5 Chapter 5 Gusto Kang Makilala ng Amo

Tumitilaok na ang mga manok nang magising si Amihan. Nagulat siya sa tilaok ng mga ito at biglang bumangon si Amihan at nauntog sa ilalim ng higaan ni Caridad. Napa-aray ito saka naalala na nasa ilalim siya ng higaan. Nang makalabas siya mula sa ilalim nakita niyang maayos na ang mga higaan ng mga katulong at lahat sila ay wala na sa silid. Marahang lumabas si Amihan at hinanap si Caridad sa kusina. Kaakyat niya lamang mula sa pag-iigib ng tubig sa balon. Nakita siya agad nito at napangiti sa kanya.

"Maghilamos ka na at mag-almusal." Sabi ni Caridad habang ibinubuhos ang tubig sa mas malaking banga na may takip. Bigla namang may pumasok na isang matabang babae na may edad singkwenta na. Napataas ang kilay nito sa biglang pagkakita kay Amihan at napatingin kay Caridad.

"Sino ito?" Tanong ng babae habang nakapamewang hawak ang isang sandok at isang malaking kawali.

"Magandang umaga po," nahihiyang bati ni Amihan. Tiningnan lamang siya ng babae nang patagilid ang ulo at nakataas ang isang kilay.

Lumapit si Caridad sa babae at magkadaop ang kamay na sumagot, "Si Amihan. Napadpad siya sa atin kagabi dahil nawala siya mula sa gubat. Pinatulog ko muna dito. Sana tanggapin mo muna siya."

Napakunot ang noo ni Amihan. Mukhang ang babaeng ito ang mayordoma ng lahat ng mga katulong at tila nagmamakaawa pa si Caridad sa kanya na patuluyin muna siya sa bahay na ito. Walang balak magtagal si Amihan sa bahay na ito sapagkat kailangan na niyang makabalik sa bahay sa burol.

"Anong alam mong gawaing bahay?" tanong ng babae sa kanya.

"Marunong po akong magtahi at mamalengke, magluto at maglaba," mahinahong sagot ni Amihan. Napatingin din siya kay Caridad. Wala siyang balak na maging katulong sa bahay na ito.

"Kung ganun, sulsihin mo ang mga kurtina ng kuwarto ng amo namin. Matagal na iyon na hindi nagagamit." sagot ng babae at biglang tumalikod. Hindi pa ito nakakaabot sa pintuan ng kusina nang biglang binaling muli ang mata nito kay Amihan. "Ako ang mayordoma dito. Tawagin mo akong Tiya Nita."

Tumingin muna si Tiya Nita kay Caridad nang may pahiwatig saka tumalikod at pumasok na sa kusina. Agad namang pumasok sa loob ng isang silid si Caridad malapit sa kusina. Pagbalik niya may dala na siyang isang malaking kahon na gawa sa buri. Inilabas niya ang laman ng kahong iyon at ilang telang puti ang natapon sa may paanan niya.

"Ito ang mga kurtina sa kuwarto ng amo. Hinahanap na ito ng kanyang asawa. Dahil sa may mga punit kaya hindi naman maisabit sa bintana." Ipinakita ni Caridad kung nasaan ang mga punit na dapat sulsihin. Saka tumingin kay Amihan. "Pero mag-almusal ka muna at marami-rami ito."

"Ako nang bahala sa mga iyan. Ibigay mo lang sa akin ang karayom at mga sinulid, pakakain ko ay susulsihan ko ang mga ito." Tinanggap ni Amihan ang mga kurtina at inilagay sa loob ng silid ng mga katulong saka lumabas at dumiretso sa kusina para mag-almusal.

Sa tapat ng bintana kung saan may liwanang ng katanghalian naupo si Amihan. Sinimulan niya nang sulsihan ang mga punit ng kurtina. Habang nagtatahi iniisip niya kung sino ang kanilang amo. Sa buong maghapon ay hindi niya nakita ang mga ito. Sabagay hindi pa talaga siya nakakapasok sa loob ng bahay. Hanggang kusina pa lang at silid ng katulong ang napuntahan niya. Hindi niya masabi kung isasama niya ang silong kung saan sila dumaan papanhik ng ikalawang palapag.

Paminsan-minsan ay iniikot ni Amihan ang mga mata niya sa tanawin sa labas ng bintana. Maaliwalas ang paligid at tila tahimik magtrabaho ang mga katulong. May ilang katulong ang nasa hardin na nagwawalis ng mga nagkalat na dahong nahuhulog mula sa mga puno ng mangga at akasya. May ilang nag-aalis ng bato mula sa mga bigas na nasa bilao. May dalawang nagbabayo ng manibalang na saba at kamoteng dilaw. Marahil ang linupak na ito ang meryenda mamayang hapon. Muli niyang ibinaling ang mga mata sa kanyang sinusulsi.

Hapon na nang matapos si Amihan sa pagtatahi. Inunat niya ang mga kurtina at natuwa siya sa kanyang mga ginawa. Malinis at tago ang tahi nito kaya hindi mahahalata ang mga punit sa oras na ito ay isabit sa bintana. Malaking ngiti ang ibinigay niya sa sariling gawa at tinapik niya ang kanyang balikat. 'Magaling ka talaga, Amihan!' sabi niya sa kanyang sarili.

Maya-maya pa ay may tumatawag sa kanya mula sa baba. Dumungaw siya sa labas ng bintana at nakita niyang kumakaway sa kanya si Caridad.

"Dali! Baba ka diyan! Nais kang makilala ng aming amo!" Sigaw ni Caridad.

avataravatar
Next chapter