104 Epilogue

SA MANSIYON ng mga Mariano ginanap ang engagement party nina Jane at Charlie. Kompleto ang buong pamilya ng mga Ruiz at Mariano, maging ang mga kaibigan ng couple. Kasama na ang lahat ng residente ng Bachelor's Pad, maliban siyempre kay Maki Frias, na sa tulong ni Keith ay nagpadala lamang ng mensahe para kina Jane at Charlie.

Nasa kalagitnaan ng pagsasaya ang lahat ng mga bisita, maliban kay Jay na tumakas mula sa ingay. Naglakad siya patungo sa hardin na sa pagkakatanda niya ay nasa likod ng mansiyon.

Naiilang si Jay. It seemed like all his friends had begun settling down. Nauna si Rob, sumunod ang pinsan ni Rob na si Ross. At ngayon, pati si Charlie na matigas noon ang desisyon na hindi mag-aasawa ay engaged na. Jay was feeling left behind. Again.

Ipinilig niya ang ulo at inalis ang unang butones ng kanyang suot na polo nang marating ang hardin. Hindi na masyadong maingay pero dinig pa rin kahit paano ang tugtog mula sa loob ng bahay. Napakunot-noo si Jay nang makitang may mini-playground na doon, hindi tulad noong nasa law school pa sila at minsang dinala sila roon ni Charlie. May batang lalaki na nakaupo sa duyan. Nag-angat ito ng tingin nang maramdaman ang kanyang presensiya.

Nag-alangan si Jay kung lalapit o hindi pero naunahan na siya ng bata.

"Gusto mong magduyan?" tanong nito.

Bahagya siyang ngumiti at tuluyang lumapit. "Sure." Umupo siya sa duyan sa tabi ng bata at sinulyapan ito. "Bakit nandito ka?"

Nagkibit-balikat ang bata. "Pangmatanda ang party sa loob, kaya nandito ako. Saka para hindi ako ipakilala ni Mommy sa mga tao at hindi nila tanungin si Mommy kung nasaan ang daddy ko. Kasi kapag tinatanong nila iyon, nakikita kong ngumingiwi si Mommy at ayokong nakikita siyang ganoon."

Hindi nakahuma si Jay. "Nasaan ba ang daddy mo?" kalmadong tanong niya.

"Wala akong daddy. `Sabi ni Mommy, iniwan daw siya ng daddy ko nang malaman na buntis siya sa akin."

Napatitig si Jay sa bata. May alaala ng kabataan niya ang sumagi sa kanyang isip habang nakatitig dito. Ipinilig niya ang ulo upang palisin iyon. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Pero may naramdaman siyang galit para sa ama ng batang ito na iniwan ang responsibilidad, katulad ng ginawa ng sarili niyang ama.

"Justin?" tawag ng tinig ng isang babae.

Nag-angat ng tingin ang bata at lumiwanag ang mukha. "Mommy!" Tumayo ang bata at napasunod ng tingin si Jay hanggang makita niya ang isang magandang babae na nakatayo sa bungad ng hardin. Napatayo rin siya dahil nakilala niya ang babae. Sa pagkakaalam niya, kapatid ito ni Charlie.

"Hey," bati ni Jay. Napatingin sa kanya ang babae. Bahagya siyang ngumiti. "Cherry, right?"

Tumingin ito sa kanya at tumango. "At ikaw ay isa sa mga kaibigan ni Kuya Charlie. Ano'ng ginagawa mo rito?"

Ilang sandaling napatitig siya kay Cherry. Medyo malamig ang tono ng babae. Subalit baka imahinasyon lang niya iyon. After all, iyon ang unang beses na nagkausap sila ni Cherry. Walang dahilan para maging malamig ito sa kanya. O marahil ay narinig ni Cherry ang usapan nila ng anak nito at hindi iyon nagustuhan.

"Just taking a break," sagot ni Jay.

Muling tumango si Cherry. "Okay. Sige maiwan ka na namin dito." Iyon lang at tumalikod na ito, akay-akay si Justin.

Lumingon ang bata kay Jay at ngumiti. "Ba-bye, Mister."

Napangiti si Jay. "Bye." Pinagmasdan niya ang papalayong pigura ng mag-ina, hanggang mawala na nang tuluyan sa kanyang paningin. Ngunit sa kung anong dahilan, nanatili ang mukha ni Cherry sa kanyang isip. At nang bumalik siya sa party ay hinahanap ng tingin niya ang babae. But he never saw her again.

•••WAKAS•••

avataravatar