17 Taga-Calamba

Nahiga patagilid sa kanyang kanan si Amihan. Naipit niya ang kamay kung saan itinusok ang tubo ng gamot noong nasa ospital siya. Napangiwi siya sa sakit, saka niya naalala ang mga pangitain habang siya'y walang malay na nasa ospital.

Nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang mga puno at dahon na mabilis na dumaraan. Tumatakbo siya na parang may tinatakasan. Hingal na hingal hanggang sa may makita siyang bahay na bato at isang babaeng nag-iigib ng tubig sa balon.

Hanggang duon na lang ang naalala niya. Ang babaeng umiigib ng tubig mula sa balon. At napapikit na ng mata si Amihan dahil sa pagod.

--------

Nang magising sila Lolo Salvador, nakasaing na si Amihan. Nagulat ang matanda sapagkat napakaagang nagising ni Amihan gayong bakasyon pa ito sa paaralan.

"Lolo, kilala niyo po ba si Jose Rizal?" biglang tanong ni Amihan habang nag-iinit ng tubig para sa kape ni Lolo Salvador.

"Nababalitaan ko na isa siyang tanyag na tao. Isang manggagamot, guro, manlilikha, manunulat....marami siyang alam. Kaya lang hindi maganda ang relasyon niya sa mga prayle at pamahalaan. Nag-aalala ako sa kanya," tugon ni Lolo Salvador habang ginigiling ang buto ng kape.

"Kung ganoon, Lolo, gusto kong puntahan si Duktor Jose Rizal sa Dapitan. Paalis na sila ng Maynila. Gusto ko ring makita si Caridad."

"Bakit daw?"

"Pinapatawag siya ng pamahalaan sa Maynila. Nag-aalala rin ako sa kanya. Napakabuti niya sa akin, pati ang kasama niyang si Josefina."

"Gusto mo bang samahan kita? Papasok tayo sa gubat," nakangiting sabi ni Lolo Salvador.

Masayang tumango-tango si Amihan na parang isang bola ng basketball na pinaglalaruan.

Matapos ang almusal ay nagpaalam sila Lolo Salvador at Amihan sa mga kasama. Hindi pa nakakalabas sa pintuan ay tumigil ang dalaga.

"Sandali, lolo. May nakalimutan ako." patakbong umakyat sa hagdan si Amihan saka pumasok ng kanyang silid. Pagbaba niya ay may dala itong puting tela na may puntas[1] sa paligid nito. "Tinahi ko itong panyo matagal na. Ibibigay ko ito kay Jose Rizal."

Pumasok ang maglolo sa gubat. Kinakabahan si Amihan dahil baka hindi nila matunton ang daan papunta sa Dapitan. Baka sa ibang lugar sila mapadpad.

Napansin ni Lolo Salvador ang pagkabalisa nito. Kumunot ang noo nito at lalong lumalim ang mga kulubot dito nang mapansing natatalisod sa bato si Amihan at napipitik ng mga nakausling sanga ng punongkahoy ang mukha nito. "Ano bang bumabagabag sa iyo at kanina ko pa napapansing wala sa ayos ang paglalakad mo?"

Tumingala sa kanyang lolo si Amihan at nagsabi, "Lolo, papaano kung sa iba tayo mapunta at hindi sa Dapitan?"

Natawa lamang ang matanda nang makita ang inosenteng mukha ng apo. "Ilagay mo sa isip mo ang Dapitan, ang gusto mong puntahan at makakarating ka doon."

Tumango si Amihan na maypagkatuliro. At inilagay niya sa isip ang Dapitan, ang mga kakilala niya rito, si Jose at Josefina, pati si Claridad. Wala pang limang minuto ay nakita na niya ang bungad ng bahay nila Jose. Naririnig na niya sa malayo ang mahinang ingay ng alon ng tubig mula sa dagat. Napangiti si Amihan at tumakbo papunta sa tarangkahan ng bahay nila Jose Rizal.

Nakita ni Amihan na lumabas si Caridad mula sa silong at tinawag niya iyon. "Caridad! Si Amihan ito!"

Biglang napalingon si Caridad at nang masilayan si Amihan ay tumakbo rin ito upang salubungin ang kaibigan. "Amihan! Nandito ka?!? Nangungulila ka ba sa akin?"

Natawa si Amihan at mabilis na yinakap si Caridad. "Oo. Sobrang nangulila ako sa iyo. Sana ay sumama ka sa amin noong hinatid ako nila Duktor Jose Rizal."

Gusto niya sanang isama si Caridad noong araw na umuwi siya sa burol subalit nakita niyang maraming iniuutos si Tiya Nita sa kanya.

"Makakarating din ako sa inyo," ngiti ng kausap at napatingin ito sa likod ni Amihan. Napansin niyang may nakasunod palang matanda dito. Binati ito ni Caridad ng may paggalang sa pamamagitan ng pagyuko ng kanyang ulo.

"Siyanga pala, Caridad, si Lolo Salvador," pagpapakilala ni Amihan. "Lolo, siya ang nagkupkop sa akin noong mawala ako."

Kinamayan ng matanda si Caridad saka luminga-linga sa paligid at napaisip, 'Ito pala ang Dapitan. Malapit pala ang bahay ni Jose Rizal sa dagat.'

"Nakaalis na ba sila?" tanong ni Amihan kay Caridad. Nakakapanghinayang kung hindi man lang siya nakapagpaalam at nakapagpasalamat ng maayos sa duktor.

"Hindi pa. May aberya daw ang barkong sasakyan nila kaya baka sa katapusan pa nang susunod na buwan ang alis nila." Sabay balot ng kamay ni Caridad sa braso ni Amihan at inakay niya ito paakyat ng bahay. Sumunod si Lolo Salvador sa kanila.

"Talaga? Sa susunod na buwan ang aking kaarawan. Maiimbita ko kayo sa aking handa. Pati sila Duktor Jose at Josefina."

"Kung gayon ay darating kami," masayang sabi ni Caridad. Dinala niya ang mga bagong dating sa silid-tanggapan nila Jose Rizal. "Dito muna kayo at sasabihan ko sila Duktor Jose na naririto kayo." Saka pinaupo sila Lolo Salvador at Amihan sa upuang gawa sa nara.

Tiningnan ni Amihan ang kasuotan niya kung naaayon sa okasyon. Malinis at bagong kula ang kanyang baro't saya. Simple lang ito, kulay abo ang saya at puti ang baro niya. Nakapusod ang buhok niya na inipitan ng isang payneta. May alampay na kulay abo rin ang nasa kanyang mga balikat.

Si Lolo Salvador, na mestisong Kastila, ay maringal ang pagkakaupo sa sopa. Matikas pa siya at hindi pa nangangailangan ng saklay. Nakatingin siya sa labas ng malaking bintana at natatanaw ang malayong karagatan. Maraming mga batang babae at lalaki ang naglalaro sa may pampang.

Maya-maya pa'y may narinig silang mga yabag ng paa mula sa malaking hagdan sa harap ng bahay. Biglang tumayo sila Lolo Salvador at Amihan nang bumungad sa kanila sila Jose na nakasuot lang ng kamisa de Chino at maluwag na itim na pantalon, at si Josefina na naka-kamisang asul na binabalutan ng tapis na puti mula sa baywang.

"Magandang umaga sa inyo," masayang bati ni Jose na tila maganda ang gising niya noong umagang iyon. Bumati din si Josefina at ipinakilala ni Amihan ang lolo sa kanila matapos ang kinakailangang pagbati.

"Ipagpaumanhin ninyo ang aming mga kasuotan. Galing kami sa dagat at nakipaglaro sa mga kabataan doon. Mga mag-aral ko ang mga lalaking iyon sa Talisay, malapit na bayan mula dito," paliwanag ni Duktor Jose saka nagpaalam na magpapalit sila ng damit sapagkat mabuhangin at basa ang mga iyon.

Ilang sandali pa'y lumabas na si Jose. Nagpaiwan muna si Josefina sa loob ng silid. Nakasuot na siya ng pambahay niyang barong tagalog. Siya namang pagpasok ni Tiya Nita na may dalang bandeha ng tsokolate, puto at mga tasa't platito. Inilapag niya ito sa lamesita sa gitna ng sopa.

Inalok ng meryenda ni Jose Rizal ang mga bisita. Ibinuhos niya mula sa palayok ng tsokolate ang mainit na likido sa mga maliliit na tasa saka inihain kila Amihan at Lolo Salvador.

"Ano po ang tinuturo ninyo sa mga kabataang lalaki?" tanong ni Amihan.

"Marami. Pagsusulat ng tula, paglililok, pagpipinta. Mayroon din kaming mga aralin sa iba't ibang wika."

Si Lolo Salvador naman ang nagtanong. "Uhm, Duktor Jose Rizal, kung hindi ninyo mamasamain, paano kayo napunta sa Dapitan gayong balita ko ay taga-Calamba, Laguna daw kayo?"

avataravatar
Next chapter