2 Anino 2

Maliwanag na ang kwarto ngunit pakiramdam ni Dean na ang buong paligid ay kasing dilim ng ilalim ng balong malalim kung saan gustong magswimming ng isang singer dati. Wala siyang detalyeng makita sa loob ng kwarto dahil ang kanyang titig ay nakatuon sa kanyang hindi inaasahang bisita.

Nakangiti pa rin ang unggoy matapos nitong batiin ng unggoy. At least magalang ang hayop. Nakatitig pa rin ito kay Dean.

Si Dean nakatitig sa mata ng unggoy. Ang unggoy nakatitig sa mata ni Dean. Nagmimistula silang nagpapaligasahan ng titigan at ang unang kumurap ay talo. Kung anime lang ang dalawang ito, siguradong makikita ang kuryenteng dumadaloy sa linya ng kanilang titigan. Nagtutulakan. Patibayan ng loob.

Nanatili sila sa ganun posisyon. Wala kumikibo. Ang buong kwarto ay parang nasa estado ng suspended animation, na kung saan ang oras ay nakahinto na taliwas sa mga batas ng physics. Ang Tv ay nanatiling nakapatong sa mesa. Ang mga libro ang nakapatong pa rin sa ibabaw ng double deck. Ang mga maruruming damit ay nasa ropero pa rin. Ang mga plato ay nasa lababo pa rin. Ang gripo sa lababo na kadalasan ay tuloy tuloy ang pagpatak na nagbibigay ng tunog na parang bomba na na-activate na ang timer, tick tick tick, ngunit ito ngaun ay tahimik. Natigil ang pagpatak ng tubig. Either nakatigil nga talaga ang oras, o wala lang talagang tubig.

Ang unggoy ang unang bumasag sa katahimikan.

"Oh, bakit tulala ka dyan? Parang kang nakakita ng multo."

Tumatakbo pa rin ang utak ni Dean. Pilit iniintindi ang mga sitwayon ngaun. Ngunit sadyang mailap ang pagkaintindi sa kanya.

"Magsalita ka kaya. Igalaw mo mga labi mo gaya nito oh. He…llllll….llllooo", ang sabi ng unggoy na parang inang tinuturuan sa unang pagkakataon ang anak para banggitin ang salitang iyon.

Pagod na ang utak ni Dean. Talagang wala siyang mahagilap na eksplinasyon para sa mga nangyayari. At dahil na rin napawi na ang pagka shock at kumbinsidong hindi na nya mahahanap pa ang kasagutan sa mga isang libot isang tuwang mga tanong sa kanyang utak, gumalaw si Dean. Sinunggaban ni Dean ang payong na katabi lang mismo niya at nakasandal sa pintuan. Ang payong ay ung hindi natitiklop na uri, at me bakal sa ito sa dulo. Hinawakan parang baseball bat.

Nagsalita ulit ang unggoy,  "Nanood ako ng News kanina, hindi daw uulan ngaun."

Nakapose pa rin si Dean na parang isang MLB player. Bagamat wala atang MLB player na naging sikat sa paggamit ng payong para makaiskor ng maraming home runs.

Tuyo ang lalamuman at uutal utal, lumabas sa bibig ni Dean ang mga unang salita niya mula ng ito ay magising.

"Sino ka?!"

Matapos niyang mabigkas ang mga salitang iyon, naalala ni Dean na ang kanyang kausap ay isang hayop at hindi tao. Bago pa man nakasagot ang unggoy, binago ni Dean ang tanong.

"Ano ka?!"

"DUH?!", ang panunuyang sabi ng unggoy habang minumuwestra ang kamay sa kanyang ulo papaba sa buong katawan.

"Anong ginagawa mo dito? Anong kailangan mo?"

Nakatitig pa rin ang unggoy sa kanya. Watching Matsing. Unti-unting napawi ang ngiti sa mga labi nito. Ang mga mata ay nagkaroon ng seryosong tingin. Tumayo mula sa pagkaka dekwaktro at tumuntong sa upuan. Sa unang pakakataon ay kumalas sa pagkakatitig kay Dean at yumuko.

"Kiko, makinig ka." Malamyos ang tinig ng unggoy. Mapapagkalamalan pang meron itong tono na isang nagmamahal.

Pagod na ang puso ni Dean sa pagtibok ng walang humpay at lampas sa tibok per minute ng normal na tao. Sa bilis ng pagtibok nito ngaun, para siyang nag jogging ng 5 kilometro, ng walang humpay, at me pasan pasang ref. At sa pagkarinig ng pangalang "KIKO",  nagmistulang nagkaroon ng lamang elepante ang ref. At dumoble ulit ang bilis ng tibok ng kanyang puso.

Kiko ang tawag sa kanya ng kanyang mga magulang noong bata pa lang siya. Sila lang ang tumatawag sa kanya ng pangalang yun. Tinatawag siyang Kiko kapag nasa bahay sila at walang ibang taong nakakarinig. Ngunit Dean pa rin ang tawag sa kanya ng mga ito kapag me mga taong nakakarinig. Ng tanungin niya kung bakit Kiko ang tawag nila sa kanya, ang sagot nila ay dahil sa noong bata pa siya, ang tawag nya sa biskwit,  ay KieCoo, imbes na Cookie. At iyon ay ang pribado nilang tawag sa kanya dahil iyon ang nagsisilbing pet name niya. Siya si Kiko, para ke Protacio at Ising. At para sa kanila lamang, wala ng iba.

"Ha? Anong sinabi mo?", gulat na sabi ni Dean.

"Kiko, makinig ka sa mga sasabihin ko ngaun. Dahil ito na siguro ang una't huling pagkakataon na makakausap mo ako."

"Sino ka? Hindi ako si Kiko. Dean ang pangalan ko!", pilit na diin ni Dean.

"Ikaw si Kiko.", ang sabi ng unggoy.

"Hindi ako si Kiko! Baka Ikaw!" ang sabi ni Dean sa matsing.

"Matalas ang iyong humor.", natawang sabi na matsing "Ngunit hindi Kiko ang pangalan ko. Ikaw si Kiko."

Gusto na maluha ni Dean. Hindi dahil sa lungkot at lalong hindi dahil sa tuwa. Kundi dahil sa takot at pagkatuliro.At kahit alam niyang impossible, nasambit nya ang inisip niyang pinakamalapit sa katotohanan na pwede nya masambit sa kanyang mabalahibong bisita.

"Itay? Inay?"

Tumitig ulit ang unggoy sa kanya. Maamo ang mga mata nito. Seryoso.

"Hindi ako ang iyong nakagisnang ama o ina. Hindi ako si Protacio o si Ising."

"Sino ka at bakit mo ako tinatawag na Kiko?"

"Dahil, iyon ang sinabi ko sa kanilang itawag nila sa iyo nang ikaw ay ibigay namin sa kanila ng iyong Tunay mong ina."

Habang binabangit ng unggoy ang mga katagang ito, pinangangambahan na ni Dean ang susunod na mga babanggitin nito.  Para siyang nasasakal sa tindi ng pagpigil nya sa kanyang paghinga.

"Kiko, makinig ka. Nanganganib ang iyong buhay at buhay ng ilang tao, makinig kang mabuti, anak."

avataravatar
Next chapter