4 Chapter 4 Sa Gubat Ka Dumaraan

Pumasok ang babaeng may dala ng banga ng tubig sa pintuan. Sinundan siya ng dalaga na may pag-aalinlangan. Nilibot ng kanyang mga mata ang paligid. May karwahe ng kabayo sa isang sulok nito at mga dayami. Mayroon pang isang pintuang kahoy na pinasok ng babae. Isang hagdanan paakyat sa ikalawang palapag ang tumambad sa kanya. Umakyat din siya kasunod ng babae.

Nang mailapag na ang banga ng tubig sa isang mesa malapit sa kusina. Nagsalita ang babae: "Saan ka ba galing at ganyan na lang ang kasuotan mo? May nangyari ba sa iyo?"

Marahang umiling ang dalaga. Nakatayo pa rin siya malapit sa pintuan.

"Halika, gamutin natin ang mga sugat sa paa mo," kaway ng babae sa kanya. Pinaupo siya sa isang bangkito at dali-daling kumuha ng gapas at gamot sa isang silid. Binigyan din siya ng isang katsang binasa sa tubig at iniabot sa dalaga. "Punasan mo ang dumi sa mukha mo."

Kinuha ng dalaga ang katsa saka ipinunas sa mukha niya pati sa kanyang leeg at mga braso habang nililinisan at pinapahiran ng gamot ng babae ang kanyang mga sugat sa paa pati na rin sa kanyang tuhod at binti. Doon lamang niya nalaman na marami pala siyang sugat gawa ng pagkakadapa niya at pagtatakbo sa gubat.

"Ako nga pala si Caridad. Isa ako sa mga katulong dito sa bahay," panimula ng babae. Hinarap ng dalaga ang mukha niya sa babae. Sa wari ng dalaga mabait ang babae at palakaibigan. Maamo ang kanyang mukha at tila hindi lalagpas sa trenta ang kanyang edad.

"Anong pangalan mo? Taga saan ka?"

"Amihan ang pangalan ko. Nawala ako sa gubat at hindi ko na matunton ang dating dinaraanan ko pauwi. Sa tuktok ng burol ang bahay ko."

"Talaga? Sa gubat ka dumaraan pauwi? Walang naglalakas loob na pumasok dun. Ang tapang mo naman." Nakangiting sagot ni Caridad na may pagkamangha kay Amihan. Tumayo siya matapos ang paggagamot at itinapon ang mga maruruming gapas sa isang lumang lata sa may pintuan. Naupo siya sa tabi ni Amihan.

"Kung hindi lang sana nahulog ang sulo ko at namatay ang apoy di sana'y nakauwi na ako sa amin ngayon." At isinalaysay ni Amihan ang buong pangyayari kung bakit siya nawala sa gubat.

Tinitigan siya ni Caridad na parang ayaw paniwalaan ang kanyang mga ikinuwento. Sa isip niya, walang pumapasok sa gubat sapagkat maraming mga mababangis na hayop doon at may mga maligno.

"Marahil gutom ka na. May natira pang pagkain ang mga amo ko. Halika para kumain." Tumayo si Caridad at inilabas sa plateria ang ilang pinggan ng ulam at nagsandok ng kanin sa palayok. Inihain niya ang mga ito sa hapag-kainan sa kusina.

Kiming lumapit si Amihan sa hapag-kainan at nakayukong nagpasalamat. Kumain siya nang nakakamay habang pinapanood siya ni Caridad. Nang matapos siyang kumain, hinugasan ni Amihan ang kanyang pinagkainan at siya na rin ang nagligpit ng ibang mga gamit.

Napansin ni Amihan na kahit malaki ang bahay parang walang nakatira dito. At hindi niya nakita, ni isa man sa mga katulong na sinasabi ni Caridad. Isinaman siya sa silid ng mga katulong ni Caridad. Anim ang papag doon na nakahilera. Isa na lamang ang bakante. Marahil ay higaan ito ni Caridad.

Tulog na ang mga katulong sa loob ng kanilang mga kulambong lino. Habang pinagtatakhan niya kung bakit tulog na agad ang mga katulong biglang tumunog ang orasan. Walong besos pumalo ang maliit na martilyo sa bakal ng orasan. Alas otso na pala nang gabi!

"Maaga kaming natutulog kasi kailangan naming gumising ng maaga." Sagot ni Caridad sa mapagtanong na tingin ni Amihan sa kanya.

Naglabas si Caridad nang isang matigas na unan, kumot at banig at inilagay ito sa sahig sa ilalim ng kanyang higaan saka isinabit sa pako ang apat na dulo ng kulambo na umabot sa sahig ang laylayan nito. "Dito ka matulog sa ilalim para nasa loob ka rin ng kulambo. Malalaki ang mga lamok dito sa amin."

Tumango lamang si Amihan. Pumasok siya sa silong ng kama ni Caridad. Napatingin siya sa itaas at nakita niya ang ilalim ng kama ni Caridad. Saka niya naramdamang humiga na rin si Caridad subalit hindi niya pa maipikit ang kanyang mga mata. Marami pang mga bagay ang kanyang iniisip. Hindi niya sigurado kung makakatulog siya sa isang lugar na hindi siya pamilyar. Di kalaunan, gawa ng pagod, pumikit na rin ang kanyang mga mata at natulog na siya nang mahimbing. Hindi na niya namalayan ang pagsilip ni Caridad sa kanya mula sa kanyang papag. Nakangisi ito.

avataravatar
Next chapter