webnovel

Huyo

Dapit-hapon, maaliwalas ang kalangitan at gaya ng karamihan, sa pamilya Kata - ang butihing Ina, si Mersed ay kasalukuyang nag-aayos sa kanilang mesa upang makapaghapunan.

"Anak, halika na at tayo'y maghahapunan na." Isang mabining tinig ang narinig ko mula sa loob ng aming mumunting tahanan. Sa tuwing makikita ko ang barong-barong na tinatawag ni Itay na kayamanan ay napapangiwi ang bibig ko.

"Opo Ina, ako ay maghuhugas lamang po ng aking mga kamay." Ganting sigaw ko, tumayo ako at binura ang mga sinulat kong alpabeto sa lupa atsaka ko tinungo ang poso.

Ilang buwan na ang makalipas matapos akong magising na lamang bigla sa ibang mundo, at huwag ka! Nasa iba rin akong katawan. Tuwing maaalala ko kung gaaano kahirap ang pinagdaanan ng kasalukuyan kong katawan ay napapasipa ako sa batong nakakalat sa daan. Biruin mong isang kulang-kulang ang may-ari ng katawang ito, naku... sumasakit nanaman ang ulo ko!

"Anak, masama pa rin ba ang iyong pakiramdam? Ang sabi sa amin ng albolaryo ay wala namang mali sa katawan mo at dagdag niya pa ay nagtataka siya kung bakit at ano ang nangyari sa iyo samantalang nag-uusap lamang kayo nang bigla kang mawalan ng malay." Nag-aalalang lumapit sa akin si Ina, muli nanaman niyang binanggit ang mga sinabi ng albolaryo kuno na si Amang Tsano.

"Ina, wala naman talagang mali sa katawan ko, ayos lamang po ako, malamang ako ay napagod sa aking paglalaro." Sa katawan wala, pero sa utak malaki. Langya, baka pag-nag-IQ test ang may-ari ng katawang ito ay hindi pa umabot ng sampung puntos, medyo sobra naman ata pero kung ikaw mismo ang nakaranas... mapapamura ka ng malutong.

"O siya siya, halika na sa loob at kumain na tayo." Inakay ako ni Ina papasok sa loob ng aming barong-barong, wala pa ang aking Itay dahil kasalukuyan pa silang nangangaso kasama ng kanyang mga kasamahan.

"Ina, pag-na-develop ko na ang katawang ito, gusto ko ring sumama kila Itay na mag-hunting ng mga halimaw sa Kweba." Bakas sa mukha ni Ina ang hindi niya pagkakaintindi sa ilang mga binitawan kong salita, sanay ako noon sa Taglish na pagsasalita, sabay sa mga modernong kabataan sa aking henerasyon. Kaya naman hanggang dito sa ibang mundong ito ay sumisingit ang nakasanayan kong pagsasalita.

Madalas ay nakokontrol ko at inaayos ang paraan ko nang pagsasalita ngunit minsan kapag eksayted ako sa mga bagay-bagay ay nakakaligtaan kong ayusin ang aking pagsasalita.

"Anak ko, delikado ang Kweba. Maraming malalakas at makapangyarihang halimaw sa loob niyon, lagi kong ipinagdadasal sa mga Bathala na gabayan ang iyong ama na sana'y ligtas siyang maka-uwi sa atin. Kung daragdag ka pa ay hindi ko sigurado kung diringgin pa ng mga Bathala ang aking mga panalangin." Bahagyang tumaas ang kanang bahagi ng kilay ko matapos marinig ang sinabi ni Ina.

Ang Kweba na tinutukoy ko at ni Ina ay ang Kweba ng Lagim, iyon ang tawag ng mga taga rito pero sa pinagmulan kong mundo ay tinatawag iyong Dungeon. Sa Anime at Manga ay kadalasang makikita ang ganoong tema, at kadalasan kapag may Dungeon ay mayroon ding mga Monsters, syempre idagdag na natin ang mga Boss at Events. Yun ay kung normal na Dungeon mula sa Anime o Manga ang tinutukoy ko.

Napakalaking pagkakaiba ng Dungeon na nasa isipan ko at sa Dungeon na mayroon dito sa mundong ito...

"Huyo! Huyo, asaan ka Huyo?"

Napatingin kaming dalawa ni Ina sa labas matapos naming marinig ang pagsigaw ng aking pangalan.

"O, ikaw pala Tsago. Halika't sumabay ka na sa aming maghapunan." Alok ni Ina sa bagong dating ngunit nang masilayan ang nakaibabaw sa lamesa ay napasimangot si Tsago at tumingin sa akin, tila nanghihingi ng tulong.

"Ina, baka kumain na si Tsago... may problema ba Tsago?" Tanong ko. Si Tsago ay anak noong binanggit ni Ina kaninang albolaryo, ang katawang ito at si Tsago ay matalik na magkaibigan, bata pa lamang ay sabay na silang lumaki at nagka-isip.. e... lumaki at lumaki. ehem.

"Si Yari, si Yari! Nasa panganib si Yari!" Nasa panganib pero bakit parang sa akin nakatuon ang pag-aalala sa mukha mo? Yari.. Yari? A! Pumasok sa isipan ko ang ilang ala-ala patungkol sa isang babaeng matagal nang sinisinta ng dating may-ari ng katawang ito. Siya nga!

"O bakit anong nangyari kay Yari?" Tanong ko habang ako'y naglakad papalapit sakanya.

Bumulong si Tsago sa akin at nang marinig ko ang mga sinabi niya ay napatingin ako kay Ina. Tumango siya sa akin at sumenyas na maaari akong sumama kay Tsago, agad naman hinila ni Tsago ang kamay ko matapos makita ang pagpayag ni Ina.

Mabilis naming tinakbo ang daan papalabas ng nayon at tinungo ang kakahuyan. Ilang mga taga rito ang nakita ko at pa-iling-iling sila habang nakangiti sa direksyon ko. Noong una ay napipikon ako kapag ginagawa nila iyon pero nang sa katagalan ay nasanay na rin ako at hindi na lamang pinapansin ang pangungutya nila, hindi dahil pikunin ako o kung ano pa man. Akala ko lang naman kasi na iba ang daratnan ko rito sa ibang mundo, darating din ang araw, humanda kayo.

"Tsago! Saan ang punta mo? Dala mo nanaman ang batang iyan! Umu..."

Narinig namin ang tahol ng ama ni Tsago pero lalo lamang binilisan ni Tsago ang paghatak sa akin kaya napilitan akong bilisan din ang pagtakbo para makasabay sakanya dahil kung hindi ay madadapa ako. Lumingon ako at inilabas ko ang dila ko atsaka ko hinila pababa ang ilalim ng kaliwa kong mata.

Nagningas sa galit ang mukha ng albolaryo pero hindi ko na siya inintindi pa dahil ilang sandali lamang ay biglang huminto ang mabilis naming pagtakbo, nabundol ko ang likod ni Tsago at napadausdos kaming dalawa papunta sa gitna ng nagkukumpulang mga binatilyo at mga dalaga.

Malakas na tawanan ang sumunod, nakarinig ako ng pagtawag sa pangalan ko at itinaas ko ang linya ng aking pagtingin.

"A. ano.. anong ginagawa mo rito, Marahuyo?" Tanong ng isang dalaga, may kagandahan siyang taglay kumpara sa mga dalagang taga rito, kaya naman sikat at marami ang gustong humarana sa dalaga pero hindi pasado sa panlasa ko ang hubog ng katawan nito.

"Wala, akala ko naman kung ano ang nangyari sayo, heto't makikipag-isang dibdib ka na pala." Matapos kong tumayo ay sinagot ko ang tanong niya, si Yari... isa siya sa mga pinakamalapit na kababata ni Marahuyo, Huyo kung sa palayaw.

Mahabang kasaysayan kung ikukuwento ko simula sa umpisa ngunit kung papaikliin ay itinakdang ipag-isang-dibdib ang may-ari ng katawang ito at ang babaeng nasa harapan ko ngayon. Ngunit, sa kasamaang palad, nang malaman ng ama at ina ni Yari ang kalagayan ng katawan ko matapos ang aksidente... walang abog-abog nilang binawi ang pangako nila sa aking Itay.

Sino nga ba naman ang magulang na gugustuhing ipag-isang-dibdib ang kanilang anak sa isang kulang-kulang? Maski ako ay hindi ako papayag kung anak ko si Yari, aba, kung pipili ako ng makakasama habang buhay ng anak ko syempre doon ako sa paniguradong mabibigyan ng magandang buhay ang anak ko.

At, iyon nga ang kwento. Kaya ngayon ay nagtataka ako kung bakit nakatingin sa akin si Yari na para bang pinagtaksilan niya ako. Nakita kong tumayo ang lalaking kanina pa nakaluhod sa gilid ni Yari, puno ng pang-uuyam ang mukha niya at nakita ko rin ang paglabi niya ng salitang bobo.

"Huyo, ang pangalan niya ay Kanor. Siya ang anak ng Punong Tagapamahala, balita ko marami na siyang pina-iyak na mga babae at binabalak niya ring paiyakin si Yari." Wala akong balak na mangi-alam sa kung ano ang magiging desisyon ni Yari pero kung lolokohin lamang siya ng lalaking ito, ibang usapan na iyon. Hindi ko man ramdam ay nakita ko sa mga ala-ala ni Marahuyo na totoo at tapat ang pagsinta niya kay Yari.

Matapos kong marinig ang mga sinabi ni Tsago ay napagtanto ko kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ni Yari nang makita ako.

"Mali, hangad ko lamang na paligayahin si Yari. Kung ikaw lamang ang pakaka-isang-dibdib ni Yari ay ipaglalaban ko siya kahit na ano pa man ang mangyari." Madiing bigkas ng binatilyo habang sumesenyas sa ere.

"Napakagiting, alang-alang sa pag-ibig.. isa kang ehemplo para sa amin Kanor!" Sawsaw ng isa sa mga alagad ni Kanor, paano ko nalaman? Minasahe niya ang likod ni Kanor habang pinupuri niya ito.

"Tama ang sinabi mo aking kaibigan, talaga namang isang ehemplo para sa mga kalalakihan si Kanor. Tama, tama..." Singit naman ng alagad ng alagad, paano ko nalaman? Ehem.

"Halika na Tsago, kung tunay silang nagmamahalan ay wala akong magagawa kundi ibigay na lamang ang aking basbas." Napatingin ako sa mga taga rito, sa aming paligid. Karamihan sa mga ekspresyon nila ay nakakaloko, na para bang nanonood sila ng morning cartoons sa TV at inaabangang masaktan ang kontra-bida atsaka sila tatawa.

Kumunot ang noo ni Kanor, marahil ay hindi inaasahan ang binitawan kong salita. Ang pag-kakaalam niya siguro ay magagalit ako at susubukang makipagtalo para pag-ibig ni Yari, pwes wala akong oras para makipag-labing-labing sa mga dalagang taga rito. Marami pa akong hindi na-i-scan na ala-ala ni Marahuyo.

"Pero Huyo, nakapangako sa iyo si Yari, ganoon na lamang ba? Hahayaan mo na lamang na mapunta sa ibang mga kamay ang pinapantasya mo?" Napakunot ang noo ko sa mga binitawang tanong ni Tsago. Pantasya? Ulol! Di ako mahilig sa ganyan, siniyasat ko ang naturang pantasya ko raw.

Makinang at malagong buhok na umaabot hanggang sa baywang at kulot ang dulo, bilugan at maladyamanteng mga mata, may kanipisang matangos na ilong at ang mapusok at mapang-akit na mga labi.

Pass!

Magandang hubog ng katawan na gaya sa isang modelo, idagdag pa ang mapanghalinang sukat ng hinaharap, pass!

Sa inyo na yan.

Matapos madama ang titig ko, nagpakawala nang ipit na boses si Yari, namula ang pisngi niya at nahihiyang pinagsalubong niya ang kanyang mga paa. Dumiin lalo ang kunot sa noo ko matapos kong masaksihan ang ginawa niya, kumislot ang labi ko at ako'y napangiwi. Bro, WTF?

Tumikhim ang lalaki sa gilid ni Yari at tila ba hindi na siya komportable sa kanyang kinatatayuan. Nakarinig ako ng bulong-bulongan, keyso ganito kesyo ganyan. Ang pinakatumatak sa akin ay ang nagsabi na hampaslupa si Marahuyo at walang utak, kasi totoo.

"Tsago, inuulit ko, kung tunay ang kanilang pag-iibigan ay hindi ko sila pipigilan. Isa pa, hindi ako naniniwalang ipinagkasundo kami sa isa't isa, gayon pa man... kung totoo man iyon. Malinis ang konsensya ko, hindi ako isang taksil." Nagkibit-balikat ako at nagsimula akong lisanin ang lugar.

"A- anong ibig mong iparating Huyo, na isa akong taksil? Hi- hindi na itutuloy ng mga magulang ko ang pinagkasunduan dahil sa kalagayan mo!" Napatigil ako nang marinig ang mga sinabi niya. Hindi ko maintindihan kung bakit nangi-ngimi ang boses niya, pero dahil siguro maraming nakatingin at panigurado akong magiging usap-usapang isang taksil si Yari. Malaking kahihiyan sa isang dalagang taga rito ang masabihang taksil.

Ilang mga palusot at panlalait ang pinakawalan niya upang depensahan ang pangalan niya at katayuan sa mga taga rito, na siya raw ay mapupunta sa maling tao, na ginagawa niya lamang ang ikabubuti niya, etc... etc...

"Ah mga taga rito! Kakapika, damnit woman.. give it a rest already! Hindi kita gusto okay? Wala akong paki-alam kung itinakda ka pa para sa akin o hindi, tsaka isa pa.. hindi kita tatatanggapin bilang kabiyak." Ikinagulat ng mga taga rito ang sinabi ko pero hindi ko na iyon poproblemahin pa dahil labas na ako sa mga gusto nilang gawin sa buhay. Itinuloy ko ang paglakad paalis.

Narinig ko ang pagsigaw ni Tsago na hintayin ko siya kaya't nagdahan-dahan akong naglakad at nang magkasabay na kami ay nagulat ako nang akbayan ako ni Tsago at ginulo niya ang buhok ko.

"Aba Huyo, anong nakain mo at hindi ko na yata maintindihan ang takbo ng pag-iisip mo. Malinis ang konsensya at hindi isang taksil. Saang libro mo nabasa ang mga linyang iyon ha? Teka, hindi ka naman nagbabasa ng mga libro ha! Tsaka ano yung gibeta resredi?"

Ilang dosenang katanungan ang pinakawalan ni Tsago at wala akong sinagot ni isa pero nagpatuloy lamang siya sa pagtatanong at sinasagot niya rin ang sarili niya, nahinto lamang iyon nang makita namin ang albolaryo na may dalang mahabang patpat.

Takbo!

Ilang taon na naming pinagsanayan ang tagpong ito, naghiwalay kaming dalawa ng daan at swerteng kay Tsago sumunod ang albolaryo, napabuntong hininga ako habang hinahabol ang hininga ko matapos kong tumigil upang magpahinga. Haaaa, malamang ay inaantay ako ni Ina sa hapag kainan. Mabuti pa'y bilisan ko na ang pag-uwi sa bahay.

Nadatnan ko ang barong-barong na tila ba nagkakagulo ang mga tao sa loob. Nakarinig ako ng malakas na paghagulgol kasabay ng malakas na pagsigaw nang 'hindi maaari'. Ilang kalalakihan ang nasa labas ng bahay at sa hula ko ay may masamang balita silang dala.

Nang mapansin ako ng mga kalalakihan ay lumapit ang isa sakanila sa akin, niyakap ako nito, inabot ang kamay ko at inibinigay niya sa akin ang isang kwintas. Ang kwintas ni Itay.

Dang, bro? WTF?

Muli kong narinig ang pagsigaw ni Ina sa loob ng bahay kaya't dali-dali akong pumasok at nasilayan ko ang mga nakakalat na gamit at sa gitna noon ay ang umiiyak kong Ina. Nilapitan ko siya at niyakap.

Wala akong alam na sasabihin dahil bukod sa mga ala-alang naiwan sa katawang ito ay purong ala-ala lamang ang mga iyon, walang pakiramdam. Hindi ko naramdaman ang pag-kakaroon ng isang ama, maski sa dati kong mundo ay maaga kaming iniwan ng aming ama kaya naman nasanay akong walang kinikilalang ama.

Bukod sa mga pagkakataong nakikita ko ang Itay tuwing umaga bago sila umalis upang mangaso ay wala nang iba pang pagkakataon na nakakwentuhan o naka-bonding ko ang Itay simula nang ako ay mailipat sa katawang ito.

Blanko.

Wala akong maramdamang lungkot. Maliban sa awa sa aking Ina, habang pinapanood ko siyang humagulgol, iyon lamang ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.

"Ikinalulungkot ko ang pagpanaw ni Rohelyo, isa siyang magiting na mandirigma. Prinotektahan niya kami nang kami ay nasa bingit ng kamatayan, sa huli ay nakaligtas kami dahil sa kanyang sakripisyo. Kaya't utang na loob namin kay Rohelyo ang mga buhay namin. Hindi namin kayo pababayaan. Sana'y tanggapin ninyo ang mga bagay na ito."

Napatingin ako sa isang lalaki, naglapag siya ng maliit na tampipi sa mesa at sumunod ding naglapag ang iba pang mga kalalakihan. Abuloy ha... hindi maibabalik ng abuloy ninyo ang buhay ni Itay ngunit makakatulong yan ng ilang buwan para sa pang-araw-araw ni Ina, lalo't wala na si Itay na siyang tanging nagbibigay panggastos sa barong-barong na ito.

Matapos isalaysay ng isang lalaki ang bawat detalye nang mga pangyayari, may mga punto akong nakitaan ng 'may mali', at pakiramdam ko rin ay hindi basta-basta ang pagkamatay ni Itay. Nang tanungin ni Ina kung asaan ang katawan ni Itay ay umiling lamang sila at tikom ang kanilang mga bibig.

Napa-iling-iling din ako sa aking isipan at mukhang tama nga ang hinala ko.

Nang maka-alis ang mga kalalakihan at magdamag na lumuha ang mga mata ni Ina, sinamahan ko siya sa kanyang pagluluksa hanggang sa napagod at siya ay makatulog. Kinuha ko ang kumot at ibinalot iyon sa kanyang balikat tapos ay nagtungo ako sa poso.

Naghilamos ako at tumingin sa kalangitan.

Dala ko rin ba ang malas?

Hanggang sa ibang mundo ay sinusundan pa rin ako ng aking kamalasan.

Ilang mga pangyayari na ang tumutugma sa mga nangyari sa akin doon sa kabilang mundo, kung saan ako rin ang tampulan ng pangungutya at kamalasan. Maraming bagay na ang nangyari gaya sa mga pangyayari noon sa dati kong mundo. Ang buong akala ko ay magbabago na ang aking kapalaran.

Bagong mundo, bagong katawan, bagong buhay.

Nagkamali yata ako.

Umasa akong mag-iiba ang takbo ng buhay ko matapos kong madiskubre na nalipat ang kaluluwa ko sa ibang mundo at sa ibang katawan, ngunit nasa kaluluwa ko ata ang kamalasan at hindi sa balat ko sa pwet.

Binawi ko ang pagtitig sa kalangitan, walang magagawa ang galit ko na walang puntirya. Ayoko namang kagalitan ang sarili ko dahil ako at ako lamang ang makakatulong sa sarili ko.

Tsk.

Hmmm?

Nahulog nang walang dahilan ang kwintas ni Itay, akmang pupulutin ko iyon nang bigla itong magliwanag.

Bro WTF?

At ayun, hinigop ako ng nagliliwanag na kwintas.

---

[Maligayang pagdating Bisita mula sa ibang dimensyon!]

[Ako ang Shopkeeper ang tagapangalaga ng lugar na ito.]

Nang idilat ko ang aking mga mata dahil napapikit ako matapos masilaw sa liwanag, nakarinig ako ng mga salitang hindi ko maintindihan. Nangunot ang noo ko matapos kong masilayan ang isang manong na nasa likod ng isang mesa, nakapatong doon ang samu't saring kagamitan.

Yow, yow.. yow!

Agad kong pinulot ang ilan sa mga kagamitang nakita ko. Pamilyar ang mga ito dahil ilang taon ko na silang nakikita at ginagamit. Isang botelya na may lamang tubig na may iba't ibang kulay, isang maliit na asul na botelya at sa loob nito ay may asul na asul ding tubig at ang ilan pang mga gamit.

"Hindi kita maintindihan pero sa tingin ko ay alam ko kung ano ang mga tinitinda mo, e? Wala akong pera.. ow, wala akong gold. WTF?" Ilang kakaibang lulumutang na bagay ang napansin ko matapos kong mawalan ng interes dahil alam kong wala akong pambili ng mga gamit, pero natuklasan ko ang berde at asul na linya sa ibabang gitna ng pangingin ko.

Nakarinig ako nang pagtikhim at ibinalik ko sa dating puwesto ang mga pinulot ko, napatingin ako sa nilalang na nagsalita kanina at tsaka ko lamang napansin na mukha lamang siyang tao sa unang tingin pero hindi ata?

Nangunot ang noo ng nilalang, pumilantik ang kamay niya at tila nakarinig ako ng pagasabog sa utak ko.

[Alam mo kung ano ang mga itinitinda ko? Ang mga kagamitan rito ay mula sa mga Diyos kaya papaanong ang isang mortal na gaya mo ay alam ang mga gamit ko?]

"WOW!"

[Mawalang galang na. Muli, maligayang pagdating Bisita mula sa ibang dimensyon. Ako ang Shopkeeper ang tagapangalaga ng lugar na ito.]

"Naiintindihan kita?" Nagtataka kong tanong, napanganga ako dahil ibang lengwahe ang naririnig ko ngunit naiintindihan ko ang mga sinasabi niya. Cool! Ano raw? Shopkeeper? Tagapangalaga? Pinagsasasabi mo?

Asaan ba ako?

Inilibot ko ang tingin ko dahil noong dumilat ang mata ko ay sa mga kagamitan agad ako tumingin, sumunod ay ang hinihinala kong health bar at mana bar. Kasunod ay ang mamang ito na shopkeeper daw.

Wala akong makitang kahit na ano sa paligid, madilim at tanging ang liwanag lamang na nagmumula sa lamapara ng shopkeeper ang nagsisilbing ilaw sa lugar. Tagapangalaga ng lugar, baka ng blanko at walang lamang lugar. Tinungo ko ang parte na kung hanggang saan lamang umaabot ang liwanag, nagitla ako nang may isang kamay na lumitaw at gustong humatak sa akin. Napatingin ako sa shopkeeper at tila maligaya niyang tinatawanan ang katangahan ko.

Nawala rin ang kamay matapos itong umabot sa liwanag ng lampara. Bumalik ako sa harapan ng mesa matapos kong kalmahin ang sarili ko, minura ko nang ilang beses ang shopkeeper dahil pangisi-ngisi niya akong tinititigan.

[Ang lugar na ito ang pinaka-unang palapag ng Tore ng Walang Hanggang Patayan kung saan ang mga gaya mo, ang mga Bisita ay sasa-ilalim sa mga pagsubok at kapag nalagpasan iyon ay malaking pabuya ang naghihintay para sa magiging Kampyon.]

[Bilang unang pagsubok mo, sundin mo lamang ang mga naka-atas dito at simulan na natin ang laro sa Walang Hanggang Patayan!]

Bago pa man ako magreklamo dahil walang kapantay ang pagiging user-friendly ng larong sinasabi ng shopkeeper, at panigurado akong napaka-friendly ng titulo ng tore, ha... isang maliwanag at hugis bilog na bagay ang bumalot sa itaas at ibabang parte ng kinatatayuan ko. Huli kong nasilayan ang matatalim na ngipin ng nakangiting shopkeeper bago ako pisatin ng ano pa nga ba? TP scroll.

Next chapter