18 Prinsipyo

Napasandal si Jose Rizal sa kanyang kinauupuan habang iniinom ang mainit na tsokolate. Nang mailapag na niya ang tasa sa mesa saka siya nagsalita.

"Siguro naman ay nabalitaan mo ring may hindi kami pagkakaunawaan ng mga Kastila? Itinapon nila ako dito sapagkat ayaw kong bawiin ang mga sinabi ko tungkol sa mga mapang-abusong prayle. Sinasabi ko lamang ang totoo."

Tiningnan ni Jose Rizal si Lolo Salvador at pinagmasdan ang hitsura nito. Malakas ang dugong Kastila sa taong iyon ngunit mukhang ayaw niyang makiaalam sa mga suliranin sa hindi pagkakaunawaan ng mga tubong Filipino at mga sumakop na mga Kastila. Marahil may sariling prinsipyo si Lolo Salvador at mapagkakatiwalaan.

"Ano nga pala ang pangalan ninyo?" tanong ni Jose kay Lolo Salvador habang ipinapatong niya ang kanyang binti sa kabila.

"Salvador del Pilar. Pinsan ko ang ama ni Marcelo Hilario del Pilar. Sigurado akong kilala niyo siya." walang kurap na pagtugon ni Lolo Salvador kay Jose. Pakiwari niya na parang may kumurot sa kanyang dibdib at nagngangalit ang kanyang damdamin.

'Wala bang tiwala sa akin ang taong ito?' sabi ni Lolo Salvador sa sarili.

"Kilala ko siya. Isa siyang abugado at magaling na manunulat. Nagpapasalamat ako sa pagdepensa niya sa aking sinulat na nobelang Noli Me Tangere. Nabasa mo na ba iyon? Anong masasabi mo tungkol sa aklat na iyon?" nakangiting sabi ni Jose.

'Tunay ngang hindi isang ordinaryong mamamayang Filipino itong si Jose Rizal.' Ito ang pumasok sa isip ni Lolo Salvador. Kaya ni Jose Rizal na pukawin ang damdamin ng isang tao. May kumpiyansa sa sarili dahil sa dami ng nalalaman ngunit hindi naman ito mapagyabang. Tunay lang siya sa kanyang sarili at sa kanyang damdamin. Matatag talaga ang prinsipyo ng taong ito kaya marami ang nagagalit sa kanya lalo na ang mga tinatamaan sa mga isinusulat niya.

"Nabasa ko na iyon. Ipinabasa sa akin ni Marcelo ang kopya ng inyong aklat. Tunay na nakaaantig ang inyong mga sinulat," sabi ni Lolo Salvador. Naging malaamo ang mga mata ng matanda. Nagkamali siya nang pagkilala kay Jose.

"Nasa Barcelona si Marcelo ngayon at hindi makauwi dahil sa kanyang karamdaman," dugtong ni Lolo Salvador. "Alam kong may mga bagay kayong hindi mapagkasunduan sa La Solidaridad. Ngunit tulad mo ay may prinsipyo din si Marcelo. Matigas ang ulo ng taong iyon."

Napahalakhak si Jose sa sinabi ni Lolo Salvador. "Tama ka diyan, Lolo Salvador. Mabuti na ang may katigasan ang ulo na may prinsipyo kaysa matigas ang ulo na wala namang ipinaglalaban."

Napatawa na rin si Lolo Salvador. Ipinagpatuloy pa nila ang kanilang kwentuhan. Magiliw si Jose sa mga bisita at tila natutuwa siyang may kausap na bago. Malungkot ang mawalay sa mga mahal sa buhay at napakalayo ng Dapitan.

"Maiba ako," sabi ni Jose. "Ang bahay niyo sa burol, saang lugar iyon? Hindi ko nabalitaan ang lugar na iyon dito sa Dapitan."

Nagkatinginan sila Lolo Salvador at si Amihan.

Nang ihatid si Amihan nila Jose Rizal, hindi naman nagtaka ito nang makarating sa burol. Akala lang ng duktor ay naglayas si Amihan kaya humimpil ng apat na araw sa bahay nila sapagkat madali naman nilang natunton ang tirahan ng dalaga.

Hindi alam ng matanda kung ano ang sasabihin at kung papaano ipapaliwanag ang kakayahan nilang makapunta sa iba't ibang lugar sa pagpasok sa gubat.

"Ah, isang bagong bayan na wala pang pangalan," ang tugon lamang ni Lolo Salvador saka tumayo. Mabuti pang umalis na at kung saan pa mapunta ang usapan. Bagamat matalino ang kausap, wala pang tiwala si Lolo Salvador sa pagtanggap nito sa mga di pangkaraniwang bagay lalo pa't sangkot sila dito.

"Nagambala na namin kayo ng matagal. Kami ni Amihan ay magpapaalam na," hinawakan niya ang braso ng apo bilang tanda na pinatatayo na niya ito mula sa upuan. Sa pagtayo ni Amihan bigla niyang naalala ang panyong dala nito.

"Duktor Jose Rizal," nahihiyang tawag ng dalaga sa duktor na tumayo na rin. Inilahad sa kanyang mga palad ang isang puting panyo na may burda na JR. Tiningnan iyon ni Jose saka pinulot mula sa palad ni Amihan. "Tinahi ko po iyan para sa inyo...bilang pagpapasalamat sa pagpapatuloy ninyo sa akin at dahil napakabuti niyo sa akin."

"Salamat, Amihan. Iingatan ko ito." Sabi ni Jose na may ngiti sa mga labi. Siniyasat niya ang pagkakatahi ng panyo at tumango-tango tanda ng kanyang kasiyahan sa ganda at linis ng pagkakatahi nito. "Napakahusay mo talagang magtahi."

"Siyanga pala, maaari ko bang gambalain kayong muli?" tanong ni Amihan bago pa niya ihakbang ang mga paa patungo sa hagdanang malapad.

"Ano ang nasa isip mo?" Maingat na hawak pa rin ni Jose ang panyo.

"Kaarawan ko sa susunod na buwan, inaanyayahan ko kayo sa isang simpleng pagtitipon. Babaling na akong labing-walo sa buwan na iyon." nakangiting sagot ni Amihan. Ito na marahil ang pinakamatamis niyang ngiti sa araw na iyon.

Tumago si Jose. "Makakaasa kang darating kami. Magpasabi ka lamang."

At bumaba na ang mag-lolo matapos ang mga kinakailangang pagpapaalam. Nagpaalam na rin si Amihan kila Caridad at sa iba pang mga katulong na nasalubong niya sa bahay na iyon.

Habang nasa gubat tahimik na naglalakad ang mag-lolo. Hindi nakatiis si Amihan at binasag niya ang katahimikan.

"Lolo, masama ba ang loob mo at pinangunahan ko na ang paghahanda sa aking kaarawan?" mahinang tanong ng dalaga.

Ipinatong ng matanda ang braso nito sa balikat ng apo habang marahan silang naglalakad at nagsabi, "Sorpresa sana namin ang handaan sa kaarawan mo. Ngunit dahil ikaw na ang nanguna sa pagiimbita, isama mo na rin ang mga kaibigan mo."

"Salamat, Lolo. Ikaw talaga ang pinakamagaling!" papuri ni Amihan.

avataravatar
Next chapter