5 Kabanata Isa [3]

Agad na binuklat ni Myceana ang laman ng paper bag at doon tumambad sa kaniyang paningin ang sari-saring larawan na ginupit mula sa isang dyaryo. Binuhos niya ang laman nito sa sahig at napagtanto niya na may kalakip din pala itong mga teksto na sa tingin niya'y mga artikulo ng diyaryo.

"Iyan ang mga nakalap naming impormasyon tungkol sa kanila, ang sinasabi riyan ay namatay sila sa aksidente, iba't-ibang aksidente, pero ang totoo ay hindi---pinatay sila Myceana." Pahayag ni Arlette, "Iniisa-isa nila tayo, inuubos nila tayong mga produkto ng mga eksperimento nila."

Hindi makasagot si Myceana, napako ang kaniyang tingin sa artikulong binabasa. Hindi niya mapigilan ang sarili na hindi manlumo nang malaman na maraming inosenteng kagaya nila ang namatay dahil sa kademonyohan ng mga syentipikong namamahala sa Herozoan. Bawat salitang ibinabahagi ni Arlette at ang nababasa niyang balita na hawak-hawak ay naghatid sa kaniya ng kirot.

"Ilang kauri natin ang pinaslang nila?"

"Anim na," sagot ni Cyan.

"Kaya ka namin iniligtas Myceana dahil ayaw naming masama ka sa listahan ng namatay. Isa pa ay makapangyarihan ka, malaki ang maitutulong mo sa susunod na ililigtas natin. Hindi tayo papalya." Panghihikayat ni Arlette.

Sa puntong iyon, sa 'di inaasahang pagkakataon ay biglang nagdesisyon si Myceana. Pinapangako niyang hindi na siya magtatago pa sa dilim at ito na ang pagkakataon para sa kaniya na lumabas. Nawala na sa kaniyang sistema ang takot, bagkus lumukob sa kaniya ang determinasyon na sulusyonan itong tahimik na digmaang namamagitan sa kanilang uri at ng Herozoan.

Panahon na upang tanggapin niya kung sino nga siya, tanggapin itong kakayahan niya ay kapaki-pakinabang at hindi lamang isang sumpa mula sa mga demonyong lumikha. Kating-kati na ang kamay niya't gusto niyang pilipitin ang leeg ng mga taong humahabol at pumapaslang sa kanila.

"Sasabak ako sa laban na ito."

▪ ▪ ▪

Ika-20 ng Nobyembre, 2018

9:12 am

Umalingawngaw ang tunog ng wind chimes nang itulak nila ang pinto ng isang popular convenience store, pagpasok nila'y napatingin kaagad sa kanilang gawi ang iilang mga tao na abala sa pamimili ng mga bilihin. Hindi nila ito pinansin, sa halip ay nagpatuloy silang tatlo at tinungo ang bahagi kung saan naroon ang iilang mga kakailangangin nila; nakahilerang mga tinapay sari-saring inumin na pwede nang paglipasan ng gutom.

"Kumuha kayo ng makakain n'yo na sapat para sa tatlong araw." Utos ni Arlette sa dalawa.

Agad naman silang nagsikilos at kumuha ng kaniya-kaniya basket na mapaglalagyan ng makakain. Walang kontrol at todo-kuha lang silang tatlo; takam na takam sila lalo pa't minsanan lang silang nakakakain ng ganito na sila 'yung pumipili ayon sa kagustuhan nila.

"Kumuha lang kayo, ako na ang bahala."

Napatigil si Myceana nang bigla siyang nabingi narinig ang boses ni Arlette sa isipan niya. Hindi pa siya sanay kung paano siya nakakausap nito sa isipan lang, kung kaya't may pagkakataon talaga na nabibigla siya. At napatango na lamang siya bilang pagsang-ayon at nagpatuloy sa pamimili.

ILANG SAGLIT PA, makalipas ang ilang minuto ay natapos na rin sila sa pamimili. Punong-puno ang kaniya-kaniyang basket ng mga inumin gaya ng fruit drinks at tubig, laman din nito ang sari-saring tinapay at iilang kagamitan; flashlight, baterya, gamot, at iba pa na sa tingin nila'y aabot na ng linggo kung susulitin at magiging maingat sila sa pagbabahagi nito. Hindi alintana ang bigat ng bawat basket, bagkus kaniya-kaniya nilang binuhat ito patungo sa puwesto ng counter.

Nang makadalo sila sa kinalulugaran ng counter ay kitang-kita ni Myceana kung paano tinitigan ni Arlette ang lalakeng kahero. Hindi man sila magkalapit pero napansin niya kung paano saglit na lumaki o lumawak ang pupil ng lalake at nagbalik sa normal. Batid niyang kinakausap na naman ito ni Arlette gamit ang isipan.

Sunod niyang nasaksihan ay ang biglaang pagkilos ng lalake; dali-dali nitong inasikaso ang mga napili nilang tatlo at kaniya-kaniyang isinilid sa isang malaking plastic bag, dire-diretso animo'y nagmamadali.

"Salamat," nakangiting sabi ni Arlette nang mabalot lahat at inilaan na ito sa kanila.

"Sige po, sa susunod ulit." Sagot ng lalake at saka umalis ng counter nang walang paalam.

"Tara na," aya ni Arlette saka diretsong umalis na hindi man lang nagbabayad.

"Arlette, hindi na ba tayo magbabayad? Libre na ba 'to?" Nagtatakang tanong ni Myceana.

"Hindi na, kaibigan ko 'yun. Siya na ang bahala sa lahat." Sagot nito sa kaniyang isipan.

Hindi man kuntento sa sagot nito at may pag-aalinlangan pa rin ay sumunod na lamang si Myceana at nanahimik. Hindi na siya lumingon pa at agad na sumakay sa kanilang nag-aabang na van.

Pagpasok ay agad nilang isinaayos ang mga suplay sa pinakalikurang bahagi ng sasakyan, kalunan ay pumwesto na rin sila sa kaniya-kaniyang upuan at sumandal sa malambot na upuan. Hindi na nagtagal pa ay binuhay kaagad ni Arlette ang makina ng sasakyan saka ito nagsimulang magmaneho, tinatahak ang daan papunta kung saan.

"Saan tayo, Cyan?" Tanong ni Arlette.

"Sa ilalim ng Hamilton Bridge, doon na naman tayo." Sagot naman nito.

"Sige."

▪ ▪ ▪

Ika-21 ng Agosto, 2018

4:19 pm

"Day 75, testing Host-004." Panimula ng lalakeng doktor sa harap ng camera at saka nagsimulang kumilos.

Mula sa hawak-hawak nitong paper bag ay hinugot ng lalake ang isang mansanas at dalawang piraso ng saging. Inilapag nito sa mesa ang mga prutas at saka binalingan siya ng tingin. Hindi ito nagsalita, hindi siya nito kinausap, sa halip ay lumapit sa kaniya ang doktor at humugot ng isang itim na tela mula sa bulsa ng uniporme nito.

Hindi siya gumalaw at naghintay lamang ng mangyayari. Kontrolado na ang kilos niya; sa mga nagdaang araw ay naging maingat na siya sa kaniyang galaw. Takot na takot siya na maranasan muli ang pinakamalaki at pinakamasakit na parusang ipinataw sa kaniya. Wala man itong pisikal na epekto sa kaniya, pero ang laki ng sugat na idinulot nito sa kaniyang puso't isipan ay malala.

Ilang saglit pa ay tuluyang nakalapit na rin ang doktor sa kaniyang kinauupuan. Gaya ng inuutos sa kaniya araw-araw ay nanatili siyang kalmado at naghihintay lamang ng dikta bago gumagalaw, hindi siya kumilos at hinayaan ang doktor na piringan siya ng itim na tela.

Hinigpitan nito ang pagkakatali sa likod at sinigurong hindi talaga siya makakakita at bubulagin siya ng dilim.

"Ngayon, Host-004. Gusto kong pagalawin mo ang tatlong prutas na nasa mesa. Dito natin masusukat kung gaano ka kahasa sa iyong kakayahan at kung gaano kalawak ang iyong impluwensya. Ayusin mo, ang tagumpay ay may gantimpala, ang kapalpakan ay may parusa." Ani nito na may halong babala.

'Host unlocked.'

Nangangambang tumango siya at malalim na suminghap ng hangin. Inisip niya't pilit na tinunton ang kinalulugaran ng prutas, umaasang sana ay gagana ang plano niya't mapapagalaw niya ito. At sunod niyang naramdan at ang malayang pagdaloy ng sariling kakayahan sa katawan na naghatid sa kaniya ng takot.

avataravatar
Next chapter