15 Chapter 15 Kung Paglaruan ang Mga Bata

Sa loob ng bahay sa burol, kumakain ng hapunan sila Amihan. Nakaalis na sila Jose at Josefina at ang mga lalaking kasama nito, ilang oras na ang nakalilipas.

May mga katanungan sa mga mata ng mga matatanda habang pinagmamasdan nila si Amihan na kumakain. Halos apat na araw siyang hindi umuwi. Hindi naman ito nangyayari pa sa kanya. Kung sakali mang umuwi si Amihan galing kung saan, pinakamatagal na ang hatinggabi na pag-uwi niya. At papaano naman siya nawala sa loob ng gubat na ilang taon niya nang pinapasok. Halos lahat ng sulok ng gubat sa paanan ng burol ay kabisado na niya.

"Saan ka ba nanggaling?" tanong ng lolo nitong matangkad na payat. "Sabi mo mamimili ka nang mga gamit sa Maynila?"

Kinakabahang nilunok ni Amihan ang pagkain sa loob ng kanyang bibig saka uminon ng tubig. "Sa Maynila nga po ako pumunta kagaya nang paalam ko po sa inyo. Kaya lang ilang kalalakihan ang bigla na lamang humarang sa daraanan ko. Natakot po ako at tumakbo ako palayo sa kabilang direksyon. Nakakita ako ng pagkakataon makarating sa bungad ng gubat."

Taas ang mga kilay na nakikinig ang mga kaharap. Paminsan-minsan ay kumukunot ang mga noo nila. Nang mapansin ni Amihan ang larawan ng kawalan ng paniniwala sa mga mukha nila ay ngumisi lamang ito at nagpatuloy sa pagpapaliwanag.

"Ang pinagtatakhan ko, habang tumatakbo ako sa dating landas na dinaraanan ko, parang walang katapusan ang kagubatan. Kahit pagod na pagod na ako nagpatuloy ako hanggang sa makakita ako ng liwanang sa dulo niyon. At doon nga ako sa bahay nila Duktor Jose Rizal napadpad."

Sabay-sabay na napabuntong hininga ang mga kausap ni Amihan at nagkatinginan sila sa isa't isa saka muling ibinaling ang mga mata kay Amihan. Tili hindi mga kumbinsido sa mga ikinuwento ni Amihan.

"Ang ipinagtataka ko lang...." ikiniling ni Amihan ang ulo sa kaliwa at tila iniisip pa ang susunod na sasabihin. "Sa dulo ng gubat, palabas sa tahanan ni Duktor Jose Rizal, ang tawag sa bayan nila ay Dapitan... sa probinsiya ng Zamboanga del Norte."

Muling nagkatinginan ang mga tiya at lolo at lola ni Amihan sa isa't isa. Hindi makapagsalita sapagkat pawang hindi nila maunawaan ang sinasabi ni Amihan.

"Isa pa," pahabol ni Amihan. "Papunta namin dito nila Duktor Jose Rizal, nasa trenta minutos lang ang aming paglalakad mula sa Dapitan. Nakapagtataka sapagkat pakiwari ko ilang oras din akong nasa loob ng gubat bago ako huminto sa tapat ng bahay nila. Bakit magkaiba ang haba ng oras papunta sa kanila at papunta dito?"

"Amihan," panimula ng isa sa mga tiya niya. "Nagsasabi ka ba ng totoo? O gumagawa ka lang ng dahilan para hindi ka mapagalitan?"

"Tiya Nene naman, ako pa ba'y gagawa ng kuwento para lang hindi mapagalitan? Uwing-uwi na ako. Kahit mababait sila at maganda ang pakikitungo nila sa akin ay mas hinahanap ko kayo."

Tumayo ang lola ni Amihan. Pumunta sa isang bahagi ng silid kung saan may mga nakasabit na mga lumang larawan. Huminto siya harap ng larawan ng mga magulang ni Amihan. Isang larawan ng bagong kasal. Hinimas ng matandang babae ang larawan at napangiti.

"Simula nang mamatay ang mga magulang ni Amihan walong taon na ang nakakaraan, Salvador, naalala mo...." ang matandang lalaki ang kinakakausap ng lola ni Amihan. Ipinihit ng matandang lalaki ang katawan habang nakaupo at nilingon ang asawa. Tiningnan siya ng matandang babae, bakas sa mukha ang pagbabalik-alaala nito at ngumiti. "... kung saan-saan din tayo dinala ng gubat na iyon? Bukod sa Maynila, nakarating tayo sa Batanes, Ilokos, Bikol, Negros Oriental...."

Si Amihan naman ang kumunot ang noo. Tiningnan ang dalawang matanda ng makahulugan. May mga itinatago pala ang mga ito sa kanya na hiwaga. Napatingin din siya sa mga tiyahing nagsimula nang magligpit ng mga pinagkainan. May mga nalalaman din ba ang mga ito?

"Kung gayon naniniwala na kayo sa aking ikinuwento?"

"Paumanhin, Amihan. Hindi namin inaasahang mararanasan mo rin iyon.," sagot ni Lolo Salvador habang tinatapik ang balikat nito. "Nang mamatay ang mga magulang mo, nabuksan ang mga pintuan ng gubat. Walang nakakaalam kung saan ka dadalhin ng lagusan nito."

"May kapangyarihan ba ang mga magulang ko? Bakit kailangan pang mamatay sila upang mangyari ang mga iyon?"

Pinaupo ni Lolo Salvador si Amihan sa sopa sa tinabihan niya iyon. "Naniniwala ka ba na may mga bagay na hindi maipaliwanag dito sa mundo? Makapangyarihan ang ating isip. Kung gugustuhin ng isip mo, kaya nitong magawa ang mga imposible."

"Anong kinalaman ng pagkamatay ng mga magulang ko?" lalong naguluhan si Amihan.

"Parehong matatalino ang mga magulang mo. Lahat ng posibleng likhain ng isip nila ay nagawa nila. Parang may kakaibang awra ang bumabalot sa kanilang katawan. Noong mamatay sila, ang awrang ito ang kapangyarihang naiwan sa gubat, kung saan namin sila inilibing, sa isang tagong kuweba doon." paliwanag ni Lolo Salvador.

"Simula noon, kung saan namin maisipan na puntahan ay napupuntahan namin." susugo naman ni Lola Azon.

Nangungusap ang mga mata ni Amihan nang tumingin sa mga tiyahing kalalabas pa lang mula sa kusina. Natapos na nilang hugasan at iligpit ang mga gamit pangkusina. Ibig niyang malaman sa kanila ang katotohanan sa mga binanggit ni Lolo Salvador.

"Totoo ang sinabi ng lolo mo. Naranasan na rin naming makarating ni Tiya Belen mo sa Vigan." sagot ni Tiya Pacita na mas nakatatandang kapatid ng tatay ni Amihan. "Wala nga lang kaming hilig makipagsapalaran sa loob ng gubat."

Tumango naman si Tiya Belen sa pangsang-ayon. Nagkamot ng ulo si Amihan. Sa mga narinig sa kanila, hindi niya malaman kung iiyak siya o tatawa. Ang mga matatanda nga naman kung paglaruan ang mga bata.

avataravatar
Next chapter