12 Chapter 12 Nagising Na

Nang lumabas ng silid ni Amihan si Dr. Cruz, nanglulupaypay na umupo si Ditas sa sopa na nakaharap sa kama ng anak. "Ano na naman ba ito? Ganito na lang ba tayo? Ilang doctor na naman ang titingin sa ating anak? Kung anu-anong mga pagsusuri ang gagawin nila sa kanya. Nahihirapan na ang katawan ng anak natin."

Isinandal ni Ditas ang ulo sa kanyang palad. Lumapit sa kanya si Leo at niyakap siya. "Huwag kang mabahala, alam ng mga duktor ang kanilang ginagawa. Mabuti na ito para masiguro nating buhay nga ang ating anak at hindi mga makina na lang ang nagpapagana sa kanyang katawan."

Nilapitan ni Lola Inez ang kama ni Amihan at hinimas-himas ang buhok nito, ang kanyang mukha hanggang ilapat nito ang kulubot na kamay sa braso ng apo. Tahimik niyang tinitigan ang maamong mukha nito at napangiti. Naalala ni Lola Inez ang kapilyahan na ginagawa sa kanya ng mabait na apo. Walang araw na hindi sila tumatawa at nagbibiruan. Marahil dahil nag-iisa siyang apo kaya kahit anong gawin niya ay napagpapasensiyahan niya ito.

Lumaki si Amihan sa kanya sapagkat laging wala sa bansa ang mga magulang. May negosyo sila sa Hongkong kaya madalas sila doon. Subalit hindi nagkukulang sa pagmamahal ang mga magulang. Tuwing kaarawan niya, Pasko at Bagong Taon ay umuuwi sila sa Pilipinas, maging sa mga di-pangkaraniwang mga okasyon tulad ng pagtatapos niya sa mababang paaralan at sa pagtanggap niya taon-taon ng mga gantimpala sa larangan ng sining.

Mahilig si Amihan magpinta, kumanta at sumayaw. Namana niya iyon sa kanyang mga ninuno, ang mga Luna.

Magaling din siya sa larangan ng pampalakasan lalo na sa eskrima[1], ang paborito niya, dahil para lamang siyang nagsasayaw ayon sa dalaga.

Sayaw.

Naalala ni Lola Inez na madalas mag-ensayo si Amihan ng mga makalumang sayaw bago siya nawalan ng malay. Para raw iyon sa "first dance" niya na ang tinutukoy ay ang kanyang amang si Leo. Wala naman daw siyang nobyo kaya sino naman daw ang lalaking isasayaw siya sa kanyang pasinaya[2].

Napaisip si Lola Inez. Baka masyadong napagod ang apo sa mga aktibidades niya araw-araw bukod sa mga gawain niya sa mataas na paaralan.

Ilang sandali pa, habang hinihimas ang braso ng apo, naramdaman ni Lola Inez na gumalaw ito ng bahagya. Nagulat siya at biglang inalis ang kamay niya sa braso ng apo at tinitigang mabuti ang braso. Gumagalaw nga talaga ito. Nanlaki ang mga mata niya na tinawag ang kanyang anak na si Ditas.

"Mama, anong nangyari?!? Bakit napasigaw ka?" Patakbong lumapit si Ditas sa ina, kinakabahan baka may nangyaring masama sa anak.

"Si..si...A...Amihan, gumalaw!" Nakatingin siya kay Ditas na namumutla. Hindi niya inaasahan na magigising ngayon ang apo.

Pinalibutan ng lahat si Amihan at pinagmasdan ang buon niyang katawan. Maya-maya pa'y umungol ito. "Uuughh!"

"Amihan!" tawag ni Leo na napalakas ang boses sa sobrang tuwa.

"Papa?..Mama?..Lola?...Lolo?" Mulat na ang mata ni Amihan nang magsalita siya. At may pagtatakang makikita sa kanyang mga mata.

"Salamat sa Diyos at nagising ka na!" bungad ni Lolo Lut at hinawaka niya ang kamay ng apo.

"Tatawag ako ng duktor," sabi naman ni Ditas at dali-daling lumabas.

"Bakit maraming aparato ang nakapaligid sa akin? Anong nangyari sa akin?" magkakasunod na tanong ni Amihan habang nakakunot ang mga noo. Hindi niya maunawaan ang lahat. "Namatay ba ako?"

"Anak, Amihan...akala namin patay ka na. Ikinabit ng mga duktor ito para sila na ang magpapagana sa iyong katawan. Dalawang linggo ka nang walang malay," sagot ng ama na may pag-aalala sa kanyang boses.

"Ganun katagal?" May pagkabigla sa tinig ni Amihan, nanlaki ang mga mata nito.

"Oo. Dati naman ilang sandali lang ay magigising ka na matapos mong matulog o magpahinga."

Napatingala si Amihan sa kisame at ilang minuto ding nag-isip. Inaalala niya ang mga nangyari sa kanya bago siya nawalan ng malay. Naglalakad silang magkakaklase sa labas ng paaralan nang bigla siyang nakaramdam na hilo. Parang pagod na pagod ang katawan niya. Nanlabo ang kanyang mga mata at tanging naaaninag niya ay malabong imahe ng mga puno at dahon. Saka siya bumagsak.

Napakagat si Amihan sa kanyang labi. Hindi niya kayang sabihin sa mga magulang ang tunay na nangyari sa kanya upang huwag na ito lalong mag-alala sa kanya.

Maya-maya pa'y dumating na si Dr. Cruz. Nagulat siya at napakamot ng ulo. Hindi siya makapaniwalang nagising na lamang ng ganoon si Amihan. Kasunod ang ilang mga espesyalista sa iba't ibang karamdaman, kinausap niya si Amihan at nagpaalam na suriin muli siya bago payagan lumabas ng ospital.

Dalawang araw pa namalagi si Amihan sa ospital bago pinayagan siyang lumabas ng ospital. Binilinan din siyang bumalik matapos ang isang linggo upang suriin siyang muli. Kataka-taka ang kanyang karanasan kaya dapat na mapag-aralan siya, sa isip ni Dr. Cruz.

Sakay ng isang itim na van, diretsong umuwi sila Amihan sa bahay nila sa isang ekslusibong subdibisyon sa Lungsod ng M. Noong dumating sila, lagpas tanghali na, ngunit mainit pa ang mga pagkaing inihanda ng mga katulong. Takam na takam si Amihan sa mga pagkain ngunit dahil sa tagal niyang hindi kumain, minabuti ni Lola Inez na lugaw na lamang ang kainin niya. Napatanga si Amihan sa suhestiyon ng lola ngunit wala siyang magawa. Kalaunan ay binigyan na lang niya ng isang ngiting hindi totoo ang lola.

avataravatar
Next chapter