siya ay maari mo itong ikamatay o maari niyang ... ikamatay" mga salitang sinabi niya para makaramdam ako ng kakaibang takot, lalo na sa huli nitong sinabi bago ako tuluyang umalis. Salitang mas nagbigay sa akin ng napakaraming katanungan dahil sa puntong ito at ang mga salitang binitawan niya ang mga katagang palaging ibinibilin sa akin nila mama simula bata palang ako.

"Ang pag-ibig ay hindi nakatadhana para sayo"

avataravatar