20 20 Tindahan ng Sining

Hinanap ng mga mata ni Amihan sa loob ng tindahan ng sining ang ina. Nakita niya itong may binabasang makapal na aklat sa isang bahagi ng tindahan kung saan nakahilera ang iba't ibang uri ng aklat tungkol sa sining. Sinundan ng mga mata ni Abel kung saan nakatuon ang tingin ni Amihan.

"May kasama ka?" tanong nito na kunwari'y palinga-linga din ngunit natunton na ng mga mata nito ang ina ni Amihan. Napangiti ito ng bahagya na tila tagumpay si Abel.

"Oo. Ang mama ko." sagot ni Amihan. Tinangka niyang kunin sa pagkakabitbit ni Abel ang basket na pinaglalagyan ng kanyang mga gamit.

Iniwas muli ni Abel ang basket sa mga kamay ni Amihan. "Ako ang may dala ng basket kaya ako ang magbibitbit nito."

"Pero mga pinamili ko ang laman niyan," protesta ni Amihan.

"E di kung ganoon, sabay na tayong mamili. May bibilhin ka pa ba?" sagot ni Abel. May kislap sa kanyang mga mata at ngiti sa mga labi.

"Meron pa. Pero nakakahiya namang ikaw pa ang magbibitbit ng mga pinamili ko. Hindi naman tayo malapit sa isa't isa." naiilang na may kasamang yamot na sabi ni Amihan. Nanlalamig na ang mga palad niya. Kung pwede nga lang niyang takasan ang taong ito. Bakit ba mapilit itong magdala ng basket. Kapag nakita sila ng ina niya, magtataka iyon at mahihirapan siyang magpaliwanag.

"Kaya nga sinasamahan na kita para maging magkalapit tayo," sagot ni Abel. Pinagmasdan niya ang taong kanina pa tinitingnan ni Amihan, ang ina nito. Napangiwi ang mga labi ni Abel sa pag-iisip. "Lapitan na natin ang mama mo."

"Huh?" pagtataka ni Amihan. Kay lakas naman ng loob nitong lapitan ang kanyang ina gayong hindi pa sila matagal na magkakilala. Sa St. Vincent High School lang sila unang nagkita ngunit ibig na nitong makilala ang ina.

Nakita na lang bigla ni Amihan na humakbang patungo sa direksyon ni Ditas si Abel. Kinabahan ito at sinundan ang lalaki. Nais niya sanang agawin ang basket habang malayo pa sila sa kinaroroonan ng ina. Ngunit dahil makipot ang daraanan ay hindi ito magawa ni Amihan. Hanggang sa makarating sila sa mga nakahilerang mga aklat ng sining. Hindi sila napansin ni Ditas na tahimik na nagbabasa.

"Magandang hapon po, Ginang del Pilar," bati ni Abel kay Ditas.

Nagulat si Ditas na may bumati sa kanya.

Nagulat din si Amihan. 'Papaano nalaman ni Gg. Abel Bonifacio ang aking apelyido', isip ni Amihan. 'Magkakilala kaya sila ng kanyang ina? Pero saan at kailan.' Tumayo sa tabi ni Ditas si Amihan.

Napangiti si Ditas sa magandang lalaking bumati sa kanya. Isinara niya ang aklat na binabasa at tinanggap niya ng may galak ang pagbati nito. Namukhaan niya ito. "Abel Bonifacio, hindi ba?"

"Ako nga po. Kumusta na po kayo?"

"Mabuti naman. Kailan muli ang pagtatanghal ng iyong mga obra maestra?"

"Wala pa pong petsa. Nag-iipon pa po ng mga gawa."

"Ganun ba?" Napatango si Ditas. Hinarap si Amihan. "Amihan, siya nga pala si G. Abel Bonifacio. Isa sa mga naimbitahan naming pintor na magtanghal ng kanilang mga gawang sining sa Hongkong. Naalala mo noong nakaraang taon na anibersaryo ng ating kumpanya doon?"

Nanlaki ang mga bilugang mga mata ni Amihan. Magkakilala pala talaga ang gurong mag-aaral at ang kanyang ina. Kay liit talaga ng mundo. Mahinang tumango si Amihan.

"Mama, student-teacher si G. Abel Bonifacio sa paaralan." Imbes na mamangha sa sinabing galing ni Abel at purihin ito tulad ng ina, iba ang lumabas sa bibig ng dalaga.

"Ganoon ba?" Namangha din si Ditas. "Ano naman ang tinuturo mo sa paaralan nila Amihan?" Hinarap niya si Abel.

"Sining po. Mas mataas at maunlad na pag-aaral." sagot naman ni Abel na may kasamang pagmamalaki.

"Kung ganoon ay inihahabilin kong turuan mong mabuti si Amihan." sabi ng ina ni Amihan

Napatingin ng masama si Amihan sa ina. Binatak nito ang saya ni Ditas. Nang magsalubong ang kanilang tingin, pinagdilatan ni Ditas si Amihan. Parang nangungusap ang kanyang mata na mas lalong huhusay si Amihan sa ilalim ng pagtuturo ni Abel. Umiling si Amihan.

Kung anong saya ng ina, siya namang lungkot ni Amihan. Bakit kailangang ihabilin siya ng ina kay Abel. Nakikinita na ni Amihan ang magiging asal ng mga kamag-aral kapag nagpakita ng espesyal na pakikitungo si Abel sa kanya. Tiyak maraming mga babaeng kamag-aral ang magagalit sa kanya. Hindi lingid kay Amihan na kung anong dami ng kanyang tagahanga sa paaralan, ganun din kadami ang mga naiinggit sa kanya. Napabuntong-hininga na lamang si Amihan sa mga saloobin niyang ito. Taong tampalasan!

"Mama, may bibilhin pa ako. Maiwan ko muna kayo," at biglang hinablot ni Amihan ang basket sa kamay ni Abel. Hindi ito napansin ni Ditas sapagkat noong mga sandaling iyon, siya namang pagbalik niya ng aklat sa pinaghugutan.

Nabigla din si Abel sa mabilis na kilos ni Amihan kaya nabitawan niya ang basket. Ilang segundo pa ay nawala na si Amihan sa kanyang paningin. Nagpaalam na rin si Abel kay Ditas na may bibilhin pang gamit saka umalis at hinanap si Amihan.

Dumami na ang mga namimili sa loob ng tindahan. May mga nagkukumpulang mga kabataan na nagtatawanan. May mga magkakapares na tumitingin-tingin. Siksik dito, iwas sa mga kasalubong doon, hindi makakilos si Abel ng maayos habang hinahanap si Amihan.

Samantala, si Amihan naman ay nagtatago kay Abel sa likod ng mga tao at mga eskaparate. Umiiwas siya sa mga lugar kung saan naroroon ang lalaki. Di naglaon, natunton na rin ni Amihan ang mga nais niyang bilhin. Hindi na siya tumagal sa lugar na iyon at baka makita pa siya ni Abel. Mabuti pang pumila na kaagad sa kahera at nang makalabas na sa lugar na iyon.

Habang nasa pila, natatakpan si Amihan ng mga naglalakihan at matatangkad na mga mamimili. Pagkakataon na niyang tawagan ang ina sa kanyang telepono upang ipaalam na nasa pila na siya ng mga magbabayad. Maya-maya pa'y katabi na ni Amihan ang ina. Nang makabayad na ay agad niyang hinila ang ina palabas ng tindahan. Takbo-lakad ang ginawa nila Amihan at Ditas palabas ng tindahan.

avataravatar
Next chapter