7 Chapter 7 Papuntang Maynila

Nang matapos kumain ng meryenda, tinawag ni Josefina si Tiya Niya para tawagin si Amihan.

Nasa harap ni Amihan si Josefina na nanatiling nakaupo katabi ni Jose. Napansin ni Amihan ang magandang baro't saya na suot nito na kulay dilaw. Bagay sa kanyang kulay puting balat. Kinumpara niya ang sariling niya suot dito at napangiwi siya sa hiya.

"Ikaw raw ang nagsulsi ng mga kurtina? Patingin nga ng gawa mo?" Malumanay na sabi ni Josefina. Napakalambing ng kanyang boses kaya napangiti si Jose sa kanya.

"Sandali po at kukunin ko." Agad na umalis si Amihan saka bumalik na dala ang kahong buri. Saka kinuha ang isa sa mga kurtinang sinulsi niya.

Sinuri ni Josefina ang mga tahi at tumango-tango siya na may ngiti sa mga labi. Tila natutuwa siya sa gawa ni Amihan. Napansin ni Jose na natutuwa siya kaya't kinuha niya sa kamay ni Josefina ang kurtina at sinipat ng tingin ang tahi.

"Malinis ang pagkakatahi mo, Amihan. Maaari ka nang maging isang duktor na nago-opera ng pasyente," pabirong sabi ni Jose habang nakangiti kay Amihan.

Napahalakhak si Josefina at kinurot si Jose sa tagiliran. Natawa ng bahagya si Amihan sa nakita. Napamangha siya sa katamisan ng pagsasama ng dalawa.

"Salamat po sa inyong papuri. Mauuna na po ako at isasabit ko na ang mga kurtina sa kuwarto ninyo."

Tumango lang ang dalawa ay nagpatuloy na nagkwentuhan sina Jose at Josefa. Maya-maya pa ay may narinig silang dumarating na karuwahe sa labas ng kanilang bakod. Huminto ito sa may pintuan ng bakod at may isang matandang puti ang buhok na may dalang dokumento ang lumapit kila Jose at Josefina.

Matapos ang mga pagbati iniabot ng matanda ang dokumento kay Jose saka binasa ng duktor.

Binaling niya ang tingin kay Josefina matapos ibaba ang dokumento na hawak pa nito. "Pinapatawag ako ng Gobernador General sa Maynila."

"Sasama ba ako sa iyo?" Nagaalalang tanong ni Josefina.

"Oo. Pero duon ka tumuloy kila Inay," sabi ni Jose sabay hawak sa balikat niya.

"Kailan tayo aalis? Mag-iimpake na ba ako?"

"Sa ikalawa nang maaga. Paparating pa lang ang barkong magdadala sa atin sa Maynila."

Tumango si Josefina saka napatingin sa lupa na parang nag-iisip at may sasabihin pa kay Jose.

"Maaari ba nating isama si Amihan? Alam mo namang hindi sang-ayon sa akin ang iyong ina dahil nagsasama tayo nang hindi pa kasal. Malulungkot ako duon," bungad ni Josefina na may pag-alala sa kanyang boses.

"Bueno. Kung iyan ang magpapaligaya sa iyo ay gawin natin," walang atubiling sabi ni Jose at hinagkan nito ang noo ng babae nang may pag-ibig.

Nadatnan nila Jose at Josefina si Amihan na nakatayo sa ibabaw ng silya habang nagkakabit ng kurtina. Tinutulungan siya ni Caridad iabot sa kanya ang mga ito. Nang makita nilang pumasok ang mga amo, dali-dali nilang tinapos ang pagkakabit ng mga kurtina.

Bago umalis pinigilan ni Josefina si Amihan. Hawak nito ang kanyang braso. "Gusto mo bang sumama sa amin sa Maynila? Aalis kami sa makalawa. Sa barko tayo sasakay."

Napanganga si Amihan. Naguguluhan siya. Sa barko sasakay? Bakit kailangan pang sumakay sa barko? Maaari namang makarating sa Maynila na papasok lang sa gubat. Hindi ba nila alam ang daan na ito papuntang Maynila?

"Kailangan ko na pong makabalik sa bahay sa burol. Marahil ay hinahanap na po ako ng aking mga kamag-anak at nag-aalala na sila. Minabuti ko pong manatili dito pansamantala bilang pasasalamat sa pagkupkop sa akin na ginantihan ko ng pagsusulsi ng mga kurtina. Nawala po kasi ako nang ako'y habaulin ng mga tambay sa ..." Hindi maituloy ni Amihan ang salitang Maynila. Baka hindi sila maniwala sa kanya.

"...sa bayan at tumakbo papuntang gubat para di ako mahabol." Tinapos ni Amihan ang kanyang sinabi na may halong nerbiyos. Hindi niya dapat paikutin sa kanyang mga salita ang mga mararangal na taong nasa harapan niya. Napansin niyang kumunot ang noo ni Jose. Sa palagay niya'y baka masira ang kanilang magandang pagkakakilala sa kanya oras magkamali siya nang sasabihin.

"Kung gayo'y dapat ka na ngang bumalik kung may nag-aalala sa iyo." Sagot ni Josefina saka inalis ang kanyang kamay sa braso ng dalaga.

Si Jose: "Ihahatid ka namin ay nang makilala din namin ang iyong mga kamag-anak. Tunay na napamangha kami sa gawa ng iyong mga kamay. Napakahusay mo."

"Bukas ng umaga tayo aalis. Gabi na at baka lalo tayong mawala sa paghahanap ng bahay mo."

Nagpaalam na si Amihan at lumabas ng silid ng dalawa.

Nang makarating sa silid ng mga katulong sinabi niya kay Caridad ang naganap sa silid nila Jose at Josefina.

"Aalis ka na? Ayaw mo ba dito?" tanong ni Caridad. Bakas sa mukha ang lungkot.

"Pangalawang gabi ko na dito at nag-aalala na ang aking mga kamag-anak. Alam nilang namili lamang ako sa ... sa bayan ngunit hindi na nakabalik. Matitiis mo ba ang kanilang lungkot sa aking pagkawala?"

Tumingin ng seryoso si Caridad kay Amihan. "Natuwa ako nang dumating ka dito. Turing ko sa iyo ay para na kitang kapatid. Natuwa ako nang malaman kong marunong kang magtahi dahil sa akin nila pinagagawa ang bagay na iyan na hindi ko talaga kayang gawin."

Natawa lamang si Amihan. Yinakap niya bigla si Caridad. "Wala akong kapatid kaya turing ko sa iyo ay nakatatandang kapatid. Salamat sa lahat."

Maya-maya pa'y kinindatan ni Amihan si Caridad at may pilyang ngitjng nagsabi: "Turuan kitang manahi."

"Ayaw ko nga! Maiwan ka dito at ikaw ang manahi," biro ni Caridad.

At nagharutan ang dalawa hanggang sa nagsawa sila at humiga na sila.

Sa ilalim ng kama, braso ay nakapatong sa ulo, malalim ang iniisip ni Amihan. Hindi pa siya dinadalaw ng antok. Hindi siya makapaniwala na nawala siya ay nakarating sa Dapitan, Zamboanga del Norte. Papaano siya nakarating dito samantalang wala naman siyang tinawid na dagat?

avataravatar
Next chapter