19 19 Magandang Lalaki

Tinanghali ng gising si Amihan. Tapos nang kumain sila Leo at Ditas at nasa sala silang nagbabasa. Humalik ang dalaga sa mga magulang saka pumunta sa silid-kainan.

"Napagod ka ba kahapon sa ensayo?" pagalala ni Ditas sa anak habang sinusundan ito sa silid-kainan. Kinatatakutan niya ang nangyaring pagkahimatay ng anak at kung maaari lang ay huwag na itong maulit.

Umupo si Amihan sa harap ng nakapwestong pinggan at tinakpang pagkain. Naupo sa tapat niya si Ditas.

"Hindi lang ako nakatulog kaagad. Marahil nasasabik ako sa aking kaarawan." Nagsinungaling si Amihan kaya hindi ito makatingin sa ina. Paano niya sasabihin ang gumagambala sa kanya lalo pa't baka mag-alala na naman sila. Ayaw na niyang bumalik sa ospital ngunit kailangan pa rin siyang obserbahan ni Dr. Cruz.

"Marami pa bang dapat gawin? Hindi ba may kinuha tayong isang propesyonal na mangangasiwa ng iyong handa?" Hindi na pinansin ni Ditas kung nagsasabi nga ng totoo ang anak. Alam niyang nahihirapan din si Amihan sa nangyayari sa kanya. Ngunit kung maaari lang ay huwag siyang magtatago ng kanyang nararamdaman sa katawan. Baka may kung ano nang karamdaman ang anak at hindi ito malunasan agad. Subalit kailangan niya pa ring habaan ang pasensya para sa nag-iisang anak. Sabagay, nasa edad si Amihan na ang mga kabataan ay mahirap maunawaan.

"Handa na ang lahat. Imbitasyon na lang ang hindi ko naibibigay. Pwede po bang si Mang Roger ang magdala ng imbitasyon sa mga imbitado?" tanong ni Amihan na may pag-aalala. Si Mang Roger ang kanilang tagapagmaneho ng sasakyan tuwing may lakad si Amihan. Ngunit parang walang gana si Amihang magbahay-bahay. May iba siyang gustong gawin.

"O sige. Ano bang balak mo?" pagsang-ayon ng ina.

"Magpapahatid lang ako sa shopping mall at iwan na ako ni Mang Roger dun. Saka siya magdala ng mga imbitasyon sa mg kaibigan ko."

"Paano ka uuwi? Baka may mangyari sa iyo sa daan. Gusto mo bang samahan kita?" Dalangin ni Ditas na pumayag si Amihan. Matagal na rin silang hindi nagsasamang mamili.

"Sige po. Kung hindi nakakaabala sa inyo," tango ni Amihan. Napangiti ng malaki si Ditas. Sa wakas ay pumayag din si Amihan na samahan siya ng ina.

Ibinaba si Amihan at Ditas sa harap ng pinakamalaking tindahan sa Lungsod ng M. Umakyat sila sa ikatlong papalapag gamit ang elevator. Dumiretso sila sa isang malaking tindahan ng mga gamit sa pagpipinta at paglililok.

Nakahilera ang eskaparate sa gitna ng tindahan. iba't ibang klase ng pintura ang makikita na nakaladlad lamang doon. Pati iba't ibang hugis at laki ng mga pinsel at iba pang gamit sa pagpinta. May mga lonang nakadikit sa iba't ibang laki ng kuwadro. Sa isang sulok ay mga gamit sa paglililok. May mga makabagong gamit din sa pagpipinta gamit ang isang makinang bumubuga ng pintura. Sari-saring papel, mga pansulat at pangguhit ang nakaladlad din sa isang mahabang mesa sa isang gilid ng tindahan. May mga ibinebenta ring mga aklat tungkol sa sining. Maaliwalas at makulay ang tindahang iyon. Ang lahat ng mga mamahalin at galing sa ibang bansang mga gamit ay nasa loob ng mga kabinet na gawa sa salamin at nakasusi pa ang mga iyon.

Nilibot muna ni Amihan at ng kanyang ina ang loob ng tindahan. Kakaunti lang ang tao sa loob sapagkat kabubukas pa lang ng tindahan. Tumingin-tingin si Amihan sa mga nakaladlad na mga bagong dating na mga produkto. Natutuwa siya sa mga nakikita niya sa loob ng tindahan. Lahat ng makitang sining ay lalong nagbigay sa kanyan ng inspirasyon at masayang lagay ng kalooban.

Sa isang gilid ng eskaparate kung saan siya nakatayo, may napansin siyang bagong dating na mga lapis at pangguhit. Namili siya ng mga nagugustuhan niya. Sa dami ng kanyang mga pinili, hindi nagkasya sa dalawa niyang kamay ang mga iyon kaya ang iba ay nalaglag. Nakalimutan niyang kumuha ng plastik na bayong sa may pintuan ng tindahan.

Dadamputin niya sana ang mga gumulong na mga lapis ng may biglang dumampot ng mga iyon. Napatigil si Amihan sa paghabol sa mga lapis at nang maituwid niya ang kanyang nakayukong katawan ay nagulat siya sa nakita niya.

Si G. Abel Bonifacio!

Nakangiting tumindig si Abel mula sa pagpupulot ng mga nalaglag na lapis ni Amihan. Iniabot ang mga ito sa kanya at nagwika, "Dito ka rin pala namimili ng mga gamit?"

Hindi kaagad nakasagot si Amihan sa pagkabigla. Pakiwari niya ay biglang umakyat ang dugo niya at uminit ang kanyang mga pisngi.

"Paminsan-minsan po," nahihiyang tugon ni Amihan habang tinatanggap ang mga lapis niya mula kay Abel.

"Huwag mo naman akong po-po-in," sabi ni Abel na bahagyang kumunot ang noo. "Hindi pa naman ako ganoon katanda. 22 pa lang ako."

Napakagat ng labi si Amihan at nagpaumanhin, saka nagpaalam at biglang tumalikod kay Abel. Hahakbang na sana palayo si Amihan ng hawakan ni Abel ang kanyang balikat. Napatigil si Amihan at nilingon si Abel na may pagtataka.

"Heto ang basket," sabay abot nito kay Amihan. "Ikaw na ang gumamit."

Nakita ni Abel na imposibleng mahawakan ni Amihan ang basket sapagkat nasa mga nakalahad niyang palad ang mga gamit at lapis. Itinapat na lang ni Abel sa ilalam ng mga kamay ni Amihan ang basket. Ibinaba niya ang mga kamay ng dalaga sa loob ng basket at ipinaagos sa mga kamay nito ang mga hawak sa loob ng basket. Binitbit ni Abel ang basket. Kukunin sana ni Amihan ito ngunit iniwas ni Abel sa kamay niya ang basket.

Namula si Amihan sa gawi ng lalaki. Hindi makapaniwala sa nangyari. Hindi niya inaasahan na patuloy na bibitbitin ni Abel ang inialok na basket na naglalaman ng kanyang mga pinamili.

Itinaas ni Amihan ang kanyang mga mata kay Abel at nakita niya ang magandang ngiti nito. Pantay ang mapuputing ngipin na lalong tumingkad laban sa mapupulang mga labi nito. Itinaas pa niya ang mga mata sa mukha ng lalaki at nakita nito ang mapupungay at nakangiting mga mata sa ilalim ng makapal ngunit maayos na mga kilay. Matangos din ang ilong nito. Kung pagsasama-samahin ang kabuuan ng mga parte ng kanyang mukha, isa siyang magandang lalaki tulad ng pagpupuna ni Odette.

Tumango ng isang beses si Amihan saka nagpasalamat.

avataravatar
Next chapter