webnovel

Chapter 11

WHAT the hell is wrong with me? Iyon ang naglalaro sa isip ni Charlie sa buong oras ng palabas. Madalas din niyang natatagpuan ang sariling nakatingin sa babaeng katabi na mukhang hindi na siya napansin mula nang magsimula ang play.

Buo na ang lahat ng kanyang plano para sa susunod na dalawang buwan. Nakapagdesisyon na siya na magiging malamig ang pagtrato kay Jane tuwing date nila para malaman ng dalaga na nagkamamali ito sa pagpili ng lalaking gustong pakasalan. Hindi puwedeng tumagal ng dalawang buwan ang kasunduang iyon. May bago siyang kliyente at magsisimula na ang pormal na hearing sa kaso sa susunod na buwan. Magiging abala na si Charlie at hindi kailangan ang babaeng makikihati sa kanyang atensiyon.

Pero bakit hindi niya magawang maging malamig kay Jane? Hindi siya nahihirapang gawin iyon sa ibang babae kapag gusto niya. Subalit kanina, noong sunduin pa lamang niya ang dalaga at makitang nag-ayos talaga ito para sa kanya ay may damdaming namuo sa kanyang dibdib. That emotion was akin to pride but a little different. Warmer. Bago pa makontrol ang sarili ay nahawakan na niya ang buhok ni Jane at ginawa ang noon lang niya ginawa. He kissed her hair, and it was such a cheesy thing to do, he could not believe he actually did it. Subalit nang mga sandaling iyon, pakiramdam ni Charlie ay iyon ang pinakanatural na gawin.

Natauhan lang siya nang mag-angat ng tingin at makita ang emosyon sa mga mata ni Jane. He saw love. Para siyang sinuntok sa sikmura at nakaramdam ng kakaibang takot kaya lumayo siya kaagad sa dalaga.

Hindi niya kailangan ng pag-ibig. Hindi iyon kasama sa kanyang mga plano at priyoridad. Iyon ang sinasabi niya sa sarili hanggang makarating sila sa Resorts World. Subalit nang magkaroon na naman ng pagkakataon ay gumalaw na naman ang katawan niya upang mapadikit sa katawan ni Jane. It was weird. Para bang may magnet si Jane at isa siyang metal na gustong palaging nadidikit sa dalaga.

Biglang naalala ni Charlie noong mananghalian sila. Ilang beses ding muntik na umangat ang kanyang kamay para hawakan si Jane. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Iyon pa naman ang pinakaayaw niya—iyong hindi niya mahanapan ng sagot ang mga tanong.

Sumulyap si Charlie sa direksiyon kung nasaan ang mga pamilya nila ni Jane na mukhang nag-e-enjoy rin sa palabas. Isa pa iyon sa nagpalala ng sitwasyon, ang makita sila ng kanilang mga pamilya na magkasama. Ayaw niyang umasa ang mga mahal nila sa buhay na may mangyayaring kasalan. He felt frustrated. Subalit nang makita niya ang sakit sa mga mata ni Jane kanina, nawala na parang bula ang pakiramdam na iyon. Napalitan ng pagkataranta at kagustuhang pawiin ang sakit sa mga mata ng dalaga. So again, he did something he had never done for anyone but his family before; he comforted her.

God, I think I'm going insane.

Natapos ang palabas na hindi masyadong pinanood ni Charlie pero naintindihan naman niya ang kabuuan. Nang muling tingnan si Jane ay nakangiti nang bumaling sa kanya ang dalaga.

"Ang ganda, `no?" kumikislap pa ang mga matang tanong nito.

Napatitig siya sa dalaga. "Mahilig ka sa play?" Natagpuan niya ang sariling nagtanong.

Tumamis ang ngiti ni Jane. "I love plays."

Nakakahawa ang ngiting iyon. Umangat ang gilid ng mga labi ni Charlie at hindi naiwasang makaramdam ng amusement. She was like an innocent child. "Halata nga." Tumayo na siya at nailahad na ang kamay kay Jane bago pa mapag-isipan kung ano ang ginawa. Pareho tuloy silang natigilan at napatingin sa nakalahad niyang kamay. Damn, what am I really doing?

Babawiin na sana ni Charlie ang kamay nang kumilos si Jane at ipinatong doon ang kamay nito. Napatingin siya sa mukha ng dalaga na ngumiti. Napahigpit ang hawak niya sa kamay nito at inalalayang makatayo. Pagkatapos ay napahugot siya ng malalim na hininga at nakaramdam ng resignation.

Never mind, sa susunod na date ko na lang gagawin ang plano ko.

Hanggang makalabas sila ng theater, hindi niya binitawan ang kamay ni Jane.

HAWAK niya ang kamay ko! Tumitili si Jane sa isip habang pasimpleng tinitingnan ang magkahugpong na mga kamay nila ni Charlie. Hindi pa rin siya makapaniwala na iisang lalaki lang ang kasama nang gabing iyon at ang lalaking nilayasan siya noong una silang nagkita para sa isang dinner date. At may pakiramdam siya na kahit si Charlie mismo ay nabibigla sa mga kilos nito. Para bang hindi aware ang binata na may itinatago itong kabaitan.

Jane knew that despite Charlie's arrogant manner, there was softer and warmer version of him. Iyon nga ang dahilan kung bakit siya na-in love sa binata noong dose anyos pa lang siya. Kahit pa sigurado siyang hindi na iyon natatandaan ni Charlie…

Nasa bahay ng mga Mariano ang labindalawang taong gulang na si Jane para gumawa ng assignment kasama si Cherry. Sa terrace ng second floor sila nakapuwesto. Sandali siyang iniwan ng kaibigan dahil may kukunin lang daw ito sandali sa silid. Math worksheets ang sinasagutan niya at napapakamot siya sa ulo dahil hindi niya iyon masagutan.

Noon siya may narinig na yabag na umaakyat sa hagdan. Nang mag-angat ng tingin ay nakita niya ang ay labing-apat na taong gulang na si Charlie. Napatitig lang siya rito dahil iyon ang unang beses na nakita niya ang panganay na kapatid ni Cherry. Noon pa man ay may kung ano nang appeal si Charlie na nakakaagaw ng pansin. Nang mapatingin sa kanya si Charlie ay nag-init ang mukha ni Jane at nauutal na binati ito.

"H-hello, kaibigan ako ni Cherry."

Tumango lang si Charlie at mukhang lalampasan na siya nang mapatingin sa mesang nasa harap ni Jane. "What are you doing?" tanong nito.

Kumurap si Jane at niyuko ang Math worksheet. "Assignments. M-medyo nahihirapan ako sa Math," mahinang sagot niya.

"Hmm…" Biglang lumapit si Charlie at huminto sa kanyang tabi. Nahigit niya ang hininga nang itukod ng lalaki ang isang kamay sa likod ng silyang inuupuan niya at niyuko ang Math worksheet. Alanganing tiningala niya si Charlie. Nakita niya na binabasa nito ang nasa worksheet, pagkatapos ay tila natural lang na kinuha ang mechanical pencil mula sa kamay niya. "Ganito mo `yan iso-solve," sabi ni Charlie at nagsimulang magsulat sa worksheet.

Bumalik ang tingin ni Jane sa worksheet at pinagmasdan ang kamay ng lalaki habang isinusulat ang solution sa Math problem.

"Nakuha mo na?" tanong nito nang matapos.

Namilog ang kanyang mga mata at tiningala si Charlie. "Oo, salamat! Ang galing mo naman sa Math. Siguro magiging engineer ka paglaki mo," excited na bulalas niya.

Halatang na-amuse ang lalaki. "No. I'm going to be a lawyer," confident na sagot nito.

Lalong namilog ang mga mata ni Jane sa paghanga. "Wow! Hindi 'I want to be,' kundi 'I'm going to be.' Kahit bata ka pa, alam mo na ang gusto mo maging paglaki mo."

Biglang lumuwang ang ngiti ni Charlie at kumislap sa tuwa ang mga mata, pagkatapos ay dumeretso na ng tayo. "Yes. Well, work hard on the rest of the problems," nakangiti pa ring sabi nito bago tumalikod at naglakad na patungo sa direksiyon ng mga silid.

Manghang napasunod na lang ng tingin si Jane sa kuya ni Cherry hanggang makapasok ito sa isang silid…

Natatandaan ni Jane na iyon ang unang beses na naramdaman niya ang tila pagliliparan ng mga paruparo sa kanyang sikmura. Iyon ang unang beses na nagkagusto siya sa isang lalaki. At hindi na niya naramdaman pa iyon sa kahit na sino.

"Jane? Kuya Charlie?"

Napakurap si Jane at bumalik sa kasalukuyan ang isip nang marinig ang pamilyar na boses ni Cherry mula sa kung saan.

"Here they come," mahinang usal ni Charlie kasabay ng marahang pagbitaw sa pagkakahawak sa kanyang kamay.

May nakapang pagkadismaya si Jane sa dibdib pero binale-wala na lang niya. Lalo pa at nakita niyang palapit sa kanila si Cherry kasama ang mga magulang niya, ang mga magulang ni Charlie, ang kapatid nitong si Charlene, at si Don Carlos na ngiting-ngiti.

"Nandito rin pala kayong dalawa. I'm happy to see you together," masiglang bati ng matandang lalaki.

Ngumiti si Jane at tumingin sa kanyang mga magulang. "Hindi n'yo sinabi sa akin na manonood din pala kayo."

Nagkatinginan ang kanyang mga magulang at halatang pilit na tumawa.

"Hindi ba namin nasabi?" sabi ng kanyang ina.

Naningkit ang mga mata niya dahil mukhang kasabwat na naman ang mga magulang niya sa pagkakakita nilang lahat doon. Nag-aalala tuloy na napatingala siya kay Charlie na tahimik lamang na nakamasid.

"Sabay-sabay na tayong mag-dinner lahat para masaya," sabi naman ng mama ni Charlie na matamis na nakangiti kay Jane.

Hindi alam ni Jane kung paano ipaparating sa may-edad na babae na mas gusto sana niyang masolo si Charlie sa gabing iyon.

Natigilan siya at sumikdo ang puso nang maramdaman ang pagpulupot ng braso ni Charlie sa kanyang baywang. Napatingala siya sa lalaki na deretso ang tingin sa ina nito.

"`Ma, may iba kaming plano para sa gabing ito. Hindi namin matatanggap ang imbitasyon ninyo." Pagkatapos ay inakay na siya ng binata patalikod sa kanilang mga pamilya. "Let's go, Jane."

Namilog ang mga mata ni Jane. "Oh… Okay," naiusal niya. Nakakailang hakbang na sila palayo ay saka lang niya nagawang lumingon sa mga naiwan nila ni Charlie. Nag-init ang kanyang mukha nang makitang ngiting-ngiti ang kanilang mga pamilya habang nakasunod ng tingin sa kanila. Nakikinita na niya ang naglalaro sa isip ng mga ito.

Na nagkakamabutihan na sila ni Charlie.

"Kapag hindi pa tayo lumayo sa kanila, mangungulit sila," bulalas ni Charlie na nagpabalik ng tingin ni Jane sa binata. Nakakunot ang noo nito. Napabuntong-hininga naman siya. Napakurap ang binata at niyuko siya. "What was that for?"

Natigilan si Jane dahil hindi niya naisip na mapapansin iyon ng binata. "Kasi naman…"

Umangat ang mga kilay ni Charlie at bahagyang bumagal ang paglalakad. "Kasi naman ano?"

Huminga siya nang malalim at lakas-loob na sinalubong ang tingin ng binata. "Kasi nakasimangot ka na naman. Akala mo, hindi ko napapansin kanina habang ongoing ang play? Nakakunot ang noo mo at alam ko na hindi ka talaga nanonood."

Mukhang nagulat si Charlie at tuluyang napahinto sa paglalakad pero hindi pa rin inaalis ang braso sa pagkakapulupot sa baywang ni Jane. Sa katunayan, ipinihit pa siya ng binata para magkaharap sila.

"May iniisip lang ako kanina. But I still know what happened in the play. Pero mukhang lahat ng atensiyon mo kanina ay nasa play kaya hindi ko naisip na napapansin mo ako."

"Siyempre mapapansin kita. Noon nga na ultimo yabag mo ay alam ko, ngayon pa kayang katabi lang kita—" Natigilan si Jane at namilog ang mga mata nang mapagtanto kung ano ang nasabi. Naitakip niya ang kamay sa bibig at nag-init ang kanyang mukha nang lalo siyang titigan ni Charlie.

"What do you mean by that?" malumanay na tanong ng binata.

Lalong nag-init ang kanyang mukha dahil hindi siya sanay marinig ang tono na iyon mula kay Charlie. Isa pa, sobra naman kung pati ang katotohanang matagal na siyang may gusto rito ay malaman pa ng binata. Sapat naman muna siguro na alam ni Charlie na mahal niya ito.

"Jane, hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko."

"Wala `yon," paiwas na sagot niya. Bakit ba nangungulit ang binata na sabihin niya ang tungkol doon?

"You've already made me curious kaya sabihin mo na," giit ni Charlie. "Ano'ng ibig mong sabihin na noon?" Humigpit pa ang braso ng binata sa kanyang baywang kaya lalo siyang nadikit sa katawan nito.

Napabuntong-hininga na lang si Jane. Abogado talaga si Charlie. Napaka-persistent. Oh, fine. Ano pa ba'ng ikahihiya ko? pasukong naisip niya. "Ang ibig kong sabihin, noong high school ako hanggang college, kapag nasa bahay ninyo ako para gumawa ng assignment o nagre-review kasama si Cherry, alam ko kapag parating ka kasi kilala ko ang mga yabag mo."

"Bakit alam mo?" tanong ni Charlie na tila nang-aarok.

Lalong nag-init ang mukha ni Jane at frustrated na sinalubong ang tingin ng binata. "Do I really have to spell it out for you?" balik-tanong niya. Kailangan ko pa bang sabihin nang deretsahan na noon pa man ay mahal na kita?

Luminaw ang realisasyon sa mga mata ni Charlie. "Ah…" tanging nasabi ng binata at nag-iwas ng tingin. Lumuwag din ang braso nito sa kanyang baywang.

Nalaglag ang mga balikat ni Jane dahil naramdaman niyang dumistansiya na naman si Charlie sa kanya—emotionally. Napansin niya na ganoon ang nangyayari kapag napag-uusapan ang tungkol sa kanyang damdamin. Para bang allergic si Charlie na hindi mawari pagdating sa bagay na iyon.

May naramdaman si Jane na kirot sa puso pero agad ding kinalma ang sarili at kusa nang lumayo kay Charlie. Hindi siya dapat ma-depress dahil umpisa pa lang ay alam naman niya na walang pagtingin sa kanya ang binata. He wasn't going to fall for her if she kept on getting depressed. Dapat ay maging matibay ang kanyang loob. She did not want to act like a tragic heroine. Nginitian niya si Charlie na nakatingin sa kanya. "Shall we have dinner?" pagyayaya niya.

Ilang segundong nakatingin lang ang binata sa kanya bago marahang tumango. Hindi niya pinalis ang ngiti sa mga labi at kumapit sa braso nito. "Then let's go."

Next chapter