8 Chapter 8 Ang Mangingisda

Kung sa gubat siya nawala at sa gubat din napadpad sa ibang lugar, anong hiwaga ang mayroon sa gubat? Hindi maarok ng isip ni Amihan ang mga nangyari sa kanya. Ngayon niya lang napagtanto ang tunay niyang kinalalagyan. Hindi niya ito naisip habang siya'y may ginagawa. Kung hindi pa sinabi sa kanya na nasa Dapitan siya hindi niya malalamang malayo na pala siya sa Maynila. Sana makita niya ang daan pabalik. Paano niya ito mahahanap na kasama niya sina Jose at Josefina?

Napagod na ang utak ni Amihan sa pag-iisip at pag-alala kaya inabot din siya ng antok. Muli hindi niya napansin na nakatingin sa kanya si Caridad mula sa kanyang kama. Nang masiguro nang himbing ang tulog ni Amihan, saka pa lang pumikit ng mata si Caridad. Subalit may tila alaalang pilit na pumapasok sa kanyang isip na di na niya nais balikan. Dahil kapag naaalala niya iyon, sumisikip lamang ang kanyang dibdib.

-------------

Siya man ay mula sa gubat nang dumating dito sa Dapitan halos tatlong taon na ang nakalilipas. Hangos din siyang tumatakbo papalayo sa mga humahabol sa kanya. Hindi mga lalaki kundi mababangis na mga aso. Pinakawalan ang mga aso nang magtangka siyang tumakas sa kanilang lugar upang umiwas sa isang kasal na hindi niya gusto. Pilit siyang ipinakakasal ng kanyang ama sa isang matandang mayamang lalaki sa kanilang lugar sa Capiz. Isang gabi bago ang kasal, marahan siyang tumalon sa bintana ng kanilang bahay at buong tapang at bilis siyang tumakbo papunta sa gubat. Hindi niya alam kung saan siya pupunta basta may nakita na lamang siyang liwanag sa dulo nito at nakarating siya sa isang baybaying dagat. Gabi rin nang matumba siya sa itim na buhangin.

Umaga na nang magising siya sa isang banig sa loob ng isang maliit na kubo malapit sa dagat. Nilibot niya ang kanyang mga mata sa loob ng bahay. Halos magigiba na ito sa hina ng mga pundasyon at butas-butas na dingding. Maya-maya pa may pumasok sa loob matapos hawiin ang gulagulanit na kurtina na nagsilbing pintuan. Ngumiti ito sa kanya at iniabot ang isang basong may lamang sabaw ng buko.

"Ito lamang ang almusal natin. Walang huli kagabi dahil sa malakas na alon," bungad ng lalaking mahaba ang buhok na kulay ginto.

Napaigtad si Caridad sa takot at pagkabigla. Sinuri niya ang sarili kung may nangyari sa kaniya. Mukhang silang dalawa lamang ang nasa kubo at bigla siyang kinabahan. Tiningnan niya ang lalaki na may tanong sa kanyang mga mata. Mapagkakatiwalaan ba ito?

"Nadatnan kita sa baybayin kagabi matapos akong manggaling sa laot." Sabi ng lalaki habang inilalapag ang baso sa tabi ni Caridad. "Huwag kang mag-alala walang nangyari sa iyo. Sa labas ako natulog."

Tumindig ito at nagpalit ng pantaas na basa sa pawis. Saka lumabas ng kubo. Dali-daling lumabas si Caridad dala ang baso at sinundan ang lalaki. "Nasaan ako?"

"Sa tabing dagat," sago ng lalaki habang nakatalikod kay Caridad at inaayos ang lambat sa tabi ng kanyang bangka.

"Alam ko. Pero anong lugar ito? Anong bayan?" Mariin na tanong ni Caridad.

"Bakit mo tinatanong? Hindi ka ba taga-dito?"

"Ginoo, baka gusto mong sagutin lang ang tanong ko kung anong bayan ito."

Nilingon siya ng lalaki at ngumiti. Ngayon lang siya nakatagpo nang isang taong mapilit. Mukhang mahihirapan siyang makitungo dito. "Pedro nga pala ang pangalan ko."

Napasimangot si Caridad at pinagulong ang mga mata na may halong inip. "Caridad ang pangalan ko. Ngayon, sasabihin mo na ba kung anong bayan ito?"

"Dapitan, Zamboanga."

Napapikit si Caridad saka ikinunot ang noo. Marahang naupo siya sa isang malaking bato saka ininom ang sabaw ng buko nang maramdamang kumukulo na ang kanyang sikmura. Iniisip niya kung papaano siya nakarating doon. Balak niyang bumalik sa gubat at tuntunin ang dating niyang dinaanan ngunit napag-isip-isip niyang baka bumalik siya sa kanilang bahay sa Capiz. Kapag nagkagayon ay paparusahan siya nang kanyang ama at hindi niya alam kung ano pa ang maaaring gawin ng ama sa kanya sa galit. Isa pa, ayaw niya magpakasal sa matandang mayaman na iyon.

Nang gabing iyon, may dala si Pedro na mga isdang nahuli sa dagat. Niluto niya ang mga iyon saka nag-saing at pinagsaluhan nila ni Caridad ang hapunan. Si Caridad ang nagligpit ng mga pinagkainan. Pagkatapos niyon ay lumabas siya ng kubo. May siga sa buhanginan sa harap ng kubo. Nakaupo si Pedro sa harap nito ngumunguya ng nganga.

"Pedro, pinapahintulutan mo ba akong manatili muna dito sa bahay mo?" Maingat na tanong ni Caridad. Kailangan niyang maging mabuti sa kanya upang hindi siya palayasin. Wala siyang alam na mapupuntahan sa Dapitan. Wala siyang kakilala dito. Bukod doon, ito lamang yata ang bahay na nakita niya sa tabing dagat. Tanawin niya man ang malapad na pamapangin ay wala siyang ibang taong nakita.

"Bakit naman hindi?" Tiningnan niya ang babae ng walang malisya. "Nag-iisa lang ako. Walang kausap. At saka saan ka naman pupunta?"

"Tama ka diyan. Saan ako pupunta? Hindi ko nga alam ang lugar na ito."

"Kung nais mo dito ka na muna. O kung gusto mo ihahanap kita ng mapapasukang trabaho."

Napaisip si Caridad. Mabuting tao si Pedro. Parang mapagkakatiwalaan. "Kung iyon ang sa tingin mo ang mas mabuti. Salamat."

"Bukas na bukas din ay dadalhin kita sa bayan ng Dapitan. Kaya matulog ka na."

Tumango si Caridad at mabagal na tumayo. Marahan siyang pumasok sa loob ng kubo. May isang maliit na gasera ang nagbibigay ng liwanag sa loob nito. Hinipan ang apoy niyon saka pumikit ng mata.

Kinabukasan, paglabas ni Caridad sa kubo nakita niyang nakahiga pa rin si Pedro sa loob ng kanyang bangka na nakabaluktot. Ginising niya iyon ngunit umungol lamang ito na parang may nararamdamang sakit sa katawan. Hinipo ni Caridad ang kanyang noo at naramdaman niyang nag-aapoy ito sa lagnat. Agad niyang pinatayo si Pedro upang pumasok sa kubo. Binuhat niya ito sa pamamagitan ng pagpasan sa kanyang balikat ang isang braso ng lalaki habang mahigpit niyang hawak ang baywang nito. Nang makahiga na si Pedro sa banig na kanyang tinutulugan lumabas si Caridad at binasa ng tubig dagat ang isang tela upang punasan ang mainit na katawan ni Pedro.

Tatlong araw na inalagaan ni Caridad si Pedro at ipinagluto ng lugaw na may halong sabaw ng isda. Sa mga sandaling inaalagaan niya si Pedro napagmamasdan niya ang maamong mukha nito. Hindi katangusan ang kanyang ilong ngunit sa kabuuan ay maganda ang kanyang mukha. Sunog ang mga balat nito na bagay sa kanyang matipunong katawan na hinubog ng kanyang paglalangoy sa dagat.

avataravatar
Next chapter