14 Chapter 14 Kahalingan

Sabay-sabay na lumabas ng gusali ng paaralan si Amihan at kanyang mga matatalik na kaibigan.

"Naku, bantayang mabuti yang si Amihan at kapag nahilo ay baka himatayin na naman," ang paalala ni Lyn sa mga kasama na mas tumagal ang pagkakatingin kay Odette.

"Oo na. Alam ko na. Sa akin mo talaga sinadyang tumingin. Akong bahala sa kanya," pagyayabang ni Odette. Mas malapit ang bahay nito kay Amihan kaysa sa dalawa pang kaibigan.

"Siyanga pala, ang guwapo pala nung itinuturo mong lalaki kaninang umaga. At sa ating klase pa siya itinalaga," malaking ngiti ni Amy.

"Sinabi mo pa. Ang pupungay pa ng kanyang mga mata. Ilang taon na kaya siya," sang-ayon ni Lyn habang iniisip ang edad ni Abel.

"E di siempre mas matanda sa atin ng higit dalawang taon. Kung sa unibersidad na siya nag-aaral nasa kolehiyo na iyon," sagot naman ni Amy. Nakikinig lang si Amihan sa kanilang usapan na walang interes sa kanilang pinag-uusapan. Napapagitnaan siya ng tatlong kaibigan.

Naalala niya ang kanyang kahihiyan noong ipagmalaki siya ni Amy kay Abel. Para hindi na maalala at ungkatin ang bagay na iyon, minabuti niyang manahimik na lang.

"Basta ako ang unang nakakita sa kanya!" at umiral ang pagiging mapagmay-ari ni Odette.

"Oo na. Sa iyo na si G. Abel," sabay na nagsalita si Lyn at Amy na may tinig na ipinagpapaubaya na nila si Abel Bonifacio kay Odette.

Nagtatawanan at nagbibiruan sila, bago pa man makalabas ng paaralan, nang mapansin nilang may dumaan sa tabi nila. Nakilala nila ang suot nito at ang lalaking biglang lumingon sa kanila nang malampasan sila nito. Si G. Abel!

Biglang nanlaki ang kanilang mga mata at nagkatinginan silang apat. Parang mga anghel na nakagawa ng malaking kasalanan sa Diyos at bigla silang namula at natahimik. Narinig kaya niya na siya ang kanilang pinag-uusapan.

Payuko silang naglakad nang mas mabagal upang hindi na makasabay palabas ng paaralan si Abel.

Nang makalabas na si Abel ng paaralan, may humintong isang magarang kotseng kulay itim sa harapan niya. Isang bagong modelong Mercedes Benz. Hinawakan niya ang pinto nito ngunit hindi ito kaagad na pumasaok,

Napatigil ito sa kinatatayuan nang ilang sandali saka nilingon ang grupo nila Amihan. Nakita niyang marahang naglalakad ang mga iyon na palabas ng paaralan. Pare-parehong mga nakayuko, na tila itinatago ang kanilang mukha sa kanilang lugayang buhok.

Nakita man siya ng apat na magkakaibigan sa tapat ng kanyang sasakyan, ngunit hindi man lang sila sumulyap sa kanya. Bagkus sa kabilang direksyon sila tumungo.

Napakunot ng noo si Abel nang makita niyang umiwas sa kanya ang apat na babae. Napa-buntonghininga siya, saka pumasok ng sasakyan. At mabilis na linisan ng Mercedes Benz ang lugar na iyon.

Sa kanyang pagkakaupo sa likod ng sasakyan, tahimik si Abel na inaalala ang mga nangyari noong umaga na iyon. Namataan na niya si Amihan na masayang naglalakad sa tabing kalsada malapit sa paaralan, lulan ng kanyang sasakyan. Nakalugay ang hanggang balikat na buhok nito na inuugoy ng hangin. Napansin na niya ang kanyang mala-anghel na mukha at siya'y nabighani kaagad nito.

Hindi muna bumaba si Abel sa sasakyan at hinintay niyang makapasok ng paaralan si Amihan saka dali-daling binuksan ang pintuan ng kotse. Sinundan niya ito, na may anim na metro ang layo nila sa isa't isa. Nang makita niya si Amihan na tumigil sa harap nila Odette, tuloy-tuloy na siyang naglakad patungo sa tanggapan ng paaralan.

Papasok ng tanggapan, iniisip na ni Abel kung paano niya hahanapin ang magandang dalaga. Sa dami ng mga estudyante dito, antas at section, paano niya malalaman kung saan ito matatagpuan.

Winaksi muna niya sa isip si Amihan habang nag-uusap sila ng punong-guro at ni Gg. Roel.

Laking gulat niya, noong hapong iyon, at hindi niya inaasahan, na magiging estudyante niya pala si Amihan. Kahit tuwang-tuwa siyang makita ang dalaga, hindi niya ito ipinahalata. At habang nasa harapan ng mga mag-aaral, kahit gusto niyang sulyapan ito ay iniiiwas niya ang mga mata sa direksyon ng upuan ni Amihan.

Nakapangalumbaba si Abel sa may bintana ng koste saka nagkamot ng tainga. Bakit ba hindi niya maalis sa isip ang dalaga? Ano bang mayroon ito at kahit hindi niya kilala ang pagkatao ay naakit siya nito? Nahuhumaling yata siya kay Amihan lalo pa't nalaman niyang magaling ito sa sining.

Napatingin si Abel sa labas ng bintana ng sasakyan. Wala sa loob na pinagmamasdan ang mga dinaraanang tanawing nasa labas ng sasakyan. Mga gusali, mga taong tumatawid at naglalakad sa kalye, maging ang papadilim na langit.

avataravatar
Next chapter