webnovel

Introduction

INTRODUCTION

Nagsimula ang lahat sa kawalan.

Pagkatapos ay lumitaw ang pangangailangan, ang pag-ibig, at ang panahon.

Saka isinilang si Gaia. At si Gaia ay sinilang si Ouranos.

Mula sa kanilang dalawa ay lumitaw ang mga sinaunang nilalang. Subalit hindi nagustuhan ni Ouranos ang mga ito dahil hindi kanais-nais ang mga itsura nito, kaya niya ikinulong ang kanilang mga anak sa Tartarus, sa kailaliman ng lupa kung saan hindi niya ito makikita. Nagalit si Gaia sa ginawa ni Ouranos kaya niya hiningi ang tulong ni Cronus, ang isa sa kanilang mga anak na Titan, para tapusin ang paghahari ng ama nito. Gamit ang kanyang armas ay tumungo si Cronus at pinatamaan ang kanyang ama, at doon nagtapos ang paghahari ni Ouranos.

Naghari si Cronus sa sansinukob sa matagal na panahon. Sabi nila, naging maganda ang mundo habang siya ang namumuno dahil walang sakit, walang hirap, at walang kamatayan. Subalit hindi nagtagal ay nabatid ni Cronus na mangyayari rin sa kanya ang ginawa niya sa sariling ama. Pagtataksilan din siya ng kanyang mga anak, at magtatapos din ang paghahari niya.

Kaya ang kanyang ginawa ay nilamon niya lahat ng kanyang mga anak. Ngunit ang kanyang asawang si Rhea, ay itinakas ang kanilang bunso at pinalit ang isang bato na nakabalot sa lampin para ibinigay sa asawa. Pinalaki niya ang bata, si Zeus, sa isang napakalayong lugar lingid sa kaalaman ng kanyang ama.

Nang lumaki na si Zeus ay tinulungan niyang makalaya ang mga kapatid: sina Poseidon, Hades, Hera, Demeter at Hestia upang mag-alsa laban sa kanilang ama. Katulong ang ibang mga diyos ay dinigma nila ang mga Titans. Nagawa nila itong gapiin, at si Zeus, kasama ang kanyang mga kapatid, ang naghari sa sansinukob.

'Yon na ang alam ng mga mortal na kwento ng mga Olympians. Subalit ang hindi alam ng nakararami ay may propesiya na nagsasabing si Zeus ay patatalsikin din ng kanyang anak. Ngunit walang nakakaalam kung paano ito nangyari, at kung anong nangyari sa mga diyos ng Olympus ay wala ring nakakaalam. Para bang naglaho na lamang sila sa mga pahina ng libro, sa makukulay na dibuho, at nanatili na lamang sa kamalayan ng mga tao…

Ito ang kwento ng katapusan. Ito ang kwento ng simula. Ito ang kwento ng mortal na magiging mitsa sa simula ng katapusan.

Atlantis Academy: The Mad King's Legacy

Next chapter