2 Ang Tunay Na Kaibigan

"Bakit ba ang hilig mong magbasa ng mga ganito?" sabay agaw mo sa libro na aking binabasa. Saglit itong sinuri ng singkit mong mga mata bago ibaba sa desk ng aking upuan at muling bumaling sa akin. "Nandoon sa labas ng campus 'yong sundo ko, nais mo bang sumabay?"

Umiling ako at ipinatong ang aking ulo sa ibabaw ng desk saka napabuntong-hininga. Bahagyang natakpan ang aking mukha ng mahaba at kulot kong buhok. Umupo ka sa bakanteng silya sa tabi ko.

"Tumawag nga pala kanina si Kuya Oliver, hindi ka raw nagreply sa text niya."

Inikot ko ang mga mata.

"Ayaw ko siyang kausapin," medyo inis kong bulong sa sarili.

Mahina ka namang natawa. Hinila mo ang kamay ko at sapilitan akong pinatayo.

"Kay Kuya Oliver ka nagtatampo at hindi sa akin. Umuwi na tayo!"

Tinulungan mo akong ipasok ang mga notebook at iilang mga libro sa loob ng aking bag. Pati ang lunch bag ay sapilitan din nating pinagkasya sa maliit at kawawang bag.

"Incident in the Ghostland," mahina mong sambit sa pamagat ng libro na kanina ay aking binabasa. Nang mapagtantong hindi na ito magkakasya pa sa loob ng bag ay binitbit mo na lamang ito palabas ng silid-aralan.

Sa loob ng dalawang taon ko sa unibersidad na ito, ikaw 'yong palagi kong kasama, napagsasabihan ng mga problema at walang alinlangan na sinasabayan ang aking mga kalokohan. Masyado kang maraming alam at hindi ko yata kakayanin kung sakaling tayo ay mag-away dahil alam mo ang mga sekreto at kahinaan ko.

Pagbaba natin mula sa building ng College of Medicine, ang malamig na ihip ng hangin ay agad tumama sa ating mukha. Bahagya kong itiningala ang aking ulo upang salubungin ito. 5:30 pa lamang ngunit madilim na ang kalangitan. Ang mga itim na ulap ay tinatakpan ang sinag ng maliwang na araw. Nagbabadya itong ibubuhos ang kaniyang kalungkutan.

Iginala ko ang mga mata sa malawak na school field. Halos wala nang tao sa oob ng campus maliban na lamang sa mga nag-eensayong miyembro ng baseball team para sa nalalapit na kompetisyon.

"Nakalimutan kong magdala ng payong kanina dahil sa pagmamadali. Bilisan natin at ayaw kong maabutan ng ulan," nag-aalala mong pahayag. Tumango naman ako at pilit na nilakihan ang bawat hakbang ng maliliit kong mga binti.

Kapwa tayong nagulat nang may humarang sa atin na isang lalake. Hula ko ay mas matanda ito ng ilang taon sa atin at nakasuot ito ng uniporme ng unibersidad na ating pinapasukan.

"Ikaw ba si Alexandria?" tanong nito sa akin. Ayaw na ayaw ko kapag tinatawag ako sa buo kong pangalan.

Bahagya ka namang natawa at nagsalita, "Alex ang itawag mo sa maarte kong kaibigan," wika mo na may halong pang-aasar pa.

Umirap naman ang lalake sa hangin. Suplado ang isang ito!

"Buti naman at dumating ka. Pinapabigay ito ni Oliver. Peace offering daw," inip na sabi ng lalake at agad ding umalis. Naiwan tayong dalawa na sabay namang napatitig sa kahon na ini-abot sa nito akin.

Ano naman kaya ito?

"Buksan kaya natin ang kahon na iyan?" suhestiyon mo.

Napa-angat ako ng tingin sa iyo, hindi ko mabasa ang ekspresyon ng mukha mo. Maging ang iyong mga mata ay nagtatago sa dilim, hindi lubusang makuha ang nais nitong iparating.

"Ha? E sa loob ng kotse na lamang natin ito buksan, baka maabutan tayo ng ulan," dinugtungan ko iyon ng niyerbosong halakhak.

"Bakit doon pa kung maaari namang dito nalang, hindi ba?" desperado mong pahayag.

Dali-daling inabot mula sa aking mga kamay ang maliit na kahon. Sinubukan ko itong itago sa aking likuran ngunit mas mabilis kang kumilos kumpara sa akin. Pununit mo ang pagkakabalot ng kahon sa anumang laman niyon. Nang mabuksan ay tila bumagal ang pangyayari sa ating paligid. Nanlaki ang aking mga mata nang makita kung ano ano ang laman ng kahon na galing kay Oli.

"Seryoso? Bumili siya nito para ibigay sa iyo?!" mapakla kang tumawa at iniwagayway pa ang librong bersyon ng The Silent Widow na para bang isa itong bandera.

Nanuyo ang lalamunan ko at nangapa ako ng mga salitang maaaring bigkasin. Ang libro kasi ay isa sa best-selling horror novels ng dekada at nagkaroon din ito ng film adaptation.

"P-Pambawi siguro ni Oli para sa d-dalawang libro ko na naiwala niya,"  namamos kong sabi.

Hindi ako makapaniwala! Ang librong ilang linggo ko na ring pinag-iiponan ay narito na ngayon sa aking harapan, at bilang isang regalo!

Labis akong natutuwa ngunit nang mapansin ang tensyon sa pagitan nating dalawa ay mas nanaig iyon.

Sinubukan kong agawin mula sa iyo ang libro pero mabilis mo itong naiiwas. Nanatiling matigas at madilim ang iyong ekspresyon.

"Sabihin mo nga sa akin, Alex… ano ba ang relasyon ninyo ni Kuya Oliver?"

Akala ko ay may nabasag na salamin sa 'di kalayuan dahil sa sinabi mo. Lumikha ito ng matinis na tunog na sa tingin ko ay ako lang ang nakarinig.

Binitawan ng iyong mga labi ang mga salitang sumira sa ating pagkakaibigan. Isang tanong na hindi ko gustong sagutin at isang bagay na ayaw kong magsinungaling. Mga salitang hindi ko kailanman inakala na sisira sa buhay at dignidad na aking iningatan.

Alam nating pareho na iba ang pagtrato sa akin ng iyong pinsan. Mas matanda si Oli ng ilang taon sa atin kaya kahit na sinuman ay magtataka kung bakit tayo lagi ang kasama ng iyong pinsan na dapat sana'y mga kaklase at kaibigan niya.

Kumpara sa iyo na nasaksihan ang mga palpak na relasyon sa nakalipas na dalawang taon, alam mo na mahina ako pagdating sa ganitong mga bagay. Mas nauna mo pang napansin na iba ang pakikitungo sa akin ng iyong pinsan.

Naluluhang mga mata ang iniharap ko sa iyo. May bahid man ng kaba at takot determinado ako na ipakita sa iyo na kaya kong protektahan ang sarili ko at paninindigan ko ang nabuong desisyon sa nakalipas na tatlumpong segundo.

"Hayley…" simula ko, "A-alam kong nag-aalala ka lamang para sa akin ngunit—" hindi ko natapos ang nais na sabihin nang makita ko si Oli na tumatakbo patungo sa ating direksiyon. Maging ikaw ay napabaling din ang tingin sa lalaking papalapit sa atin.

"Buti naman at naabutan ko kayo," nakangiting wika ni Oli, walang ideya sa mga pangyayari.

Lumapit siya sa akin upang silipin ang aking mukha na pilit ko namang itinatago at tinatakpan gamit ang aking mga palad at buok

"Sandali, umiiyak kaba? Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Oli.

Ikaw ang sumagot para sa akin.

"Sobrang natutuwa lang iyan sa ibinayad mo doon sa librong nawala mo," halata ang mabilis na pagbabago ng iyong ekspresyon at maligaya ang tono ng boses mo. "Tears of joy, ika nga."

"Ganoon ba? H'wag ka ngang umiyak, mas lalo kang pumapangit!" natatawang wika ni Oli. Mabilis naman akong tumango na parang bata.

"Mauna na ako. Biglang sumama ang pakiramdam ko, ingitan mo 'yang kaibigan ko, Kuya," ikaw habang nakatalikod na kumakaway papalayo.

Inihatid ako ni Oli pauwi, kapwa ay tahimik sa labinlimang minutong paglalakad.

Pagpihit ko sa doorknob ng pintuan ay ang nakakabinging tawa't halakhak ng aking tiyuhin at kanyang mga kumpare ang agad kong narinig. Sinalubong ako ni Tiya Ester na pinupunasan ang kaniyang mga kamay gamit ang suot na delantal. Nagluluto siguro ng hapunan.

"Nakauwi ka na pala, bakit ka ginabi?" mapanuring tanong nito sa akin.

"Gumawa ho kami ng proyekto sa paaralan, pasensya na,"pagsisinungaling ko habang nagmamano sa aking tiyahin.

"At sino naman ang kasama mong umuwi?" usisa nito at nagtungo kami sa kusina.

Hindi kalakihan ang bahay nina Tiya Ester ngunit malinis at organisado naman ang mga gamit at muwebles. Hindi sila nabiyayaan ng aking tiyuhin ng supling kaya't kinupkop na lamang nila ako, upang may makasama sa kanilang bahay at may katulong sa mga gawain.

"Inihatid po ako ni Hayley. Sinundo kasi siya n'ong drayber ng Papa niya," muli kong pagsisinungaling.

Umupo ako at kumuha ng tinapay na nasa ibabaw ng lamesa. Inilapag ko doon ang aking bag at binuklat ang librong bigay ni Oli habang kumakain. Saglit na lumabas ng kusina si Tiya Ester para siguro ay maghatid ng pulutan sa sala. Pagbalik niya ay muli akong inusisa ng mga tanong.

"Sigurado ka ba na hindi si Oliver ang naghatid sa 'yo? Aba, ikaw na bata ka… h'wag kang maglilihim kay Tiya," malisyosong ngumiti ang  matanda at humalakhak pa. Napaangat naman ako ng tingin sa kanya.

"Tiya Ester, paanong si Oli? E abala iyon at maraming ginagawa. Graduating student ho siya!" paalala ko rito. Mga tao talaga ngayon, mahilig gumawa ng isyu.

"Maraming ginagawa? E kaya pala nagpunta rito ang batang iyon kanina para lamang magtanong kung nakauwi ka na raw ba," makahulugan niyang wika. "At sandali! Hindi ba dati ay tinatawag mong 'kuya' si Oliver?" dugtong niya.

Kibit-balikat akong tumayo at inilabas ang lunch bag mula sa aking bag. Inilapag ko iyon salababo at isinaklay sa aking balikat ang bag.

"Magbibihis lang ho ako."

Lumabas ako ng kusina at nadaanan sa sala sina Tiyo Joseph at iilang kaibigan na kapwa ay mga pulis din. Nagkalat ang mga bote ng alak at amoy yosi ang buong salas.

Inuman na naman.

Bahagya akong napailing at dumiretso na sa aking silid.

Dumaan ang ilang araw at Christmas break na. Hindi pa rin tayo nakakapag-usap ng maayos.

Maihahalintulad kita sa isang lumang tugtugin na minsan kong naging paborito. Isang tugtugin na sa paglipas ng panahon ay madalang na lamang kung aking pakinggan at hindi ko na makabisado ang bawat liriko sa mga pagkakataong nais ko itong sabayan. Kumukupas. At unti-unting naglalaho.

Sa unang araw ng pasukan sa Enero, pansin ko agad ang mapanghusgang mga titig at bulung-bulungan sa paligid. Hindi mapalagay ang aking loob hanggang sa sumapit ang hapon. Nasa bandang alas tres noon at malakas ang ulan habang nakatanaw ako sa labas ng bintana. Kumatok ang guidance counselor ng ating paaralan at isinama ako sa kaniyang opisina.

Nanginginig ang aking mga kamay at pinagpapawisan ako ng malamig. Hindi ko matukoy kung ano pero sigurado ako na may mali. Sa tanang buhay ko ay ito ang unang pagkakataon na nabisita ko ang guidance office!

"Wala akong alam tungkol sa bagay na iyan!" medyo may kalakasan ang boses, pilit kong pinagtanggol ang aking sarili.

Umupo ng maayos ang matanda at kalmado muling nagsalita, "Ngunit may ebidensiya na nagpapatunay sa imoral ninyong gawain ni Mr. Juego."

Hindi ko alam kung ilang beses muli akong umiling.

Hindi maaari.

Pinagbibintangan ako sa isang bagay na hindi ko naman ginawa. Ang masama pa ay naidawit ang pangalan ni Oli!

Na-expel ako sa unibersidad na pinapasukan sa araw ding iyon. Hindi manlang nag usap-usap ang mga guro tungkol sa isyu. Hindi manlang sila naglaan ng oras upang pakinggan ang aking panig... pati na ni Oli.

Wala sa sarili akong naglakad pauwi kina Tiya Ester. Patuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan at basa na ang aking uniporme samanatalang ako naman ay uniiyak at pilit na nilulunod ang sarili sa mga luha.

Pagkabukas ko ng pintuan, isang malutong na sampal ang bumati sa akin mula kay Tiya Ester. Umalingawngaw ang nakakabinging tunog nito sa loob ng aking ulo.

"Walang hiya kang bata ka! Lumayas ka sa pamamahay ko!" malakas na sigaw  ng aking tiyahin sa mukha ko.

"Hindi kita binigyan ng pagkain at binihisan upang maging katulad lamang sa nanay mo. Mabuti na lamang ay sinabi kaagad sa akin ni Hayley!"

Pilit akong pinagtabuyan ng sariling tiyahin at itinapon ang aking mga damit sa labas ng bahay. Dahil luma na ang bag na pinaglagyan niyon, nagkalat ang aking damit sa lupa.

Ipinag impake talaga ako ni Tiya at hindi na makapaghintay na palayasin ako sa mula sa nag-iisang kamag-anak ko sa bayang ito.

Tanging iyak na lamang ang aking naging tugon, ubos na ang lakas dahil sa pangyayari sa araw na ito.

Iniwan ko ang basang mga damit at iilang gamit sa pangalawang kusina sa nasa likod ng bahay. Bitbit ang bag na aking ginagamit sa eskwela, nagtungo ako sa inyong bahay. Muli akong nabasa ng ulan.

Ilang beses kong pinindot ang doorbell bago mo ako pinagbuksan ng gate. May dala kang payong at tila gulat na gulat nang makita ako sa labas ng inyong bahay. Kaagad mo akong pinatuloy at pinagbihis ng tuyong damit.

"Bakit mo iyon ginawa, Hayley?" mahina kong sambit at tila nagtataka kang tumingin sa akin.

"H-Huh? Ano ang iyong ibig sabihin?" pangmamaang-maangan mo.

Tumayo ako at naglakad-lakad sa inyong salas. Wala rito ang mga magulang mo na kapwa ay nasa trabaho. Tahimik ang buong bahay… tamang-tama para sa aking plano.

Lumapit ako sa 'yo na ngayon ay nakaupo na sa silya.

"Sinira mo ang buhay ko at ang dignidad ng iyong pinsan! Akala ko ay tunay kitang kaibigan, ngunit sa tingin ko ay masyado akong nagtiwala sa iyo!" gigil kong sigaw. Sa isang segundo ay akala ko puputok ang mga ugat sa gilid ng aking sentido.

Ang aking mga mata ay nag-aapoy sa galit samantalang ang iyo naman ay bakas ang desprasyon na napatitig sa akin. Oo, ito ang unang pagkakataon na ikaw ay aking nasigawan at pinagtaasan ng boses. Mula noon ay lagi akong malambing pagdating sa 'yo. Ngunit hindi ako hihingi ng tawad sa aking inaasal ngayon.

Tmayo ka naman at pilit na inabot ang ulo ko, "Hindi! Hindi maaaring magkagusto sa iyo si Kuya Oliver! Bago ka dumating sa kaniyang buhay ay ako ang nauna, kinaibigan lamang kita upang pigilan si Kuya!" sagot mo at patuloy akong sinabunutan.

Iniinda ang sakit ng iyong pananabunot, hindi pa rin ako gumanti sapagkat tunay kitang kaibigan.

"Naroon ako una ka niyang makita sa unang araw ng pasukan dalawang taon na ang nakalipas! Mahal ko si Kuya Oliver ngunit ikaw ang gusto niya!" desperado mong dugtong habang humihikbi.

Hindi na ako nagulat sa iyong inamin. Agad kong  binunot ang patalim mula sa aking likuran na nakuha ko naman kanina sa kusina nina Tiya Ester. Sinaksak kita ng isang beses sa iyong dibdib. Nanginginig ang aking mga daliri sa kagustuhan na ika'y patayin.

"Sapat na bang dahilan iyon upang gumawa ka ng kuwento at sirain ang aking buhay? Hindi, Hayley. Hindi!" nanggagalaiti kong sigaw at ibinuhos dito ang lahat ng aking galit at kabiguan.

Maging ang aking talaarawan ay kinuha mo pala sa aking bag. Ang laman niyon ay masasakit na salita at opiyon ko sa ibang propesor at iilang estudyante na hindi ko gusto. Naalala ko na ikaw ang nagbigay sa akin ng ideya noon upang isulat ang lahat ng nasa kuwadernong iyon.

Dahil sa pananaksak ay mlnatigilan ka sa ginagawang pananabunot sa akin. Humawak sa sa magkabilang balikat ko at tumingin diretso sa aking mga mata.

"B-Bakit?"

Pagkatapos ay bumaling ka sa patalim na nakabaon sa iyong dibdib, ang suot mong damit ay namantsahan na ng iyong pulang dugo. Malinaw sa iyong mukha ang pagdurusa. Ito ay nagpangiti naman sa akin.

Yumuko ako, "Hindi mo ba alam?" bulong ko sa iyong tainga, "Ang tunay na kaibigan ay sasaksakin ka ng harapan," nakangising dugtong ko.

Sa pangalawang pagkakataon ay sinaksak kong muli ang iyong dibdib, sa tapat mismo ng tumitibok mong puso. Nanatili ang ngisi sa aking mga labi

"Paalam, kaibigan."

avataravatar
Next chapter