3 Chapter 3 Nawawala

Kinabukasan dumating si Dr. Cruz kasama ang ilang technician para palitan ang aparatong nagbabasa ng EEG o electroencephalographic pattern ni Amihan. Trenta minutos din ang inubos na oras mula sa pagpapalit hanggang sa pagpapaandar ng aparatong ito. Nailabas na ang dating nakakakabit na gamit sa silid nang bisitahin ni Dr. Cruz ang ulat mula sa bagong aparato.

Napahinto siya sa pagbabasa. Nakakunot ang noo at napapailing. Parang hindi siya makapaniwala sa nababasa niya. Tinawag niya ang technician na hindi pa umaalis para panoorin siya at hintayin ang kanyang apruba sa bagong gamit.

"Talaga bang brand-new ang aparatong ito?" Mariing tanong ng duktor.

"Opo. Kararating lang niyan galing sa ibang bansa. Nakabalot pa nga iyan nang kuhanin namin mula sa Supply Room." sagot ng technician na nagkamot ng ulo. Bakas sa mga mukha ng duktor na nagdududa pa ito sa kanya.

"Pareho rin ang ulat mula dito at ang dating gamit. Walang ipinagkaiba. Walang senyales na gumagana ang utak niya subalit gumagalaw ang kanyang mga mata na animo'y nananaginip siya." Kinagat ni Dr. Cruz ang mga labi niya at napangiwi siya sa inis. Nagpasalamat siya mga nagdala at nagpalit ng gamit saka inihabol ang "Makakaalis na kayo."

Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng mga tao sa loob ng silid. Kaya lumapit silang lahat sa duktor.

"Anong ibig sabihin nito?" tanong ni Leo. Tinitigan niya ang duktor. Naghihintay ng paliwanag. Paliwanang na lahat sila ay matutuwa.

Hindi nakasagot agad ang duktor. Nag-iisip ng malalim. Napabuntong-hininga siya at nagwika, "Tatawag ako ng ibang mga duktor upang kumpirmahin ang aking naobserbahan." Pagkatapos niyon ay lumabas agad ito. Alam niyang marami pa silang mga katanungan ngunit wala siyang kumpiyansang masasagot niya ang mga ito.

-------------------

Humahangos na tumatakbo ang dalaga papalayo sa lugar na pinanggalingan niya. Malalim na ang gabi sa gubat at halos wala siyang makita. Hawak ang saya upang makatakbo ng mabuti pinilit niyang makarating sa bahay na iyon sa kabila ng kagubatan. Naiwan niya ang sulo nang madapa siya. Mabuti na rin iyon upang hindi siya makita ng mga humahabol na mga lalaking humarang sa kanya sa daan. Pati ang bayong na dala niya ay iniwan na niya at ang bigat nito ay magpapabagal pa sa kanyang pagtakas.

Halos hindi na niya marinig ang hiyawan ng mga lalaking iyon sa pakiwari niyang mahabang distansiya niya sa kanila. Umimpis ang bigat ng kaloobang nadarama niya dahil dito. Hindi na siya masyadong kinabahan. Kailangan na lamang niyang makauwi sa bahay. Sa bahay sa tuktok ng burol.

Nang masigurong malayo na siya sa kanila, binagalan niya ang kanyang pagtakbo. Takbo-lakad na lamang ang ginawa niya. Nais na niyang makalabas sa gubat na iyon. Ang gubat na araw-araw niyang pinapasok tuwing luluwas siya sa bayan. Ngunit bakit parang ibang daan yata ang kanyang tinahak ngayon. Bakit parang kanina pa siya naglalakad ngunit hindi pa rin siya makalabas dito. Kabisado niya kung ilang oras ang kinakain upang tumawid lang sa gubat na ito ngunit parang dalawang oras na siyang naglalakad. Hindi na pamilyar ang mga puno at mga batong nadadaanan niya. Hindi rin niya marinig ang lagaslas ng batis na pinagsasalukan niya ng tubig. Bakit parang masukal na ang mga puno dito at makakapal ang mga dahon.

'Hindi kaya nawawala na ako?'

Mangha man at natatakot, yinakap ng kanyang mga braso ang kaniyang katawan habang patuloy na naglalakad, hinahanap ang liwanang mula sa bahay sa burol. Lalong lumalamig ang simoy ng hangin kaya lalo niyang hinigpitan ang kanyang pagkakayakap sa kanyang katawan. Nanginginig na siya sa ginaw lalo pa't natuyo na ang pawis niya sa kanyang pagtakbo.

'Ang malas ko naman,' sabi niya sa kanyang sarili. 'Kung kailan ko nabili ang lahat ng kailangan ko sa bayan saka pa ako nakursunadahan ng mga istambay na iyon.'

Bakit pa kasi siya dumaan sa bahay ng kanyang kaibigan at nakipagkwentuhan ng isang oras. Iyan tuloy hindi niya namalayan na magtatakipsilim na at marami nang masasama ang maaaring mangyari sa daan katulad na lang ngayon. Bukod sa iniwan na niya ang mga pinamiling gamit, wala na rin ang sulong magbibigay sana ng liwanag sa kanyang daraanan at magbibigay ng init sa kanyang katawan.

Pagod na ang kanyang nanginginig na katawan nang may masilayan siyang liwanang sa di-kalayuan. Agad niya itong tinakbo kahit pa sumabit ang kanyang saya sa mga matatalas na ugat na nakausli sa lupa. Nagkaroon ng kaunting kagalakan ang kanyang puso. Tumambad sa kanyang mga mata ang isang napakalaking bahay gawa sa bato at kahoy. Bukas ang ilang bintanang gawa sa kapis at masisilayan ang liwanag na dilaw mula dito. Malalaki ang punong kahoy sa magkabilang panig ng bahay. May malapad na hagdan sa gitna ng bahay patungo sa ikalawang palapag. Sa gilid ng bahay ay may lagusan patungo sa silong ng bahay. Dalawang malalaking pintuan ang nakatayo dito na bukas ng bahagya.

Habang papalapit, may nakita siyang babaeng may dalang banga ng tubig. Mukhang galing ito sa balon sa harap ng bahay. Nilapitan niya ito. Laking gulat ng babae nang makita siya at muntik na nitong mabitawan ang dalang banga.

"Susmaryosep!" Tili ng babae. "Ginulat mo ako! Saan ka ba galing?"

"Ipagpaumanhin po ninyo, ngunit nawawala po ako," sagot ng dalaga.

Tiningnan siya ng babae mula ulo hanggang paa at napailing at napakunot ng noo sa nakita niya. Gulagulanit na ang kanyang baro't saya, may mga sugat pa ang kanyang mga paa, magulo ang buhok at puro dumi ang nasa mukha niya.

"Nawawala ka kamo?"

Tumango ang dalaga. Mahigpit na hinawakan ang saya saka tiningnan ang kanyang mga paa. Nakapagtataka. Saan niya nakuha ang mga sugat na ito.

"Bueno. Halika. Sumama ka sa akin." Tumalikod ang babae at tumungo sa silong.

avataravatar
Next chapter