2 Chapter 2 Nananaginip

"Anong ibig niyong sabihin, Doc?" tanong ni Leo na may pagtataka at pag-asa. "Magigising na ba ang anak namin?"

Marami pang ginawa si Dr. Cruz sa pasyente para masiguro ang kanyang kalagayan. Ngunit sa bawat pagsusuri niya ay wala man lamang na reaksyon si Amihan. Walang bakas ng sakit, lungkot o senyales na nakakaramdam siya.

Napailing si Dr. Cruz. "Wala pang senyales na magigising siya. Ngunit pinagtatakhan ko ang paggalaw ng kanyang mga mata habang nakapikit."

Itinaas nito ang ulo mula sa pagkakayuko at nagkatinginan sila ni Leo. Bakas sa mukha ng duktor ang di-maipaliwanag na damdamin. Parang bigla siyang nag-alala sa kakayahan niya bilang isang dalubhasa at sikat na Neurologist sa buong lungsod ng Manila. At bigla niyang ibinaling ang kanyang tingin sa labas ng bintana ng silid.

"Pakiwari ko nananaginip si Amihan na hindi niya dapat nagagawa bilang isang taong nasa estado nang coma." Tiningnan niya agad ang mga aparato sa tabi ng kama ng pasyente. Lahat nagpapakita na siya nga talaga ay nasa coma, maging ang aparato na nagsusukat ng brain activity niya, isang linyang mahaba na halos hindi makita ang pagtaas at pagbaba ng mga linya nito.

"Pero ipapatingin ko muna kung may diperensya ang mga aparato dito." paliwanag ng duktor.

Parang balisa ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng duktor at nagtataka sila kung bakit naman sira ang aparatong sinasabi nito. Lahat naman ay umaandar buhat nang ilipat si Amihan sa private room. Hindi pa naman nag-aalarma ang kahit isa sa mga gamit dito na nagpapahayag na may anomalya silang natuklasan sa katawan ni Amihan. Kahit ang mga nars at mga duktor na labas pasok sa kuwarto ay wala namang iniuulat na may problema sa gamit.

Pinaupo ni Leo ang asawa at ang mga magulang ni Ditas sa sopa ng silid. Siya lamang ang naiwang nakatayo sa tabi ni Dr. Cruz. "Hindi ko maintindihan ang sinasabi ninyo, Doc."

"Pupunta ako sa Supply Office at magtatanong ng bagong equipment. Baka may deperensya ang mga gamit dito at hindi gumagana ng maayos. Imposible ang nangyayari sa pasyente." Sagot ni Dr. Cruz habang hinihimas ang baba niya na malalim ang iniisip.

Sa matagal na pag-aaral ni Dr. Cruz sa mga pasyenteng nasa comatose vegetative state, hindi sila tulog, sila ay walang malay kaya ang utak nila ay hindi tumutugon sa mga ingay o anupamang mga

stimuli sa paligid nila. Hindi nila dapat nararanasan ang nararanasan nang isang tulog na tao o may kaunting kamalayan, ang Rapid Eye Movement o REM. Kapag meron nito, ibig sabihin nito gumagana pa ang utak ng pasyente at may pag-asang magising.

Ngunit si Amihan ay nasa comatose vegetative state dahil ang aparatong nakakabit sa kanya na nagbabasa ng kanyang brain activity ay nagsasabing hindi gumagalaw ang kanyang brain waves. Dalawang linggo na siya sa ospital at kailangan pang tulungan siyang huminga ng respirator. Para sa mga duktor na tumingin sa kanya, umaasa na lamang ang kanyang katawan sa mga aparatong nakakabit sa kanya para manatiling buhay.

Nagpaalam si Dr. Cruz para puntahan ang hepe ng Supply Office. Naiwang mas lalong nagtataka ang mga magulang at lolo at lola ni Amihan.

"Kung ang makina na lamang ang nagpapanatili sa buhay ni Amihan, bakit para lamang siyang natutulog?" tanong ni Ditas. "Hindi ako naniniwalang hindi magigising si Amihan. Walang diperensyang nakita sa mga resulta ng pagsusuri sa kanya." Kahit nag-aalala, matatag pa rin ang loob ng ina ng bata. Kita sa mga mata niya ang pag-asa at pananalig na magigising muli ang anak katulad ng dati.

"Kahit ako hindi makapaniwala sa kanilang diagnosis sa kanyang kalagayan. Hindi kaya nagkakamali sila?" tugon ng lola Inez ni Amihan. Ina siya ni Ditas at nakatira sa kanilang bahay. Siya ang madalas na kasakasama ng bata habang lumalaki. Parehong nagtratrabaho ang mga magulang ni Amihan.

"Ipanalangin nating mali sila at magigising si Amihan." malumanay na sabi ni Lolo Lut aasawa ni Lola Inez. Isa siyang War Veteran noong panahon ng Hapon.

"Hintayin natin ang sinasabi ni Dr. Cruz na mga bagong gamit. Baka nga may mga diperensya ang mga ito." Si Leo na lumapit sa asawang nakaupo sa sopa at ipinatong ang dalawang kamay sa magkabilang balikat ni Ditas.

Tumango-tango silang lahat habang nakatunghay kay Amihan.

Walang kilos ang pasyente. Pikit ang mga mata ngunit gumagalaw ang talukap nito habang ang mahahabang pilik-mata nito ay nanginginig. Kahit sa kanyang estado halata pa rin ang mala-rosas na kulay sa mga pisngi nito na lalong nagbibigay sa kanya na kaakit-akit na hitsura. Matangos ang ilong na minana sa mistisong Kastilang Lolo Lut. Ang kanyang mga mapipintog na mga labi ay nakuha naman niya sa kanyang ina. Hindi inaasahan ng lahat na sa murang edad niyang disisiete ay mauuwi lamang sa pagiging comatose niya. Ilang araw na lamang at magde-debut na siya.

avataravatar
Next chapter