16 Chapter 16 Hindi Makatulog

Hindi makatulog si Amihan sa nadiskubre niyang sikreto ng mga magulang mula sa kanyang mga kamaganak sa bahay. Alam niyang ulila na siya sa mga magulang, ni wala siyang kapatid, kaya gayon na lang ang pag-aaruga at pagmamahal na ipinapakita ng mga kasama niya sa bahay.

Ang tanging kuwento nila sa kanya tungkol sa kanyang mga magulang ay ang kabutihan at pagmamahal nila sa kanya. Alam niyang mga imbentor ang mga magulang niya. May isang silid sa bahay na puno ng mga imbensyon ng kanyang mga magulang. Hindi siya pamilyar sa mga paggamit ng mga ito, simula sa kaliit-liit na bagay hanggang sa mga makina.

Nanatiling maalikabok at inaagiw na ang silid ng mga imbensyon. Isang malaking kabinet ng mga aklat ang nakatayo sa kanlurang bahagi ng silid na ito at libo-libong mga lumang papel na pawang may mga sulat kamay ng kanyang ama at ina.

Taon-taon ay dinadalaw ni Amihan ang mga magulang sa kuweba sa loob ng gubat upang ipanalangin sila at gunitain ang araw ng kanilang kamatayan. Sa loob pa lang ng kuweba ay mararamdaman na ang kakaibang kapaligiran, malamig ang hangin na parang pinatataas ang balahibo sa buong katawan. Ngunit sa may puntod ay kakaiba ang init dito na parang may mga kuryenteng nakapalibot sa dalawang nitso.

Naguguluhan ang isip ni Amihan kung kailan siya nagsimulang maglakbay sa ibang lugar at ano ang nagbunsod upang magawa niya iyon. Marahil ay nagsimula iyon sa enerhiyang mula sa kuweba sa gubat na galing sa awra ng kanyang mga magulang, kung ang paliwanag ni Lolo Salvador ang tatanggapin. Kung ganoon nga, kahit sinong pumasok sa gubat ay makakarating sa iba't ibang lugar sa iba't ibang bilis.

Kinilabutan siya nang maisip niya ang mga lalaking humahabol sa kanya sa Maynila. Kung nakapasok sila sa gubat marahil ay napadpad sila sa ibang lugar na iba sa kinahantungan niya. Kung naabutan pala siya ng mga ito ay iisa lang ang kanilang napuntahan at malamang ay may masama nang nangyari sa kanya. Mabilis niyang pinagpag ang mga braso niya sa takot sa maaaring mangyari.

Nang dinalaw na ng antok si Amihan at naging pantay na ang kanyang paghinga, pumasok na siya sa malalim na anyo ng pagtulog, nananaginip na siya.

Nakahiga siya sa isang kamang bakal na may puting unan at sapin. Maraming tubong maninipis ang nakakabit sa katawan niya at kung ano-anong mga kahon na umiingay at umiilaw ang nasa tabi niya. May mga nakapaligid sa kanya, ang ama at ina niya, lolo at lola niya na mga magulang ng kanyang ina. May isang lalaking nakasuot ng puting toga na nasa tabi rin ng kama niya at may binabasang tsart. Nagsasalita ang lalaki ngunit wala siyang marinig na boses muli dito hanggang naging malabo ang mukha ng lalaki at ang mga taong nakapalibot sa kany.Hanggang maging aninag na lamang ng liwanag ang kanyang nakikita sa biglang dumilim.

Napabalikwas si Amihan ng magising ito. Nanlalamig ang kanyang buong katawan ngunit basa na sa pawis ang kanyang blusa. Pinunasan niya ng kanyang mga palad ang pawis sa kanyang mukha saka tumayo upang magpalit ng blusa. Saka pa lang niya napansing tumitilaok na pala ang manok sa labas. Tiningnan niya ang malaking orasan sa sala.

Alas kuatro pa lang ng umaga. Tiningnan niya ang kalendaryo na katabi ng orasan. Hunyo 22, 1896, Sabado. Napabuntong-hininga siya. 'Kung kailan Sabado ay saka naman ako nagising ng maaga. Mukhang hindi na ako makakabalik sa pagtulog.'

Tumayo na siya saka lumabas upang mag-igib ng tubig sa balon malapit sa nag-iisang malaking puno na katabi ng bahay nila. Pinuno niya ang mga malalaking banga na nakahilera sa labas ng pintuan ng kusina.

-------------------

Samantala, sa silid-tulugan ni Amihan, alas nueve na ng gabi ay hindi pa siya dinadalaw ng antok. Nakahiga lamang siya sa kanyang kama na nakatingin sa kisame. Mahaba ang naging araw niya ngayong Biyernes sapagkat pagkagaling niya sa paaralan ay may ensayo pa siya sa sayaw para sa kanyang kaarawan sa susunod na buwan. Tiningnan niya ang kanyang kalendaryo, Hunyo 21, 2019. Ilang araw pa siya mag-eensayo at maghahanda hanggang sa ika-8 ng Julyo, ang kanyang ika-18 kaarawan niya.

avataravatar
Next chapter