1 Bea - Unang Pag-ibig

"Boring naman..." Nakatulalang bulong ko sa kawalan habang nakahiga ng tanghaling iyon. Nang magawi ang aking mga mata sa kahong nasa sulok ng aking kwarto. Napabangon ako at napagpasyahang ayusin iyon at piliin ang mga kailangan ng itapon.

Hinila ko iyon patungo sa gitna ng kwarto bago sumalampak sa sahig. Pagbukas palang ng takip ay sumalubong na agad sa aking ilong ang amoy ng mga lumang papel na agad nagpangiti sa akin dahil naalala ko ang aking highschool days. Specially ang fourth year ko.

Ang amoy na nagpapaalala sa akin ng panahong iyon. Ang panahon ng una kong pag-ibig.

Halos sampung taon na pala ang lumipas.

Isa-isa kong inilabas ang mga lumang kwaderno hanggang sa makita ko ang ginawa kong autograph at message notebook na uso ng mga panahong iyon at pinasagutan sa aking mga kaklase.

Wala sa sariling nayakap ko iyon habang nakapikit at `di ko na napigilang samyuin, nang sumagi sa isip ko ang isang tao.

*****

Unang araw ng klase at wala akong kakilala kahit isa dahil sa paghinto ko ng isang taon dulot ng financial problem. Pinili kong umupo sa ikalawang hilera ng mga upuan dahil wala pa namang seating arrangement.

Pero `di pa `ko nagtatagal na nakaupo ng maulinigan ko ang usapan ng mga bago kong kaklase tungkol sa isa naming kaklaseng lalaki na nakaupo sa may bandang likuran.

`Di ko maiwasang hindi ma-curious ng marinig ko ang sinasabi nila tungkol dito. Na gwapo raw ito, mabait at matalino pero hindi ko na tinangkang lingunin ito dahil makikilala ko rin naman siya.

At `di nga ako nagkamali dahil hindi ko lang siya nakilala, nakatabi ko pa siya sa upuan ng ayusin na ang permanent seat namin.

Hindi ko naisip na tahimik lang din pala ito katulad ko kaya kapag kaming dalawa lang ang naiiwan sa row namin ay wala kaming imikan at hindi ko rin ito magawang tingnan dahil nakakaramdam ako ng pagkailang at pagkahiya.

Pero `di ko napapansin na nagiging malapit na pala kami sa isa't isa habang lumilipas ang mga araw.

"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong nito ng late nanaman akong nakapasok dahil tumao pa ako sa tindahan namin. Pawis na pawis at hinihingal.

"Oo. Kapagod lang umakyat ng hagdan," hinihingal na sagot ko habang nagpupunas ng pawis nang maramdaman kong humahangin kaya napatingin ako sa pinagmumulan niyon at nakita kong may hawak itong pamaypay.

"Baka hindi ka na makatapos sa quiz. Kopyahin mo nalang ang sagot ko," pabulong na sabi nito. Nag-aalangan man dahil hindi ako sanay na mangopya ay wala na rin akong nagawa kundi sundin ito. Masasabing may talino rin naman ako at madalas na ako ang highest sa mga test kaya alam kong masasagot ko ang mga iyon pero kulang na ako sa oras.

May ilan pang pagkakataong nagpakita ito ng pag-aalala na nagdudulot ng kilig sa akin. Kung minsan ay kumakanta at nagpapatawa pa ito.

At dahil madalas na hindi ako lumalabas ng room kapag break time dahil sa pagtitipid ay madalas na kami lang ang naiiwan sa room dahil hindi rin ito lumalabas sa `di ko malamang dahilan kaya `di maiwasang tuksuhin kami ng aming mga kaklase at isiping kami ay may relasyon na. Na madalas lang naming tawanan.

At dahil nga sa mga ipinapakita at ipinaparamdam nito sa akin ay `di ko na napigilang mahulog sa kanya.

—————

"Bea, kilala mo ba si Jane?" tanong nito isang araw habang sinusulatan ng mga pangalan namin ang hawak nitong papel. "Si Jane Torres?"

"Oo, classmate ko siya no'ng third year," nagtatakang sagot ko, "bakit?"

"Wala naman. Kapatid ko `yon eh," tumatawang sagot nito

"Weh? Maniwala?" natatawang tanong ko at wala sa hinagap ko na totoong may koneksiyon ang mga ito.

"Oo nga."

"Ewan ko sa `yo." Hindi ko na gaanong pinagtuunan ng pansin ang mga sinabi nito hanggang sa tuluyan na iyong mawala sa isip ko.

*****

Napadilat ako nang dumako sa parteng iyon ng aking alaala. At doon ko lang napansing lumuluha na pala ako.

Dahil ang unang lalaking nagpakilala sa akin kung ano ang pag-ibig ay siya ring unang lalaking nagparanas sa akin ng sakit at pagkabigo.

Muli ay hindi ko nanaman napigilang balikan ang nakaraan.

*****

Ilang araw nalang at graduation na kaya wala ng klase dahil puro practice nalang ang ginagawa at nabawasan na rin ang mga oras na magkasama kami ni Chris dahil bukod ang upuan ng mga babae at lalaki sa covered court.

Kaya naman ilang araw na akong matamlay, mabigat ang pakiramdam na para bang gusto kong umiyak.

Hanggang isang araw, huling practice na kaya magkasama na sa room ang section ng pang-umaga at panghapon habang naghihintay ng oras ng practice.

Pasimple kong hinahanap ng aking mga mata si Chris sa loob ng room pero wala ito roon kaya napagpasyahan kong tingnan sa may corridor.

Nasa pintuan na ako ng bigla akong matigilan. Nanlamig ang aking buong katawan at biglang kumirot ang aking dibdib na para bang may dumaklot at pumiga sa puso ko kasabay ng pagbabara ng lalamunan. Dahilan para mahirapan akong huminga.

Wala sa sariling napahakbang ako paatras at bahagyang nagkubli sa gilid ng pinto habang nakatanaw sa kinaroroonan ni Chris na may katawanang babae at nakita ko pa ang nakapulupot na braso ng babae dito.

Natigilan ako at para bang binuhusan ng malamig na tubig sa aking napagtanto ng makita ko ang mukha ng babae.

"Si Jane..." Hindi ko na namalayang sunud-sunod na pala ang pagpatak ng aking mga luha. Mabuti nalang at walang nakakapansin sa akin. "Ibig sabihin...ibig sabihin may karelasyon na siya..." Garalgal ang tinig na bulong ko. Ramdam ko ang pananakit ng lalamunan dahil sa pinipigilang paghikbi. Kaya bago pa ako mapahagulgol sa harapan ng lahat at magmukhang katawa-tawa ay mabilis akong naglakad palabas ng room ng nakayuko para magtungo sa comfort room at nang makapasok sa isa sa mga cubicle ay doon ko ibinuhos ang lahat ng sakit na aking nararamdaman.

"Ang tanga mo…umasa ka sa wala…wa-wala palang ibang kahulugan sa kanya ang lahat ng iyon." Napatakip ako ng bibig upang pigilan ang pag-likha ng ingay. "A-akala ko…" Halos hindi na ako makahinga dahil sa labis na pag-iyak. Mabuti nalang at hindi pa nag-a-announce na oras na ng practice.

Ibinuhos ko ang lahat ng luha ko sa lugar na iyon para kapag nakita ko siya ay hindi ako mapabulalas ng iyak. Ayokong ipahalata na nasaktan ako dahil wala naman siyang sinabi na mayroong ibig sabihin ang lahat.

Pero ang pagpapalakas ng loob ko ay nabalewala lang din dahil simula ng magsimula hanggang sa matapos ang practice ay hindi ko man lang siya nakausap.

Mas tumindi pa ang sakit na aking nararamdaman sa isiping bukas na ang huling araw na maaari ko siyang makita. Kaya susubukan ko siyang kausapin.

*****

Hindi ko na napigilan ang impit na paghagulgol ng maalala ang gabing iyon ng graduation day dahil mas lalo lang akong nasaktan nang makita kong magkasama silang dalawa.

At ang huling balita ko ay kasal na ang mga ito at may dalawa ng anak.

"Ni hindi ko man lang nagawang ipaalam sa kanya ang totoo kong nararamdaman," bulong ko sa pagitan ng paghikbi. "Akala ko nagawa ko nang kalimutan ang lahat…"

Sampung taon.

Sa loob ng sampung taon ay hind pa rin pala kita nagawang kalimutan. At hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang sakit ng pagkabigo.

At hindi ko alam kung hanggang kailan ako makukulong sa nakaraan.

Muli kong ibinalik sa kahon ang mga bagay na inilabas ko kasama na ang kwadernong puno ng mga alaala.

At kasabay ng pagsara ko niyon ay nahiling kong sana ay kasama na rin magsara ang masakit kong alaala sa una kong pag-ibig. At tuluyan nang maghilom ang sugat ng aking pagkabigo.

###

avataravatar