webnovel

Ang Ikapitong Kabanata

Lumabas si Mayumi galing sa bahay. Pagbaba na pagbaba niya sa hagdan, at pagtapak niya sa lupa, narinig niya ang marahas na tinig ni Urduya. "Mayumi! Tara! Kanina pa kita hinahanap!"

Napalingon si Mayumi at nakita niya na palapit na si Urduya. Handa na ang kaniyang kagamitang pang-akad. Pana at bangkaw, kapwang binabad sa lason. "O, mayroon na akong sandata mo." Binigay ni Urduya ang mga sandata ni Mayumi—isang bangkaw rin na binabad sa lason.

"Salamat, Urduya."

"Napaano na si Bolan?"

"Ayun, baka magiging isang Bayugin."

"Ha? E, gusto mo ba iyon? Hindi ba, magiging parang babae na rin siya? Hindi siya makakapagasawa! Tiyak na mahalaga ang kaniyang alituntunin kumpara sa ibang mga gawain!"

Ikinibit ni Mayumi ang kaniyang balikat. "Wala akong pakialam. Iyon ang itinadhana. At maganda rin iyon—diba ang Baylan o Bayugin ay tinitratong parang isang Maginoo na rin?"

Napaisip si Urduya. Sa huli, tumango. "Tama. O, tse, tara na! Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Baka sa bagal natin, maiwanan na tayo ng karakoa."

Napatawa si Mayumi. "E, kaya naman natin languying at habulin ang karakoa!"

Tumawa rin si Urduya. "Halika na. Kailangan pa nating puntahan si Panday Alawan."

Sumulong sila papunta sa gusali ni Panday Alawan. Nakita ni Mayumi na naglalaro ang mga bata ngayon. Walang dudang puno ng saya. Naglalaro sa mga trompo. Kung hindi iyon, mga pamalo na ginagawa nilang pagsasanay sa kanilang sarili habang bawal pa sila humawak ng mga totoong sandata.

Sinasaway ang mga batang ito ng kanilang mga Inda, na silang naglalaba. Yung iba naglalaba doon sa ilog, pero yung iba gamit lamang ang mga tubig-ilog na inigib nila sa loob ng mga banga. Ang mga bata naman, parang walang pakialam, at patuloy sa paglaro kahit sobrang aga.

Habang hindi ba tanghali, nagsasaka ang mga alipin. Sa katimugang bahagi ng barangay ang mga malawak na bukid na kung saan nagsasaka ang mga magsasaka, galing sa bukang-liwayway hanggang sa tanghali. Sila'y natutulog at nagpapahinga pagdating ng tanghalian. Tawag nila dito ay siesta.

Sa dulo ng pagtahak, nakarating sila sa isang bahay na nakatayo sa tabi ng ilog. Katabi ng bahay ang isang bahay na walang sahig o dingding, na puro tungkod at bubong lamang. Sa loob nito ang mga gamit na pagpanday. Ang landasan kung saan nila nilalagay ang mainit na mga puthaw na galing sa apoy ng mga hasohas. Nakatayo sa loob ng gusali ang isang lalaking matigas ang katawan, matangkad, at mahaba ang buhok. Puno ng batuk ang katawan niya. Hawak niya ang isang bato na palo-palo sa isang kamay, at mga kipit sa kabila. Ikinikipit niya ang isang manipis na bahagi ng bakal. Ibinaba niya ito sa landasan, at ulit ulit na tinatamaan habang pula pa ang kulay nito.

Sa isang panig ng gusali, nakatayo si Datu Ranao, suot lamang ang yambong at tapi. "Ah, horohan at maharlika. Magandang umaga sa inyo."

Tumango si Urduya ng malalim. Si Mayumi napayuko.

"Tayo, Mayumi. Horohan kita. Kailangan kong marunong tumayo ang mga mandirigma ko." Sabay tawa na malalim.

"Bakit kayo nandito, sa Gusali ni Panday Alawan?"

Ibinaba ni anday Alawan ang kaniyang kipit at palo-palo. "A, alam ko po iyan, Datu. Hintay lang." At pumasok siya sa kaniyang bahay. Paglabas niya, may dala na siyang mga baluti na gawa sa matigas na abaka.

"A, mga baluti?"

Tumango ang Maharlikang si Urduya. "Oho, Datu. Kami po ni Mayumi ay mag-aakad doon sa kagubatan. Ang baluti na iyan rin ay ang gagamitin naming gamit sa paparating na pangayaw."

"Mabuti. Sige, binibigyan ko kayo ng aking biyaya at proteksyon, sa ilalim ng mga pangalan ng umalagad ko. Maguwi kayo ng masarap na hayop!"

Tumango ang dalawang babaeng mandirigma. "Opo, Datu." At doon nagpaalam ang datu.

"Hanapin mo nalang ako sa aking torogan, Alawan."

"Magagawa po, Datu Ranao," sabi ni Panday Alawan, tumango ng malalim.

Sinuot nila ang mga baluti, at sumulong patungo sa gubat.

"Uwinan Sana," dasal ni Urduya. "Ipagtanggol ninyo kami, at bigyan ninyo kami ng perwisyo paramakadaan sa iyong bayan na ligtas."

Dinasal nila ito bago tinahak ang mga damuhan bago pumasok sa kagubatan. "O, ano Mayumi. Anong sa tingin mong mahahanap natin ngayog araw na ito?"

Ikinibit ni Mayumi ang kaniyang balikat. "Kahit ano, tanggap ko. Pero tiyak na gusto kong makahanap ng isang malaking baboy at patayin ito at katayin at kainin!"

Napangiti si Urduya. "Hindi ka naman gutom, no?"

"Hindi naman. Bahagya lamang." At napatawa sila. Inilabas na agad ni Mayumi ang kaniyang bangkaw pagpasok nila sa gubat. Si Urduya naman ihinanda ang kaniyang pana.

Buong buhay niya, alam ni Mayumi na sobrang ganda ng gubat. Berdeng mga dahon na sumasama at humahalo sa mga lila at tayum at pula at puti at dilaw na mga bulaklak ng mga puno dito. Ang mga matitibay na kawayan na bumubusilak sa tabi ng mga sapa't ilog na parati puno ng tubig. Ang mga bakawan na nabubuhay sa mga maputik at matubig na banwa, na parang mayroon silang sariling lungsod dito.

Ang kagandahan ng kalikasan. Pumikit muna si Mayumi at dinatnan ito. Ang simoy ng hangin na napakabango. Ang kanta ng mga ibon, ang sigaw ng haribon, ang pagtakbo at pagtapak ng mga pilandok at karabaw. Ang pagsulong ng mga Nunong Buwaya galing at pabalik sa ilog. Walang mga salitang nakakapaglarawan sa kariktan ng kalikasan.

At alam rin ni Mayumi ang totoo: nakatira dito ang mga diwata. Ang mga nilalang na nakatira sa loob ng kalikasan. Mga maliliit na diwata sa loob ng mga balete. Ang mga diwatang lumalangoy sa mga sapa't ilog. Mga diwatang lumilipad sa hangin ng walang mga bagwis. Madalas walang mga pangalan ito, o hindi pangkaraniwan ang kanilang mga pangalan. Subalit mayroong mga totoong mga kilalang mga diwata sa buong Kapuluan. Bathala at Bathaluman ang tawag sa mga makapangyarihang mga diwatang ito, na kilala ng mga tao sa bawa't banwa. Madalas sila ang mga nakatira sa loob ng mga malalaking mga bagay at damabana, tulad ng Bundok Mataas at Bulkang Idayon.

Lumusong sila Mayumi at Urduya sa loob ng gubat. Naghanap. Nagtahak. Naglakad sa dumi at lupa, sa gitna ng mga kawayan. Mga marunong na mga mangangakad sina Mayumi at Urduya. Matagal na silang nag-gaganito, naghahanap ng mga hayop at pumapatay sa kanila.

Habang naglalakad sila ng dahan-dahan, biglang naalala ni Mayumi ang kanilang unang pagtahak sa gubat at pagpatay sa isang hayop. Nangyari siya ng masyadong mabilis, parang isang iglap. Isang nilason na bangkaw ang ginamit ni Mayumi noon, at ginamit niya ito parapantusok sa isang pilandok na nahanap nila sa loob ng kagubatan. Pana rin ang gamit ni Urduya noon.

Habang naglalakad, napasalita si Urduya. "Alam mo, mas magaling na ako sa paggamit ng sibat at kalis kaysa sa pana, kahit nauna ako sa paggamit nito."

Tumango si Mayumi. "Ang madalas mong paggamit at pagsanay sa mga sandatang panmalapitan ang tiyak na kadahilan nito, maharlika."

"Sa tingin mo ba, ganoon? E, hindi ba, dapat marunong ang isang mandirigmang maging magaling sa lahat ng kaniyang sandata, mapalapit man ito o mapa-pangmalayo?"

Ikinibli ni Mayumi ang kaniyang balikat. "Hindi ako sigurado. Subali't para sa akin, ang sukat ng isang mandirigma ay ukol lamang sa kaniyang kakayahang pumatay at ipagtanggol ang kanilang panginoon."

Napangiti si Urduya. "A, ang talino mo talaga Mayumi. Sayang nalang na alipin ka. Tiyak na kung isa kang timawa o maharlika na binigyan ng pag-aaral, mas-lalong mahahasa ang iyong pag-iisip!"

"Siguro nga, maharlika. Pero iyon ay hindi natin kailangang pag-usapan ngayon. Ayun! Isang dakilang baboy."

Napatigil silang dalawa. Tinaas ni Unduya ang kaniyang pana, nakahanda na ang kaniyang palaso na naibabad sa lason. Itinaas na rin ni Mayumi ang kaniyang bangkaw at lumuhod.

Sa lawak na hinaharap nila, naghahanap ng pagkain ang isang dakilang baboy. Mabalahibo na kulay itim. Mayroong dalawang malaking pangil na kulay puti na bahagyang nadumihan na ng dilaw.

Mabilisang nagtago ang daliwa sa kanila sa likod ng mga matatabang kawayan. "Ano ang plano, maharlika Urduya?"

"Kung ano ang tinuro. Lumapit ka sa kaniya at kunin mo ang kaniyang pansin. Habang ang dakilang dambuhala na ito ay nakatalikod, papanain ko siya, at tiyak na malalason ito. Kapag hindi ito madadapa at mamatay doon, saksakin mo siya gamit ang iyong bangkaw."

"Nauunawan ko po, maharlika."

Tumango ang maharlika. "Halika at ipagdasal natin ito kay Sinaya. O Sinaya, diwata ng mangangakad at mangangaso, bigyan ninyo po ako ng lakas, at ang itong pangangakad ay inaalay namin sa inyo."

Pagkatapos nyion, tumingin si Urduya kay Mayumi at binulong: "Handa… sulong!"

Mabilisang gumalaw si Mayumi ng pakanan, at si Urduya tumakbong pakaliwa. Habang tumatakbo si Mayumi, nakadukot siya ng isang makinis na bato. Sumulong, tinalon ang isang mababang ugat ng puno, at nagpadulas sa ilalim ng nahulog na katawan ng puno. Tinapon ang bato noong nakita niya na maganda na ang kaniyang posisyon.

Humampas ang bato sa noo ng baboy. Lumingon ito kung saan si Mayumi, at itinaas ni Mayumi ang kaniyang mga kamay. "Dito! Dito, baboy ka!" Umungol ang baboy, at biglaang sumugod papunta kay Mayumi. Nagalit kaagad!

Ngumiti si Mayumi at tumakbo. Nagpahabol sa dakilang hayop. Umikot sa mga kawayan, umugoy sa isang sanga ng puno, tumalon sa mga bato ng malapit na sapa, para lang hindi maabutan ng hayop at para lang mabigyan ng magandang posisyon si Urduya para maganda ang kaniyang pagbaril.

"Bilisan mo, o dakilang baboy!"

Parang naunawaan ng baboy kung ano ang sinabi niya. Biglaang napaliko ang baboy, binilisan ang sugod. Tumalon si Mayumi ng paliko noong nakita niya ito, pero nadaloy ang kaniyang paa sa isang pangil. Bumusilak ang sakit. Parang nasira ang buto niya sa kaniyang bukung-bukong.

Nahulog si Mayumi sa lupa at napamura. Bago nakalingon ang baboy, narinig ni Mayumi ang pagbitaw ng lubid ng pana, at ang paglipad ng palaso.

Tumama. Nakita ni Mayumi na tumagos ang palaso sa ulo ng baboy. Nagulat ito. Nagwala. Kahit na mayroong lason ang palaso, malakas pa rin ang katawan ng dakilang baboy. Hindi pinalampasan ni Mayumi ang pagkakaton. Biglaang tumayo habang palingon ang baboy sa kaniya, sabay saksak pataas ng kaniyang bangkaw.

Pumasok. Tumagos rin ang bankaw, dumiretso sa ilalim ng ulo ng baboy at umabot sa utak, na kung saan hindi na maitanggal ni Mayumi ang kaniyang bangkaw. Napamura at tumalon sa isang tabi bago madaganan ng mabigat na hayop.

"Magaling, Mayumi!" ani maharlika Urduya, habang papalapit siya.

Huminga ng malalim si Mayumi, tumingin kay Urduya. Tinulungan ni maharlika Urduyang makabangon ang bata. "Maraming salamat po, maharlika Urduya."

"Walang anuman, aking kaibigan! Tignan mo--pinagpalaan tayo ni Sinaya ngaong araw na ito. Ang ganda ng ating napatay!"

Tumango si Mayumi. "Oo nga po. Tara, at dalhin na natin ito sa mga alipin para mapahanda nila ito sa ating pagtahak pahilaga."

Ngumiti si Urduya at tumango. "Tama ka diyan, Mayumi. Tara."

"Kaso lang po, parang masyado mabigat itong baboy na ito? Halos kasingtangkad ko na ito."

"Huwag kang magalala. Isang magandang bagay na makukuha mo bilang isang mandirigma na galing pa sa sinapupunan ng kaniyan inda, ay ang lakas." Pumunta si Urduya sa bagong patay na baboy, nagbigay pasasalamat sa mga nilalang ng kalikasan--ang mga diwata--at ang mga nilalang naggagabay at nagbibigay lakas sa kanila--ang kanilang mga ninuno na kung tawagin ay umalagad.

Pagatapos ng pagbibigay pugay, kumuha si Urduya ng isang bahagi ng baboy at itinapon sa mga dahon. "Isang pag-aalay, sa mga diwata." Pagtapos nito, biglaang kinuha ng maharlika ang buong bangkay ng baboy. Binuhat niya ito sa kaniyang mga balikat. Napahinga ng malalim noong nakatayo na. Bahagyang napapikit ang mata sa bigat. Pero sa huli, kinayanan.

"O, Mayumi, huwag ka na maghintay pa diyan. Tayo'y bumalik na sa lungsod ni Datu Ranao!"

"A, e, opo. Ang lakas lakas ninyo naman po!''

Kinindatan ni Urduya si Mayumi. "Siyempre, Mayumi. Ako pa. Ako ang isa sa pinakamalakas ninyong nilalang sa buong lungsod."

Naglakad pabalik ang dalawa. Habang naglalakad, may napaisip ang alipin na tanong. "Maharlika Urduya, isang tanong lamang: alam niyo po na kaibigan na po kita noong bata pa tayo. At noong bata pa tayo, naalala ko po na ang pangunahing mong sandata ay ang sibat at tabak. Ano ang nangyari at naisipan mong gamitin ang Pana?"

Dinilaan ni Urduya ang kaniyang labi habang nag-iisip. Sa huli, sinabi niya: "Alipin Mayumi, totoo ang sinasabi mong magkaibigan na tayo noon pa, kaya sasabihin ko sa'yo ang aking lihim kung bakit pinagsikapan kong gumamit ng Pana." Lumingon si Urduya sa bawat tabi, tapos biglaang sabi: "Si Ginoonog Galura ang dahilan."

Napakurap ang mga mata ni Mayumi. "A, e, patawad po. Hindi ko po gaanong naiintindihan--"

"Gumagamit kasi si Ginoong Galura ng pana, hindi ba? Kaya naisip ko, bakâ pwedeng ipakita sa kaniya na marunong ako magpana. Baka sakaling mapansin niya ako."

Napakurap muli sng mga mata ni Mayumi. "Maharlika, ibig sabihin ninyo po--"

"Oo, iniibig ko ang pangunahing anak ni Datu Ranao. Iniibig ko si Galura."