13 Chapter 13 Ang Guro na Mag-aaral

Tuwang-tuwa si Odette, Amy at Lyn nang malamang papasok na si Amihan sa paaralan. Hinintay ng tatlo ang kaibigan malapit sa pasukan. Nag-uusap sila nang biglang napahinto si Odette nang may makitang isang magandang lalaking napadaan sa harapan nila. Matangkad ito, kayumanggi ang balat, tuwid ang buhok, matangos ang ilong, medyo manipis na labi at nakasuot ng asul na pangtaas na may maikling manggas saka itim na pantalon at balat na sapatos.

"Ang guwapo naman nun," sabay turo ni Odette nang makalampas na ito sa kanila. Nilingon ng mga kasama ang direksyon ng itinuturo ng daliri ni Odette. Likod na malapad na lamang ang nakita nila.

"Sino ka iyon?"

"Bagong guro?"

"Ano kayang departamento siya?"

"Aba, malay natin." Isang boses, na hindi kabilang sa kanila, ang kanilang narinig, kaya napalingon na lamang ang tatlo sa kung saan nanggaling ang boses na iyon.

"Amihan!" Sabay na nagsalita ang tatlo at sabay ding niyakap ang kaibigan.

"Salamat naman at magaling ka na. Alalang-alala ang buong klase pati ang adviser nating si Madam Gloria." si Odette ang unang nagsalita habang tumatango ang dalawa.

"Huling taon pa naman natin sa St. Vincent at gustong gusto naming makasama ka sa ating pagtatapos," dagdag ni Lyn habang niyakap ang braso ni Amy.

"Natakot ba kayo?" tanong ni Amihan na nakangiting nanunukso. "Ako rin. Akala ko hindi na ako magigising."

"Ano ba yang biro mo. Malungkot na nga kami na wala ka sa klase. Wala nang makulit." Si Amy naman ang nagsalita sabay marahang hampas sa bag ni Amihan.

"Ako pa talaga ang makulit? E kayo ang nangungulit sa akin tuwing may paligsahan sa eskwela." Si Amihan .

"Oo na. Kami na ang makulit." Sabi ni Amy sabay hila sa kamay ni Odette. "Pasok na tayo sa silid-aralan natin at baka maabutan tayo ng tunog ng kampana dito sa labas. Tiyak sa silid-patnubay tayo mapupunta."

Nagtawanan ang magkakaibigan habang sinimulan na nilang maglakad patungo sa kanilang silid-aralan sa ikalawang palapag ng gusali.

Masayang tinanggap ang pagbalik ni Amihan ng kanyang mga kaklase pati ng kanyang mga guro.

Pagkatapos ng kanilang pahinga at pananghalian, ang susunod na simuno[1] ay Sining. Ito ang paborito ng buong klase nila Amihan sapagkat masaya at malaya silang gumagawa ng iba't-ibang bagay na maka-sining.

Pumasok na sa loob ng silid-aralan nila Amihan ang kanilang guro sa Sining, kaya biglang tumahimik na ang mga mag-aaral dito. Sumunod naman ay isang matangkad na magandang lalaki na naka-asul na pangtaas kaya umingay muli ang silid.

Nagkatinginan sina Odette, Amy, Lyn at Amihan na tila isa ang iniisip. Ang nahuling pumasok ng kanilang silid ay ang lalaking nakita nila sa may pasukan ng paaralan.

Ipinakilala ng kanilang guro, na si Ginoong Roel, ang sumunod na binatilyo. Isa siyang mag-aaral sa Unibersidad ng A na may kursong BS Secondary Education.

"Mga ginoo at binibini, bigyan ninyo ng isang mainit na pagtanggap ang gurong mag-aaral na si Ginoong Abel Bonifacio. Siya ay makakasama ninyo ng isang taon sa klase ninyo sa Sining. Sana ay maging mabuti kayo sa kanya," pakilala ni Ginoong Roel habang isa-isang tiningnan ang mukha ng kanyang mga estudyante, naghihintay na gantihan ng pagbati ang kanyang kasama.

Nakangiti ng bahagya si Ginoong Abel Bonifacio sa mga mag-aaral na lalaki at babae sa kanyang harapan. Itinaas ang palad ng kanang kamay tanda ng pagbati. "Ta..tawagin niyo na lang akong Gg. Abel."

Hindi pa rin nagsasalita ang buong klase. Nainip si Ginoong Roel sa katahimikang nanaig sa loob ng silid. Napansin niyang parang natulala ang mga estudyante sa katabi niyang binata sa harap, walang imik na nakatitig sa bagong mukha Nasulyapan niya ang nahihiyang mukha ng binata at namumula na ito. Hinarap niya kaagad ang mga estudyante na patay-malisya sa pamumula ng gurong mag-aaral.

"Hindi niyo man lang ba babatiin ng magandang hapon si Ginoong Abel? Baka akalain niyang walang magandang pag-uugali ang mga mag-aaral ng St. Vincent."

"Magandang hapon po, Ginoong Abel Bonifacio!" malakas at sabay-sabay na pagbati ng mga mag-aaral mula sa sinabi ni Ginoong Roel. Ayaw nilang tawagin silang walang magandang pag-uugali lalo pa't isang magandang lalaki na mukhang kagalang-galang ang nasa harap nila kaya, bigla silang tumugon sa paghihikayat ng kanilang guro.

"Kung ganoon," hinarap ni G. Roel si Abel Bonifacio, "maiwan na kita sa kanila. Mamaya na lang tayo mag-usap pagkatapos ng klase mo dito." Nagpaalam na ang guro at iniwan ang batambatang guro sa kanyang klase.

Hindi malaman ni Abel Bonifacio kung paano siya magsisimula ng kanyang sasabihin sa buong klase. Mukhang nabigla yata sila sa kanyang pagdating. Tahimik na pinapanood siya ng mga ito kaya saglit siyang umubo. "Ahem...ako nga pala ang magtuturo sa inyo ng mataas na pag-aaral sa paglililok at pagpipinta. Gagamit tayo ng iba't ibang mga materyales upang malaman ninyo ang iba't ibang disiplina sa paggamit ng mga ito. Lahat nang iyan ay inyong matututunan sa mga darating na araw."

Nagpatuloy pa si Abel sa pagbabahagi nang maaari nilang matutunan sa kanyang mga ituturo. Nagpalitan sila ng tanong at impormasyon ukol sa mga napag-aralan na nilang noong nakaraang taon.

"Ginoong Abel," bungad ni Amy at itinuro si Amihan na katabi niya sa upuan. "Si Amihan, siya ang pinakamagaling sa aming paaralan pagdating sa pagpipinta. Lagi siyang nagwawagi ng unang gantimpala sa mga timpalak kalaban ang mga kalahok mula sa iba't ibang paaralan."

Kumipot ang mga mata ni Amihan nang magsalubong ang mga mata nila ni Amy. Halata ang inis at hiya dito. Totoo ang mga sinabi ni Amy. Ngunit hindi siya taong mahilig ipagmalaki ang kanyang mga tagumpay at parangal kaya bigla siyang nakaramdam ng pagkahiya sa harap ng gurong mag-aaral. Ngumisi lamang si Amy sa kanya at nagkibi-balikat. Saka naman kinurot ni Amihan ang tagiliran ng katabi.

"Aray!" sabi ni Amy habang hinihimas ang parte ng katawan na kinurot ni Amihan.

Napabuntung-hininga si Amihan at iniuntog ng mahina ang noo sa kanyang mesa at nanatili siya sa ganoong posisyon. Hindi niya nakita ang bahagyang pagngiti ni Abel sa kanya.

avataravatar
Next chapter